WRS: Phoebe
Bagong umaga sa isla at wala nang tatalo sa pagsikat ng araw kapag tatanaw ka sa dagat. Sabi ko nga kay Penny, hindi ko pagsasawaan ang bawat umaga ko rito sa isla.
Alas-singko ng umaga, gising na 'ko. Nagpapainit na 'ko niyan ng tubig para makapagkape, maghahanda ng mga gagamitin sa pagpasok sa trabaho, tapos mag-aasikaso na. At dahil day off ko nga at hindi rin ako pinayagang mag-guide ngayong araw kahit marami pa ring turistang dumarating, malamang na makikiusyoso na lang ako sa mga tour guide habang sisimple ng trabaho kung sakali mang may magtatanong na mga turista at hindi agad ma-accommodate.
Alas-singko y medya, mula sa terrace ng bahay namin sa isla na nasa mataas na bahaging malapit sa bangin, tanaw na tanaw ang araw na umaangat mula sa linyang nagdidikit sa langit at tubig. Tahimik pa sa ibaba, may mga gising na at naglalakad-lakad sa baybayin.
Ganitong buhay ang gusto kong mapanatili. Ganitong payapang umaga ang gusto kong masilayan sa bawat araw.
"Good morning."
Napatingin agad ako sa baywang ko nang may brasong yumakap sa akin at isinubsob ang mukha niya sa likod ko.
"Magandang umaga. Kumusta ang tulog? Di ka ba napagod, ang busy mo kahapon," tanong ko agad habang sinisilid ang mga daliri ko sa pagitan ng mga daliri niya.
"Hmm, not really. May pasok pala ako today, nakakatamad."
Natawa naman ako nang mahina saka siya bahagyang nilingon sa likuran. "Gusto mo, samahan kita?"
"Day off mo. Pahinga ka na lang."
"Wala naman akong gagawin dito sa bahay. Samahan na lang kita. Baka kailangan mo ng tagabuhat ng bagahe."
Bigla siyang bumitiw sa kamay ko saka tinapik-tapik ang dibdib ko. "Ang tigas na ng muscles mo kakabuhat ng mga maleta. May competition ba kayo ni Diego for Redemption Island's best bod?"
Humarap na ako sa kanya bago ko hinuli ang kamay niyang nakaabang sa hangin.
"Ano'ng gusto mong almusal?" tanong ko habang inuugoy-ugoy ang mga kamay namin.
"Are you gonna cook for us?" Biglang lapad ng ngiti niya habang naghihintay ng sagot ko.
"Hmm, puwede." Tumango-tango ako. "May laman pa naman ang ref, mamamalengke naman ako bukas."
"Gusto ko ng cheesy omelet."
"At . . .?"
"Hmm . . ." Tumingin siya sa dulong kanan habang nag-iisip. "Ay! Let's head na lang pala sa lobby, meron naman silang grand breakfast today!"
Aw, oo nga pala. "Invited ba ako roon?" biro ko pa.
"Uhmp!" Bigla niya akong hinampas nang mahina sa kaliwang braso. "Anong invited ka diyan? Doon na lang tayo, baka sina Candy ang maghahanda today ng lobby."
"Sige, maligo ka na muna." Saglit ko siyang niyakap saka hinalikan nang magaan sa tuktok ng ulo. "Titingnan ko muna yung uniform ko sa labas. Nakalimutan kong ipasok pagbalik ko kagabi."
♦♦♦
May grand breakfast ang Marina Hope na parte ng package bilang pa-welcome sa Redemption Island para sa mga turistang nag-avail ng summer promo. Hindi ko sila nakausap tungkol dito kasi nga, day off ko. Alam din naman kasi nila na kapag day off ko, hindi talaga ako nagpapahinga. Naghahanap pa rin ako ng pagkakaabalahan, at ang siste, napapatrabaho talaga ako.
Hindi na nga nila ako hinahayaang hindi mag-take ng day off kasi kapag nagtrabaho ako, babayaran talaga nila ang oras ko. 'Ka ko, kahit hindi naman, gusto ko lang na may ginagawa.
Akbay-akbay ko si Penny nang maabutan naming inaayos ang lobby. Nagdadala na rin sila ng mga mesa papunta sa may activity area kahit kapapatak pa lang ng alas-sais.
"Anong oras ang start?" tanong ko kahit na alam ko namang alas-siyete pa.
"Seven. Nagluluto na yata sila sa kitchen. Check ko nga." Pinauna ko na si Penny papasok sa pasilyo kung nasaan ang kusina para sa mga malalaking handaan para sa Marina Hope. May sarili rin kasing kitchen ang ibang travel agencies dito sa isla.
"P're! Aga magising, a? Makikialmusal ka rin?"
Pa-salubong sa akin si Diego na may dalawang monobloc na mesa kaya hinarang ko agad. "Akin na, dadalhin ko sa activity area." Binuhat ko agad sa pagkakabitbit niya ang mesa kaso hindi niya agad binitiwan.
"Day off mo, uy! Kapag napulis ka na naman ni Boss dito, sermon ka na naman."
Tinawanan ko lang siya nang mahina. "Hindi 'yan. Ako'ng bahala."
"Sigurado ka, ha?"
Ipinaubaya na rin niya sa akin ang mesa at ako na ang nagdala sa activity area na ilang metro din ang layo sa lobby.
Doon pa lang, marami nang nag-aasikaso. May mga mesa na ring pinagdikit-dikit at tinakpan ng mahabang puting tela. Hindi pa naman nila inaalis ang mga dahon ng niyog na ginawang bakod ng area pero nagsisimula na iyong matuyo dahil kahapon pa naman iyon nang umaga inilagay.
"DZ! Day off mo, a? Ang aga mo naman dito."
Bumungad si Candy sa akin na sinasalubong ako para ituro kung saan dadalhin ang bitbit kong mesa.
"Sinamahan ko si Penny, baka kailangan ng assistant."
"Palapag na lang dito, salamat!"
Ibinaba ko ang mesa katabi ng isa pang wala pang tapal na tela. Ginagawa nilang pakuwadrado ang pagkakahilera ng lahat ng mesang naiipon at tabi-tabi ang mga ihahain nila.
"Okay lang ba kay Ma'am Penny na magtrabaho ka ngayon? Sana nagpahinga ka na lang."
Nginitian ko lang si Candy saka kinurot nang mahina ang tungki ng ilong niya. "Pare-parehas kayo ng sinasabi. Nakakaantok kaya sa bahay."
"Ayaw mo n'on? Para matutulog ka lang?" Kinusot naman niya agad ang ilong saka tumingin sa kanang direksyon niya.
"Ate Candy, sa reception ka raw muna. Tatawag na raw sa mga guest maya-maya," sabi ni Mia na papalapit sa amin.
"Okay, sure." Pumaling siya sa akin saka ako nginitian. "Sa lobby na 'ko, ha?"
Tumango lang ako at pinanood sila ni Mia na umalis sa activity area.
Kapag mga ganitong pagkakataon na sobrang abala sa isla, sobrang bihira kaming magtagal sa iisang lugar. Kasi kailangang umiikot at lumilibot kami para madaluhan ang mga turistang bisita ng isla.
At dahil pinipilit nilang day off ko, ilang beses din akong sinita kung bakit ako tumutulong sa pag-aasikaso.
"Ang workaholic mo, p're. Kung ako 'yan, itinulog ko na lang 'yan." Tinabihan agad ako ni Diego nang matapos kami sa pagbubuhat ng galon-galong tubig para sa mga turista. Ang mga taga-kusina na ang nag-aayos ng mga bande-bandehadong pagkain sa mga mesang inayos namin.
Nakakapanlaway ang naglalakihang kawa na puno ng pansit bihon at pancit canton. May tatlong kaserola pa na may lamang sopas. Tatlong kaserola rin na may lamang goto kasama ng limang basket ng nilagang itlog. Sunod-sunod din ang paglalatag nila ng mga dinaing na bangus na binabad muna sa suka at bawang. Amoy na amoy sa puwesto namin sa sulok. Bawal kasi kaming lumapit doon dahil nga pagkain at hindi malilinis ang mga kamay namin.
Ang mga nagdala ng pancit, sunod namang inilatag ang mga tocino, longganisa, tapa, at mga piniritong itlog. Huling inilabas ang sampung kawa ng sinangag.
"P're, nagugutom na 'ko, a."
Napatango na lang ako sa sinabi ni Diego habang napapansin ang paghimas niya sa sikmura. Napapalunok na nga lang din ako kasi ang bango ng paligid namin, nakakagutom ang amoy ng mga handa.
Pagtingin ko sa relos na suot ko, pitong minuto na lang at alas-siyete na ng umaga.
Pinagmasdan ko ang labas ng activity area, ang dami na nilang nakikisilip mula sa bakod na gawa sa dahon ng niyog. Hindi pa kasi sila hinahayaang pumasok para hindi magkagulo ang mga naghahanda.
"Candy, pa-guide naman yung mga visitor para organized tayo sa entrance. Thank you!" utos ni Penny kaya tinakbo ko na ang entrace ng activity area para sumalo rin ng trabaho.
"Hey!" Ang lawak ng ngiti ko pagtapat ko kay Candy na mag-isa lang na bantay sa entrance.
"O, DZ. Start na ng boodle, a? Di ka kakain?"
"Mamaya, kapag ayos na lahat." Kinindatan ko lang siya saka ko hinarap ang mga naghihintay sa labas ng activity area. "Magandang umaga po sa lahat, ayos lang po tayo ng pila para po makapasok na."
Sumunod naman ang mga nag-aabang ng almusal sa labas at si Candy na ang bahalang magturo sa mga ito kung sana kukuha ng plato, baso, at kubyertos, kung saan kukuha ng tubig, kung kanino magtatanong para malaman kung meron bang bawal sa may allergy na pagkain sa mga handa.
Isang oras din ang inabot bago nagkanya-kanya ang lahat ng nakakuha ng pagkain. Hindi sila puwedeng magtagal sa activity area kaya puwede silang sa labas kumain kung saan merong mga mesa para sa mga food establishment sa sila. Hile-hilera naman iyon sa pagitan ng mga puno, hindi sila mauubusan ng puwesto.
"Ang dami pang naka-ready sa kitchen, hindi pa lumalabas lahat ng guest," sabi ni Penny habang dala-dala namin ang sari-sarili naming plato papunta sa isang blangkong mesa sana para sa amin.
Iyon nga lang, pagdating namin doon, may nakaupo na.
"Hi! OMG, hello?" Lumapit agad si Penny doon sa mag-isang nakaupo sa naka-reserve sana naming table.
"Hi." Paglipat niya ng tingin sa akin, nakitaan agad siya ng gulat sa mukha. Kahit din naman ako. "Uy. Di ba, ikaw yung kakilala nina Shan? What's your name again? Danny?"
"Denzell," sagot ko.
"Oh! You knew each other. Great! Uhm, can we sit here?" tanong agad ni Penny.
"Sure, go on." Inurong agad niya ang plato niya sa gilid para makatabi kami ni Penny.
Napatitig ako sa kanya habang inoobserbahan siya. Mapungay ang mata niya ngayon, parang kulang pa sa tulog at napilitan lang gumising. Nakasuot pa nga siya ng knitted cardigan, T-shirt, at jogging pants. Mukhang galing pang tulog. Nakatali pa ang buhok na hindi gaanong maayos ang pagkakasuklay at mukhang itinali lang para hindi maging abala sa pagkain. Wala rin siyang makeup pero maganda naman siya kahit hindi nakaayos. Mukha rin naman siyang nakapaghilamos bago tumungo rito para kumain.
"Ikaw si Phoebe, di ba?" tanong ko habang nagsisimula nang maghati ng pritong itlog kahalo sa sinangag. "Mag-isa ka lang pumunta rito?"
Sumulyap siya sa 'kin saka matipid na ngumiti bago tumango.
"Nahatid na ba kita rito dati?"
Walang salitang tumango na naman siya. Tingin ko naman, hindi siya mahiyain. Pero nangingilag pa. Hindi yata sanay na kinakausap. O baka kasi kumakain at nang-aabala ako.
Hinayaan ko muna siyang mag-almusal. Kami ni Penny ang nag-usap tungkol sa schedule nito ngayong araw. Kung magsusundo sila sa kabilang isla, malamang na maiiwan ako rito kasi hindi ako papayagang sumakay ng bangka.
Nang mapansin kong patapos na si Phoebe, saka ko siya binalikan.
"Sina Shan pala?" tanong ko nang sumandal siya sa kahoy na sandalan ng bench na inuupuan niya.
"Tulog pa sila. May hangover pa yata ang mga 'yon."
"Hangover?" sabay pa kami ni Penny sa tanong na 'yon. Pagtingin namin sa isa't isa, puwersadong ngiti agad ang nagawa namin kasi bawal na bawal sa isla ang kahit anong alak.
At sino naman kaya ang nagtakas ng alcohol papasok dito?
"Naglasing kayo kagabi?" tanong ko pa.
Ang bigat ng buntonghininga niya habang pilit na pinadidilat ang mata patutok sa mesa.
Kaya siguro hindi ako masagot nang maayos. Mukhang kahit siya, may hangover din.
"Naiintindihan naman namin kung may mga pinagdaraan kayo," paalala ko agad. "Iyon naman ang punto kaya kayo narito sa isla, di ba?"
"Yes, that's true. And hindi talaga allowed ang alcohol sa premises, miss." Kahit si Penny, pinahina na ang boses kasi malamang na masisita kami kapag narinig na may alak na naipasok sa loob. Magkakagulo ang ibang turista at masasabihan pa kami na unfair sa iba.
"Sorry, we're just having fun," matamlay niyang katwiran habang nakatitig sa mesa na parang naroon ang kausap niya. "I . . ." Panibagong buntonghininga at hindi na niya naituloy ang sinasabi.
"You can stay with her, I need to go back to the lobby," paalala agad ni Penny at ipinakita ang relos niya.
"Late ka na," sabi ko pa. Dapat kanina pa siya nasa reception kasi magsusundo pa siya sa aplaya.
"I'll page Diego agad kapag nakabalik na 'ko." Tumayo na siya at akmang dadalhin ang mga pinagkainan nang pigilan ko.
"Ako na'ng bahala. Una ka na."
"Alright. See you later." Sinapo niya ako sa gilid ng ulo at hinalikan ako nang mabilis sa sentido.
"Ingat ka, ha?" paalala ko nang lingunin siya.
"Of course, thank you!"
Napapabuntonghininga na lang ako nang balikan si Phoebe. May dahilan pala ang tamlay niya, akala ko, nahihiya lang.
"Puwede kang magkuwento, makikinig ako." Pinagsalikop ko ang mga palad ko saka sumandal sa puwesto. Tinitigan ko siya nang maigi dahil mukhang malalim talaga ang iniisip niya.
"I was trying to escape, you know?" panimula niya at humugot na naman ng malalim na hininga.
"Pero hindi tayo puwedeng takas lang nang takas. Kailangan din nating harapin ang buhay kahit gaano pa kalaki ang takot natin."
"I was abused. Physically . . . emotionally . . . mentally . . . sexually," halos pabulong na ang huling salita niya. "Paano mo haharapin ang bangungot mo? What I mean is . . . is there a way to end this maliban sa suicide?"
Hindi ako agad nakasagot. Nakikita ko kasi sa kanya ang isang bahagi ng sarili ko noon.
"Gusto mo bang mag-stay rito sa isla nang matagal?" tanong ko agad.
Pilit siyang natawa saka umiling. "Nope. Babalik pa rin naman ako sa Manila. Pero . . . hindi ko alam kung paano babalik nang mag-isa. Student pala ako, by the way. Kailangan ko pa ring bumalik sa studies ko, of course."
Natatahimik ako. Hindi siya mukhang nakakaawa, pero nararamdaman kong lumalaban siya sa mabigat na problema.
"Ayokong bumalik doong mag-isa . . . para kasing hindi ko alam kung saan ako uuwi . . . kung saan ako babalik."
Bigla siyang nag-inat at bumuga na naman ng matunog na hininga. Nagkibit-balikat siya at pilit na ngumiti. "I hope I have someone to guide my way out here. I mean, not here here. You know?"
Sa totoo lang . . . ang dami kong gustong sabihin sa kanya. Pero hindi ko masabi. Hindi ko rin alam kung bakit gusto ko lang hintaying magsabi pa siya ng ibang bagay na gusto ko at kailangan kong marinig mula sa kanya.
"I'm looking for a place . . . I'm searching for a face . . . Is anybody here I know?" Natawa siya nang mahina saka sumulyap sa 'kin. "Alam mo yung kantang 'yon?"
Matipid lang akong tumango para sabihing oo.
"'Cause nothing's going right, and everything's a mess . . . And no one likes to be alone . . . Isn't anyone trying to find me? Won't somebody come take me home?"
Kumanta na lang siya habang nakatulala sa mesa. Hinayaan ko na lang siya. Mukhang mas kailangan niya ng makikinig kaysa magpapayo. Hindi naman din siya nanghihingi ng payo kaya malamang na hindi rin niya kailangan—sa ngayon.
"It's a damn cold night, trying to figure out this life . . . Won't you take me by the hand? Take me somewhere new. I don't know who you are but I . . . I'm with you . . ."
"May bahay ka naman sa Maynila, hindi ba?"
Bigla siyang natawa nang mahina saka nakapikit na tumango bago sinalubong ang titig ko. "Local ka ba rito? Nakarating ka na sa Manila?"
"Dati akong taga-Maynila."
"Oooh. Pero bakit nandito ka? Dumadaan ka ng Manila kahit nandito ka?"
Natahimik ako. Wala na kasi akong balak bumalik sa lugar na 'yon.
"I know how to read body language," sabi agad niya. "Looks like you, too, have a beef with someone in Manila. Di ka agad nakasagot."
Napayuko at pilit na ngumiti bago nag-angat ng tingin. "Mas payapa lang dito kaysa roon."
"Uhm-hmm. Yes, of course. I agree with you. Pero balik ko lang sa 'yo yung sinabi mo. Hindi tayo puwedeng takas lang nang takas. Parang mas bagay sa 'yo 'yon." Bumuga na naman siya ng matunog na hininga saka tumayo. "Gotta go. Sana ma-enjoy ko 'tong island. Sana makatulong sa 'kin."
Pinanood ko lang siyang umalis. Nabalisa ako sa sinabi niya. Hindi naman kasi tipikal na sinasabi iyon sa akin ng mga bisita ng isla.
Alam ko namang kaya ako nandito ay dahil tinakasan ko ang masamang alaala ko sa Maynila, pero . . .
Hindi ko rin alam. Ang tagal ko na rin kasing hindi nakakabalik doon.
Ang tagal ko na ring hindi nadadalaw sina Aya at Kikay.
Siguro kakausapin ko muna si Penny tungkol dito. Baka may sabihin siyang makakatulong sa 'kin. Susubukan ko lang.
♦♦♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top