WRS: Shan


Normal na sa Redemption Island ang mga turistang gusto lang makakita ng interesanteng lugar na pagpapahingahan. But most of the time, some of the tourists are not here just for the serenity. Most of them are not only looking for their lost souls, not only wanting to be found by the people who love them or not only to escape the life they have outside the island. Some of them don't even know why they're here. And they just realize the answer after staying here.

Some of them just want . . . freedom. Like me.

Naalala ko pa noong unang punta rito ni Shan, kasama niya si Mikmik. I felt the sadness in her. At alam ko ang pakiramdam na iyon—pakiramdam na kahit nawawala ka na, pinipilit mo pa ring tumahak ng daang hindi mo alam kung saan patungo. Na nagpapatuloy ka pa rin kahit na umiiyak ka na sa lungkot gawa ng pag-iisa.

Ilang buwan na rin ang nakalipas nang sunduin ko sila ni Mikmik sa kabilang dulo ng isla para sa isang project sa university. Para sa dissertation ang pagkakatanda ko sa file nila. Halos lahat yata kami kinausap nila para sa interview.


♥♥♥


Pebrero, hindi gaanong matao kasi hindi pa ganoon ka-bukas sa publiko ang isla. Ginagawan pa lang ng proposal for promotion sa mga travel agency. Nagdadalawang-isip kasi ang mga may-ari kung bubuksan sa publiko kay baka nga mawala ang essence ng katahimikan sa isla.

Unang araw ng tour, napapansin ko nang parang malayo ang tingin ni Shan. Matangkad siyang babae, papantay na nga sa panga ko. Parang manika ang mata at matangos ang ilong. Papantay na sa puti ko, pero kulay rosas nang kaunti ang kanya. Noong nasa front desk nga kami, sabi ni Diego, ang ganda raw, gusto niyang ligawan. Binatukan ko na lang ang kaibigan ko.

Pero pansin kong parang nahihiya si Shan kahit na ang ligalig ni Mikmik. 'Ka ko, huwag mahiya kasi bukas naman kaming lahat sa kahit sinong bisita ng isla.

Nag-stay sila sa camp para sa observation. Sina Candy naman ang nag-accomodate sa kanila. Nabalikan ko lang sila kinabukasan para dalhin sa hiking.

"Good morning, Mister Bermudez and Miss Alvarez!" masaya kong pagbati sa kanila habang nakangiti.

"Ay, baby boy! Mikmik na lang o kaya baby! Ang haba ng Mr. Bermudez, kawindang ka!" sabi ng kasama ni Shan.

"Ano ka ba, Mik? Nakakahiya." Pasimpleng kinurot ni Shan sa tagiliran si Mikmik kaya tinawanan ko na lang sila nang mahina.

Sinabihan naman na nila kami sa itatawag sa kanila, pero part ng protocol ang briefing kaya kailangang pormal.

Ang na-brief sa akin ni Penny, i-tour sila sa bundok para sa iba pang amenities and activities sa isla. Nasakto pang kabubukas lang ng hiking site at wala pa halos umaakyat sa bundok para sa trekking. Nasubukan naman na namin doon pero nasa soft opening period pa lang kami kaya wala pa kaming pinaaakyat nang walang kasamang tour guide.

Kung hindi si Diego, ako ang pinasasama sa bundok kay kailangan nga ng matangkad at lalaki para mabilis ang guide. Naiiwan lang si Diego sa dagat para mag-lifeguard.

Nagpaliwanag ako ng safety precautions at mga dadalhin sa trekking. May dala na silang bag at dala ko naman ang medikit ko at isang malaking water jug. May mga mountain ranger na rin naman sa taas kaya hindi ako mahihirapang makihiram ng gamit pag-akyat.

"Ready?" tanong ko pa.

"Go, go, go!" masiglang sagot ni Mikmik habang tinuturo nang paulit-ulit ang itaas.

Noong una kong kita sa kanila, kung hindi ko pa maririnig magsalita si Mikmik, iisipin kong magkasintahan sila. Magandang lalaki kasi si Mikmik, matangkad pa. Hindi rin mukhang bakla gaya nina Mariah kasi gupit lalaki at ayos lalaki pa rin. Bagay sana sila ni Shan kung hindi lang siya malambot.

Sa paanan ng bundok, marami na agad notice na nakahilera sa main path. Lahat na ng paalala, inilagay roon para masiguradong ligtas ang mga turistang aakyat.

Sa bahaging ito ng isla, kung puro niyog sa may baybay-dagat, mas marami namang punongkahoy rito sa bandang bundok.

Madali namang malaman ang daan dahil hindi natutubuan ng damo at halaman ang mga lupang mas madalas tapakan.

Mula roon, kumuha ako ng bag for essentials na ibinibigay talaga sa mga mountain ranger.

"Bago ho tayo umakyat, paalala lang po: huwag pong lalayo sa akin para hindi maligaw." Itinuro ko ang itaas habang nagpapaliwanag sa kanilang dalawa. "May tatlong camp site sa bundok, hindi pa bukas ang pangatlo kaya hanggang sa pangalawang site pa lang po tayo puwedeng umakyat. May dala ho bang sunblock? Sunglasses? Tubig?"

"Yes, baby! Ako na magpapahid sa 'yo ng sunblock!"

"Michael Angelo! Kapag napagalitan ka talaga . . ." sita na naman ni Shan.

Nginitian ko na lang sila. Sanay naman ako, pero hindi yata sanay si Shan. Kung alam lang niya kung gaano kaharot sina Mariah at Rihanna, masasabi niyang kalmado pa si Mikmik sa lagay na ito.

"Tara na ho?" alok ko bago sila pangunahan sa pag-akyat.


• • •


Isa sina Shan at Mikmik sa unang nakaakyat sa second half ng bundok mula nang buksan ang lampas sa first site sa mas mababang parte. Iyong may hilera pa ng cabin para sa mga turistang gustong manatili sa gubat naman.

Isang oras din ang nabuno namin sa pag-akyat at masasabi kong sulit ang pagod habang nagpapahinga kami sa malapit na bangin. May puno roon ng ipil-ipil na hindi pa gaanong mataas. Doon kami pansamantalang lumilim.

"Ang haggard ko na, cyst! Kaloka!" reklamo ni Mikmik. "Alam mo, buti na lang talaga, wala si Dash dito. Ay, 'te, sinasabi ko na! Sira ang beauty ng gaga!"

Nilingon ko si Shan kasi hindi sumagot. Napatingin ako sa tinititigan niya—sa asul na dagat na kumikinang sa pagtama ng sikat ng araw. Nakatitig lang siya roon, parang nahahalina sa tubig.

Sinulyapan ko si Mikmik na halos ubusin sa isang tungga ang laman ng water jug niya.

Hindi na inalintana ni Shan kung mainit ba sa puwesto niya dahil inaabot siya ng pantanghaling araw. Maganda sana siyang titigan sa ganoong anggulo pero nakikita kong parang tinatawag siya ng tubig—parang tatalon sa bangin kung may pagkakataon.

"Wala bang restroom dito? Baby, saan puwedeng mag-pee?"

Ibinalik ko ang tingin kay Mikmik na namimilipit sa puwesto niya.

Pilit ang ngiti ko sa kanya. "Kahit saan na lang ho. Pasensiya na, nasa taas pa ang portable toilet. Mga twenty minutes na lakaran pa ho 'yon."

"Ay, my God! Nakakasira naman ng beauty 'to. Hindi ba 'ko manununo rito?"

Nginitian ko na lang siya ulit. "Hindi naman ho. Ingat lang ho kayo sa mga insekto."

"Ano ba 'yan?" pagdadabog niya. "May option ba 'kong maganda? Kaloka, ha!" Ibinaling niya ang tingin kay Shan. "Cyst, next time kapag nag-soul searching ka, mag-search ka rin muna ng CR, ha! Nakakasabog ng pantog mga hanash mo sa life!"

Tingin ko, hindi siya naririnig ni Shan. Hindi natinag sa puwesto itong kasama niya.

Pero nababahala talaga ako. Malalim yata talaga ang problema nitong si Shan para tumitig nang ganito katagal sa dagat.

Hindi ko naman siya masisisi. Makapigil-hininga naman kasi ang ganda ng dagat mula sa taas.

"Ang sarap sigurong maging ibon," sabi niya habang nakatulala sa tubig. "Lilipad ka lang. Malaya. Walang pinoproblema."

Nagusot ang dulo ng labi ko at tumango nang matipid. "Hindi ho ba kayo malaya para mangarap maging ibon?"

Ang bigat ng buntonghininga niya habang lukot pababa ang dulo ng labi. Bigla siyang umiling kaya inisip ko nang hindi ang sagot.

Napaisip ako. May tao bang malaya? Malaya nga ba ang tawag sa mga malalayang tao o mga nakakulong lang din pero nasa mas malaking kulungan nga lang?

Kinuha ko ang keychain ko na nakasabit sa belt at ipinakita sa kanya.

"A-Ano'ng gagawin ko rito?" tanong pa niya habang tinitingnan ang kulumpon ng mga susing ibinigay ko.

"Ito ho." Itinuro ko ang quote na nasa keychain.

"Freedom isn't free. You have to pay for it."

Mukhang nagulat siya sa nabasa niya at napaangat siya ng tingin sa akin.

"Kung narito kayo sa isla, ibig sabihin, kayo ang nagkukulong sa sarili ninyo sa sarili ninyong hawla."

Mapait siyang napangiti at ibinalik ang tingin sa dagat. Napahimas siya sa braso at napayuko. Unang beses kong nakitang umalis ang tingin niya sa tubig. "May anak ka na ba?" tanong niya at sinulyapan ako mula sa pagkakayuko.

Umiling naman ako. "Wala pa ho."

"Sigurado ka?"

Hindi ko naiwasang matawa sa pagdududa niya. "Kahit ho gustuhin ko, wala ho talaga akong anak. Kayo ho, may anak na? 24 pa lang kayo, base sa nakalagay sa file ninyo, ano?"

Tumango ulit siya at ibinalik ang tingin sa dagat. Pilit na pilit ang ngiti niya habang naghihimas ng kanang braso. "Kaso yung anak ko, wala sa akin. Gusto ko na ngang makuha."

"Oh." Kaya pala. Napatingin tuloy ako sa dagat. Kaya pala malalim ang iniisip. Mas malalim pa pala sa dagat ang dahilan. "Pero nakikita n'yo naman ho yung bata?"

Umiling siya habang balisang nakatanaw sa malayo.

Hindi naiwasan ng noo ko ang malukot. Ang alam ko, dapat ang bata, laging nasa ina niya. Ang lungkot naman n'on kung hindi niya nakikita ang bata. Iniisip ko pa lang, nalulungkot na ako. Sinukat na lang ng mata ko ang pagtatagpo ng asul na langit at tubig habang dinadama ang naghalong lamig at init ng hangin.

"Nasaan ho yung tatay? Sana isinama n'yo rito."

"Hindi niya naman alam na may anak kami."

Bigla akong napaurong at kunot-noong napatingin ulit sa kanya.

Kaya ba niya tinanong kung sigurado akong wala akong anak?

"Buti di ka nagtatanong."

"Ng alin ho?"

"Kung bakit may anak na ako kahit bata pa ako. Sila kasi, lagi akong tinatanong niyan. Sinisisi pa nga. Parang masamang magkaanak kapag wala ka pang karapatan."

Pilit akong ngumiti sa kanya at ibinalik ang tanaw sa dagat. Nailang ako sa sinabi niya. "Hindi ko ho naisip itanong. Hindi naman ho kasi magandang itanong iyon sa tao. Bastos ho kasing pakinggan. Saka hindi naman ho masamang magkaanak, blessing ho iyon."

"Sana nga, blessing. Para kasi kina Mama, hindi—"

"Cyst! Ano na? Tom Jones na 'ko!"

Sabay kaming napalingon ni Shan kay Mikmik na kababalik lang. Pagpag siya nang pagpag ng braso. Siguro nagpunta pa sa malinis na lugar kahit paano para umihi.

Tanghali na rin naman kaya naiintindihan ko kung ginugutom na sila. Hindi yata mahilig magreklamo si Shan kaya si Mikmik na ang nagsasalita para sa kanilang dalawa.

"Tara na ho, malapit naman na yung next stop."

Siguro nga hindi ko naiintindihan si Shan kung anak ang pag-uusapan. Pero kung magkaroon man ako ng anak, ayoko ng iiwan ko sila ng mama niya. Hindi ko maaatim iyon.

Hindi ako maglilinis-linisan, pero kahit na balikan pa ako ng mga babae sa buhay ko noon at sabihin nilang may anak ako sa kanila, kahit pa sampu ang ipakilala nila sa akin, tatanggapin ko lahat, makasama ko lang.

Iyon nga lang, imposible nang makabalik pa silang lahat.

Nakarating kami sa second stop ng bundok—at hanggang dito lang kami. Patag naman na at may mga cabin na sa gilid. Na-landscape na rin naman at puwede nang magamit ang zipline patawid sa ibaba ng beach camp. Sabi ni Penny, ipagamit na raw sa kanila kung gusto nilang gamitin. Baka nga magamit ko rin ngayon para sumabay pababa.

Sa puwestong ito ng camp site, tanaw na ang port at nakikita ang iba pang tour guide na sumasalubong ng mga turista sa ibaba gamit ang bangka.

Nag-interview ulit sina Mikmik sa mga mountain ranger na bantay sa mga cabin. Tumanaw na lang ako sa dulo ng bangin na hinaharangan ng di-kalakihang troso bilang bakod.

Bihira ako rito sa taas dahil palagi ako sa ibaba, pero ang sarap talaga ng nasa tuktok at pinanonood ang lahat.

Siguro nga, masarap maging malaya. Pero hindi naman lahat ng malaya, masaya sa buhay nila. Bigla kong naalala si Aya.

Hindi ko rin naman masasabing malaya akong tao dahil noong namili ako ng kulungan, mas pinili ko ang magandang kulungang ito—dito sa islang mas payapa kaysa sa siyudad.

May mga kuwento ang lahat ng napapadpad dito sa isla, at habang nakatingin ako kay Shan, naaalala ko ang lungkot ng buhay ko bago ako mapunta rito. Siguro dahil ibinabalik ng lungkot sa mga mata niya ang mga alaalang gusto ko nang kalimutan.



♥ ♥ ♥



"Shan! I miss you!" Ibinaba ko na ulit siya pagkatapos kong yakapin.

"Uy, grabe, na-miss ko kayo!"

Masaya akong makita ulit siya pagkalipas ng ilang buwan. Pero mas masaya akong makita ang kinang sa mga mata kumpara noong unang tapak niya rito sa isla. Pakiramdam ko nga, may masayang nangyari sa kanya bago siya bumalik dito.

"May thesis ulit kayo?" tanong ni Candy sa kanya habang hawak-hawak ko siya sa magkabilang kamay at inuugoy ko pa. Mas blooming ngayon si Shan, mas lalo siyang gumanda. Mabakuran nga kay Diego habang narito siya.

"Hindi! Bakasyon lang talaga. At saka—"

"Hoy! Excuse me, nauna ako diyan! Kapal ng mukha mo! Gusto mong isampal ko sa 'yo 'yan?"

Sabay-sabay kaming napalingon doon sa sumigaw sa kanan. May nagkakasampalan na ng pintura doon.

"Hala, may nag-aaway yata," puna ni Shan.

"Di ba siya yung nasa pila mo kanina, Candy?" tanong ko agad nang mamukhaan ko kung sino ang maingay sa kabilang dulo ng activity area.

"Si Miss Sambrano. Saglit lang."


___

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top