Chapter 7: Lonely Night
Kung may isang bagay sa buhay na hindi ko puwedeng maramdaman, tingin ko, iyon na siguro ang mapagod.
Kasi kapag napagod ako, inisip ko pa lang ang kahihinatnan ng buhay ko, lalo ko lang nararamdaman na parang wala akong karapatang mabuhay sa mundo.
Hindi ko masabi kung anong oras na ako nakakilos. Pero kahit paano, nagawa ko pang mag-imis ng mga kalat sa unit namin.
Nilayasan na ako ni Bea. Gusto kong pigilan siya sa isipan ko pero kapag pumipikit ako, wala akong ibang makita kundi ang itsura niya sa video.
Iyon bang kahit nasasaktan, nakakangiti pa rin.
Pakiramdam ko, napakawalang kuwenta kong tao.
"Tisoy."
Kababalik ko lang sa pagkakatayo ang itinumba kong mesa nang makarinig ako ng pagtawag sa labas.
"Saglit," sagot ko bago ako pumunta sa pintuan. Kilala ko naman kung sino ang kumatok, kahit hindi na ako magtanong, masasagot ko kung sino iyon.
Buntonghininga ang bumungad sa akin pagbukas ko ng pinto. Matipid ang ngiti ni Kikay sa akin kahit na may mga kalmot din siya sa noo at pisngi.
Napalunok ako at napayuko na lang. Nahihiya ako kay Kikay. Baka pagalitan pa niya ako kasi nasugatan siya sa mukha dahil kay Bea.
"Pagabi na. Di ka pa nanananghalian."
"Ayos lang. Wala rin akong gana." Nagtaas na ako ng mukha. "Saglit lang, gagawin ko na yung sa extension mo."
Mabilisan kong inimis ang natitirang kalat sa sahig saka inipon sa basurahan sa likod ng pinto.
"Sorry talaga, Kikay," sabi ko paglabas kong unit. "Di ko napigilan si Bea. E di sana, wala kang sugat ngayon."
"Kung di mo 'ko napigilan, ospital ang bagsak ng babaeng 'yon."
Sinundan ko ng tingin si Kikay habang papunta kami sa unit niya. Nahihiya ako sa kanya kasi kahit na inaway siya ni Bea, kinakausap pa rin niya ako. Kung ano-ano pa ang ibinintang sa kanya na wala naman siyang kasalanan.
Pagpasok namin sa loob ng unit niya, kung paano ko iyon naabutan kaninang maaga pa, ganoon pa rin ang nakita ko, maliban sa may nakahanda nang pagkain. Pati plato at kutsara, meron na rin.
"Mukhang nilayasan ka na ng asawa mo," sabi niya paghinto sa gilid ng mesa. Huminto naman ako sa likod ng pinto. Napahimas ako ng likod ng palad habang matipid na tumatango.
"Lagi kang nandiyan. Dito ka nga."
Matipid ulit akong tumango saka lumapit sa mesa. "Sorry talaga, Kikay."
"Kumain ka muna."
"Pero—"
"Kumain ka nga muna sabi," mahigpit nang utos niya. Matipid na lang akong ngumiti para hindi na siya magalit saka ako umupo.
Tortang talong saka okra ang ulam niya. Pamilyar ang itsura kaya siguradong binili niya sa karinderya doon sa labasan.
Naghatak na rin siya ng upuan sa tabi ko. "Tisoy, naiintindihan ka naman namin. Pero sana maintindihan mo rin na mali ang ginagawa sa 'yo ni Beng."
"Nagmahal lang naman ako. Sabi ni Inay, di naman mali 'yon."
"Hindi nga mali ang nararamdaman mo, kasi ang mali, ang ginagawa sa 'yo. Makinig ka nga. 'Tigas ng ulo mo, kaya ka niloloko e. Tanga-tangahan ka palagi."
"Sorry na, Kikay."
"Kumain ka na. Lalong walang mag-aasikaso sa 'yo, wala na yung babaeng 'yon sa inyo."
Tumango na lang ako at sumunod sa utos niya.
Wala akong ganang kumain, pero kasi lalo lang magagalit si Kikay kapag hindi nga ako sumunod.
Sumayad ang ulam sa dila ko pero wala akong malasahan. Ang bagal ng pagnguya ko habang natutulala. Pakiramdam ko nga, yung anim na subo lang sa akin, inabot na ng sampung minuto. Ang tagal kong matapos.
"Bigyan mo muna ng space yung inyo ni Beng. Kung para sa 'yo, para sa 'yo."
"Paano kung di para sa 'kin?"
"Kung di pala para sa 'yo, ba't mo pipilitin?"
Lalo akong nabalisa sa sinabi niya.
Bakit ko pipilitin?
Pakiramdam ko, responsibilidad ko iyon. Hindi ko naman pinipilit, pinangangatawanan ko lang. Ayokong magaya si Bea sa nanay kong iniwan ng tatay ko. At mas lalong ayokong maging gaya ng tatay kong walang kuwenta. Na matapos buntisin ang nanay ko, umalis na lang basta.
"Ako na lang ang maghuhugas ng plato, Kikay, pambayad sa hapunan."
"Huwag na."
"Sige na. Para naman mabawasan ang atraso ko sa 'yo. Nahihiya na ako, ikaw na lang lagi ang sumasalo sa lahat ng di mo naman dapat tinatrabaho."
Mabait si Kikay. At nagpapasalamat ako na kahit palagi siyang nagagalit sa akin, hindi naman siya napapagod asikasuhin ako. Bilang kaibigan, malaki talaga ang utang na loob ko sa kanya.
Naghugas muna ako ng pinagkainan namin gaya ng naipangako ko. Bumalik ako sa bahay para sumaglit ng ligo nang mapansin niyang marungis pala ako. Napagalitan na naman ako kasi para nga raw akong batang kung hindi pa uutusan, hindi mag-aasikaso. Kagagaling ko lang naman kasi sa trabaho nang makauwi ako kanina. Ni hindi na ako nakapag-asikaso ng sarili dahil nga sa nangyari sa amin ni Bea.
"Ayokong ibalik ang issue, ha. Pero hindi talaga ako makapaniwalang gagawin 'yon ng Beng na 'yon."
Lalo akong nanliit na inuupuan ko habang nag-aayos ng wiring sa sahig.
Sabi ko sa kanya, huwag siyang maninigarilyo sa loob kasi nag-aayos ako ng koryente, kaya pasulyap-sulyap na lang ako sa kanya sa may pintuan. Doon na lang siya bumubuga ng usok at nagtataktak ng abo.
"Mukhang matagal na yung video, hindi pa gaanong mahaba ang buhok ng asawa mo. O baka mata ko lang."
Totoo namang mukhang matagal na. Umabot na sa dibdib ang buhok ni Bea pero nasa ibaba lang ng leeg ang haba noong nasa video kahit na parehong gupit naman.
Kapag natitigilan ako, natutulala ako. Bigla ko na namang maaalala ang mukha ni Bea na nasasaktan pero mukhang nasasarapan din naman.
Naiinis ako sa sarili ko. Gusto kong makalimutan iyon.
Tinapos ko na ang pagkonekta ng wire sa socket kaya sinabi ko kay Kikay na gumamit ng flashlight at ibaba muna ang fuse. Sumunod naman siya kaya sinakop na ng dilim ang unit niya habang iniilawan ang ginagawa ko.
"Idudugtong ko na lang itong isang kanto ng dati nang wire dito sa bago. Tapos i-duct tape mo na lang muna sa pader para hindi nakaharang sa ibaba."
"May tape pa naman ako sa cabinet. Okay na 'yan."
Tinapos ko na ang pagdudugtong ng wire at inutusan siyang buksan ulit ang fuse para masubukan ulit ang fairy lights niya na bubukas kapag pinapatay ang ilaw.
"Papatayin ko na yung ilaw, ha," sabi niya, at automatic na sumindi ang asul na fairy lights sa pader.
Sa loob-loob ko, napangiti ko. Pero hindi ko gaanong naramdaman sa labi.
"Ang ganda. Dapat pala matagal ko nang pinagawa sa 'yo 'to, Tisoy."
Totoo rin naman. Madilim sa paligid pero ang ganda ng maliliit na fairy lights sa dingding.
Naninindig ang balahibo ko pero kumakalma ang pakiramdam ko.
Napatingin agad ako kay Kikay na tumabi sa akin.
"Sa buong maghapon ko, sa wakas, nakakita rin ako ng maganda."
"Hmp! Alam ko naman," sabi niya sabay hawi ng buhok papunta sa kanang gilid at umirap pa.
Tinawanan ko na lang siya. "Yung fairy lights ang sabi ko."
"Wala rin naman akong sinabing iba, excuse me." Umirap na naman siya at iniwan na naman ako. Pag-alis niya, parang humawi ang hangin na naghalong amoy matamis na shampoo at sigarilyo.
"Uuwi ka na? Dito ka muna," alok niya. Nagdampot siya ng hindi na malamig na Red Horse sa mesa at ibinigay sa akin ang hindi ko pa nauubos na Zest-O.
Alam naman niyang hindi ako umiinom, pero binilhan pa rin niya ako ng maiinom ko pa rin.
"Ayos lang naman kung uuwi na ako. Baka naaabala na kita," sabi ko at humigop ulit nang paunti-unti sa juice na hawak ko. Ayokong ubusin agad, gusto kong sabay kaming maubos kahit na mas marami ang iniinom niya.
"Di 'yan. Dito ka muna. Kinakabahan ako sa 'yo, baka magbigti ka sa inyo e."
Hindi ko masabi kung biro ba 'yon o ano. Naiisip ko ring magtangka kanina noong umalis si Bea.
Inginuso niya ang sahig at tumango na lang nang matipid bago tumabi sa kanya paharap sa maliwanag na fairy lights. Itinupi ko ang mga tuhod ko para ipatong ang magkabila kong braso roon.
Tahimik sa loob ng unit pero dinig ang pinatutugtog ni Ishang sa kabilang unit dahil sa lakas ng stereo.
"Bakit ba sa akin na lang palagi ang takbo?"
"Sana di pagalitan ni Aling Chedeng si Tricia. Lakas na naman ng music player," sabi ko habang nakatitig sa maliliit na ilaw.
"Sa tuwing kayo ay may away, ako ang lagi mong karamay . . ."
"Hayaan mong mainis si Aling Chedeng. 'Pakatsismosa ng matandang 'yon."
"Ang sama mo naman, Kikay," sabi ko pero tinawanan ko rin naman ang sinabi niya. Totoo rin naman kasi.
"Buti day off ko ngayon. Dami kong kalmot sa mukha, punyeta talaga."
Nagbuntonghininga agad ako at dismayadong pumaling sa kanya.
"Tingin nga." Hinawakan ko agad siya sa baba at pinaling ang mukha sa magkabilang gilid para makita ang mga inirereklamo niyang sugat. Napangiwi na lang ako kasi kahit madilim, kita pa rin ang sugat niya sa noo saka sa kanang pisngi. "Tsk. Sorry talaga, Kikay. Nasugatan ka pa tuloy."
Malapitan ko pang nakita ang pag-ikot ng mga mata niya para umirap. "Ano pa'ng magagawa ko, nandiyan na 'yan? Hayaan mo na lang."
"Gusto mo, gamutin natin."
"Ayoko. Baka lagyan mo pa ng alcohol, mapatay lang kita."
Tinawanan ko siya nang mahina roon. "Sobra ka naman. Sa mukha 'yan, ba't ko lalagyan ng alcohol?"
"Malay ko ba. Nasa ugali mo pa namang nasosobrahan sa concern, parang tanga."
Natawa na lang ako at napailing nang bahagya. Kahit paano, napapatawa ako ni Kikay. Napatingin na naman ako sa maliliit na ilaw sa harapan namin habang tinitipid ang pag-inom sa inumin ko.
Ilang minuto rin kaming natahimik. At sa totoo lang, traydor din talaga ang katahimikan.
Kada pipikit ako, kada matatahimik ako, naaalala ko talaga yung video.
Naalala ko na naman si Bea.
Kinuha ko ang beer na hawak ni Kikay at ipinalit sa Zest-O ko. Hindi ako huminga nang magdalawang lagok ako bago ko ibalik sa kanya ulit.
Kumpara sa gin, mahina ang tama ng beer. Pero kahit paano, may init pa rin naman sa lalamunan.
"Parang ayokong matulog ngayon," pag-amin ko habang nakayuko.
"Bakit?"
"Kapag pumipikit ako, naaalala ko si Bea."
"Gusto mo pa ng beer?"
Napasuklay ako ng buhok na hindi pa gaanong natutuyo ang ibang parte kay malamig pa. "Ayoko. Di naman nakakawala ng alaala 'yan. Binabalik lang kung ano yung ayoko na ngang maalala. Agh!" pagbuga ko nang hangin sa bibig para mawala ang lasa ng alak sa lalamunan ko saka ako umunat at nahiga sa sahig.
Naghahalo ang liwanag at dilim sa kisame ng unit.
"Kailan ba makakatulog nang mahimbing?"
Hindi pa rin hinihinaan ni Ishang ang tugtog sa kabila. Naririnig ko na rin ang reklamo ni Aling Chedeng.
"Kahit ilang minuto lang na 'di ikaw ang nasa isip . . ."
"Kikay."
"Ano?"
Ibinaling ko ang tingin sa kanya at naabutang inuubos ang laman ng bote.
"Masarap ba 'yon?" tanong ko.
"Ang alin?"
"Yung ginawa ni Bea sa ibang lalaki."
Kunot-noo siyang lumingon sa akin. "Ba't mo natanong?"
"Kasi mukhang masaya naman siya. Baka nga masarap."
"Ha . . . haha . . . hahaha!" Paunti-unti pa ang tawa niya hanggang mapunta na sa halakhak. Matinis pa naman ang boses niya kaya tunog kontrabida. "Mga tanungan mo, Tisoy, pantanga talaga minsan e."
"Bakit?"
"Natural, masarap 'yon! Ang ingay niya sa video, e di masarap nga!"
Talaga ba. Naibalik ko ang tingin ko sa kisame. "Hindi ko naman alam. Hindi ko pa naman kasi sinusubukan."
Pero hindi pa rin ako makapaniwalang magagawa iyon sa akin ni Bea. Nakakasama ng loob.
"Kikay . . ."
"O?"
"Magkano isang oras mo?"
Dahan-dahan siyang lumingon sa akin na para bang halimaw ako na hindi niya inaasahan sa likuran niya.
"Joke ba 'yan?"
Umiling ako habang nakatitig sa kisame.
"Gusto ko lang subukan."
Bigla siyang natawa nang mahina kaya lalo akong nalito.
"Libre ko na yung dalawa, gawin mo nang tatlo."
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top