Kabanata 16

SHAN

WALA akong kasama ngayon habang kasalukuyan akong kumain ng tanghalian dito sa cafeteria. Nakakalungkot dahil na-timing-an pa na may klase sina Mikmik at Dash sa modern philosophy.

Hindi ko gusto ang mga pagkain pero wala akong ibang pagpipilian kung hindi ang kainin ito dahil kanina pa ako nagugutom. Ayaw kong isipin na pinagtataguan ako nila Nanay ng pagkain, pero sa tuwinang magluluto sana ako para sa almusal, tapos na silang kumain.

Hindi ko gustong mag-isip nang hindi maganda pero iba talaga ang pakiramdam ko, at ayaw ko rin kumain ng mga nakikita kong pagkain sa bahay dahil natatakot ako sa maaari nilang ihalo roon.

"Hi, Shan." Napalingon ako sa nagsalita at nakita ko si Calvin na malawak ang pagkakangiti sa akin habang may hawak na isang pirasong rosas at mga tsokolate naman sa kabilang kamay.

Tipid akong ngumiti sa kaniya at naupo naman siya sa katapat kong upuan.

"Calvin—"

"Para nga pala sa 'yo, Shan," anito at inabot sa akin ang mga dala-dala niya. Wala akong balak tanggapin ito kung hindi pa maraming naki-usyoso. Ayaw ko lang na mapahiya siya sa mga nakakakita.

"S–Salamat," anas ko at yumuko muli sa pagkain ko.

Hindi ako komportable na may ibang tao sa paligid ko lalo pa sa sitwasyon na mayroon ako ngayon. Hindi sa gusto kong itago ang anak ko. Ang gusto ko lang naman ay protektahan siya.

Nitong mga nakaraan ay mas naging maselan ang sikmura at pang-amoy ko. Kaunting bagay na hindi ko magustuhan ang lasa o amoy, agad akong sumusuka. Ayaw kong may makakita niyon. Ayaw kong malagay na naman sa hindi magandang sitwasyon ang anak ko.

"Shan, namumutla ka. May masakit ba sa 'yo?" tanong niya sa akin. Gusto kong umiling pero hindi ko magawa. Umiikot ang paningin ko at masakit na masakit ang ulo at batok ko. Pakiramdam ko ano mang oras ay tutumba na lang akong bigla.

"C–Calvin, puwede ko ba akong dalhin sa clinic?" tanong ko sa kaniya at sunod-sunod naman siyang tumango saka na ako inalalayan para tumayo.

Hawak-hawak niya ako sa braso hanggang sapitin namin ang clinic kung saan wala naman ang attending nurse kaya'y iniupo na lamang niya ako sa isa sa mga clinic bed.

"Dito ka lang, ha? Hahanapin ko lang ang nurse," aniya at tumango naman ako bilang tugon.

Nararanasan ko ngayon ang hirap sa pagbubuntis na dati ay sa mga libro ko lamang nakikita. Totoo pala na mayroon mga babaeng maselan magbuntis.

Nakatanghod lang ako sa bintana ng clinic at nakikita ko si Calvin na tila hilo at takbo nang takbo sa paghahanap sa nurse. Nakita ko naman na totoong nag-aalala siya sa akin. Kita naman talaga sa mga mata niya ang sinseridad. . . pero hindi ko alam. . . hindi ko talaga siya makapa sa kahit saang parte ng puso ko.

Siguro kahit na anong sakit ng nangyari sa pagitan namin ni Zeev. . . alam kong siya pa rin. . . siya lang.

Ilang saglit pa ay dumating si Calvin kasama na ang attending nurse saka nila ako nilapitan.

"Namumutla ho siya kanina, Nurse Richel. Tapos itsura po siyang parang bigla na lang tataob," imporma niya sa nurse kaya't mabilis na tiningnan at kinapa ng nurse ang pulso ko.

Bahagya akong nakaramdam ng kaba nang manlaki ang mga nito sa akin na wari bang gulat na gulat. Iba ang pakiramdam ko. . . mukhang nalaman nito ang sitwasyon ko.

May katandaan na rin kasi ang nurse kaya't siguradong eksperto na ito sa mga bagay-bagay.

"Ibibili ko na po ba siya ng anti-flu? Sandali lamg po—" Pinigilan siya ng nurse nang akmang tatakbo na siya paalis.

"Mukhang maselan ang balat ng pasyente. Mayroon akong available na gamot para sa kaniya," anas nito kay Calvin ngunit alam kong nais lamang ako nitong pagtakpan. "Sa ngayon ay lumabas ka na muna at hintayin mo na lang na tawagin kita para alalayan siya," dagdag pa nito kaya walang nagawa si Calvin kung hindi tumango at lumabas ng clinic.

Tinalikuran ako ng nurse at nagkalkal sa drawer nito.

"Nurse—"

"Try this," anito saka ako inabutan ng pregnancy test kit.

"Ano pong—"

"Dalawang magkasunod na pintig ang bawat pintig na pulso mo. Nangyayari lamang iyan kung buntis ang babae kaya't subukan mo na 'to," putol nito sa akin at napayuko ako.

"H–Hindi na po kailangan. Alam ko naman pong buntis ako," halos pabulong na anas ko sa nurse nang mag-angat akong muli ng tingin at nagkibit-balikat ito sa akin saka ito tumango.

"Ilang buwan na?"

"Magdadalawa po," tipid na sagot ko.

"Ang lalaking nasa labas ba ang ama?" tanong nitong muli sa akin at umiling ako.

"Hindi po. Hindi ko po karelasyon ang lalaking nasa labas. Anak po siya ng kapitan sa barangay namin—"

"Pero, iha, mukhang type ka ng bagets na 'yon. Alam ba niyang buntis ka? Sa istilo niya, mukhang nililigawan ka niya," muling pang-iintriga nto sa akin pero itinikom ko na lamang ang mga labi ko. "Pasensya na. Mukhang ayaw mo pa yatang pag-usapan," anito nang hindi na ako magsalita.

Inabutan niya ako ng paracetamol na safe naman daw inumin ng buntis kaya't kinuha ko iyon at ininom.

Ilang minuto lang ang pinalipas ko ay tinawag na niya si Calvin para tulungan akong makalabas ng clinic.

"Shan, gusto. . . gusto mo bang maglibot muna? Kung may oras ka lang. Para lang kahit paano makahinga-hinga ka—"

"Hindi na, Calvin. Ayos lang naman ako. Huwag mo na 'kong intindihin. Wala rin naman akong duty ngayon. Makakauwi ako nang maaga at makakapagpahinga," putol ko sa kaniya at nakita ko ang pagdaan ng lungkot sa mga mata niya pero pinili niya pa rin na ngumiti sa akin.

"Sige, Shan, pero please. . . hayaan mong ihatid kita ngayon, ha? Ayaw kong iwan ka na lang bigla at kung anong mangyari sa 'yo," anito at tumango ako sa kaniya.

Pumasok ako sa klase ko habang naroon lang siya sa ilalim ng puno ng acacia at naghihintay na matapos ang klase ko.

Hindi ko alam pero kahit paano ay nakakaramdam ako ng konsensya sa nangyayaring ito, lalo pa't wala siyang alam sa sitwasyon ko.

Ayaw kong magpaasa ng tao lalo pa't alam ko kung gaano nakakamatay ang pakiramdam na bigla na lang maiwan sa ere. Iyong nakakadurog na pakiramdam na kahit na anong iwas ang gusto mo hindi mo maiiwasan dahil parang naka-ukit na iyon sa buo mong sistema at hindi mo maaaring takbuhan.

Natapos ang klase namin at maingat akong lumabas ng classroom namin dahil mayroong janitor na kasalukuyang naglilinis ng pathwalk.

Sinalubong ako ni Calvin at kinuha niya sa akin ang mga gamit ko. "Okay ka lang ba?" tanong niya at agad naman akong tumango.

"Yiiiiieeeeeee. Kayo ba ni Shan, Calvin?" tanong sa kaniya ni Mich, kaklase ko sa subject na 'to.

"Hindi. Huwag n'yo laming kantyawan at nahihiya si Shan. Masakit lang ang ulo niya kaya sasamahan ko," sagot niya naman dito at iginiya na ako paalis.

Pumara siya ng tricycle nang makalabas na kami ng university at agad kaming sumakay roon. Dahil may kalakihan si Calvin ay halos hindi kami magkasya sa tricycle.

"Pasensya ka na, hindi ko pa kasi kaya ang magkaroon ng sasakyan kaya hanggang tricycle lang muna tayo," ani Calvin kaya't hindi ko maiwasang lingonin siya at ngitian.

"Hindi naman kailangan, at hindi mo kailangan mag-isip ng kung anu-ano. Hindi ako ganoong klase ng babae," wika ko sa kaniya at bigla niyang inilagay ang malaki niyang palad sa buhok ko at ginulo iyon.

"Joke lang po," aniya saka pa ako nginitian.

Nang makarating kami ng bahay ay nadatnan namin sina kuya Seph at Tatay na nagkakape sa harap bahay namin.

"CALVIN!" sigaw ni kuya Seph saka pa siya tumayo at sinalubong si Calvin ng fist bump. "Napadalaw ka, 'tol?" tanong niya.

Papasok na sana ako sa bahay nang hawakan ako ni kuya Seph sa braso.

"Hinatid ko lang si Shan, nahilo kasi kanina," sagot sa kaniya ni Calvin. "Aalis naman na rin ako at ayokong maka-abala pa," dagdag pa nito at yumukod ng kaunti para bumati kay Tatay.

"Hindi, 'tol. Dito ka na maghapunan. Sandali lang," ani kuya Seph at walang nagawa si Calvin kung hindi tumango.

Pumasok kaming tatlo sa bahay at ako naman ay nagpaalam na dederetso sa kuwarto ko para magpalit na muna ng damit at saglit na makapagpahinga. . . ang kaso ay nakasunod pala si kuya Seph sa akin.

"Kuya—"

"Tsansa mo na 'to para hindi lumaking bastardo iyang batang 'yan," pabulongna singhal niya sa akin saka pa siya nameywang na animo nauubusan na talaga ng pasensya sa akin. "Hindi ko inakalang pagaganahin mo rin sa wakas ang utak mo," dagdag pa nito sa akin saka sumandal sa cabinet ko nang akma akong kukuha ng pamalit na damit.

"H–Hindi ko iyon gagawin at hindi nandito sa Calvin dahil may pagkakaunawaan na kami. A–Alam mong hindi ako kahit kailan gagamit ng tao para lang sa ikaka-ayos ko. K–Kuya Seph, hindi ganitong—" Sinampal niya ako at nakita ko ang galit sa mga mata niya. Hindi nila gustong nagmamatigas ako. . . gusto nila ay paulit-ulit akong maging sunod-sunuran.

"Kapag hindi mo ginawa ang gusto ko, hihinto ka sa pag-aaral at sa oras na isilang iyang anak mo, sinasabi ko sa 'yo, ipaaampon ko 'yan at kahit kailan ay hindi mo na 'yan makikita!" banta niya sa akin at parang nanginig ako sa narinig kong iyon.

Sa tuwina na lang na mapag-uusapan ang anak ko at ang mga balak sa kaniya, nanghihina ako at parang hindi ko magawang lumaban. Nahihirapan ako kapag nadadawit na ang kapakanan niya. Kahit gusto kong lumaban, paulit-ulit akong naduduwag at gusto na lang magpatianod.

Laging ang laman ng utak ko ngayon. . . puro sa kapakanan ng anak ko. Ang hirap magmatigas kung siya ang laging ibinabala at ipinangbabanta sa akin. Para akong sinasakal at ang hirap huminga ng normal.

Kung nandito ka lang sana, Zeev, kahit paano ay magkakaroon ako ng lakas na gawin ang makakaya ko para sa anak natin dahil mayroon akong ikaw na maaari kong takbuhan kung sakaling talikuran ako ng lahat. . . pero pati ikaw. . . nawala. . . umalis. . . iniwan sa akin lahat ng responsibilidad.

"H–Hindi ko kayang ipakargo kay Calvin ang batang hindi naman kaniya. H–Hindi ko kayang ipaako sa kaniya ang responsibilidad na hindi naman siya ang gumawa para lang sa ikaaayos ng lahat sa 'yo, kuya Seph. A–Ano bang akala mo sa amin ng anak ko? Life line mo? Kung hindi lumitaw ang batang ito, ibabala mo pa rin ba 'ko?" lumuluhang wika ko. Hindi makayanan ng isip at puso ko na pati ang sarili kong kapatid ay ganito ang magiging trato sa akin.

"Kung hindi mo pa naiisip, puwes ipapaintindi ko sa makitid mong utak," anito saka pa pinagduduro ng daliri niya ang sintindo ko. "Hindi mo mapapalaki ng maayos iyang batang 'yan dahil wala sa pamilyang 'to ang susuporta sa iyo. Manganganak ka? Palagay mo gagastusan ka namin? Pagkatapos mong lumandi, kami ang magdurusa? Hindi gan'on ang buhay, Shan. Hindi kasing dali ng iniisip mo ang lahat! Ngayon, kung talagan nag-iisip ka at gusto mong masigurado ang kapakanan ng anak mo. . . makisama ka kay Calvin hangga't hindi pa malaki ang tiyan mo! Gawin mo lahat para hindi siya magduda na hindi kaniya ang batang 'yan!" mahaba nitong turan sa akin saka siya lumabas ng silid ko at pabalibag na ibinagsak ang pintuan.

Nawalan ako ng sasabihin. Naubusan ako ng iisipin. Naiintindihan ko ang punto niya. . . ang hindi ko maintindihan. . . bakit hindi nila ako tutulungan? Kahit gaano kalaking kasalanan ang nagawa ko. . . pamilya kami rito. . . o baka ako lang ang nag-iisip n'on?

--

M A Y O R A
I C E _ F R E E Z E

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top