Chapter 3: Pogi Problems
Alas-kuwatro ng umaga umuuwi si Bea galing trabaho, kaya nga dapat bago mag-alas-kuwatro, may nakahanda nang almusal kasi minsan naghahanap siya ng pagkain pag-uwi.
Tahimik sa Phase 3 kapag madaling-araw. Malamig pati. Alas-singko y medya lang lalabas ang iba kasi may mga pasok. Ngayong bakasyon, tanghali nang nagigising ang mga bata kay wala nang mga pasok sa school.
Sa unang kanto, tawid lang ng building namin, dumaan agad ako sa bakery para bumili ng pandesal. Bukas naman na nang alas-kuwatro sina Mang Danny kay maaga ang deliver ng pandesal sa palengke.
"Mang Danny, pabili ng pandesal, treynta pesos. Saka dalawang kape na 3-in-1."
Amoy na amoy kahit lampas sa salaming estante ang bango ng bagong lutong pandesal. Lalo akong nagutom.
Kasusuot lang ni Mang Danny ng salamin niya sa mata nang tingnan ako dala ang paper bag na may lamang pandesal.
"Ikaw pala 'yan, Tisoy."
"Magandang umaga ho."
"Dadaan ka ng palengke, hijo?"
"Oho. Mamaya pag-uwi ni Bea. Magtatanong ako kung may magpapakarga ng bigas o kaya magpapahatak ng banyera."
Iniabot ko agad ang 500 na bigay ni Kikay kagabi saka kinuha ang pandesal at kapeng binili ko.
"Laki ng pera mo a," sabi niya habang iniinspeksiyon kung peke ba ang pera ko o tunay.
"Pasensiya na ho, wala akong barya."
"Nakita ka ni Tommy kahapon sa Abucay, wala ka raw damit. Namakla ka ba?"
"Ho?" Nagulat naman ako. Galing kasi ako kahapon kina Misis Tina. "Hindi ho."
"Hijo, masama 'yang ginagawa mo, ha."
Napakamot agad ako ng ulo. "Hindi naman ho ako namakla. Sobra naman ho 'yon. Si Kikay ho ang nagbigay."
"Kahit sina Chedeng, pinag-uusapan ka kagabi. Naabutan ka raw na nakahubad din paglabas mo ng bahay ni Kikay. Tsk, tsk, tsk. Ikaw na bata ka talaga."
Napabuntonghininga na lang ako habang kamot-kamot ang ulo.
"Naghapunan lang naman ho ako kina Kikay."
Biglang naibaba nang bahagya ni Mang Danny ang salamin niya at sinukat ako ng tingin. "Tisoy, alam kong madalas kayong magtalo ni Beng-Beng. Pero kung mambababae ka, huwag naman yaong masasabunutan niya agad. Si Kikay 'yon. Baka balian n'on ng buto si Beng-Beng 'pag nagpang-abot 'yang dalawa. Alam mo namang may lahing amasona 'yang si Kalaya-Ann."
Pilit na pilit kong nginitian si Mang Danny habang kinukuha ang sukli ko. "Alam ko naman ho. Pero wala naman hong ginagawang masama si Kikay. Magkaibigan lang ho kami."
"Narinig ko na 'yan, hijo. Papunta ka pa lang, pabalik na ako."
"Mauna na ho ako, Mang Danny," paalam ko na lang bago pa mapunta sa kung saan ang usapan.
Hindi ko naman ginustong umalis kina Misis Tina nang walang T-shirt. Kung hindi lang niya ginawa iyon kahapon, di naman ako uuwing nakahubad. Tapos mali naman ang inisip ni Aling Chedeng. Tumulong lang naman si Kikay na gamutin ang sugat ko. Sobra naman silang mag-isip, hindi ko naman pinakikialaman ang mga buhay nila.
Bumalik na ako sa bahay at sumaglit ng almusal habang nagbabasa ng librong nahiram ko kay Ishang. Pagdating ni Bea, magpapaalam ako para dumaan sa palengke. Sabi naman ni Kuya Bert, may bagong angkat daw sila ngayong bigas. Baka kailangan ng kargador, makabale man lang kahit isandaan pang-tanghalian.
Maganda itong libro ng accounting na ipinahiram sa akin ni Ishang. Mas mabilis kong maintindihan kahit English naman kasi may mga nakasulat na explanation sa Tagalog gamit ang bolpen. Ang ibang nakasulat sa ledger sa examples, nababasa ko rin kapag nagkukuwenta sa bigasan at ako ang pinagbabantay ng mga record book.
Naka-graduate naman ako ng high school. Nasa honor roll ako pero top 5 lang kasi mas masipag magbigay ng isandaan kay Ma'am Jesusa yung top 1 namin. Siguro kung nagbigay rin ako ng isandaan kay Ma'am, baka nakaapak ako kahit sa top 3. Kaso mahirap lang kami, wala nga akong baon kung minsan.
Pangarap ko dati na magkaroon ng sariling negosyo para makaahon na kami sa hirap. Sabi kasi ni Inay, mas mabilis umasenso kapag may sariling negosyo. Tunay naman kay ang laki ng kita ni Kuya Bert sa bigasan. Madalas, nagpapasobra siya ng singkuwenta kapag may karga ng bigas. Nakakapaghulog ako nang mas malaki para sa singsing na gusto kong bilhin para kay Bea.
Naalerto agad ako at nagsara ng libro bago tumayo nang marinig kong pumihit ang door knob sa likuran.
"Good morning, mahal—" Bigla akong natahimik nang makitang nakasimangot siya. "May nangyari ba sa trabaho? Napagod ka ba?"
"Huwag mo 'kong kausapin, Tisoy, puwede ba?"
Matipid akong ngumiti at itinuro na lang ang mesa. "Bumili ako ng almusal. Baka gusto mong kuma—"
"Tangina! Di ka ba makaintindi ng salita, ha?" Hinagis niya ang bag niya sa sahig na katabi ng kama at saka inalis ang suot na blazer.
Mabilis akong pumunta sa drawer para iabot sa kanya ang hinanda kong pambahay para hindi na siya magkakalkal pa.
Pinilit ko pa ring nginitian siya kahit na mukhang hindi maganda ang umaga niya.
Baka siguro may nangyari lang sa trabaho na hindi maganda.
"Oo nga pala, mahal, may nakita ako sa basurahan kahapon. Pregnancy kit yata 'yon. Baka—" Lalong tumalim ang tingin niya sa akin kaya natigilan ako.
"Nagkalkal ka ng basurahan?" galit niyang tanong kaya napakamot ako ng ulo.
"Naglaba kasi ako—" Napapikit na lang ako nang ihapuras niya sa akin ang damit na hawak niya.
"Buwisit. Buwisit ka! Buwisit! Putang ina! Putang ina!"
"Mahal . . ."
"Argh! Putang ina!"
Pinagbabato niya sa akin ang lahat ng nadampot niya sa malapit na Durabox. Yumuko na lang ako at sinangga ang iba gamit ang kanang braso.
"Mahal, sorry."
"Lumayas ka sa harapan ko! Layas!"
"O-Oo, sorry ulit." Mabilis na lang akong lumabas ng unit para hindi ko na masalubong ang galit ni Bea.
Napatingin ako sa magkabilang gilid. Wala pa namang lumalabas. Sana hindi sila naistorbo, sumisigaw na naman ang asawa ko.
Napakamot na lang ako ng ulo, galit na naman kasi.
Hahayaan ko muna si Bea. Baka pagod lang talaga sa trabaho. Minsan, may mga araw na ganoon talaga siya, ayoko nang sumalubong sa problema niya.
Wala pa yatang alas-singko, naiwan ko ang cell phone ko sa higaan namin. Hindi ko tuloy na-text si Kuya Bert.
Dumeretso na lang ako sa palengke. Beynte minutong lakaran din mula sa Smile.
Ganitong oras, buhay na buhay na ang talipapa. Sakto, naabutan kong naglilipat ng bagong katay na baboy sa puwesto ng tao rin ni Kuya Bert.
"Boss, si Kuya Bert, nasa bigasan na?" tanong ko sa bantay ng puwesto.
"Nandoon na yata. Dumating na yung truck e."
"Salamat ho."
Dumeretso na ako sa kanang gilid ng talipapa at tinanaw ang bigasan. Kahit sina Mando, naroon na rin.
"Tisoy! Aga a!" bati ni Mando.
Nginitian ko na lang siya. "Si Kuya Bert?"
"Sa loob," pagturo niya sa bigasan gamit ang nguso.
Tumabi ako sa kanya at gumaya sa pagkrus niya ng braso. Nahahagip ng salamin sa bigasan ang kaibahan ng taas namin. Hanggang balikat ko lang kasi siya, pero isa sa mabibilis na tao sa bigasan. Tubong Cebu si Mando kaya hulmadong-hulmado ang panga at kapag nagtabi kami, lutang na lutang ang kayumangging balat niya. Nakasilip kami sa loob ng bigasan, nagkukuwenta na ng libo niya si Kuya Bert.
"Tsong, balita ko, galing kang Abucay kahapon a," kuwento ni Mando nang bahagyang umusog palapit sa akin.
"Oo. Nag-ayos ako ng tubo."
Bigla siyang natawa habang naiiling. Nagtaka naman ako. Wala kasi akong makitang nakakatawa sa sinabi ko. "Bakit?"
"Nakita ka ni Tommy, gago. Tawa nga nang tawa habang nagkukuwento, hinabol ka raw yata ng bakla kahapon. Nakahubad ka pa ta's pawis na pawis."
"Ha?" Nagsalubong agad ang kilay ko sa sinabi niya.
Hinabol ako ng bakla kahapon? Hindi ko maintindihan. Wala namang baklang humabol sa akin kahapon.
"Galing ako kina Misis Tina, nag-ayos ng tubo sa kusina."
Nagtakip pa siya ng bibig habang kuyom ang kamao para lang magtago ng tawa. "Tsong, panis na 'yang rasunan mo na galing ka kay Misis. Ano 'yon? Linggo-linggo, sira ang lababo nila?"
"Oo. 150 ang bayad niya sa 'kin para doon. Sayang kung di ko pupuntahan."
Bigla siyang humagalpak ng tawa na talagang ikinalito ko na.
Ano'ng nakakatawa? Sira naman talaga ang tubo nina Misis kahapon. Hindi pa ako nabayaran kasi tumakas ako.
"Ibang klase ka, Tsong. Maniwala na sana ako e." Nagtaas agad siya ng kaliwang kamay. "Saglit lang, Kuya!" Tinapik niya agad ang kanang braso ko saka inginuso ang bigasan. "Kakarga na yata."
Nalilito pa rin ako kay Mando, pero mamaya ko na tatanungin kung ano ang nakakatawa sa sinabi ko. Seryoso nga si Kuya Bert na maraming aangkatin ngayong araw. Dalawang truck ang nakaabang sa warehouse.
"Ipasok n'yo yung mga Denorado sa kanan!" sigaw ni Kuya Bert habang tinuturo isa-isa ang mga puwestong paglalapagan ng sako. "Nasa kabila yung mga NFA! Sa dulo ilalapag! Ingatan, ha! Nabubutas n'yo yung mga sako, binubukbok agad!"
"Yes, boss!"
May pumasok sa loob ng truck, sila ang maghahatak ng sako. Kami ang aabang sa ibaba para magbuhat papasok sa bigasan.
Naghubad ako ng T-shirt at isinampay sa monobloc na upuan ng bantay ngayong araw. Naroon din ang kay Mando at sa iba pa. Mahirap kapag pawisan ang damit, wala akong dalang ibang bihisan.
"Daming sugat, tsong, a."
Napatingin na naman ako sa katawan ko kay pinansin din ni Mando. Napatingin agad ako sa kanya habang nakangiwi. "Ayos lang 'yan."
"Nakita na 'yan ng asawa mo?"
"Siya may gawa."
Napailing na naman siya habang natatawa nang mahina. "Alam mo, tsong, mukha lang lamang mo sa 'min. Wala ka nito," sabi niya habang tinuturo ang kanang sentido. "Di ka dapat pumapayag na sinasaktan ka ng babae, tsong. 'Laki mong tao. Dapat matibay tayo! Kapag sinampal ka, sapakin mo rin! Di 'yang babae pa nagmamaltrato sa 'yo, parang di ka naman lalaki."
"Ba't ko naman sasaktan ang asawa ko e mahal ko 'yon?"
Napapailing na lang siya habang napapahilamos ng mukha. "Malay ko na sa 'yo, tsong. Di ko alam kung nahulog ka ba sa kuna n'ong bata ka o talagang baliw ka na diyan sa asawa mo."
"Kilos na! Bilisan ang trabaho, tanghali na!" sigaw ni Kuya Bert sa kalawa namin.
"Yes, boss!"
Magandang ehersisyo ko rin ito sa umaga kung tutuusin. Nakapaglakad na ako at nakapag-unat-unat na kanina. Buhat-buhat ko ang singkuwenta kilos na sako papunta sa imbakan na utos ni Kuya Bert. Sanay ang balikat kong magbuhat ng mabigat kaya minsan, parang wala na lang sa akin ang isang sako. Pero mas mabilis pa rin talagang kumilos si Mando kaysa sa akin. Tatlo pa lang ang naililipat ko, nakakalima na siya.
"Tangina talaga nito ni Tisoy, naghatak na naman ng mga chicks niya sa labas."
Kalalapag ko lang ng isang sako nang magparinig si Tupe sa gilid.
"Tisoy, baka raw gusto mong mag-almusal muna sabi ni Gretchen," sabi ni Kuya Bert at inginuso ang bunsong anak niya sa malaking pintuan ng warehouse.
Natanaw ko roon si Gretchen. Kinse anyos pa lang iyon, magandang bata naman. Maliit nga lang, hindi pa umabot sa kili-kili ko ang taas. Pero alam naman ni Kuya Bert na may asawa na ako at sinabi ko sa kanyang huwag nang papupuntahin ang bata sa warehouse kapag narito ako. Kaso sabi ni Kuya Bert, hayaan ko na raw kay iniiyakan siya ng bunso niya kapag pinipigilan.
"Nag-almusal na ho ako, Kuya Bert. Salamat na lang ho," sabi ko agad, at naglakad papunta sa truck. Ayokong tingnan yung bata, baka masyadong umasa.
Palapit na ako sa truck nang akbayan ako ni Kuya. "Mag-almusal ka muna, Tisoy."
"Ho?"
Tinapik-tapik niya ang balikat ko at itinuro ulit si Gretchen. "Babayaran kita ng 200. Samahan mo muna si Che."
"Pero magkakarga pa ho ako."
"Samahan mo muna. Mamaya, umiyak na naman 'yan e. Naglalayas 'yan sa bahay kapag di nasusunod ang gusto. Nabubuwisit na 'ko sa katigasan ng ulo niyan."
Hala, paano ba 'to? Ayoko ngang sumama kay Gretchen. Kunsintidor din kung minsan si Kuya Bert.
"Sige na, sige na. Puntahan mo na. Kapag umiyak 'yan, lalo kang walang mapapala rito sa bigasan."
Napakamot na lang ako ng ulo. Wala akong magagawa, baka di ako suwelduhan ni Kuya Bert. 200 din iyon.
Sinulyapan ko sina Mando na napapailing na lang sa akin. Nagbubulungan na naman sila.
Ibinalik ko ang tingin sa dalagang kaharap ko.
"Magandang umaga, Gretchen," walang buhay kong bati sa kanya. Pero hindi niya yata naramdaman kasi nakangiti pa rin siya sa akin.
"Nagluto ako ng breakfast for you, Tisoy," sabi niya at inilahad sa akin ang isang lunch box.
Hindi ko agad kinuha ang iniaabot niya. "Wala pang alas-sais, ang aga mo namang gumising."
"Sabi kasi ni Daddy, pupunta ka raw ngayon kaya nag-alarm ako nang maaga. Kunin mo na." Inalok niya ulit sa akin ang baunan.
"Gretchen, dapat di mo ginagawa 'to kasi magagalit ang asawa ko."
"Sabi ni Daddy, di pa naman daw kayo kasal."
Napalingon ako sa gilid bago nagbuntonghininga. Ito na naman kami.
"Kahit pa. Di mo pa rin dapat ginagawa 'to. Ang bata-bata mo pa. Saka huwag mong bibigyan ng sakit ng ulo si Kuya Bert."
"Di na 'ko bata! Matanda na 'ko! Puwede na nga 'kong mabuntis e!"
Ang kulit.
Nagbuntonghininga na naman ako tinitigan ang baunan na hawak niya kung kukunin ko ba at nang makaalis na ako rito o hindi kasi baka isipin niya, tinatanggap ko naman.
"Gretchen, kapag itinuloy mo pa 'to, baka pagalitan ako ni Kuya Bert." Kinuha ko na ang baunan sa kanya. "Huwag mo nang uulitin 'to, ha? Sige na, umuwi ka na."
"Ayaw! Kainin mo muna, manonood ako."
"Gretchen . . ." mahinahong sermon ko.
"Kainin mo ngayon! Yung nakaraang bigay ko sa 'yo, sina Timo ang kumain e. Masarap naman 'yan, nagpatulong ako kay Yaya magluto."
Ang tigas naman ng ulo nito.
Nilingon ko sina Mando na patuloy lang sa pagbubuhat ng sako. Nakakasama naman ng loob ito. Ako, babayaran ng 200 para lang mag-almusal; samantalang sila, 100 lang, magpapakapagod pa.
"Kakainin ko agad, pero uuwi ka pagkatapos, ha? Magbubuhat pa ako."
Ang lapad ng ngiti niya nang mabilis na tumango sa akin.
Panibagong buntonghininga na naman sa akin at binuksan ang baunan.
Mainit-init pa, halatang bagong luto. Sinangag, meatloaf, itlog, saka may ilang berdeng maliliit—baka gulay.
Kahit pareho kaming nakatayo, kinain ko sa harapan niya ang dala niyang almusal. At hindi ko alam kung magpapasalamat ako sa dala niya kasi lalo akong nakaramdam ng gutom nang sumubo ako. Hindi naman marami kaya anim na subuan lang, wala nang laman ang baunan.
"Nagtimpla rin ako ng pineapple juice para sa 'yo." Nakangiti niyang iniabot sa akin ang isang tumbler.
"Salamat," matipid kong sagot bago kinuha iyon sa kanya.
Nakapag-juice din naman ako kahapon kina Misis Tina, pero ang sarap talaga ng lasa kapag hindi tubig lang ang iniinom.
Nagpunas agad ako ng labi at nagtakip ng bibig bago dumighay.
"Salamat sa Panginoon."
Nakakabusog.
Ang lapad ng ngiti ni Gretchen nang kunin sa akin ang tumbler at baunan saka ibinalik sa paper bag na bitbit.
"'Nga pala, huwag kang magsusuot ng ganyan kaikli," puna ko sa damit niya. Ang ikli kasi ng shorts, kita ang maputi niyang hita. Tapos magsusuot na lang ng pang-itaas, yung sando pa na kita ang bra. Magandang lalaki si Kuya Bert, artistahin nga. Di na ako nagtaka na maganda ang anak. Pero kinse anyos lang si Gretchen, baka makasuhan ako kapag hinawakan ko.
"Ang sexy ko kaya rito!" Nagpapungay pa siya ng mga mata.
"Magdamit ka nang disente para di ka bastusin ng mga lalaki rito. Ang dami pa namang manyak dito sa palengke, baka hipuan ka."
"Wala naman silang pakialam sa kung ano'ng gusto kong isuot! Kung manyak sila, kahit magsuot ako ng pang-Muslima, manyak talaga sila!"
"Pinag-iingat ka lang kasi kilala ko ang mga tao rito. Magsuot ka ng ganyan sa lugar na walang babastos sa 'yo."
Bigla siyang ngumisi. "Yiiee, concern ka sa 'kin, Tisoy? Magsuot nga ako nang ganito every day para lagi mo 'kong mapapansin."
Hindi ako ngumiti sa kanya. Matigas talaga ang ulo.
"Umuwi ka na at mag-aral ka. Grabe 8 ka pa lang, di ba?"
"Grade 9 na kaya ako sa June! Puwede na 'kong mag-boyfriend!"
"Kahit pa. At kung mag-boyfriend ka man, maghanap ka kapag 18 ka na."
"Gusto ko ikaw!"
"May asawa na nga ako. Makulit?"
"Di pa kayo kasal, hmp! Aagawin kita sa kanya, 'kala mo, ha. Saka ano 'yan?"
Napatingin ako sa dibdib kong may sugat.
"Ano'ng nangyari, Tisoy?"
"Babalik na 'ko sa trabaho. Umuwi ka na, ha! Ingat ka!" Mabilis akong tumakbo pabalik sa may truck. Lalo lang umiling sina Mando sa akin nang bumalik ako sa hilera ng mga magbubuhat.
"Ibang klase ka talaga, Tisoy. Pati anak ni boss, luhod sa 'yo."
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top