Chapter 4: Degrading Revelation


Maingay ang mga busina ng jeep. Paroo't parito ang mga tao. Makakasalubong ka ng nakapormal na damit na kasabay ng marurungis naman. Hindi magandang lugar ang siyudad gaya ng iniisip noon ni Mando na narito raw ang kapalaran niya kaya siya nakipagsapalaran dito.

Kinse anyos ako noong huminto sa pag-aaral para magtrabaho. Suwerte nga ng ibang kaedad ko na di naranasang magbanat ng buto sa ganoong edad. May baon, may pera. May suporta ng magulang. Mga nakakapaglaro pa, nakakagala.

Kung makagala man ako, dapat may uwi akong pera para hindi sayang ang lakad.

Dalawang taon akong naging bantay sa computer shop. Tinuruan ako ng troubleshooting saka pag-aayos ng computer parts. Kapag may problema ang CPU, checkup agad. Maganda rin ang kita roon kaso nangibang-bansa ang may-ari kaya naipasara at pinalitan na lang ng salon.

Disi-otso, nakapagtrabaho ako sa vulcanizing shop sa bayan. Doon ako natutong magmaneho at magmekaniko ng sasakyan. Umalis lang ako kasi hindi na magandang magpasuweldo ang operator namin. Madalas, wala talaga.

May malaking ipon na ako noon at plano kong magpatuloy sa pag-aaral, kaso naubos ang ipon ko noong namatay si Inay. Pinambili ko ng murang apartment sa sementeryo saka kabaong. Natulungan naman kami ng baranggay saka kaunting abuloy, pero naubos talaga ang ipon ko roon.

Namasukan akong helper sa Phase 3 pagkamatay niya. Pinalayas ako e. Wala na raw akong gagawin sa dati naming tinutuluyan kay nakikipisan lang kami. Namamahay lang ako sa bawat pinagtatrabahuhan ko. Nagdesisyon lang akong lumipat sa apartment sa Smile noong sinabi kong itatanan ko si Bea.

Binubugbog ng tatay e, alangang iwan ko.

Ang dami kong pinasok na trabaho nitong nakaraang tatlong taon. Halos buong araw akong nasa trabaho kasi pinag-aaral ko rin si Bea hanggang makatapos.

Kasalanan ko rin siguro na nawalan ako ng oras sa kanya kaya masama ang loob sa akin. Puro ako trabaho e. Madalas, uuwi ako, tulog na siya. Nitong siya naman ang nagkatrabaho, naramdaman ko naman na lumalayo na ang loob niya sa akin. Pero ayokong manisi ng iba sa kasalanan ko.

Nagpapasensiya ako kay may mali rin naman ako. Sabi nga ni Inay, bago ako manisi ng iba, tanungin ko muna ang sarili ko kung wala ba akong ginawang masama.

Mahal ko si Bea. Pero sa ibang banda, naiisip ko na nagiging obligasyon ko na lang na mahalin siya kasi kinuha ko siya sa kanila.

Tinangay ko kaya dapat panindigan ko. Magpakalalaki nga, sabi ni Inay, kung talagang tapat sa intensiyon mo.

"Hi, pogi! Dito ka muna!"

Napatingin ako sa kaliwang gilid dahil doon sa tumawag. Kinikindatan ako ng baklang may-edad na doon sa nadaanan kong tindahan.

Nginitian ko na lang siya nang matipid saka ako nagpatuloy sa paglalakad. Dadaan pa ako ng Matarik para bumili ng extension cord.

May kalye talaga papuntang Matarik na hile-hilera ang salon at bar. Madaraan talaga ang kalyeng puro bakla at naghahatak ng customer.

Wala naman akong problema sa kanila maliban sa madalas akong hinahatak.

Natatakot ako sa kanila. Naalala ko ang kuwento sa akin ni Raymart dati. Nakipag-inuman daw siya sa mga tropa niyang bakla. Paggising niya kinabukasan, masakit na ang puwit niya. Pero may iniwan naman daw pera. Pinambili na lang niya ng mefenamic acid pag-uwi.

"Tisoy! May gagawin ka sa Sabado?" bungad na bungad ni Boss Jo pagtapak ko sa harap ng hardware niya. Naroon siya sa hagdaan, nag-aayos ng mga pintura.

"Wala pa ho. Bakit ho?"

"Papabuhat sana ako ng semento sa Phase 4. Samahan mo si Wally, pahinante ka muna."

"Mga anong oras ho?"

"'Punta ka mga alas-dos."

"Sige ho, pupunta ako—oy!"

Napatindig ako nang deretso nang may sumundot sa puwitan ko. Napalingon ako sa likod at nakita si Mariah na agad na yumakap sa akin sa likod.

"Tisooooy my babyloves, I miss you!"

Natawa ako nang mahina saka tinampal nang marahan ang sentido niya. "Sira ka. Nakita kita kanina sa kanto, di mo 'ko pinansin."

"Ay, tampo ka agad? Sige, kiss na lang kita."

Ngumuso siya agad kaya dinakma ko ng buong palad ang mukha niya para ilayo sa akin.

"Huwag malandi. Baka batuhin ka ng tsinelas ni Bea," sabi ko agad.

"'Sus! 'Yang Bea mo na 'yan, baliw na yata 'yan. Di naman maganda! Mukhang pusit!"

Tinawanan ko na lang siya kasi naiinis talaga siya sa asawa ko sa araw-araw na ginawa ng Panginoon.

Mario ang totoong pangalan ni Mariah. Pero ayaw nga niya ng Mario, e 'ka ko Maria na lang. E 'ka niya, ayaw niya kasi tunog cheap. Kaya naging Ma-ra-yah ang banggit kahit na di naman bagay kasi magkasinlaki lang kami ng katawan.

Kargador din siya kung minsan sa palengke. Madalas ngang asarin kasi nga bakla tapos mukhang mambabasag ng mukha. Mag-salon na lang siya o kaya magpakalalaki na lang.

E 'ka niya, wala naman daw ang trabaho kung lalaki o babae o bakla. Pantay-pantay lang naman ang lahat basta may abilidad. Kaysa naman sa mga tambay na walang ibang ginawa kundi asarin siyang bakla, at least siya, may pampakain sa sarili. Ang iba, asa pa rin sa magulang, palamunin pa. Ang iba, siya pa ang nagpapakain kasi mga guwapo nga raw.

Hindi ko naiintindihan ang mundo. Masyadong magulo.

"Boss Jo! Pabili pala akong stranded wire, yung 14, tatlong metro. Saka Type A na socket."

"Tatlong metro lang? Hindi ba kukulangin 'to?" tanong niya.

"Hindi naman ho. Idudugtong ko lang sa extension din."

Sinundan ko ng tingin si Boss Jo sa kanang gilid, naghahatak ng makapal na itim na wire habang sinusukat ng dipa.

"Tisoy, sama ka naman sa inuman namin minsan. Sige ka, magtatampo ako niyan sa 'yo," sabi ni Mariah habang yakap-yakap ako sa baywang at nakapatong ang baba sa kanang balikat ko.

Siya lang ang kilala kong nakakatapat sa taas ko.

"Saka na. Pagagalitan ako ni Bea."

"Ayan na naman sa Bea na 'yan. Hiwalayan mo na 'yan, toxic 'yan sa buhay e!"

"Mario, isa."

"Yuck! Mario, ew-ness!" Bumitiw na siya sa akin at sumandal sa barandilya ng hardware saka naghawi ng kulay berde niyang buhok. "I'm Mariah Beyonce Knowles Carey, 24 years of age, Quezon Seteeey!" sigaw niya sa matinis na boses. "Huwag mo 'kong tatawaging Mario, pare. Baka gusto mong halikan kita diyan," sabi naman niya sa maton niyang boses na mababa pa sa boses ko.

Napahalakhak ako habang takip-takip ng nakakuyom ng kamao ang bibig. Natutuwa ako sa kanya kapag ginagawa niya iyon. Mukha kasi siyang komedyante.

"Sarap mo talaga, Tisoy. Pa-kiss nga!" Ngumuso na naman siya kaya dinakma ko na naman ang mukha niya para ilayo sa akin. "Ar-ouch naman!"

"Maghanap ka na ng fafa mo sa Santan. Ako na naman nakita mo."

"E siyempre, sino pa ba ang makikita ng magaganda kong mata kundi ikaw lang. Ayiiieee!" Hinabol na naman niya ako ng hipo sa pagitan ng hita kaya napaurong agad ako at dinepensahan ang suot kong shorts. "Paisa lang, Tisoy. Secret lang natin, di ko sasabihin sa asawa mo."

"Suntukan na lang tayo, dadalawahin ko pa."

Umirap na naman siya at tinaasan ako ng kilay. "Isa lang, damot mo naman! Sasarapan ko naman!"

"Kaya nga, suntukan na lang. Sasarapan ko rin."

"Ang bad mo talaga, nakakaloka ka."

Napaayos ako ng tayo nang makitang papalapit na si Boss Jo dala ang order ko.

"36 isang metro ng wire ta's 85 yung socket. 193 lahat."

Dumukot na agad ako sa bulsa at nag-abot ng 200 kay Boss Jo. Kinuha ko agad ang plastic bag na laman ang order ko saka naghintay na naman para sa sukli.

"Tisoy, libre mo naman akong pisbol."

"Mas mayaman ka pa sa 'kin, Mariah."

"Ano ba 'yan. Sige, ako na lang manlilibre pero pa-kiss."

Nginitian ko na lang siya saka ako napailing. "Si Mando, malungkot 'yon ngayon. Baka naghahanap ng kausap."

"Nge! Ayoko r'on. 'Pag nagtabi kami, mukha kaming miyembro ng Akyat-Bahay Gang. Ikaw na lang para masarap rumampa sa kalsada. Ta's papainggit kita kina Rihanna."

Tinuro ko na lang ang mukha niya habang pinipigilan kong matawa. Alam ko na 'yang binabalak niya, pag-iinitan lang ako ng mga kasama niya sa salon.

"Sukli mo, Tisoy."

Inabot ko agad ang barya kay Boss Jo saka ako nag-isang tango. "Salamat ho, boss! Sa Sabado ho, dadaan ako rito."

"'Ge!"

Tumalikod na ako at sumunod na naman sa akin si Mariah.

"Saan ka na pupunta, Tisoy?"

"Kina Kikay, mag-aayos ng wiring niya sa bahay."

"Ay, kay babaitang Kikay pala. Tse! Isa ring amasona 'yon. 'Pag siguro nagsabunutan kami, talo ako."

"Sobra ka naman. Mas malaki ka pa nga sa kanya."

"Mas maganda ako, excuse moi!" Naghawi na naman siya ng buhok niyang mahaba. "Baklaaaaa! Tangina, saan ang libing! Pakak na naman peslak mo, may booking ka?"

"Hi, Babyloves!" bati sa akin ni Miley.

Sumaludo lang ako sa kanya. Nagbeso pa sila ni Mariah paglapit sa isa't isa.

Di-hamak na mas mababa si Miley, hanggang dibdib ko lang yata. Pero sa kanilang lahat na mga kilala kong beki, siya lang ang mukhang babae sa kanila. Makapal nga ang makeup, baka may booking nga. Angat na angat pa ang dibdib na gawa ng gamot. Maikli pa ang shorts na halos makita ang singit. Masasabi lang na lalaki pa rin siya dahil madalas pumiyok kapag nagboboses babae. Pero kung hindi siya magsasalita, walang magkakamali.

"May nalaman ako sa asawa mong pusit, Denzell. Uhm!" bungad niya sa akin habang winawagayway ang hintuturo.

Kumunot agad ang noo ko.

Kay Bea. Anong nalaman?

"Anong ganap sa pusit, bakla?" nagdududa ring tanong ni Mariah.

"May sex scandal ang pusit, bakla! Kinabog ka! Ugh-Ugh! Ganern! Makaungol, wala nang bukas! Sarap na sarap si bakla!"

"May scandal kayo, Tisoy? OMG!" pagbaling sa akin ni Mariah.

"Shuta ka, Bakla, hindi si Babyloves ang booking ni pusit! Afam, tangina laki ng bazooka! Sarap!"

"Ha?!" Napalingon agad sa akin si Mariah na nag-aalala.

Bigla akong kinilabutan.

Hindi ko naiintindihan. Ano'ng nangyayari?



♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top