Kabanata 13

SHAN

NAGISING ako dahil sa biglaang pagtapik sa hita ko. Nabungaran ko si Nanay na nakakunot ang noo nang imulat ko ang mga mata ko.

"B–Bakit po, Nay?" utal tanong ko sa kaniya. May naramdaman agad akong kakaiba sa paraan ng pagkakakunot ng noo niya.

Sa tantya ko ay wala pang alas-singko ng umaga. Halos kabisado na kasi ng katawan ko ang paggising ng ganoong oras.

"Bumangon ka riyan. Inumin mo 'to. Lagukin mo lahat," aniya sa akin at hindi ko nagustuhan ang tono niya. Ramdam ko na agad na may mali.

Bumangon ako mula sa pagkakahiga at naupo. May inaabot siya sa akin na bote ng RC pero hindi naman softdrinks ang nasa loob. Tila ito tubig na nagkulay kayumanggi dahil sa kung ano man ang nakahalo rito.

"A–Ano po 'yan?" Hindi ko maiwasan ang pagka-utal dahil sa takot na unti-unting bumabalot sa akin. Nagsisimula na naman akong atakihin ng samot-saring pangamba at isipin.

"Punyeta ka! Ang dami mong tanong! Basta't inumin mo 'yan, dahil napagod akong maghanap niyan para lang ilaga at ipalaklak sa 'yo! Bilisan mo!" utos niya at kulang na lamang ay ipagtulakan niya sa akin ang bote. "Mas magandang inumin 'yan sa ganitong oras na walang laman 'yang tiyan mo!" pamimilit niya pa kaya't imbes na inumin ko ang inaabot niya ay tinapon ko ito na naging dahilan ng pagkahulog nito at pagkabasag.

"Nay—" Ngunit sinampal na niya ako kaya't hindi ko na nagawang makapagsalita pa. Napahawak ako sa pisngi ko dahil sa lakas ng pagkakasampal niya sa akin.

"Tarantada ka! Akala mo ba ganoon kadaling makahanap ng makabuhay na 'yan!" galit na galit na wika niya sa akin. "Gusto mo pa yatang gumastos sa naglalaglag kaysa rito sa mas madaling paraan! Napakawala mong utak talaga! Hindi ka nag-iisip!" Damang-dama ko ang gigil niya sa akin.

"S–Sinabi ko na po sa inyo hindi ko ilalaglag ang anak ko. N–Nay, parang awa n'yo na po. . . makinig naman po kayo sa akin," lumuluhang wika ko saka ako lumuhod sa harapan niya. "N–Nagmamakaawa ako sa 'yo, Nay, itong anak ko lang ang mayroon ako. H–Huwag n'yo naman na po siyang ipagdamot sa akin. . . parang n'yo nang awa. M–Mas pipiliin kong mamatay na lang din kung kukuhanin n'yo siya sa akin. . . N–Nay, parang awa mo na."

Bigla lamang niyang itinulak ng hintuturo niya ang sintido ko saka ako muling sinampal. "Kung makapagmakaawa ka talagang akala mo kaya mo na! Hoy Shan, palamunin ka pa! Huwag kang umasta-asta sa akin na akala mo talagang kaya mo nang maging ina! Hindi mo nga kayang buhayin 'yang sarili mo! Sa una mo lang gusto 'yang batang 'yan, pero sa oras na makaramdam ka na ng hirap, sasabihin mong sana nakinig ka na lang sa akin! Nakakapundi ka!" aniya saka ako tinalikuran at lumabas na ng silid.

Anak. . . hanggang kailan kita kayang protektahan?

Tumayo ako mula sa pagkakaluhod at pinunasan ang mga luha ko. Kinuha ko ang walis at dustpan para linisin ang bubog na nasa sahig.

Habang nililinis ko ang mga basag na bubog ay mariin akong napahawak sa isa na naging dahilan nang pagdurugo ng daliri ko. Imbes na humangos sa banyo at gamutin ito ay napangiti lamang ako ng mapait at hinayaan ang umaagos na dugo mula rito. Masakit pero mas nananaig ang sakit na nararamdaman ko sa dibdib ko.

Samot-sari ang tumatakbo sa isip ko sa mga oras na ito habang nakatitig sa dugo na nagmumula sa akin, maging sa mga piraso ng bubog na nasa harap ko.

Kung magpakamatay na lang kaya ako?

Kung tapusin ko na lang kaya lahat nang paghihirap ko?

Mas ikakagaan ba ng loob nila kung mawawala na ang taong nagbibigay sa kanila ng kahihiyan?

Mas magiging maayos ba ang lahat kung mawawala na lang kaming pareho ng anak ko?

Anong naging kasalanan ko bakit pinararanas sa akin ang lahat ng ito?

Pumikit ako at pinipilit iwaksi ang mga isiping iyon sa utak ko. Hinawakan ko ang tiyan ko at doon ko naramdaman ang biglaang pagpintig nito na ikinangiti ko kasabay ng mga luhang naglalandas sa mga pisngi ko.

Marahil ay nararamdaman niya. . . marahil ay gaya ko, natatakot at nasasaktan din ang anak ko.

"Anak, pipilitin kong kayanin. Kahit ang hirap, kahit ang sakit. . . pipilitin ko para sa 'yo. Poprotektahan kita hangga't kaya ko. Patuloy akong lalaban para sa 'yo. Kapit lang, basta't kumapit ka lang anak ko. Sa pagkapit mo nang mahigpit, binibigyan mo na rin ako ng lakas," mahinang bulong ko at muli na naman pumintig ang tiyan ko na lalong ikinakibot ng dibdib ko. "Salamat, anak. Mahal na mahal kita."

Napalingon ako may Sharry na himbing na himbing ang tulog. Ngayon ko gustong magpasalamat na naglalagay siya ng earphones sa tuwing matutulog siya, dahil ako mismo, ayaw kong marinig niya ang naging pag-uusap namin ni Nanay. Ayaw kong mag-iba ang tingin niya kay Nanay. Ayaw kong isipin ni Sharry na may mali. Kahit saang anggulo ko tignan, nanay pa rin namin siya.

Nag-ayos lamang ako ng sarili ko bago ako nagdesisyon na bumaba na. Maaga ang klase ko ngayon, at hindi ako maaaring pumasok na namamaga ang mga mata dahil kailangan kong mag-report sa isang subject.

Inaayos ko ang mesa para sa mga iniluto kong almusal nang mabungaran ko si kuya Seph na nakatitig na pala sa akin.

"Anong katarantaduhan ang ginawa mo?" walang ligoy na tanong niya sa akin.

"K–Kuya," wika ko saka ako lumapit sa kaniya at tangkang yayakapin ko siya ngunit tinulak niya ako palayo. Lumakad siya patungo sa upuan at naupo.

"Hindi gagana sa akin ang drama mo na 'yan. Sinong ama niyang batang 'yan?" walang emosyon na wika niya sa akin.

"T–Taga-Maynila, kuya—"

Ngumisi siya saka umiling. "Saksakan ka pala ng uto-uto. Nakuha mong magpakama agad-agad? Sinabi bang papanagutan ka?" tanong niya. Parang hindi ko siya makilala sa mga oras na ito. Parang hindi siya ang Kuya Seph ko na maaari kong makausap kapag may problema ako.

"Kuya—"

"Niligawan ka ng anak ni Konsehal Duran noon, sinabi kong sagutin mo dahil puwede ko iyon magamit na backer sa susunod na halalan pero nakinig ka ba? Hindi. Ngayon nagpabuntis ka na rin lang, doon pa sa hindi ka papanagutan at hindi mo mahahabol. Ang utak, Shan, hindi 'yan dini-display, pinapagana 'yan!" aniya at napayuko ako saka ngumiti nang mapait. Iyon pala talaga ang rason kung bakit siya naiinis sa akin ngayon. Akala ko iintindihin niya ako, pero binabalak niya rin pala akong ibala sa mga plano niya noon pa.

"May sarili naman akong desisyon. Hindi ko kahit kailan gugustuhin si Calvin—" Napahinto ako sa pagsasalita dahil ibinato niya ang baso sa mismong gilid ng kinatatayuan ko na ikinagulat ko.

"Tama lang na ilaglag mo 'yang batang 'yan. Ayokong maging butas 'yan sa paghabol ko bilang konsehal. Makinig ka kina Nanay at Tatay. Ilaglag mo 'yan hangga't hindi pa nahahalata—"

"H–Hindi! Ayoko!" putol ko sa kaniya saka ako nag-angat ng tingin sa kaniya ngunit galit niyang mga mata ng sumalubong sa akin.

"Ayaw mo? Kung ayaw mong ilaglag iyang bastardo mo, magpakama ka kay Calvin saka natin ipapasagot sa kaniya ang batang 'yan! May matawag man lang na ama 'yang anak mo! 'Tang ina, Shan. Para kang tumatandang paurong! Nawawalan ka ng utak!"

Halos manginig ang buong sistema ko sa suhestiyon ni kuya Seph. Hindi ko inaasahan na sasabihin niya iyon. Kapatid niya pa rin ako. . . akala ko poprotektahan niya 'ko, pero mukhang nilamon na siya ng politiko.

"Kuya, kailangan ko bang magmakaawa rin sa 'yo para lang hayaan mo kami ng anak ko?"

"Huwag mong hintayin na ako ang mapikon sa iyo. Baka pati pag-aaral mo, ipahinto ko!" aniya at tuluyan na niya akong tinalikuran.

Pakiramdam ko talunan ako. Pakiramdam ko wala nang mangyayari sa buhay ko. Kung lahat na lang kalaban ko. . . paano na kami ng anak ko?

          

TULALA akong nakamasid sa mga taong naglalaro ng soccer sa field. May klase sina Mikmik at Dash kaya dito ko na lang pinili na maghintay sa kanila.

"Hi, Shan!" Awtomatiko akong napalingon sa tinig na iyon at bumungad sa akin si Calvin na malawak ang pagkakangiti.

Mabait si Calvin kung sa mabait. May kaguwapuhan din ito at kutis mayaman. Ang problema ko lang kung minsan sa kaniya, may taglay siyang kakulitan at kayabangan.

"Hello," tipid na sagot ko at muling bumaling sa mga naglalaro ng soccer.

Lumapit siya sa akin at naupo sa tabi ko.

"Okay ka lang ba? Napansin ko kasi nitong mga nakaraan parang amg lungkot mo," aniya sa akin ngunit hindi ko naman siya nilingon.

"Okay lang naman. Nakausap mo ba amg kuya Seph ko kaya kinakausap mo 'ko ngayon?" prangka kong tanong dito. Ayaw kong isipin na si kuya Seph ang dahilan nang biglaan niyang pagsulpot ngayon dito.

"Uy, hindi ah. May dapat ba kaming pag-usapan ni Seph?" takang tanong niya sa akin at mukhang hindi nga sila nagkausap pa.

Umiling ako. "Wala. Baka lang isumbong mo 'ko kay kuya na puro tulala lang ang ginagawa ko," alibi na biro ko na mukhang binili naman niya.

Nakikinood-nood din siya sa mga naglalaro nang muli siyang magsalita. "Kayo pa ba n'ong dayo?" Doon na ako lumingon muli sa kaniya at nakita ko ang malamlam nitong mga mata.

Ngumiti na muna ako ng tipid sa kaniya saka ako umiling. "Siguro may mga darating sa buhay natin para bigyan lang talaga tayo ng aral tapos mawawala rin."

"At may mga darating na puwedeng makasama mo naman hanggang dulo," maagap na dugsong niya.

"Bata pa ako, Calvin. Wala pa nga ako sa kalahati ng buhay ko rito sa mundo kaya hindi madaling masabi ang salitang dulo," anas ko sa kaniya at nakita ko siyang nagkibit-balikat.

"Alam ko namang alam mong gusto kita, 'di ba? Marunong lang akong rumespeto sa kapwa ko lalake kaya huminto ako sa pagsuyo sa 'yo nang malaman kong may nobyo ka," aniya at hindi ko nagugustuhan kung saan ang tungo nitong usapan namin.

"Calvin—"

"Hindi kita pipilitin o pinipilit, Shan. Don't worry. Maghihintay lang ako kung kailan ka handa," anito saka ginulo ng kanang kamay niya ang buhok ko. "Twenty-two na ako, apat na taon din ang tanda ko sa 'yo, at masasabi kong lumaki ka talagang mabait at  maganda. Hindi na nakakapagtaka kung bakit agad kang ginusto n'ong dayo na 'yon. Huwag ka na lang sana niya ulit lalapitan, hindi mo bagay ang malungkot. Nakakabawas ng ganda," dagdag pa nito saka may kinuha sa bag na dala niya at inabot ito sa akin.

"Ano 'to?"

"Baon ko lang 'yan kasi may exam kami mamaya, nakaka-boost daw ng talino, pero kung mabu-boost naman niyan ang mood mo, sa 'yo na. Mas kailangan mo 'yan," aniya at tumayo na saka naglakad paalis.

Malaking tsokolate kasi ang ibinigay niya sa akin at kahit paano ay totoong napangiti ako. Ilang araw ko nang gustong kumain nito ngunit hindi ako makabili dahil iniipit ko ang pera ko para sa miscellaneous ni Sharry.

Binabalak ko na sanang buksan ang tsokolate nang bigla na lamang tumunog namg tumunog ang telepono ko na nasa tabi ko kaya't agad ko itong nilingon.

Halos magimbal ang buo kong pagkatao nang makita ko kung sino ang tumatawag.

Hindi ko napigilan ang sarili ko na agad iyong sagutin kahit pa nanginginig ang buong sistema ko.

"H–Hello. . ."

"Shan, it's Zeev. I'm here in Pampanga right now. Can we talk?"

--

M A Y O R A
I C E _ F R E E Z E

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top