Kabanata 17

SHAN

KAGAGALING ko sa duty at umuwi ako para magpalit ng damit dahil hapon pa naman ang klase ko. Pinipilit kong kumilos ng normal dahil ayaw kong pilitin na naman nila akong ilaglag ko ang anak ko.

"May pasok ka?" tanong sa akin ni Nanay nang paakyat sana ako sa kuwarto. May iba sa tono niya na hindi ko mapagtanto kung ano.

"Meron po, pero mamaya pa pong alas tres," sagot ko sa kaniya. Hindi ko maipaliwanag ang kabang nararamdaman ko dahil ngayon lang niya ako ulit kinausap mula nang sagot-sagutin ko siya. Wala rin akong ideya kung alam ba niya ang ginawa kong nasaksihan ni Sharry.

"Mabuti kung gayon. Nasabi na sa akin ng kuya Seph mo ang plano n'yo," aniya at para akong nabuhusan ng malamig na tubig sa narinig ko.

"P–Plano? W–Wala po kaming plano," maagap kong turan. Natatakot ako sa kung ano man ang ipinarating ni kuya Seph sa kaniya.

"Huwag ka nang mag-inarte. Wala ka sa lugar para mag-inarte pa na parang napakalinis mo," aniya sa akin at nakita ko ang pagbabago ng timpla niya. "Kung si Calvin lang ang paraan para maiayos mo 'yang pesteng buhay mo, suungan mo. Sa dami na ng nangyari, nagpakita ba rito ang hayop na nakabuntis sa 'yo? Hindi. Kaya huwag kang umasta na akala mo may ipagmamalaki ka. Magpasalamat ka nga at nakahanap ang kuya Seph mo ng paraan para ilayo ka sa kahihiyan. Iayos mo 'yang pag-uutak mo. Huwag mo 'kong pikunin, sinasabi ko sa 'yo," mahaba niyang turan na may kasamang pagbabanta.

Napayuko ako bago ako nagsalita. Hindi ko kayang salubungin ang mga tingin ni Nanay. Pakiramdam ko ay kaya akong saktan ng mga mata niya.

"H–Hindi po ba kayo nakokonsensya na gagamitin n'yo ang pagkakagusto sa akin ni Calvin para lang lokohin siya at ang pamilya niya? N–Nay, hindi n'yo ako gan'on pinalaki, kaya ang hirap-hirap para sa akin ang magpanggap—" Napahinto ako dahil bigla na lamang niyang itinulak ng daliri niya ang sintido ko.

"Iyan, diyan ka magaling, punyeta ka! Sa pag-iinarte mo! Ngayon ka pa ba magda-drama nang ganiyan? Kung kailan ito na at ayos na? Punyeta ka! Noong ginagawa mo 'yang pesteng bata na 'yan wala kaming kamalay-malay tapos ngayon na isa na 'yang problema, kasama mo kaming magpapasan? 'Tang ina, Shan. Huwag mo 'kong galitin!" aniya at unti-unti nang tumutulo ang mga luha ko. Hindi ko makuha kung bakit kulang na lang ay wala na akong makuhang respeto at pang-intindi sa kanila.

Hindi ko magawang sumagot. Ang sikip-sikip ng dibdib ko. Akala ko nang mga nakaraang araw na tahimik sila sa pakikialam sa nais ko ay huminto na sila. . . mali pala ako. Bumubuwelo lamang pala sila ng paraan para makuha ang mga nais nila mula sa akin.

Minsan naiisip ko, paano kung hindi ako nabuntis ni Zeev? Ganito pa rin kaya ang gagawin nila? Ipagkakanulo pa rin kaya nila ako kay Calvin dahil may mapapakinabangan sila sa pamilya niya?

Sa tuwing iisipin ko iyon, pakiramdam ko ang bigat ng mga pinagdaraanan ko. Hindi ko matatawag na katuwang ko si Sharry dahil napakabata pa ng kapatid ko para bigyan ko siya ng mga ganitong klase ng problema.

"Darating dito ang pamilya ni Kapitan kasama si Calvin para dito mananghalian. Siguraduhin mong naka-ayos ka, dahil kung hindi, sinasabi ko sa 'yo, sa ayaw at sa gusto mo, kakaladlarin kita papunta kina Aling Nita para ipatanggal 'yang pesteng bata na 'yan!" ani Nanay at nagulat ako sa narinig ko.

Ipagpipilitan pa rin nila ang plano, gustohin ko man o hindi. Wala akong laban. Ang hirap. Ang bigat. Kahit na anong gawin ko. . . hindi ko magagawang takbuhan ang sitwasyon na 'to. . . dahil sobrang hina ko.

        
NAKASUOT lamang ako ng pambahay na t-shirt at jogging pants habang naghahanda ng mga pagkain na ilalagay sa lamesa nang mapansin ako ni Tatay. Hindi ito kumibo, tiningnan lamang niya ako nang mataman na animo inuusig niya ako.

"Dalian n'yo riyan!" sigaw ni Nanay mula sa labas ng bahay. Doon kasi inilagay ang mesa para magkasya ang marami.

"Magpalit ka ng damit mo," tipid na wika ni Tatay nang dumaan siya sa harap ko. "Huwag mo nang lalo pang ipahiya ang pamilya 'ko."

Ang mga salitang iyon ay nilunok ko. Wala akong pagpipilian kung hindi tanggapin iyon at patuloy na isiksik sa utak ko, dahil alam ko namang karapat-dapat kong matanggap ang mga salitang iyon. Nagkamali ako. Ako ang may kasalanan ng lahat ng nangyayaring ito.

Umakyat ako sa silid ko at nagpalit ako ng damit. Isinuot ko ang kulay peach na dress na iniregalo sa akin ni Mikmik nang kaarawan ko. Ipinusod ko ang buhok ko saka na ako bumaba.

Saktong nasa sala na ako nang makita kong dumating sina Calvin maging ang pamilya nito. Kasama nito sina Kapitan maging ang esposa nito.

Napadako ang tingin sa akin ni Calvin kaya't tipid ko siyang nginitian. Inuusig ako ng konsensya ko sa mga plano ng pamilya ko. Hindi ko alam. . . pero hindi ko talaga kayang gumamit ng ibang tao para lang sa pansarili kong interes.

Naglakad siya patungo sa akin at nagulat ako nang guluhin niya ang buhok ko kahit pa nakapusod na ito. "Hindi mo kailangan magsuot ng ganiyan dahil lang darating ang pamilya ko. Doon ka sa kung saan komportable ka," aniya at muli akong nginitian.

"Calvin—" Hindi ko naituloy ang dapat na sasabihin ko kay Calvin dahil bigla na lamang dumating si kuya 
Seph at inakbayan ako.

"Alam kong maganda ang kapatid ko, 'tol. Punasan mo 'yang laway mo," pang-aasar niya kay Calvin kaya't napatawa ito.

"Bata pa lang 'yan, alam kong lalaki iyang magandang dalaga, at hindi nga ako nagkamali," ani Calvin saka ako tiningnan at nginitian.

"Kung makapagsalita ka naman, para apat na taon lang naman ang tanda mo sa kaniya. Suwerte mo, 'tol, mukhang ikaw rin ang type nitonv kapatid ko," patuloy ni kuya Seph at hindi ko nagugustuhan ang sinasabi niya. Lalo niya lamang binibigyan ng malisya ang utak ni Calvin.

"'Tol, hindi ko minamadali si Shan. Bata pa naman siya. Ayos lang sa akin kung kailan siya magiging handa. Hindi ko siya pipilitin sa mga bagay na hindi niya handang ibigay kahit iyon pa ay ang pag-oo niya sa panliligaw ko. Hindi natin siya kailangang madaliin. Kuntento na ako na kahit paano ay nakakalapit ako sa kaniya," ani Calvin at naramdaman ko ang pagpisil ni kuya Seph sa balikat ko. Naiintindihan kong nararamdaman niyang nanganganib ang plano niya kung hindi magbabago ang isip ni Calvin.

"KUMAIN NA!" sigaw ni Tatay kaya't tinungo naming tatlo ang labas kung saan nakaupo na ang mga matatanda sa harap ng hapag-kainan.

Tatabi sana ako kay Nanay nang bigla na lamang akong unahan ni kuya Seph kaya't napilitan akong maupo sa tabi ni Calvin.

"Napakagandang dalaga talaga nitong si Shan, ano?" anang asawa ni Kapitan kaya't nahihiya akong napayuko. Ayaw na ayaw kong pinag-uusapan ako. Parang binabalot ng takot ang dibdib ko.

"Sinabi mo pa. Ang dami ngang nagtatangkang manligaw sa batang iyan, mabuti na lamang at istrikto ang tatay niya kaya hindi malapitan," sagot naman ni Nanay at lihim akong napapakagat sa pang-ibabang labi ko.

Hindi ko magawang lunukin ang mga kasinungalingan na iyon lalo pa't para lang iyon sa kagustuhan nila na gamitin ang pamilya ni Calvin.

Naramdaman kong umumang sa tainga ko si Calvin saka ito mahinang bumulong. "Pasensya na kung nahihiya ka at hindi ka makakain. Hayaan mo, ililibre na lang kita sa tusok-tusok pagkatapos natin dito," anas niya at aaminin kong kahit paano ay nakahinga-hinga ako sa sinabi niya.

Ipinagsandok ako ni Calvin ng pagkain na mukhang nagustuhan ng mga matatanda maging ni kuya Seph. Nararamdaman at nakikita kong nais nila kaming ipagkasundo, pero hindi ko iyon masisikmura. Hindi ko puwedeng ipaako sa iba ang responsibilidad na hindi naman sa kanila. Tanga na kung tanga, pero hindi ko puwedeng gamitin si Calvin para lang makaligtas ako sa kahihiyan. Isang malaking kasalanan iyon, at. . . hindi ko na balak pang dagdag ang mga kasalanan ko.

Natapos ang tanghalian na iyon at nagpaiwan si Calvin sa mga magulang niya. Iniwan ko siya sa sala at umakyat naman ako sa silid ko para magpalit ng damit at para na rin kuhanin ko ang mga gamit at libro ko.

Matapos kobg magpalit ay palabas na sana ako nang bigla na lamang pumasok ng silid ang Nanay at kuya Seph.

"Kailangan may mangyari sa inyo sa lalo't madaling panahon hangga't hindi pa lumalaki ng tuluyan ang tiyan mo para hindi siya magduda sa 'yo," ani Nanay at gumapang ang kilabot sa akin sa itinuran niya.

"N–Nay, ano pong sinasabi n'yo—"

"Huwag mo na lalong pahirapan ang sitwasyon mo. Ito na lang ang paraan kung ayaw mo talagang tanggalin ang anak mo sa 'yo. Utak mo ang paganahin mo. Hindi na ulit darating sa 'yo ang pagkakataon na 'to!" putol sa akin ni kuya Seph saka na nila ako iniwan ni Nanay na nanginginig at may mga nagbabadya na namang mga luha sa mga mata.
    

MALAKAS ang ulan at na-stranded kami ni Calvin sa harap ng isang silong habang basang-basa. Wala kaming dalang payong dahil hindi rin naman namin inaasahan na lalakas ang ulan na ito.

"P–Pasensya na. Sinabi ko na kasing hindi mo naman ako kailangan pang sunduin—"

"Gusto kong sunduin ka. Hayaan mo na 'ko," putol niya sa akin. "Shan, malayo pa ang sa inyo, kung may tiwala ka sa akin at kung gusto mo, may transient diyan sa malapit, maligo ka na muna roon at magpalit ng damit. Baka magkasakit ka," aniya sa akin at nakita ko naman sa mga mata niya na sinsero siya.

Natatakot din akong magkasakit dahil siguradomg hihirapin ako lalo pa't buntis ako. Natatakot din akong baka kung anong mangyari sa anak ko kaya't napatango na lamang ako sa kaniya.

Tinungo namin ang sinasabi niyang transient at umupa siya ng isang kuwarto. Magka-agapay naming tinungo iyon nang makuha na niya ang susi.

"Ito na lang muna ang suotin mo. Mauna ka nang maligo," aniya habang inaabot sa akin ang isang roba na nakuha niya sa cabinet na narito.

Kinakabahan man ay kinuha ko iyon maging ang bag ko at tumungo sa banyo para maligo at makapagpalit.

Halos kalahating oras ang iginugol ko sa loob ng banyo dahil kakaiba ang kabog ng dibdib ko. Hindi ko pa naranasan ang ganito sa tanang buhay ko.

Matapos kong maligo ay lumabas ako at nadatnan ko si Calvin na walang pang-itaas. Marahil ay giniginaw na rin siguro siya kaya't ganoon.

"P–Puwede ka nang maligo, Calvin—"

"Shan. . ." tawag niya sa akin na pumutol sa akin sa pagsasalita. Nawala ang sinserong mga mata niya at may kakaiba akong nakikita roon. Hindi ko maipaliwanag.

Natatakot ako. . . sobrang natatakot ako.

Nanginginig akong humakbang papaurong, patungo sa pintuan ng banyo.

"C–Calvin, anong nangyayari sa 'yo?"

Imbes na sumagot ito ay bigla na lamang iting suminghot at kinuskos naman niya ang ilong niya. Luminga ako sa paligid at nagulat ako nang may makita akong pakete ng foil na madalas ko lamang nakikita sa balita.

"Hindi ko alam na ganito kadali kitang makukuha. Kailangan lang pala talaga nang mabubulaklak na mga salita para mapa-amo ka," anito saka nagsimulang humakbang patungo sa akin.

Tila ako papanawan ng ulirat sa kakaibang takot. Nanginginig na ako. Hindi ko na alam kung anong mararamdaman ko. Binabalot na ng takot at pangamba ang buo kong sistema.

"C–Calvin. . . para mo nang awa. H–Huwag ganito—"

"'Tang ina! Ang tagal-tagal kitang inasam-asam, alam mo ba 'yon? Gusto kong pilipitin ang leeg ng putang inang Manileño na 'yon!" sigaw nito sa akin.

Gulantang ako sa nakikita ko. Nawala ang Calvin na masayang ngumingiti sa akin. Nawala ang Calvin na nagsasabing hinding-hindi niya ako pipilitin. Tila demonyo ang nasa harap ko ngayon. . . o baka mas masahol pa sa demonyo.

Napahawak ako sa seradura ng pintuan ng banyo dahil tila bibigay na ang mga tuhod ko.

Akma niya akong dadambahin nang lumuhod ako sa harap niya at nagmakaawa. "C–Calvin, parang awa mo na. B–Buntis ako. H–Huwag mo kaming sasaktan—AHH!" bigla na lamang ako nitong sinampal ng ubod nang lakas. Para akong nabingi sa ginawa niyang iyon, idagdag pa ang takot na nangingibabaw sa akin.

"PUTANG INA MO! MALANDI KA PA LANG POKPOK KA!" sigaw nito na mukhang hindi inaasahan ang sinabi ko. "PUTANG INA, AKALA KO, AKO ANG MAKAKAUNA SA 'YO! PUTANG INA TALAGA!" galit na bulalas niya saka ako muling nakatikim ng sampal sa kaniya.

"P–Parang awa mo na—AHH!" Bigla niya akong sinabunutan at halos matanggal ang anit ko sa sakit niyon.

"'TANG INA, ANG TAGAL. . . ANG TAGAL KONG NAGHINTAY, 'TANG INA! BATA KA PA LANG GUSTONG-GUSTO NA KITANG TIKMAN! PINILIT KONG MAGPAKATINO SA TUWING KAHARAP KA, TAPOS 'TANG INA MAY NAKAUNA NA PALA?"

Gusto kong pumalahaw ng daing lalo pa nang itayo niya ako habang sabu-sabunot niya ang buhok ko.

Nararamdaman kong malapit na akong takasan ng malay-tao ngunit nagpapakatatag ako para amin ng anak ko.

Hindi ko inaasahan. . . na diablo pala ang taong iniisip ng pamilya ko na makakapagligtas sa akin sa kahihiyan.

Inipon ko lahat ng lakas na mayroon ako at itinulak siya sa abot ng makakaya ko saka ko mabilis na pinihit ang seradura ng banyo at pumasok doon bago ko iyon ini-lock.

Nanginginig akong dumulog sa gamit ko na narito. Nananalangin akong sana ay gumagana amg telepono ko.

"PUTANG INA MONG POKPOK KA! BUKSAN MO 'TO! HUWAG KANG PA-HARD-TO-GET, 'TANG INA KA!" sigaw ni Calvin sa loob kasabay ng pangangalabog niya sa pinto.

Nanginginig akong pumindot sa telepono ko. Halo-halong takot ang nararamdaman ko. Hindi ko maintindihan kung bakit kinakailangan mangyari sa akin ang bagay na ito. Hindi ko alam. . . Bakit? Bakit ako? Bakit kami pa ng anak ko?

"H–Hello. . . Dash? D–Dash, tulungan n'yo 'ko, parang awa n'yo na. T–Tulungan n'yo kami ng anak ko."

"SHAN!? SHAN? NASAAN KA?"

Halos mapagot ang hininga ko nang unti-unti nang umaangat ang kawit ng banyo sa lakas ng pangangalabog ni Calvin dito.

Minahal lang kita, Zeev. Ibinigay ko lang ang lahat sa 'yo. . . pero napakasakit ng mga nangyayari sa akin dahil lang. . . dahil lang minahal kita ng totoo.

"'TANG INA MO, POKPOK KA! KAPAG NABUKSAN KO 'TO, PAGSASAWAAN KITA NG HUSTO!"

"SHAN!? SHAN!?"

"S–Sa transient malapit sa eskwelahan, D–Dash. P–Parang awa n'yo na, bilisan n'yo. . . Parang awa n'yo na. . ."

--

M A Y O R A
I C E _ F R E E Z E

**

NOTE: PRESENT NA NEXT CHAPTER. THANK YOU.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top