Chapter 29: Redemption Island
Unang beses kong makakasama sa mesa ang pamilya ni Aya. Unang beses din mula nang iwan ako ni Bea. Si Doc Paul, nakakasama ko namang mananghalian kada dalawang linggo tuwing dinadalaw namin siya ni Aya para magpa-checkup.
Nasa isang restaurant kami, sa mahabang mesa na pampamilya talaga. Nasa magkabilaang kabisera sina Doc Paul saka Sir Ben. Nasa kanan ni Sir Ben si Ma'am Melody na katabi ko, tapos sa kabila ko si Penny. Nasa kaliwa naman niya si Shaun, katabi si Bea na katapat ko ng upuan, tapos ang yaya at baby nila na inaalagaan naman nito.
Puno ang mesa, ang daming pagkain. Hindi ko masabi kung nagluluksa ba sila gaya ng pagluluksa ko. Hindi ko alam kung umiyak din ba sila gaya ng pag-iyak ko. Hindi ko alam kung nahihirapan ba sila gaya ng paghihirap ko. Kasi habang nakikita ko ang mga ngiti nila, parang hindi kami galing sa lamay. Para lang kaming may simpleng tanghalian at nayakag lang ako.
Hindi ako nagulat sa dami ng pagkain. Inisip ko ngang baka sa daddy ni Aya namana ang hilig nitong bumili ng sobrang dami sa resto. May baboy, may baka, may isda, may malalaking sugpo, may cake pa, may mga panghimagas na iba-iba. Hindi sila umo-order ng sapat lang para sa isang tao. Palaging marami at sobra. Ganoon siguro talaga kapag may pambayad, hindi natatakot gumastos.
Nag-uusap sina Sir Ben at Doc Paul tungkol sa trabaho. Walang nakikisabad sa amin hangga't hindi natatanong. Naiilang akong kumain pero sinabi ni Doc Paul, pagagalitan niya ako kapag hindi ako kumain nang maayos. Ginatungan pa ni Sir Ben na huwag daw sasayangin ang pinambili niya tapos bigla silang tumawa.
Hindi ko masabi kung biro iyon kasi tumawa sila, pero nakakatakot pa rin kasi mukhang tototohanin nilang dalawa.
Ang bilis kong nabusog kaya magkasabay lang kami ni Penny na natapos. Sapat lang para makaubos ako ng isang plato at hindi na umulit pa kahit marami pang nakahain sa mesa.
Lumapit agad ako kay Penny at bumulong malapit sa tainga niya—halos idikit ko na ang pisngi ko sa buhok niyang nakatali na.
"Puwede na ba tayong bumalik sa chapel?"
Pumaling siya at bahagyang lumayo sa akin at nagtatanong ang mga tingin niya. "Why? Awkward ba sa 'yo rito?"
Pilit akong ngumiti at asiwang tumango.
Pakiramdam ko kasi, nasa maling mesa ako.
"Dito ka muna. Sabay tayong babalik doon." Nginitian ako ni Penny at hinawakan ang kanang kamay ko nang mahigpit.
Ayoko sanang pilitin si Penny kaso hindi talaga ako komportable. Maliban sa kaharap ko si Bea, nakakatakot talaga ang presensya nina Sir Ben at Doc Paul na para bang kapag may mali akong nagawa, magagalit talaga sila nang sobra.
Ayoko namang magalit sila. Galit na nga ako sa sarili ko, pagagalitan pa nila ako.
"Are you through?" tanong ni Ma'am Melody sa akin kaya napatingin pa ako sa kanilang lahat kung sino ang tinatanong nito kahit sa akin naman ito nakatingin.
"Ako ho?"
"Marami pang pagkain, hijo. Why? Wala kang gana?"
Matipid akong ngumiti. "Busog na ho ako. Maraming salamat ho sa masarap na tanghalian."
"Oh, you're so polite." Umurong siya nang kaunti at tiningnan si Doc Paul sa kabilang dulo. "Is he this consistent o nahihiya lang ngayon?"
"He's like that every time I see him, Mel. No wonder Aya liked him a lot."
Binalikan na naman ako ni Ma'am Melody at mas lalo kong hiniling na sana umalis na kami ni Penny para hindi na ako napupuna rito.
"Boyfriend ka ba ni Aya?"
Mabilis akong umiling. "Hindi ho. Magkaibigan lang ho kami."
Biglang kumunot ang noo niya at nanliliit ang matang sinukat ako ng tingin. "Nililigawan mo?"
Mas marahan ang pag-iling ko ngayon. "Wala ho akong balak."
"And you took care of her? For what reason? I'm doubting about the money. Paul said ayaw mong magpabayad."
Napahugot ako ng hininga at napasulyap saglit kay Penny na lalong humigpit ang pagkakahawak sa kamay ko. Binibigyan ako ng allowance ni Penny, sabi niya, hindi sahod iyon. Panggastos ko lang daw kasi whole day akong bantay kay Aya. Ibig sabihin, wala akong ibang trabaho.
"Ayoko lang hong nakikitang sinasaktan ni Aya ang sarili niya. Wala ho siyang kasama sa unit niya tapos ho palaging umiiyak tuwing gabi." Binawi ko ang lungkot at pinilit siyang ngitian. "Pero ho nitong mga nakaraang buwan, hindi na siya umiiyak saka mahimbing na lagi ang tulog niya. Hindi na rin niya sinasaktan ang sarili niya. Sayang lang ho, akala ko magtutuloy-tuloy na."
Pagyuko ko, naramdaman ko ang kamay ni Ma'am Melody na humahagod sa likod ko.
"Kumusta pala yung investigation doon sa kaso," tanong ni Doc Paul at pagsulyap ko sa kanya, nakatuon ang atensiyon niya kay Sir Ben.
"Last Tuesday, nakausap na raw ang general manager ng Everlies para sa statement nila. After the burial, saka pa lang makikipag-coordinate sa akin."
"Malala na talaga yung kapatid. Ano pa ba'ng magagawa natin?" Napapailing na lang si Doc Paul bago uminom ng tubig.
Naipaliwanag na niya noon kung bakit ayaw nilang mangialam si Penny sa isyu tungkol kay Aya at kay Shaun.
Ayaw nina Sir Ben na mabanggit si Janriel kay Penny kasi alam nila na magtatanong si Penny kay Aya tungkol doon. At iniiwasan nila iyon.
Trese anyos noong huling nakita ni Aya si Janriel. Pagkuha nina Sir Ben kay Aya, nakondisyon naman daw nila ito na wala itong ibang kapatid kundi si Shaun lang. Kaya tuwing maaalala nito ang ginawa ng kapatid, si Shaun agad ang unang pumapasok sa utak kasi siya lang ang "alam" nito at "pagkakaalala" nitong kapatid.
Kahit si Doc Paul, nabanggit ito, pero nito lang noong wala na si Aya. Ayaw niyang nag-uusisa kami kasi trigger nga raw sa alaala ng pasyente niya.
Hindi ko naman pinagsisisihan na sinugod ko si Shaun sa bazaar, pero kahit paano, nakokonsiyensiya rin naman ako na sinisi ko siya sa kasalanang hindi naman niya ginawa.
Kung nalaman lang daw nila nang mas maaga pa na nahanap na pala ni Janriel si Aya sa Everlies, e di sana maaga pa lang, napahuli na. Kahit si Jes, nasisi pa na hindi man lang iyon napuna.
Kung hindi ko pa raw sasabihin, hindi pa nila malalaman.
Malas nga lang daw kay natunugan sila kaya naunahan na.
Pagbalik namin sa kapilya, mas nabawasan na ang mga tao. Pero mas dumami ang mga hilera ng bulaklak.
Kada susulyap ako sa loob ng nakabukas na kabaong, napapapikit ako at napapaurong para hindi makita si Aya na parang mahimbing lang na natutulog.
Gusto niya n'ong bagong acrylic paint. Sabi ko, ibibili ko siya kahit mahal.
Nagbihis lang ako.
Saglit lang iyon. Sobrang saglit lang.
Aalis na lang kami. Nakahanda na lahat.
May pambili naman ako. May dala akong pera, kahit bilhan ko pa siya ng masarap na meryenda.
"Denzell, it's okay."
Hindi na yata matutuyuan ang mata ko ng luha hangga't nakikita ko si Aya.
"May bagong released daw na pintura sa Art Bar," paliwanag ko kay Penny habang nagpupunas ako ng mata. "Sabi ko, ako'ng bibili para sa kanya. Kasi nag-panic siya noong hapon, akala ko nga, di makakatulog pagkagabi. Nakita kasi si Shaun sa bazaar."
Kahit hindi ako humahagulhol gaya ng iba, ayaw pa rin papigil ng mga luha ko sa pagpatak.
"I know she's in a better place right now."
Pinilit kong ngumiti saka tumango.
"Alam kong mapupunta sa langit si Aya. Sabi ni Inay, lahat daw ng mababait, napupunta sa langit."
Papalubog na ang araw nang lalong nabawasan ang mga tao.
Naging abala ang mga kamag-anak ni Aya sa paghahanda sa gabi. Saglit akong lumabas ng kapilya para makahinga. Saktong naabutan ko sa libreng puwesto sa ilalim ng puno ng langka si Bea kasama ang anak niya.
Magpapahangin lang naman ako, wala akong balak kausapin siya. Wala pa rin namang pinagbago ang itsura niya maliban sa may karga na siya ngayong bata.
"Balita ko, ikinasal ka raw kay Kalaya-Ann."
Nagbuntonghininga lang ako saka tumanaw sa malayo paiwas sa kanya. "Ikaw, ikinasal ka ba roon sa Shaun na 'yon?"
Siya naman ang hindi nakasagot.
Lalong lumamig ang hangin sa paligid. May bagong deliver na bulaklak na may mahabang puting laso. Iyon na lang ang sinundan ko ng tingin para masabing may napapansin akong iba.
"Na-salvage daw 'yon, kuwento ni Mamay Luz pagdalaw ko."
"Bakit ka naman dadalaw kay Kikay? Akala ko ba, galit ka r'on?"
"Akala ko lang, nasa Smile ka pa."
"Wala rin namang mangyayari kung nasa Smile pa 'ko. Wala rin namang mangyayari kahit dalawin mo 'ko."
Bigla na naman siyang tumahimik, hindi rin ako nagsalita. Hindi naman na ako galit sa kanya, at kung magalit man ako, siguro dahil doon sa lalaking pinili niya. Pero kahit din naman ako, mali ang akala. Naninisi ako ng taong wala namang kasalanan kay Aya. Pero kahit pa, may kasalanan pa rin siya.
"Hindi mo naman ako masisisi kung mas pinili ko si Shaun. Kumpara naman sa buhay natin noon, mas maginhawa na ang buhay ko ngayon. Mahal naman niya 'ko at pinakasalan niya rin ako pagkapanganak ko."
"Dapat lang. Gagawa-gawa siya ng kasalanan, hindi niya paninindigan? Baka lalo lang akong magalit sa inyong dalawa."
"Responsable naman siya, huwag kang mag-alala."
"Alam ba niyang dati mo 'kong asawa?"
"Ang alam niya, manliligaw lang kita."
Kahit mapait, bigla akong natawa.
Manliligaw lang pala.
Napatingin agad ako sa relos ko kay ang usapan namin ni Penny, maaga kaming maghahapunan ngayon para asikasuhin ang ibang dadalaw mamaya. Mag-aalas-sais na pala.
"'Laki ng ipinagbago mo, marunong ka nang sumagot. Mukhang asensado ka na rin naman na. Mukha ka nang tao ngayon."
Doon lang ako napasulyap sa kanya at mataas pa rin ang tingin niya sa sarili.
"Nagpapasalamat ako sa pag-iwan mo sa 'kin, Bea. Kung hindi mo 'ko ipinagpalit sa iba, baka iniiyakan pa rin kita habang naghihirap tayong dalawa."
Nagpamulsa na ako at iniwan na siya roon. Kahit ngayon man lang, ako ang makaranas na tumalikod sa kanya.
"Denzell! Plan?"
Lumapad nang bahagya ang ngiti ko nang saktong lumabas si Penny sa kapilya kasabay ang ibang mga matatanda.
"Hapunan muna tayo. Ayoko nang sumabay sa kanila."
♦ ♦ ♦
Gaya ng ipinangako 'ko, nagbantay ako sa kapilya nang tatlong araw. Sabi ni Sir Ben, baka raw gusto kong magbigay ng eulogy, kaso nahihiya akong magsalita sa harap nilang lahat kaya tumanggi ako. Noong burol, isinama ko na sa ilalim ng lupa ang lahat ng sama ng loob ko sa pagkawala ni Aya habang dala ko sa isip ang lahat ng naiwang pangarap niya.
Tinanong ako ni Sir Ben kung gusto ko raw bang magtrabaho sa kanya, hindi ko tinanggap. Kahit si Doc Paul, nag-alok din ng trabaho para sa akin na parehong mataas ang sahod.
Ang sabi ko na lang, magtatapos muna ako sa pag-aaral tapos babalik ako para tanggapin ang mga alok nila.
Hindi naman sa nahihiya ako at masasabihang mukhang pera, pero gusto kong may mapatunayan muna. Kasi gaya ng sabi ni Aya, puwede naman daw bumalik sa pag-aaral kapag handa ka na.
Yakap ang bumungad sa akin pagbalik ko sa tattoo shop kung saan ko laging hinahatid si Aya. Alam nila roon kung gaano ako katiyaga kapag naghihintay akong matapos siya.
Nagtanong sila kung bakit ako naroon. Sabi ko, magpapa-tattoo ako. Akala nga nila, pangalan ni Aya gaya ng ipinalagay ko sa dibdib ko. Pero sabi ko naman, gusto ko ng pakpak ng anghel na lampas sa balikat pero hindi sasakop ng buong braso.
Masakit magpa-tattoo. Pero habang nararamdaman ko ang pasada ng karayom, iniisip ko na lang na ganoon din ang nararamdaman ni Aya noong inilalagay sa kanya ang pakpak niya.
Kung sana lang talaga, tunay iyon, sana nakalipad siya.
Sa unang pagkakataon sa buhay ko, naisip kong magkaroon ng tamang landas na tinatahak. Iyon bang hindi ako magtatanong kung saan ako pupunta. Kung ano'ng susunod kong gagawin. Kung hanggang saan lang ba ako.
Sa unang pagkakataon, pagharap ko kay Penny, nanghingi ako ng tulong kahit nahihiya ako.
"Penny, kailangan ko ng trabaho."
Sabi nga niya, hindi masamang manghingi ng tulong kung kinakailangan talaga. At hindi mawawala ang mga taong handa rin namang tumulong kapag nangangailangan ka na. Nagpapasalamat ako sa Panginoon na noong ako naman ang nagtangkang tumalon sa sarili kong bangin, meron naman sa aking sumalo. Hindi pa rin Niya ako pinababayaan kahit sumusuko na ako.
Hindi ako nakakalabas ng Maynila. At sa unang pagkakataon mula nang mabuhay ako, nakakita ako ng malawak na dagat.
"Welcome to Redemption Island!"
Naghahalo ang lamig ng hangin at alat ng tubig sa pang-amoy ko. Nagsuot ako ng manipis na T-shirt at shorts kasi sabi ni Penny, baka raw mabasa kami. Sakto lang kasi makitid ang bangka at nasa sampu kaming nakasakay. Maingay ang motor sa likod kahit nasa bandang harapan kami malapit sa babaeng tour guide.
"The boat ride to the island will take about twenty minutes. Right now I'd like to take a minute to familiarize you with the area and discuss some brief safety precautions."
Biglang dumaan ang braso ni Penny sa akin at may itinuro sa kanan ko. "Doon banda yung reception hall. Yung office ko, nasa loob. Itu-tour naman kita tomorrow. Kulang pa ang staff ng Marina Hope dito, so in need talaga ako ng tao. Yung ibang hotel and resort, naghahanap din ng ibang staff kasi hindi pa talaga full open sa public ang island."
"Madali lang ba ang trabaho?" tanong ko paglingon sa kanya.
Matamis ang ngiti niya sa akin nang tumango. "Medyo. I guess. But better than your jobs in Manila. Mag-e-enjoy ka rito. I really wanted to take Aya here, di ba? Better din sa iyo itong island to recollect."
Tumanaw ulit ako sa malayong isla saka sumagap ng hangin.
"Bakit pala Redemption island?" tanong ko agad.
"Well . . . the place is ideal to those who need saving from sins, to reclaim themselves again. Hindi isolated but enough to made them feel that there is hope and life in the middle of nowhere. Cute ang idea, buti nga nakabili ako ng land diyan noong mura pa."
"Diyan ka na ba titira?" Napatingin ako sa kanya para malaman kung magtatagal ba siya roon sa sinasabi niyang isla.
"Possible na mag-stay ako diyan for my business. Although babalik pa rin ako ng Manila for legal works, but gusto kong i-pursue itong sa island kasi malaki ang investment ko rito. Why? Gusto mo bang dito tumira?"
Napangiti ako roon sa sinabi niya.
Basta ba malayo na ako sa problema . . .
Bakit hindi?
♦ ♦ ♦
A/N: aksheli ending na, hindi lang halata hahahahaha
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top