WRS: Zera


Redemption Island might be the peaceful land I've ever been to after so many years of living in this harsh world, yet I really can't guarantee constant peace here.

We're dealing with different walks of life every day. Tourists don't have a similar intention of coming here, kaya hindi na kataka-taka kung minsan, makakasalubong kami ng mga bumibisita rito para lang maglabas ng angst nila sa mundo.

Meron talagang mga taong hindi ganoon kababait kausap at naiintindihan ko iyon.

Tingin ko naman, may sapat akong karanasan para maintindihan iyon higit pa sa mga kasama ko.

"Ito ang pagsabihan mo! Kanina pa 'to, tapos ako ang aawatin mo? Kung ikaw kaya ang sampalin ko ng paint brush, ha?!"

"Miss Sambrano, naiintindihan ko naman—"

"Hindi mo naiintindihan, tanga! Tangina, kung naiintindihan mo, e di sana di ako ang inaawat mo ngayon! Ang bobo mo naman!"

Dinaluhan ko na sila kay inaaway na si Candy ng dalagang kanina pa magulo sa reception area.

"Saglit lang ho, ma'am. Kumalma lang ho tayo kung maaari," sabi ko habang papalapit sa kanila, pero mukhang ayaw makinig nitong dalagang kanina pa maingay.

"O! Saksak mo sa baga mo, tangina ka!"

"Saglit ho!" sigaw ko at mabilis kong hinarangan si Candy bago pa siya masabuyan ng pintura.

Napapikit na lang ako habang nakangiwi nang umabot sa may pisngi ko ang basang likido na mabuti na lang at walang masamang amoy.

Napansin kong natahimik ang lahat at nangibabaw ang tugtog sa paligid gawa ng speaker sa stage.

"I can't feel my face when I'm with you. But I love it . . ."

Pinasada ko ang dila ko sa ibabang labi at saka ko sinilip ang resulta ng nangyari.

Halos ipakita ko na ang buong hilera ng ngipin ko sa pagngiwi dahil punong-puno ng asul na pintura ang uniform ko.

Haay. Ang hirap pa namang maglaba.

"Hindi ko kasalanan 'yan," sabi agad ng dalagang sumaboy sa akin ng pintura. Nagkrus pa siya ng mga braso at masungit akong sinukat ng tingin.

"DZ . . ." nag-aalalang pagtawag ni Candy sa likod ko.

Pilit na pilit akong ngumiti at saka humugot ng malalim na hininga. "Pasensiya na ho sa gulo," paghingi ko ng tawad sa dalagang pasimuno ng ingay sa activity area.

Hinawakan ko ang kuwelyo ng polo ko at hinatak iyon pahubad. Kailangang maingat pa ang pagtanggal kay kakalat ang pintura kahit sa katawan ko.

"Pahingi ng basahan," narinig kong sabi ni Candy na isa ring biktima ng pagsaboy ng pintura kanina.

"Oooh . . . nice bod."

Pinipigilan kong madismaya sa dalagang matapang ang mukha at tingin ko, walang sinasanto itong kausap. Kahit sa suot, mukhang mahilig din sa maikli at maong. Naalala ko si Aya sa kanya.

"I like your tattoo," sabi pa niya habang tinuturo ng nguso ang dibdib ko.

Tiningnan ko naman ang kaliwang dibdib ko sunod ang mukha niyang maganda sana pero parang mananampal ng kahit sino. Ang taas pa naman ng kilay.

"May tattoo rin ako ng pangalan ng daddy ko sa likod. Gusto mong makita?"

Sumeryoso na ang mukha ko habang tinutupi nang maayos pasampay sa braso ang namantsahan kong uniporme. "Kayo ho, gusto kong makita sa Office of the Manager. Ngayon din, ma'am."

Sanay ako sa mga turistang maiikli ang pasensiya. Kadalasan, ako ang kumakausap sa kanila para pakalmahin kay alam ng management na magkakagulo kapag ibang staff ng isla ang kailangang humawak sa kanila.

Kapag ganitong kaso na apektado na ang ibang turista sa misbehavior ng isa, damay na ang staff sa biktima, dinadala na namin ang nanggugulo sa opisina para paliwanagan.

Narito ang karamihan sa isla dahil tahimik dito at walang gulo. Kaya kapag may gulo, dapat maagapan agad.

Sa malaking hall, sa likod lang ng reception area, naroon ang opisina ng manager. Kung puwede lang dalhin sa opisina ni Penny, doon ko na dinala, kaso baka nasa kabilang isla pa siya para magsundo. Alas-sais pa naman ang cut-off ng service sa bangka, at wala pa namang alas-sais.

"Hanson?" tanong ng dalagang kasama ko habang nakatitig sa pangalang nasa pinto. Pinapasok ko na lang siya sa loob. Siguro naman, sapat na ang laki ng opisina para pakalmahin siya. Mas malamig dito dahil may air con kumpara sa labas. Kung ayaw niya sa air con, bubuksan ko ang bintana para sa kanya. Nasa likod lang naman ng office table sa harap niya.

"Maupo na lang ho kayo kahit saan, ma'am," sabi ko habang tinuturo ang puting sofa sa kabilang dingding nakadikit at sa office chair sa harap ng mesa.

Mabuti na lang at maagap si Candy, pinasabay na sa paglaba ng jacket niya ang uniporme kong napinturahan din.

Pumunta na lang ako sa cabinet sa kabilang gilid ng pinto para kumuha roon ng panibago. Nagpapasalamat akong hindi ko pa ito nagagamit at naka-plastic pa. Amoy-tela pa nga.

"Ma'am, kung sakali lang hong hindi ninyo narinig ang paliwanag kanina sa information session, may rules ho ang isla tungkol sa misbehavior." Pagsuot ko ng bagong uniporme, nilingon ko ang bisita ng opisina at napatayo ako nang deretso nang paikot-ikot na siya sa swivel chair sa may mesa. "Ma'am, bawal ho diyan."

"Sabi mo, maupo kahit saan."

Huminto siya sa pag-iikot ng upuan sabay ngisi sa akin.

Napabuntonghininga ako at napayuko.

Isa na namang makulit.

Tumayo na ako nang matuwid saka mahinahong nagpaliwanag. "Miss Sambrano—"

"Zera."

Tumango naman ako nang matipid. "Miss Zera."

"Zera lang."

Isa na namang buntonghininga at matipid akong ngumiti. "Zera." Itinuro ko ang kanang gilid gamit ang nakalahad na palad. "Importante sa amin ang katahimikan dito sa isla kaya—"

"Pero maingay kanina sa pinanggalingan natin."

Saglit kong itinikom ang bibig ko saka matipid na tumango. Mukhang mahihirapan ako sa isang ito.

"Importante sa management ng Redemption Island ang concept of recreation, Zera," paliwanag ko ulit. "Tourists are here to relax, to enjoy, and to explore. Not to get shout at by someone they don't know. Or even to received a splash of paint without a warning. That's not a part of the activities."

"E ba't ako sinisisi mo, ikaw naman ang sumalo ng pintura? Kasalanan ko bang magpakabayani ka?"

"Hindi ho iyan ang punto."

"'Yan ang pinararating mo kasi. Saka ba't ba ako lang ang nandito e di naman ako ang nanguna? Dapat sinama mo rin yung tungaw na umagaw ng pintura ko kanina!"

Napakamot na lang ako ng ulo. Parang si Aya sa kakulitan 'to.

"Ang dahilan ho kaya kayo narito ay dahil sa misbehavior, miss. Muntik na ninyong tapunan ng pintura ang isa sa mga staff ng isla."

"Jowa mo ba 'yon? Affected ka naman masyado!"

Ito na naman kami. Paanong paliwanag ba ang gagawin ko rito?

"Kailangan lang ninyong makisama, miss. Hindi mahirap makibagay. Magagawa kung gustong gawin. At higit sa lahat—"

"Uy! Akala ko ba, bawal ang phone dito?"

Nakuyom ko agad ang mga kamao ko nang mangialam na siya ng drawer doon.

"Pakibitiwan ho iyan. Hindi iyan inyo." Lumapit na ako sa mesa at hahalbutin sana ang phone sa kanya nang sipain niya ang kanto ng mesa at umurong ang upuan padikit sa ilalim ng bintana.

"Oy, may password. Ang ganda naman ng nasa wallpaper. Ito ba yung manager? Pero panlalaki 'tong phone e, hmm."

"Nakikiusap na ho ako, ma'am, bitiwan n'yo na ho iyan."

Hindi siya nakinig. Galaw lang nang galaw ang daliri niya sa screen ng phone.

"Miss Sambrano, sabi nang huwag kayong mangialam," singhal ko sa mas kalmadong boses. Umikot na ako sa mesa at mabilis na inagaw ang phone sa kanya.

"Ay!"

Tumindig ako sa harapan niya at tiningnan siya nang matalim para magbanta. "Malapit nang gumabi. Hindi namin kayo mapapaalis dito sa isla." Ibinulsa ko ang phone at nagkrus ng mga braso. "Ang rule ng isla lang na kailangan ninyong i-consider ay huwag lalabag sa guidelines na nasa labas naka-post. Mababasa sa bulletin board ang Dos and Don'ts sa loob ng Redemption Island. Unang warning na ito. Sa susunod na warning, gagawa na kami ng aksyon. Sana malinaw tayo roon, ma'am."

Hinawakan ko na siya sa magkabilang balikat para alisin sa upuan ng manager bago iyon ibalik sa pagkakaayos sa mesa.

"Doon ho tayo sa labas. Kung hindi nabanggit ng receptionist ang basic guidelines ng isla, ipaliliwanag ko po sa inyo nang mas malinaw para maintindihan ninyo."


♦ ♦ ♦


Hindi ko alam kung saan ang magulo sa mga paalala sa isla. Maging friendly sa ibang turista, irespeto ang kultura ng ibang bisita at mga nakatira at nagtatrabaho sa isla, iwasan ang gulo at posibleng hindi pagkakaunawaan kung magkakaiba ang paniniwala ng mga makakausap. Bawal ang kahit anong gadget para ma-enjoy ang nature trip at adventure sa isla. Bawal ang alak at sigarilyo bilang bahagi ng self-rehabilitation habang nananatili rito. Kaya maganda rin ang isla para sa mga gustong umalis sa kani-kanilang mga bisyo. May mga expert sa isla na maaaring kumausap sa kanila kung mahihirapan sila.

At sa simple-simpleng mga pakiusap at paliwanag na iyon, lahat hindi naintindihan ni Zera.

"This is injustice," sabi agad niya habang nakapamaywang at nakataas ang kilay sa akin. "Sino ba'ng nagpauso niyan dito sa islang 'to? Ang sabi ng friend ko, summer getaway lang. Bakit parang dinala yata kami sa rehab?"

Nagbuntonghininga ako at napatingin sa kaliwa. Para kaming magandang palabas ni Zera na pinanonood ng ibang staff.

Nakita ko pa si Diego na parang nilalaslas ang leeg gamit ang palad niya. Gusto na yata kaming awatin. Paglipat ko ng tingin kay Candy, mukha na siyang nag-aalala.

Lumubog na ang araw at bukas na ang mga ilaw sa paligid pero hindi pa rin kami tapos sa paliwanagan.

"Zera, nabanggit ng mga guide bago kayo kunin at isakay sa bangka kung anong klaseng isla ang pupuntahan ninyo."

"Oo nga. Pero di naman sinabi na ganito pala kahigpit."

"Hindi iyon mahigpit. Narito ang mga bakasyunista para pansamantalang lumayo sa buhay nila sa labas ng isla. Tingin ko naman, walang mahigpit doon dahil hindi namin pinuwersa ang mga bisitang pumunta rito."

"Alam mo, ibigay mo na lang sa 'kin yung phone ko kasi kanina ka pa maingay e."

Naibaba ko ang tingin sa palad niyang hinihingi ang isa sa bawal sa loob ng isla. Nagbuntonghininga ulit ako at pilit na pilit siyang nginitian.

"Makukuha mo iyon bukas."

"Gusto ko, ngayon. Emergency. Tatawagan ko ang daddy ko."

"Okay." Nilingon ko si Candy. "Pakitawagan si Mr. Sambrano, ako ang kakausap."

"NO!" pagpigil agad ni Zera kaya lahat kami, nagulat sa biglaang pagsigaw niya. "Ibigay n'yo na lang kasi sa 'kin yung phone ko para matapos na! Pinahihirapan pa mga sarili e."

Mukhang magsisinungaling pa yata ito. "Alam ba ni Mr. Sambrano na narito ka?"

Hinagod niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa. "Pakialam mo naman?"

Tumango agad ako at ibinalik ang tingin sa mga staff na ginagawa kaming palabas sa sine. "Lineli, paki-record nitong case ni Miss Sambrano."

"No problem!" sagot agad ni Lineli at pumunta agad sa reception area.

"Gawin n'yo na ang mga trabaho ninyo," utos ko. "Tapos na tayo rito."

"Hey!" Maglalakad na sana ako paalis nang hatakin ulit niya ang braso ko. "Phone ko!"

"Enjoy your stay here in Redemption Island, Zera."

"Sandali! Yung phone ko sabi!"

Hindi kami matatapos sa usapang ito kung lahat ng sasabihin ko, kokontrahin niya. Nasa stockroom ng general manager ang lahat ng naka-hold na gadget ng mga turista at bisita ng isla. May security rin doon na hindi basta-basta magpapatuloy nang walang authorization galing sa management, para iwas nakaw na rin. Sigurado akong hindi makakatapak doon si Zera.

Kaysa makipagtalo sa akin, mas mabuting maglakad-lakad na lang siya sa isla. Panigurado namang mapapagod din siya kay kanina pa siya sigaw nang sigaw sa akin. Hindi naman siya makakapagwala rito. Kakalma siya sa hangin, sana ma-enjoy niya ang beach.

Dumeretso na ako sa labas at dadaan sana ako sa camp para hanapin si Penny nang may marinig akong tunog ng sumusuka sa kung saan.

Lingon ako nang lingon sa paligid hanggang sa makita ko ang isang babaeng nakahawak sa tiyan habang duwal nang duwal sa likod ng puno ng niyog.

"Ma'am, okay lang kayo?" Nilapitan ko agad siya at hinagod-hagod sa likod. "Gusto ho ninyo ng tubig? Kukuha ho ako."

Itinapat niya ang kanang palad niya sa bandang mukha ko kaya bahagya akong lumayo para hindi niya matamaan.

"Dadalhin ko po muna kayo sa clinic. Tara ho." Inakay ko na siya habang takip-takip niya ang bibig. Kinuha ko ang phone na binawi ko lang kay Zera para i-page ang reception desk.

"Redemption Island, this is Candy, how may I help you?"

"Hi, Candy, this is DZ, paki-ready ng clinic. Emergency," sabi ko habang nakatingin sa babaeng pilit inilalagay ang bumabagsak na buhok sa likod ng tainga.

"Sure! Deretso na lang kayo r'on."

"Thank you!"

Ibinalik ko sa bulsa ang phone ko at inipon ang lahat ng buhok na nakalugay sa babaeng masama yata ang pakiramdam.

"Ma'am, doon ho muna kayo sa clinic for observation," paalala ko. Sigurado naman akong hindi ito lasing kay bawal ang alak sa isla.

"Salamat. Sorry, ha?"

"Wala hong anuman." Kinapa ko ang rubber band sa belt ko na emergency band dapat sa ilang bag ng bangka. Maingat ko iyong itinali sa buhok ng inaalalayan ko habang dahan-dahan kaming naglalakad. "Ano hong name nila, ma'am, para ho ma-inform ko agad ang medic para sa initial records?"

"Klau. Klaudine Gamboa."


♦ ♦ ♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top