Chapter 32
Muling nilingon ni Klaudine ang dalampasigan ng Redemption Island bago tuluyang sumakay sa bangka pabalik ng San Rafael. Tama ang mga taong nakasalamuha niya sa nasabing lugar na kailangan niyang harapin ang lahat para sa ikatatahimik niya.
Nililipad ang buhok niya habang nakatingin sa kawalan. Naghihintay pa sila ng ibang pasahero pabalik ng isla. Naisip na rin ni Klaudine ang mga kailangang gawin at una niyang pupuntahan si Rosha.
Pagdating sa San Rafael, dumiretso siya sa café ni Rosha. Kaagad itong ngumiti nang makita siya at nalakad papalapit sa kaniya. Yumakap ito at hinagod ang likuran niya.
"Kumusta ka, Klaudine?" tanong ni Rosha. Hinawakan nito ang kamay niya at iginiya siya sa isang bakanteng lamesa. "Magkuwento ka!"
Mahinang natawa si Klaudine at tumango. Nagpakuha rin si Rosha sa isang tauhan nito ng paborito niyang frappe, sandwich, at pati cake para daw sa ipinagbubuntis niya.
Hinaplos niya ang tiyan at mahinang bumulong habang busy si Rosha sa pagbibigay ng instruction sa tauhan nito, "Spoiled ka, Anak." Ngumiti siya at humarap kay Rosha. "Ang dami mong order! Tataba ako!"
"Mas gusto ko nga 'yun." Rosha giggled. "So, kumusta ang Redemption Island? Maganda ba talaga? Gusto ko ring pumunta, pero wala naman akong problema."
"Hindi mo naman kailangan ng problema para magpunta roon!" Huminga nang malalim si Klaudine at nilaro ang hawak na tissue. "Rosh, kailangan ko nang bumalik sa Manila."
Ngumiti si Rosha at tumango. "Sabi ko naman kasi sa 'yo, e. Walang magagawa ang pagtatago mo rito. Oo, nakatakas ka sa kanilang lahat, pero hindi ka masaya. Wala rito ang buhay mo, nasa Manila. At hindi mo habambuhay na matatakasan kung ano man ang naroon. Oo nga at tahimik ka rito dahil wala sila, pero hindi ka patatahimikin ng konsensya mo."
"Oo, Rosh. Kailangan ko na silang harapin." Bumagsak ang luha ni Klaudine na kaagad niyang pinunasan. "K-Kailangan kong harapin ang kasalanan ko."
"Klau, huwag lang sarili mo ang sisihin mo rito, dalawa kayo. Masyado mong sinisisi ang sarili mo. Hindi lang ikaw ang gumawa at nagdesisyon. Mas mabuting ayusin mo ang gulo kaysa nagtatago ka," seryosong sabi ni Rosha. "Magkakaanak kayo, Klau. Hindi ito basta-basta. Mas mabuting pag-usapan ninyo kung ano ang magiging plano. Magiging mahirap kasi maraming masasagasaan, pero pag-isipan mo."
Nakatitig lang si Klaudine sa kaibigan. Nagmamalabis ang luha niya kahit na anong pigil, malamang na dahilan din ay pagbubuntis. She became too emotional—no, more emotional after getting pregnant.
"Hindi n'yo naman kailangang magsama ni Henry. Kasal siya at alam kong alam mo na hindi kayo puwede." Rosha sighed. "Pero kailangan ninyong pag-usapan ang setup ninyo. Hindi maganda kung itatago mo ang anak ninyo, Klaudine. Unfair 'yun sa kaniya."
Hindi sumagot si Klaudine.
"Huwag mong sabihn sa akin na 'yan ang plano mo?" Nakakunot ang noo ni Rosha. "Klaudine, ayaw kitang pakialaman sa desisyon mo. Ikaw 'yan, pero ang masasabi ko, walang mabuting maidudulot 'yang magiging desisyon mo. Oo nga at lumayo ka, pero ipagkakait mo sa amang kaya namang tumanggap at sa anak mo na walang kasalanan."
Yumuko si Klaudine dahil nahiya siya. Iyon ang una niyang plano, ang matago kay Henry. Pero tama si Rosha. Walang kinalaman ang magiging anak nila. Kung ano man ang kasalanan nila ni Henry, hindi nila puwedeng ipagkait sa anak nila ang kahit ano.
"Tapusin mo ang pag-aaral mo, Klaudine. Pagkatapos noon, mabuhay ka na nang mapayapa at masaya, kasama ang anak mo. Sasamahan kita sa terminal ng bus, ako na ang bahala kay Tita Rona tungkol sa apartment mo."
Sa sinabi ni Rosha, kinuha niya ang perang ibinigay sa kaniya ni Sam at iniabot iyon kay Rosha. Kaagad naman itong tumanggi at sinabing gamitin na lang niya sa pagbiyahe pabalik sa Manila.
"Huwag mo akong alalahanin dito, Klau. Ang importante sa akin, makabalik ka sa Manila nang maayos at maging maganda ang kinabukasan mo." Ngumiti si Rosha at hinawakan ang kamay niya. "Basta huwag mong kalilimutan na bisitahin ako rito kasama ang baby mo. Excited ako makita! Ang cute tapos kulot din, parang ikaw!"
Yumuko si Klaudine at mahinang natawa. "Gusto ko palang magpagupit, Rosh. After shift mo, puwede mo ba akong samahan?"
"Bakit after shift pa? Pagkatapos nating kumain, sasamahan kita kay Abella!" ani Rosha na parang kinikilig pa. "Ayos 'yan, new look ka pagdating sa Manila!"
Naiiling na tumawa si Klaudine at nakinig sa patuloy na pagkukuwento ni Rosha. Sa loob ng isang buwang pamamalagi niya sa San Rafael, ni hindi pumasok sa isip niya na magkakaroon siya ng taong mapagkakatiwalaan.
Naikuwento rin ni Klaudine kay Rosha ang tungkol sa mga nakilala sa isla, lalo na si Sam.
Sa pagbalik sa Manila, kailangang harapin ni Klaudine ang lahat. Si Henry, si Harriet, at si Leandra.
—
Mahigit na isang buwang itinago ni Klaudine ang sarili at imbes na dumiretso sa apartment nang makarating siya ng Manila, pumunta siya sa terminal ng bus papunta sa probinsya nila para umuwi muna sa pamilya.
Aware naman si Klaudine na hindi ito naghahanap sa kaniya, pero gusto niyang makita ang mga kapatid at mga magulang kahit na expected niyang sisigawan siya ng mga ito.
At hindi siya nagkamali.
Pagpasok pa lang ng bahay ng mga magulang niya, kaagad na sumimangot ang mama niya. Umiling ito at ilang beses huminga nang malalim. Ganoon din ang papa niya na para bang hindi siya welcome, na mas mabuting hindi na siya mahal.
"Tulog pa po ba sila?" tanong ni Klaudine na tinutukoy ang mga kapatid.
Nagpamaywang ang mama niya at ibinato ang basahan sa lamesang pinupunasan. Tumingin si Klaudine sa orasan. Alas-singko na ng umaga at nag-aayos na ang mga ito para sa almusal ng karinderya.
"Saan ka ba nagpunta?" pabalang na salita ng mama niya. "Ano ba'ng ginagawa mo sa buhay mo? Hindi ka sumasagot sa mga tawag hanggang sa hindi ka na namin ma-contact! Ano ba'ng ginagawa mo, Klaudine?"
"M-May . . . binisita lang po akong kaibigan sa probinsya," pagsisinungaling niya.
Umiling ito. "E bakit hindi ka nagpaalam sa pinagtatrabahuhan mo? Sa kaibigan mo?"
"P-Po?"
"Nagpunta rito ang boss mo at ang kaibigan mo, hinahanap ka. Ilang beses nagpunta ang boss mo rito, Klaudine." Galit ang boses ng mama niya kaya naman lumabas ang mga kapatid niya para sumilip. "Nakakahiya ka! Boss mo pa naghahanap sa 'yo dahil hindi ka nagpapakita. Putangina, Klaudine! Ano ba'ng ginagawa mo?"
Tahimik siyang nakatitig sa ina. Galit na galit ito at pasigaw na nagsasalita. Halos hindi na maproseso ni Klaudine ang sinasabi nito lalo nang malamang nagpunta si Henry para hanapin siya.
Salita ito nang salita at hindi na maintindihan ni Klaudine kung ano pa ang sinasabi nito kaya naman pinutol na niya iyon.
"B-Buntis po ako," mahinang sabi ni Klaudine.
Kaagad na tumigil ang mama niya at tumingin sa kaniya. "Ano? Ulitin mo nga 'yang sinabi mo?"
Huminga nang malalim si Klaudine. "Buntis ako at kaya nagpunta rito ang boss ko dahil siya ang nakabuntis sa akin."
Mahabang katahimikan. Nakatitig lang si Klaudine sa mama niya na nakakunot ang noo habang nakatitig sa kaniya at parang pinoproseso ang sinabi niya.
"Kaya ako umalis kasi tinatakasan ko po kung ano ang nagawa ko sa Manila. Nabuntis po ako ng boss ko, mahal ko siya at may asawa siya," ani Klaudine habang nakatitig sa ina. "Pagod na pagod na ako, Ma. Nagpunta ako rito kasi gusto ko kayong makita. P-Pero ni hindi n'yo man lang ako makumusta."
Wala itong sinabi at seryoso lang na nakatitig sa kaniya.
Mahinang natawa si Klaudine at hinaplos ang tiyan. "Okay lang po ako. Muntik lang naman akong makunan."
Hindi alam ni Klaudine ang susunod na nangyari. Naramdaman niya ang malakas na pagkakasampal nito sa kaniya. Ni hindi niya ito nakitang lumapit, malakas ang sampal na naging dahilan para mapahawak siya sa lamesang katabi.
Kaagad niyang tinulungan ang sarili para hindi bumagsak. Hindi niya puwedeng maiwala ang anak. Naospital na siya noon, hindi puwedeng pati ngayon.
"Putangina ka, nakakahiya ka!" Hinila ng mama niya ang buhok niya kaya naman napaigik siya sa sakit. "Pinalaki kita kahit na kahihiyan lang ang dala mo sa akin! Ikaw ang dahilan kung bakit nasira ang pangarap ko, ikaw ang dahilan kung bakit ganito ang buhay ko! Tapos putangina, magpapabuntis ka at kabit ka pa? Nakakahiya ka!"
Sapo ni Klaudine ang pisngi at nakatitig sa mama niyang hinilamos ang mukha.
"Pinalaki kita, pinag-aral. Tapos ganito magiging buhay mo? Magiging kabit ka? Tangina naman, Klaudine! Produkto ka na nga ng kababuyan at kasalanan, tapos magiging patapon pa ang buhay mo? Ito na nga ba sinasabi ko. Pareho kayo ng tatay mo! Makasalanan."
Tumingin si Klaudine sa papa niya na nakasandal sa lababo at nakatingin lang sa kanila ng mama niya.
"Huwag mo siyang titingnan dahil hindi mo siya ama."
Nagpanting ang tainga ni Klaudine sa narinig at hindi alam kung tama ba ang narinig o mali lang ng pagkakasabi ang mama niya. Pero nang tingnan niya ang mukha nito, mukhang hindi ito nagsisinungaling.
"A-Ano'ng . . . ibig n'yong sabihin?"
"Hindi ka anak ni Vergel," sabi ng mama niya. "Anak ka sa akin ni Lucio. Pero putangina, ano'ng laban ko, Klaudine? Kaya kita iniwan sa lola mo, dahil kinamumuhian kita. Ginahasa ako ng totoong ama mo, pero hindi ako makalaban. Bakit? Kasi anak siya ng gobernador tapos siya, mayor natin ngayon. Tangina, ilang beses kitang sinubukang ipalaglag, pero makapit ka."
Naramdaman ni Klaudine ang panginginig ng kamay.
"Alam ni Lucio na anak ka niya, pero wala ring pake ang hinayupak. Tapos na siya, e. Nakaraos na siya sa akin noon. Lumaban ako, pero ano'ng laban ko sa kanila?" Umiling ito. "Putangina n'yong lahat! Kayong lahat ang sumira ng buhay ko, lalo ka na!" Dinuro siya nito.
Sinapo ni Klaudine ang dibdib dahil sobrang sakit. Walang lumalabas na luha sa mga mata niya. She was in shock and hearing those words from her mother made a lot of sense. Biglang nag-flashback sa kaniya lahat.
Binubugbog siya nito simula pagkabata at hindi niya alam kung bakit. Palagi siyang walang matinong gamit, hindi tulad ng mga kapatid niya. Hindi niya alam kung bakit. Palagi itong galit sa kaniya, iritable, at walang pakialam.
Ngayon, malinaw na ang lahat.
"Kahihiyan ka sa akin," sabi nito na parang walang pakialam kung makasasakit. "Kung puwede lang na umalis ka na lang sa buhay ko, umalis ka na."
Diretsong tumayo si Klaudine at ngumiti sa mama niya. "Ngayon, malinaw na ang lahat," ani Klaudine. "Ma, alam mo bang na-rape rin ako? Naalala mo ba 'yung na-issue sa school na sinabi mo pang baka kasalanan ng babae kung bakit? Ako 'yun, Ma."
Nakatitig ito sa kaniya.
"Ikaw ang dapat makaalam na hindi ko 'yun kasalanan kasi naranasan mo." Mahinahon ang boses ni Klaudine, pero para siyang nanlalambot sa mga nalaman. "K-Kaya pala hindi mo ako mahal. Wala naman akong kasalanan, Ma, pero bakit kailangang ako ang magdusa? Hindi ko naman ginustong mabuo, mabuhay sa mundong ito, pero bakit pinararamdam mo sa akin na ako ang m-may gusto nito?"
Walang reaksyon ang mukha nitong nakatitig sa kaniya.
"W-Wala akong kasalanan, Ma, wala." Umiling si Klaudine. "H-Hindi ko kasalanan, p-pero bakit ako ang nagbabayad? I-Ikaw ang dapat makaalam, ang dapat umintindi sa akin, kasi anak mo rin naman ako. Hindi mo ako gusto d-dahil bunga ako ng kababuyan, pero hindi ko kasalanan. Hindi ko kasalanan."
Mahina itong natawa. "Kabit ka. Nabuntis ka. Nakakahiya ka. Umalis ka na at please lang, huwag ka nang babalik. Nandidiri ako sa pagmumukha mo dahil kamukha mo siya. Kamukha mo ang taong sumira ng buhay ko."
Tumalikod ang mama niya at pumasok sa loob ng bahay. Nakita ni Klaudine ang tingin ng mga kapatid sa kaniya na kahit nasa edad na, hindi man lang siya magawang ipagtanggol. Nilingon niya ang papa niya, o ang lalaking kinilala niyang ama na tinalikuran din siya at pumasok sa loob ng bahay.
Nakatulalang lumabas si Klaudine ng bahay at naglakad papunta sa kung saan. Papasikat na ang araw kaya naisipan niyang pumunta sa bukid, sa ilalim ng mangga kung saan may duyan na siyang kinalakihan niya.
Tumingin si Klaudine sa langit nang maramdaman ang namumuong luha sa mga mata. "Ang daya mo naman." Humikbi si Klaudine. "Wala naman akong ginagawang masama, bakit naman ganito? H-Hindi ko naman ginusto lahat ng ito, bakit naman ang tindi ng parusa?"
Gustong sumigaw ni Klaudine ngunit inaalala ang batang nasa sinapupunan. Ayaw niyang mapahamak pa ang nag-iisang taong sa kaniya lang at ipinangakong mamahalin at aalagaan.
"Tayong dalawa na lang," bulong ni Klaudine habang naglalakad papunta sa sakayan ng jeep. "Tayo na lang."
Klaudine found herself in front of the Municipal Hall. Hindi ito ang unang beses na makapunta sa nasabing lugar. Madalas siya roon dahil scholar siya at nakakukuha ng allowance galing sa mayor.
Mahinang natawa si Klaudine nang maalala ang sinabi ng mama niya.
"Meron ka bang schedule kay Mayor?" tanong ng secretary ng mayor.
Umiling si Klaudine. "Gusto ko lang po siyang makausap. Pakisabi po, Maria Klaudine Gamboa."
Tumango ang babae pinaupo muna siya sa waiting area. Nag-observe si Klaudine sa lugar. Puro picture ni Lucio Arguelles ang nasa paligid. Kilala itong mabait at matulungin. Ilang beses na rin itong nanalong mayor ng lugar dahil kilala ng lahat.
It was nine in the morning and waiting felt like forever. Wala siyang phone na dala dahil naiwanan iyon sa apartment niya.
"Klaudine, puwede ka nang pumasok."
Nginitian ni Klaudine ang babae at kumatok muna bago pumasok sa loob ng opina ng mayor. Busy itong nagbabasa ng papel, may hawak na ballpen, at nakapormal na damit. Nakabarong na puti, ayos na ayos ang buhok, at mukhang disente.
"Good morning, Ms. Gamboa." Nag-angat ito ng tingin. "How are you? How's college?"
"Na-rape ako," diretsong sagot ni Klaudine.
Kita niya kung paano nanlaki ang mga mata nito at binitiwan ang hawak na ballpen. Walang kahit na anong sinabi, nakatingin lang sa kaniya.
"Tulad ng ginawa mo sa mama ko." Ngumiti si Klau. "Ako ang sumalo ng mga kasalanan ninyo. Galit ni Mama ang nagpalamon sa akin, galit niya sa 'yo ang dahilan para hindi niya ako mahalin. Sana po masaya ka, kayo ng pamilya mo."
"Klaudine." Tumayo ito at akmang maglalakad palapit sa kaniya.
Umiling si Klau. "Huwag po kayong lalapit sa akin. Gusto ko lang pong sabihin sa inyo na alam ko na. Wala po akong balak manggulo. Gusto ko lang pong ipaalam na alam kong ikaw ang tatay ko, anak ako sa kababuyang ginawa mo, at ako ang nagdurusa sa galit ni Mama na ginago mo . . . po."
Bago pa man ito magsalita, kaagad na lumabas si Klaudine ng opisina. Hindi niya maatim na titigan ito dahil sa nalaman at habang tinititigan ni Klaudine ang lalaki, roon lang niya na-realize na tama ang sinabi ng mama niya.
Kamukha niya ito. Kamukhang-kamukha na hindi niya napapansin noon.
—
Umalis si Klaudine sa probinsyang iyon at nangakong hindi na siya babalik. Mahal niya ang mama at papa niya, pero itinaboy siya na parang basura. Nalaman niya ang katotohanan na anak siya sa kababuyan at wala man lang siyang narinig mula sa mga kapatid niyang naging dahilan ng paghihirap niya sa loob ng ilang taon.
Mahal ni Klaudine ang mga kapatid, pero pagod na siya.
Humikbi si Klaudine habang nakatingin sa hotel ni Sam. Hawak niya ang papel kung saan nakasulat ang number, pangalan, address ng hotel, at email address ni Sam.
Dalawang tao ang pinag-isipan niyang puntahan. Si Henry na tatay ng anak niya o si Sam na nakilala niya sa Redemption Island.
Pinili niyang puntahan si Sam.
Pagpasok sa hotel, lumapit si Klaudine sa receptionist at sinabi nitong maghintay lang siya dahil tatawagan lang sandali ang secretary ni Sam. Ipinalibot din niya ang tingin sa lugar. Maganda ang lugar at isa ito sa malaking hotel sa Manila.
"Miss Klaudine?" kuha ng receptionist sa atensyon niya. "Puwede na po kayong umakyat sa second floor. Chloe, Ma'am Sam's secretary will meet you upstairs."
"Thank you." Bahagyang yumukod si Klau.
Habang nasa elevator, panay ang patunog ni Klaudine ng daliri dahil sa sobrang kaba. Sinalubong siya ng secretary ni Sam at nakangiti itong lumapit sa kaniya at iginiya siya sa isang opisina.
"Sam."
Agad na tumayo si Sam at dali-daling lumapit kay Klaudine sabay yakap. "My gosh, Klau! Bakit ngayon mo lang ako pinuntahan?"
Pilit na ngumiti si Klaudine. "Galing kasi ako sa bahay nina Mama. Tatawagan din sana kita kaso naiwan ko ang phone ko sa apartment, kaya dumiretso na lang ako rito. Sana hindi kita naabala."
"Ano ka ba? Hindi ka magiging abala sa 'kin. Hinihintay talaga kita. Teka, may gusto ka bang kainin? Magpapakuha ako."
Kaagad umiling si Klaudine. "Okay lang ako, Sam. Kumain ako bago pumunta rito. Hindi na ako mapapaligoy pa, ha? Gusto ko sanang itanong kung bukas pa ba 'yung job offer mo sa akin? Sorry. W-Wala na kasi akong ibang choice, Sam. Kahit anong work, tatanggapin ko, huwag lang akong bumalik sa company ni Henry."
Nagulat si Sam at kita ang desperation sa mukha ni Klau. "Henry? Bakit? Ano'ng ginawa niya?!"
"Kilala mo ba si Henry? H-Henry Avila?"
"Yes, I know him. 'Di ba, hinahanap kita before? And I feared that . . ." Sam paused, thinking kung babanggitin ang pangalan ni Richie ". . . that he or his family may have done something to you."
Marahas na umiling si Klaudine at iniisip na baka ito ang maging dahilan para hindi siya makahanap ng trabaho. "W-Wala silang ginawang masama sa akin. A-Ako ang may ginawang mali." Yumuko siya dahil sa hiya. "K-Kasi, Sam . . . si Henry ang t-tatay ng anak ko," nag-aalangang sabi ni Klau. "Naging kabit niya ako."
Nanlaki ang mata ni Sam at napalingon sa paligid. Abala na si Chloe sa kompyuter kaya't nakahinga siya nang maluwag. Isinarado ni Sam ang pinto at hinawakan ang kamay ni Klau. "Maupo muna tayo, Klau."
Hawak pa rin ni Sam ang kamay niya at iginiya siya papunta sa sofa na nasa opisina nito.
"Alam ba niya na siya ang ama ng baby mo?"
Nakayukong tumango si Klaudine. Hindi niya magawang tingnan si Sam dahil sa kahihiyan. Tumayo siya mula sa pagkakaupo, bahagyang naglakad habang nakayuko na kung puwede lang siyang lumubog, nangyari na.
"Alam niya. Kaya ako umalis, kaya ako nagpunta sa isla para takasan siya. Pero, Sam, hindi ko puwedeng takasan ang lahat." Pinunasan ni Klaudine ang tumulong luha. "Hindi na ako puwedeng bumalik sa Metrovilla, ayaw ko nang bumalik, pero kailangan kong buhayin ang anak ko."
"Klau." Parang umurong ang dila ni Sam, hindi alam kung magtatanong pa dahil ayaw niyang pilitin si Klau na alalahanin ang nangyari. Tumayo si Sam at lumapit kay Klau. "Klau, please look at me," hiling niya.
Hinaplos ni Klaudine ang dibdib nang maramdaman na parang hindi siya masyadong makahinga dahil sa bigat. "Sam, sorry. Sorry kasi nandito ako, pero wala na akong ibang matakbuhan. Lulunukin ko ang pride ko para sa magiging anak ko. Ayaw kong lumapit kay Henry, ayaw kong mas makasira, kaya sorry, nandito ako."
"Klau, no. You don't have to apologize to me. In fact, I'm thankful that you came to me. Akala ko nga, ipapahanap pa ulit kita kasi hindi mo 'ko agad tinawagan," biro ni Sam at saka inabot ang kamay sa kaniya at sincere na ngumiti. "I will help you. I promise."
"Thank you, Sam. Kahit na anong trabaho, kahit mababa ang sweldo, okay lang. Kailangan ko lang ng pantustos sa araw-araw hanggang sa maka-graduate ako sa isang buwan," lumuluhang sambit ni Klaudine. "Kahit anong trabaho, okay lang sa akin."
Nakita ni Klaudine na naningkit ang mga mata ni Sam at mukhang nag-isip. "Hmm. I know that we're short of for receptionists right now. Kaya mo ba? I don't want you straining yourself."
Tumango si Klaudine at pinunasan ang luha. "Oo, okay lang. Kaso, qualified ba ako roon? Kaya ko namang humarap sa mga tao, naging trabaho ko 'yun sa Metrovilla. Ako ang kumakausap sa mga kliyente."
Yumuko si Klaudine. Muli, hindi niya magawang salubungin ang tingin ni Sam.
Ngumiti si Sam at inabot ang box ng tissue sa kaniya na nasa coffee table. "I'm sure you'll be fine. Ite-train ka naman at lagi ka ring may kasama sa front desk. Mababait at friendly ang mga empleyado rito. I've never had or heard any issues about them. Besides, every staff here in the building knows that I know you kasi hinihintay talaga kitang dumating."
Nag-angat ng tingin si Klaudine kay Sam. Nakahahawa ang ngiti nito kaya naman habang pinupunasan ang luha, mahinang natawa si Klaudine. "Iyak ako nang iyak, sorry talaga. Pero promise, hindi kita papahiyain. Magtatrabaho ako nang maayos, kahit ano, gagawin ko. Salamat ulit, Sam. Hindi ko kailangan ng malaking sweldo, kailangan ko lang ng kaunti para sa amin."
"Ikaw talaga! Wala 'yun! Kailan mo ba gustong magsimula? Kakausapin ko si Kaye, ang HR manager, kapag ready ka na."
"As soon as possible, Sam. Kahit ngayon, kung puwede," nakangiting sabi ni Klaudine. "Kukuha lang ako ng gamit sa apartment na tinitirhan ko rito, puwede na akong magsimula."
Inaya ulit ni Sam si Klaudine na maupo. Magkaharap sila at paminsan-minsan pang hinahawakan ni Sam ang kamay niya.
"Sige. Kakausapin ko si Kaye mamaya. Malapit ba rito ang apartment mo?"
Napaisip si Klaudine at nagbilang. "Mga two hours lalo kapag traffic, pero ayos lang. Baka lilipat na rin ako kasi malapit sa Metrovilla ang apartment ko. F-Five minutes away lang." Yumuko si Klaudine. "Masyadong maliit ang mundo para sa amin ni Henry."
"What?!" Biglang tumaas ang boses ni Sam. "No, no. That won't do. I want you safe at all times." Huminga ito nang malalim habang nakatingin sa kaniya. "How about this, I'll get my condo cleaned para magamit mo. It's just ten minutes away from here. Habang nililinis 'yun, pansamantalang dito ka muna sa hotel. What do you think?"
Ilang beses napakurap si Klaudine sa sinabi ni Sam. Sobra na iyon. "Sam, hindi ko matatanggap 'yun. Sobra-sobra na."
"Klau, no. It's not enough. Let me do this for you. Like I said before, matagal na kitang gustong tulungan. Besides, walang gumagamit ng condo ko, sayang naman 'yun."
Hindi sumagot si Klaudine.
"Won't you let me?" Malamlam ang mga mata ni Sam na nakatingin sa kaniya. "Please?"
Napahawak si Klaudine sa tiyan at inisip ang anak. Walang puwang ang pride sa sitwasyon niya. Alam niya na magiging imposible sa kaniya ang lahat. Walang tatanggap na trabaho o kahit na ano maliban kay Sam na willing tumulong.
"Sure ka bang okay lang? Nakakahiya, Sam, pero kakapalan ko na ang mukha ko dahil walang-wala ako."
"Oo nga! Ikaw talaga! Hindi mo kailangang kapalan ang mukha mo dahil taos puso kitang gustong tulungan. Saka in the future, malay mo, maging best friends ang anak natin," nakangiting kuwento ni Sam sabay haplos sa maliit pa niyang tiyan.
Nanlaki ang mga mata ni Klaudine. "B-Buntis ka?"
Ngumiti si Sam at tumango. "Yep. Eight weeks na. 'Di ko alam na buntis na pala ako noong nagpunta ako sa isla. Kaya pala ang takaw-takaw ko sa donuts."
"Ang galing, pareho tayo! Excited na ako sa magiging babies natin, Sam. Congratulations sa 'yo!" Ngumiti si Klaudine. Para siyang tanga na naiiyak kahit masaya.
"At sa 'yo rin! I feel like we're really meant to meet at this time," masayang kuwento ni Sam. "Anyway, I'll talk to Kaye na. Grab all your things na sa apartment and come back here para hindi ka hapunin sa daan. Tatawagan ko na rin ang tagapangalaga ng condo ko para masimulan na nila. Sounds like a plan?"
Nahihiyang tumango si Klaudine at ngumiti. "Thank you, Sam. Kukunin ko lang ang gamit ko sa apartment. Hindi na ako tatanggi. Maraming salamat." Humikbi si Klaudine habang nakatingin kay Sam. "Thank you ulit."
Nanlambot lalo ang puso ni Sam. "Halika nga rito!" She opened her arms, waiting for Klau to give her a hug.
Hindi alam ni Klaudine kung paano at kung bakit niya tinanggap ang yakap ni Sam. She was not a hugger. Sa totoo lang, naiilang siya sa ganoong gesture.
But the moment Sam hugged her, she started sobbing. No words, Klaudine sobbed like a lost child.
Bago pa man umalis si Klaudine sa opisina ni Sam, nag-offer pa ito na kumain sila ng lunch. Nagkuwentuhan sila na para bang hindi nito iniisip na ito ang magiging boss niya. Sam was down to earth and willing to help. Hindi nito iniisip ang nakaraan niya at kung ano ang nagawa niya. Sam was genuinly there to help her.
Dumiretso si Klaudine sa dating apartment. May itinatago siyang duplicate key sa isang paso na nasa gilid ng bahay niya kung sakali mang mawala niya ang susing pag-aari.
Natawa si Klau nang makita ang susi at sinabi sa sarili na mabuti na lang, handa siya. Ilang beses na munang huminga nang malalim si Klaudine. Isang buwan siyang wala, malamang na marumi ang bahay. Kailangan na rin niya itong i-give up dahil nag-offer si Sam na tumira siya sa condo para mas malapit.
Kailangan niyang kunin ang importanteng mga gamit. Nag-offer din si Sam na puwedeng tumulong ang driver nito para makapaglipat siya.
Pagbukas ni Klaudine ng pinto, nagtama ang mga mata nila ni Henry. Nakasandal ito sa counter ng kusina at umiinom ng kape.
"Klaudine," Henry whispered.
T H E X W H Y S
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top