Chapter 8: Morning With a Smile
Bihira akong matakot sa gabi, malamang kay wala namang nakakatakot dito sa Smile. Pero hindi ko lang inaasahan na aabot sa puntong gusto ko nang mag-umaga agad para hindi na ako natatakot nang ganito.
Sabi ni Kikay, maliligo lang daw siya, hintayin ko na lang. Pinapuwesto niya ako sa may dingding, sa ilalim ng mga asul na fairy lights.
Napapagod ako, pero natatakot akong pumikit. Kasi tuwing pumipikit ako, biglang napapalitan ang lahat ng mukha ni Bea na nasa video. Kapag naalala ko ang napanood ko, tinatanong ko agad ang sarili ko kung bakit naging ganito ako.
Mahirap lang kami. Siguro kung mayaman lang ako, hindi magagawa iyon ni Bea. Siguro kung naging mabuting asawa lang ako, hindi niya ako iiwan. Alam ko namang marami akong kulang kaya hindi ko rin maiwasang isipin na malamang, mali ko rin lahat kaya niya nagawa iyon.
Kung naging sapat lang siguro ako, baka lang . . . baka nakontento na siya sa akin.
"Ang tahimik mo a."
Napaangat ako ng tingin at nakita si Kikay na nagpupunas ng buhok. Nakatuwalya lang siya habang papunta sa dresser niya sa kabilang gilid ng pinto, malapit sa higaan niya kung nasaan ako nakaupo.
Nag-iwas agad ako ng tingin at tumitig na lang sa kamay kong himas-himas ko na naman. Nahihiya ako kay Kikay, nakikita ko siyang nakatuwalya lang.
"If there were no words, no way to speak, I would still hear you . . ."
Napasulyap ako sa kanya nang magbukas siya ng music player.
"Ang tahi-tahimik, di ka nababagot?" tanong niya.
"Ayos lang naman."
"'Lalim ng iniisip mo. Si Beng ba?"
Matipid akong ngumiti at naghimas ulit ng palad. "Di ko alam kung nakakain na ba siya ng hapunan. Di ko nga alam kung saan siya pupunta."
Narinig kong nagbuntonghininga siya kaya lalo akong napayuko. Baka nauumay na siya sa mga sinasabi ko.
"Sorry," sabi ko na lang.
Biglang nasapawan ang tugtog ng tunog ng hair blower. Pero okay lang naman. Kahit paano, pinipili na ng utak ko ang maririnig niya. Kung tahimik na naman kasi, maririnig ko lang sa loob ng isip ko ang ungol ni Bea sa video. Nanghihina ako kapag naalala ko. Naiilang ako sa sarili ko kapag bumabalik sa isipan ko iyon. Parang may nagawa akong kasalanan na hindi ko dapat ginawa.
"Alam mo, Tisoy, malaki na si Bea. Huwag mo masyadong isipin 'yon kasi maraming kakilala 'yon."
"Baka lang wala. Di ko naman kasi alam."
"Sabi ni Rihanna, may quarters naman daw sila sa call center kaya may matutulugan pa rin ang asawa mo kahit pa maglayas 'yon. Saka mas marami pang pera 'yon kaysa sa 'yo. Ikaw nga ang walang pagkain sa inyong dalawa, 'yon pa iisipin mo."
Ang lalim ng paghugot ko ng hangin at napatingin sa kisame. "Sana nga."
Hindi ko rin naman gustong malaman na matutulog si Bea ngayong gabi sa kalye. Kung ganoon lang din naman, umuwi na lang siya sa amin. Kahit na matulog ako sa labas, ayos lang.
Biglang nabawasan ang ingay. Pinatay na ni Kikay ang hair blower niya. Pagsulyap ko sa kanya, nakalapit na agad siya sa akin.
"Tisoy, alam kong malungkot ka lang kaya mo ginagawa mo 'to. Iniintindi ko 'yon." Umupo siya sa gilid ko paharap sa akin. "Ayokong magaya ka sa kapatid ko. Matapos iwan ng asawa, nagbigti sa kumot. Sana naiintindihan mo rin kung bakit ko ginagawa 'to."
Matipid akong ngumiti at yumuko. Tumango na lang ako para sabihing naiintindihan ko naman. Kabarkada ko si Ethan noong nasa Benigno pa kami nina Bea. Tagakabilang section. Mahal na mahal n'on ang asawa niya kaso sumama sa foreigner kasi mayaman. Sa kanya naiwan yung anak. Ngayon, nasa nanay na nina Kikay yung bata. Naawa nga ako kaya nga ayokong mangyari sa akin iyon.
Sinundan ko ng tingin si Kikay at natigil ang mata ko sa harapan nang umupo siya sa kandungan ko. Naramdaman ko ang lamig ng tuwalyang nakaharang sa pagitan ng mga balat namin. Hindi ko alam kung galit ba siya o ano. Hindi siya nakangiti, mukha siyang walang gana. Sana hindi siya galit sa akin kasi kung oo, baka umuwi na lang ako para hindi siya maabala.
"Ito ang tandaan mo, Tisoy. Di naman masamang magmahal ka. Pero sana nagtitira ka para sa sarili mo."
Hindi ako nagsalita. Tumango lang ako habang nakayuko. Gusto ko lang namang maging masaya si Bea.
Kung siya rin naman ang asawa ko, gagawin ko rin naman ang kahit ano, maging masaya lang siya.
Ang lalim ng buntonghininga ni Kikay kaya ako napaangat ng tingin. Baka nga galit na siya, siguro uuwi na lang ako.
"Naaawa ako sa 'yo, Tisoy. Tara nga rito."
Para akong nanigas sa kinauupuan ko nang bigla niya akong yakapin. Ilalayo ko sana ang ulo ko para hindi tumama sa katawan niya pero sinalubong niya agad ang likod ng ulo ko para lalo lang ibaon ang mukha ko sa bandang leeg niya.
Ilang segundo akong nagpigil ng hininga habang kuyom-kuyom ang kamao sa magkabilang gilid.
Nayayakap ko rin naman si Kikay bilang kaibigan, pero hindi sa ganitong posisyon.
"Huwag ka ngang tuod diyan, Tisoy. Para kang tanga."
"E kasi . . ."
Dahan-dahan akong bumuga ng hininga kay ang hirap pigilan ng hangin. Bumabanda sa akin ang init ng hininga ko mula sa leeg niya. Sana okay lang kay Kikay, baka kasi pagalitan ako.
"Kung masama ang loob mo kay Bea, ayos lang na sumamâ ang loob mo. Basta huwag kang gagawa ng di maganda, ha?"
Dahan-dahan ding lumuwag ang pagkakakuyom ng kamao ko. Kumakalma ako sa ginagawa niyang paghagod sa buhok ko, nakakaantok.
Pinanatag ko ang paghinga ko at sinubukang ipalibot ang mga kamay sa baywang niya. Hindi siya nagalit kaya hinigpitan ko nang kaunti hanggang sa maramdaman ko ang lamig ng katawan niya nang makadikit sa akin.
Hindi ko na matandaan kung kailan ko huling nayakap si Bea. Parang may isang taon na yata—o higit pa. Ayaw niya kasing niyayakap ko siya, ang baho saka ang dungis ko raw kasi. Lalo na kapag galing akong trabaho. Kaya tuwing umuuwi, naliligo agad ako. Kaso kapag umuuwi naman ako, madalas hindi ko na rin siya nayayakap kasi naka-uniform na siya. Hanggang paalam na lang ako.
"Ang bango mo," bulong ko habang pinakikiramdam si Kikay. Amoy-matamis na mansanas siya, parang ang sarap kagatin.
Naramdaman kong natawa siya nang mahina at bahagyang lumayo sa akin.
Ang tamis din ng ngiti niya nang hawiin ang buhok ko sa noo. Napatitig ako nang may katagalan sa ngipin niyang malaki lang nang kaunti ang dalawa sa unahan.
Kapag ngumingiti nang ganito si Kikay, pakiramdam ko, may nagawa akong maganda na hindi niya ikagagalit.
"Kikay . . ."
"O?"
"Ang ganda mo."
Lalong lumapad ang ngiti niya sa akin. At iyon na siguro ang nangyari sa gabi ko na masasabi kong pinakamaganda.
Hindi ko inaasahan na sa sumunod kong pagpikit, matamis na ngiti na lang ni Kikay ang tangi kong naaalala.
*****
Sanay ang katawan kong gumigising nang maaga. Madaling-araw kasi, kailangan ko nang bumili ng almusal para kay Bea. Pero naalala ko, wala na nga pala siya. Pagmulat ko ng mata, mukha ni Kikay ang nasilayan ko. Nakaharang pa ang ibang hibla ng ginto niyang buhok sa mukha kaya hinawi ko agad.
Mula sa ilaw ng fairy lights, nakatitig lang ako sa maamong mukha ni Kikay sa nagtatalong liwanag at dilim.
Pinasada ko ang gilid ng kaliwang hintuturo ko sa pisngi niya. Ang kinis ng balat niya, ang sarap hawakan.
"Uhm." Bigla siyang umungot at kumunot agad ang noo. Nailayo ko agad ang kamay ko sa kanya.
"Kikay, gising ka na?" tanong ko agad.
"Bakit?" tanong din niya, at halatang inaantok pa kasi basag ang boses.
"Gusto mong pandesal? Bibili ako kina Mang Danny."
Kahit nakapikit, nagawa pa rin niyang ngumiti. "Lilibre mo 'ko?"
"Dadagdagan ko na lang kasi matakaw ka e."
Ang aga-aga, nakatanggap agad ako ng mahinang tampal sa kanya. "Bunganga mo, Tisoy, pasmado, ha."
Totoo naman. Baka kulang pa sa kanya yung bente pesos.
"Ayos ka ng kumot, baka lamigin ka," sabi ko, at inayos ang pagkakakumot sa kanya.
"Bili ka rin ng kapeng tig-dos, ha."
"Ayaw mo ng 3-in-1?"
"Ayoko. Masyadong matamis."
"Sige." Umalis na ako sa higaan at dinampot ang mga damit ko para magbihis. Bumalik muna ako sa unit namin para kumuha ng pera.
Pagtingin ko sa higaan namin ni Bea, napabuntonghininga na lang ako.
Nabablangko ako kapag nakikita ko yung mattress sa sahig. Hindi ko maipaliwanag pero walang ipinagbago sa paningin ko ang blangkong higaan doon—naroon man si Bea o wala.
O baka matagal naman nang blangko ang higaan namin at ngayon ko lang naramdaman kasi hindi ako nag-iisa sa higaan ni Kikay.
May natirang 70 pesos kahapon sa kita ko kaya kahit paano ay hindi ako namroblema sa pambili kong almusal ngayong araw.
Gaya ng nakasanayan, tahimik pa rin at iilan pa lang ang nakikita ko sa kalsada pagtawid ko sa bakery.
"Mang Danny pabili ho ng pandesal, kuwarenta pesos ho. Saka ho isang kapeng 3-in-1 ta's kapeng tig-dos."
Inilapat ko agad ang mga palad ko sa direksiyon ng bakery kasi mainit sa loob. Ang bango talaga ng pandesal nila, nakakagutom.
Ilang saglit pa, dumating na si Mang Danny dala ang paper bag. Nagsuot na naman siya ng salamin sa mata.
"O, Tisoy."
"Magandang umaga ho."
"Balita ko, lumayas daw si Beng-beng kahapon."
Napahimas agad ako ng palad at matipid na ngumiti. Hindi na ako nakasagot.
"Ayokong mangialam sa inyong mag-asawa pero maganda na rin 'yang umalis muna siya sa inyo." Nakinig na lang ako habang pinanonood siyang kumuha ng kape. "At isa pa—" Bigla siyang napahinto habang hawak ang mahabang linya ng kapeng nakasabit sa hilera ng iba pang brand. "Nagkakape ka ng ganito?"
"Hindi ho. Para ho sana kay Kikay."
Bumaling agad sa akin si Mang Danny at nagbaba ng salamin. "Kay Kalaya-Ann?"
"Hindi raw ho siya nagkakape ng 3-in-1."
"Tsk tsk tsk." Napailing agad si Mang Danny na hindi ko naman maintindihan. "Tisoy, hijo, napakabait mong bata. Alam na alam namin 'yan. Pero huwag mong bibigyan ang sarili mo ng panibagong sakit ng ulo."
"Hindi naman ho." Kinuha ko ang binili ko na iniabot niya at napansin kong pinangunutan niya ako ng noo.
"Tsk tsk tsk," palatak na naman niya habang umiiling. "Doon ka ba kay Kikay natulog?"
Matipid akong ngumiti at napayuko na lang para mag-iwas ng tingin.
"Markado ka sa leeg, a. Hay, naku kang bata ka talaga."
Napahawak ako sa leeg. Paanong markado?
"Sorry ho. Ito ho ang bayad, Mang Danny." Iniabot ko na sa kanya ang eksaktong 55 pesos saka ako umalis.
Himas-himas ko ang leeg kasi wala naman akong maramdamang kahit na ano. Pagpasok ko sa unit ni Kikay, inilapag ko agad ang dala ko sa mesa.
"'Kay, buksan ko muna ang ilaw, ha?"
Umungot lang siya kaya binuksan ko na lang. Sumabog ang liwanag sa loob at una kong hinanap ang salamin niya sa gilid ng pintuan.
"Hala!" Lalo ko pang nakapa ang leeg ko kasi ang daming pula. Kahit sa itaas ng dibdib, meron din.
"Bakit?"
"Kikay, ano'ng nangyari? Ang dami kong pula sa leeg."
"Ang OA. Kiss mark lang, di ka naman mamamatay diyan."
Sobra namang kiss mark 'to. Hindi naman masakit pero mukhang pasa.
"Paano 'to maaalis?" tanong ko agad.
"Mawawala rin 'yan maya-maya. Kapag hindi, e di lagyan ng concealer. Problema ba 'yon?"
Nilingon ko agad siya at kasusuot lang niya ng malaking puting T-shirt mula sa sampayan sa gilid ng banyo.
Ibinalik ko ang tingin ko sa salamin. Nakakahiya naman, nakita pa 'to ni Mang Danny.
"Di ka bumili ng palaman?"
Nilingon ko ulit siya pag-upo niya sa mesa. "Gusto mo bang may palaman? Bibili ako."
"'Wag na. Sayang pa pera mo."
"Okay lang naman. May pambili pa naman ako."
"Ayos nga lang. Ito! Kaya ka inaabuso e, bigay ka nang bigay. Kung ano ang narito, tiyagain na. Kumain ka, hoy."
Lumapit na ako sa kanya para sumabay. Naiilang talaga ako sa leeg ko. Sana mabilis mawala.
Pag-upo ko, nakasimangot na naman si Kikay. "Gusto mo, ipagtimpla kita ng kape? Saglit, may mainit na bang tubig?"
"Hintayin mo na lang. Nasaksak ko naman na kanina yung initan. Di pa 'yan kulo."
"Sige." Naasiwa akong dumukot ng pandesal sa paper bag. Pasulyap-sulyap lang ako sa kanya habang ngumunguya siya.
Baka galit na naman siya. "Di naman kita sinisisi dito sa leeg ko, Kikay. Sorry."
Napahinto siya sa pagnguya at kunot-noo akong tiningnan. "Ang aga-aga, natotorete ka. Ano ba problema mo?"
"Di naman. Baka kasi magalit ka sa 'kin."
"Baliw." Pumunit siya ng maliit na parte ng tinapay saka ibinato sa akin. "Kumain ka na lang diyan."
"Sorry ulit." Kumagat na lang ako sa tinapay at ibinaba ang tingin. Kaso mukhang maling magbaba ako ng tingin kasi nakita ko ang nakadekuwatrong hita ni Kikay.
Pumikit ako para iiwas ang mata ko kaso pagpikit ko, bigla kong naalala ang katawan niya. Napatakip agad ako ng mata dahil sa hiya.
Bakit ko ba naiisip ang katawan ni Kikay?
Napadilat ako nang makarinig ako ng mahinang pagtawa. Pag-angat ko ng tingin, tinatawanan na niya ako.
"Kikay kasi. Huwag mo naman akong tawanan."
Nahihiya na tuloy ako.
"Tangina, di ako makanguya nang maayos."
"Sorry."
"Ang cute mo, Tisoy, hahaha!"
"Kikay naman. Ayoko na kasi."
Nakakainis naman 'to si Kikay. Uwi na lang kaya ako?
"Kaya ka pinag-iinitan ni Mariah e." Napaangat na naman ako ng tingin pagtayo niya. Akala ko kung saan pupunta, napaurong na lang ako sa sandalan nang tumayo siya sa harapan ko.
Ipinalibot na naman niya ang kamay niya papunta sa batok ko at mabilis akong pumaling ng mukha sa kanan bago pa iyon dumampi sa bandang dibdib niya.
"Ang arte. Parang di ka natulog diyan kagabi, a."
"Huwag mo nang—ano ba 'yan?" Saglit kong binitiwan ang kinakain ko at inalalay sa likod niya.
Hindi pa rin nawala ang bango niya. Kung puwede lang siyang amuyin maghapon, baka . . .
Nagbuntonghininga na lang ako at tumingala sa kanya. Hindi ko na alam kung saan ko pa ipapaling ang mukha ko. Pero ayos na rin kasi nakangiti na ulit si Kikay.
Mas maganda talaga siya kapag maliwanag.
Hinawakan ko na lang nang marahan ang kalmot niya sa mukha.
"'Kay."
"O?"
"Sigurado ka, ayaw mong mag-asawa?"
"Bakit?"
Ang bigat ng buntonghininga ko at lalo ko na lang siyang inilapit sa akin saka ko ibinaon ang mukha ko sa ibabaw ng dibdib niya.
Lalong humigpit ang yakap ko nang pagpikit ko, sa wakas . . .
Hindi ko na nakikita si Bea.
♥ ♥ ♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top