Chapter 28: The Funeral
Alam ng bawat ng sulok ng 23rd floor kung gaano ko kabilis tinakbo ang papasarang elevator kahit na alam kong imposibleng maabutan ko pa.
Nasuntok ko ang metal na pinto na humarang para maabot ko si Aya. Inabangan sa floor indicator kung aakyat ba sila o bababa.
Saksi ang bawat hagdan sa exit door kung ilang hakbang lang ang inilaan ko sa maraming baitang doon. Hindi lang hakbang ang kinailangan ko, ginawa ko nang talon.
Bawat palapag paakyat, tiningnan ko kung nasa pasilyo na ba sila. Umabot na ako sa rooftop pero wala akong nakita.
Matinis na ingay lang ang gumuguhit sa tainga ko habang naghahabol ng hangin nang mga oras na iyon.
Sa ilalim ng sikat ng araw, nilingon ko lahat ng maaaring lingunin. Sa lahat ng sulok sa itaas, sinubukan ko silang hanapin.
Kaso hindi ko sila nakita. Wala akong nakita sa kahit saang palapag sa itaas kahit na anong lingon ko. At sobrang laki ng pagkadismaya ko nang pagsilip ko sa ibaba, pinagkakaguluhan na sila roon ng mga tao.
Bumabalik na naman ang lahat.
Lahat . . . lahat. Bumabalik na naman.
Sa mga sandaling iyon, bigla akong nawala sa tamang katinuan.
Ang hirap paganahin ng sarili kapag natapos na. Kasi wala ka nang magagawa sa bagay na nangyari na. Ang kaibahan kasi nito noon kay Kikay; ito, naabutan ko pa.
Naroon ako. Nakita ko. Kung nahabol ko, hindi sana kami aabot sa ganito.
"Hindi kasi namin alam, boss. Wala kasi talagang kakaiba sa kanya," paliwanag ni Kuya Norman habang pinanonood namin ang security footage sa Everlies.
Nararamdaman ko ang bigat ng paghinga ko. At nararamdaman din yata ni Penny iyon kasi kada buga ko, hinahagod niya ang likod ko para pakalmahin iyon.
Nasa opisina kami ng police station, tinitingnan ang lahat ng nangyari noong hapon na iyon kasi ngayon lang nagkaroon ng tamang proseso sa imbestigasyon.
"Delivery boy 'yan. Nagtatanong lagi ng mga address sa unit, magde-deliver daw. E hindi naman namin alam, boss. Araw-araw naman may delivery sa Tower. Alangan namang pulisin namin siya e wala naman sa protocol 'yon. Hindi lang naman si Ma'am Aya ang pinagtatanong niyan. Pati rin ibang tenants. May dalang package palagi, deliver daw. Wala namang complaint na nakakarating sa amin."
Sa sobrang pigil ko ng galit habang pinanonood ang video habang kinakaladkad ni Janriel si Aya sa 23rd floor, kagat-kagat ko na ang gilid ng hintuturo sa nakakakuyom kong kamao.
Nahagip ako sa camera. Hinahabol ko sila. Hindi ako nakaabot.
Napunta ang video sa loob ng elevator. Nasa sulok si Aya, hinaharangan ni Janriel sa camera. Hindi mapapansin kung ano ang nangyari kasi walang kakaiba.
Nasa sulok lang sila. Nasa sulok lang.
Lumabas sila sa 30th floor. Sumunod ang video sa paghatak ni Janriel kay Aya papunta sa dulo ng palapag. Doon sa may balcony sa dulo. Lumipas pa ang ilang minuto, saka ako nahagip sa camera.
Hindi ako nakaabot.
Napasapo ako ng noo.
Hindi ko sila naabutan. Sa kahit saang anggulo, hindi.
"Kasalanan ko talaga," sabi ko pagtalikod at pagdikit ng noo sa dingding ng opisina.
"Denzell, it's not your fault. Don't blame yourself."
"Hindi, Penny. Naroon ako e."
Ang bigat ng pakiramdam ko, parang may nakadagan sa dibdib kong hindi maalis-alis kahit may tatlong araw na ang nakalilipas.
Bakit ba tuwing makakapasok ako sa estasyon ng pulisya, parating ganito?
Ngayon na lang. Ngayon na lang ulit, pero bakit?
Bakit ito na naman ang dahilan?
"Ilang araw naman na ho 'yang di natatambay sa Tower, boss. Nagsimula lang noong may pumunta sa Tower, nagtatanong tungkol sa kanya. Nagba-background daw ho ang sabi ng pumunta. Itinuro ko naman ang bahay doon sa dulo katabi ng junk shop. Noong nakuwento ko sa kanya e akala ko nga ho, nag-apply ng panibagong trabaho kay bini-BI na e."
Pagkarinig ko roon, naalala ko ang sinabi ni Penny. Iyong tungkol sa pagpapa-imbestiga niya kay Janriel noon pang nakaraang dalawang buwan.
"Sir, nakausap ko po yung father ni Aya before the incident," sabi ni Penny sa mga pulis. "Nakipag-coordinate sila sa baranggay dito na sana ipa-monitor muna for now. Kasi may record na po before e. Hindi lang na-file as criminal case."
"Naiintindihan ko naman ho, ma'am. Natawagan naman na ho kami ni Mr. Alejandre tungkol diyan. Ang amin lang ho, kailangan pa rin ng statement mula sa mga witness. Kaya ho narito sina Mr. Hanson at Mr. Gomez para ho ma-record namin kung may negligence na nalabag sa security o may inside job. Kung nagpabaya ho ang Everlies Tower, mananagot din ho sila rito."
"I know and I understand, sir. We're on it na po. May record naman na ng CCTV, di ba? Can we go now kasi obvious naman na ang nangyari. Denzell has nothing to do with it kasi siya nga ang caretaker ni Aya. Nagkaka-anxiety na ang kasama ko, a little consideration naman po. Sana don't force them to give their statement, ang alanganin po kasi talaga."
"Ma'am, hindi naman ho sila ang ikukulong. Nanghihingi lang kami ng statement para sa record. Sana maintindihan din ho ninyo ang trabaho namin para managot ang dapat managot."
"Sino pang mananagot, patay na nga!" sigaw ko agad sa pulis na sumasagot kay Penny kanina pa. "Sisisihin ninyo yung may-ari ng Everlies? Sisisihin ninyo si Kuya Norman? Sisisihin ninyo kami? Yung Janriel na 'yon ang may kasalanan dito! Paano pa mananagot 'yon kung patay na!"
"Denzell, calm yourself. Doon muna tayo sa labas."
Hindi ako makatulog nang maayos mula nang mangyari iyon. Sinabi ko kay Penny, ayokong matulog sa condo ni Aya. Kasi hindi ko alam kung anong magagawa ko sa sarili ko oras na magtagal ako roon.
Bawat sulok ng condo na iyon, ipinaaalala sa akin lahat ng kapabayaan ko. Lahat.
"Kung ako yung nagbukas ng pinto . . . kung hindi ko hinayaan ko si Aya na lumapit doon . . . kung naabutan ko lang talaga sila . . . kung matagal ko na sanang ipinahuli ang Janriel na 'yon, e di sana . . ."
"Denzell, it's not your fault. You did what you can do. You tried."
"Pero kulang, Penny. Hindi ako nakaabot sa kanila. Simple lang naman ang trabaho ko kay Aya: bantayan siya. Iyon lang, hindi ko pa nagawa nang maayos."
Nakikita ng mga tao sa paligid ko na umiiyak ako dahil sa sarili kong kapabayaan. Ang bigat namang parusa nito. Napapatanong na ako kung ano-ano ba ang nagawa ko noong kasalanan.
"You did your job well, Denzell. It's just that unexpected lang talaga ang tungkol kay Janriel. You don't know what's about him or his intentions. I'm grieving for Aya, still. But we need to be strong kasi hindi matutuwa si Aya na nagkakaganito tayo."
"Hindi ko na alam, Penny. Nahihirapan na 'ko. Hindi ko na alam kung paano pa mabubuhay nang maayos. Gusto ko na lang sumama sa kanya. Gusto ko na lang sumama sa kanila—kung nasaan man sila."
"Aya fought for her life after all she had experienced. Inilaban niya 'yon kahit mahirap for her. Please give yourself a favor. Nasasaktan tayong lahat sa pagkawala niya. Aya adored you so much kasi alam niyang malakas ka. We don't want to disappoint her, Denzell. Be strong."
♦ ♦ ♦
Hindi ito gaya noon na may magagantihan ako. Na may masusunog akong bar. Na may balak pa ba akong ihingi ng tawad sa Panginoon.
Masasabi kong maimpluwensiya nga talaga ang mga Alejandre. Nabalita sa TV ang pagtalon nina Janriel at Aya sa 30th floor ng isang condominium sa Caloocan, pero si Janriel lang ang nabalita. Wala si Aya—bagay na hindi ko alam kung ipagpapasalamat ko o hindi.
Kumpara kay Kikay na dineretso cremate na lang matapos ang nangyaring pagpatay, may naidaos pang lamay sa Sto. Domingo para kay Aya.
Nakitira ako sa bahay nina Penny mula nang mangyari ang insidente. Sabi niya, mabuti nang nababantayan niya ako kay hindi na siya magtataka kung sakali mang may gawin akong masama sa sarili ko.
Kung alam lang niya na oras-oras kong iniisip iyon. Sa bawat makita kong bagay na maaaring ipanghiwa sa akin o isaksak, sa bawat madaanan kong lugar na puwede kong talunin o magpasagasa man lang—lahat, naiisipan kong saktan ang sarili ko.
Sinasabi ko na lang sa sarili ko na dapat mahiya ako kay Penny. Kasi siya itong babae at siya itong nakasama ni Aya nang mas matagal, pero siya pa itong umaasikaso sa akin samantalang dalawa naman kaming nawalan.
"Ready ka na ba?" tanong niya nang makalabas na ako sa guest room ng bahay niya kung sana ako pansamantalang tumutuloy.
"Kung masusuntok ako ng daddy ni Aya, hindi na ako magtataka," biro ko sana sa kanya pero inaasahan ko talaga.
Malungkot ang ngiti niya sa akin. "I don't think Ninong will do that. He knows what happened, and he's not blaming you naman."
"Sana."
Sana nga.
Puting dress na maiksi ang manggas at hanggang tuhod ang haba ang suot ni Penny. Itim na long sleeves naman ang akin at puting pantalon na makitid ang tabas.
Tatlong araw daw sa Sto. Domingo ang burol ni Aya tapos idederetso na sa La Loma.
Sabi ko, gusto kong naroon ako sa tatlong araw na iyon. Kahit man lang sa tatlong huling araw ni Aya, mabantayan ko na siya nang maayos.
Gusto ni Penny na siya ang magmaneho, pero sabi ko, ako na. Sobra-sobra na ang hiya ko na dahil lang nagiging mahina ako, pati ganitong responsibilidad, iaasa ko pa sa kanya. Ayos lang naman ako, tuwid pa naman ang isip ko para magmaneho nang hindi kami mababangga. Kung isipin ko mang magpakamatay gamit ang sasakyan, hindi ko naman siya isasama.
"Sana hindi ka ma-culture shock sa kanila," paalala niya.
Matipid ang ngiti ko nang hawakan niya ako sa balikat at tapik-tapikin iyon.
"You can do this, Denzell. I know you're a strong man."
"Salamat."
Medyo malayo ang bahay ni Penny papuntang Quezon City. Sa buong biyahe namin, kapag bumababa ang kanang kamay ko, hinahawakan niya iyon at hinihigpitan ang paghawak. Magkukuwento siya ng masayang bagay tapos bibitiw rin kalaunan.
Nagpapasalamat ako sa pagtulong niya sa akin sa mga lumipas na araw. At kung wala siya, malamang na sinisisi ko pa rin ang sarili ko. Ipinaliliwanag niya palagi na maraming dahilan kaya nangyari iyon kay Aya at hindi iyon dahil sa kapabayaan ko.
Tanghali na nang makarating kami sa isang maliit na funeral chapel sa Sto. Domingo. Malayo pa lang, nakita na namin agad ang mga nakahilerang kotse sa labas. Puno na pati ang parking lot sa loob. Pagkaparada namin sa dulo, niyakap na agad ako ni Penny mula sa kanang gilid habang hinahagod ang likod ko.
"If you're not comfortable with them, just tell me right away, lalabas muna tayo para makahinga ka, alright?" paalala niya.
Inakbayan ko agad siya nang mahigpit kasi lalo akong kinabahan sa paalala niya sa akin. Mas malakas pa ang tibok ng puso ko kaysa inaasahan. Ngayon ko na nga lang makikita ang pamilya ni Aya, sa ganitong pagkakataon pa.
Sa dami ng lumalabas at pumapasok sa chapel sa mga oras na iyon, kung may hindi lang ako inaasahang makikita kahit na dapat inasahan ko na, iyon na ang Shaun na iyon at si Bea.
Kusang huminto ang mga paa ko pagkakita sa kanilang dalawa na kasabay pa naming papasok sa loob mula sa gate ng kapilya.
Hawak-hawak ng lalaking iyon na nakasuot ng puting damit na gaya ng akin ang kulay berdeng payong. Inaalalayan si Bea na karga ang isang baby na may ribbon sa ulo. Mga nakaputi rin at simple lang ang bestidang suot.
Kahit sila, napahinto rin at tiningnan ako mula ulo hanggang paa sunod si Penny sa tabi ko.
Iyon lang at nauna na silang pumasok sa loob.
"I anticipated him dito pero ayoko talagang makita siya. OMG, why?" naiinis na bulong ni Penny kaya siya na ang hinagod ko ang balikat para pakalmahin.
"Tara na sa loob. Mainit na rito sa labas. Baka magka-sunburn ka."
Pagpasok namin, ang daming bulaklak at korona ng patay na nakahilera sa pintuan pa lang. Puro mga pakikiramay tapos may mga pangalan pa ng iba't ibang kompanya ang iba.
Hindi ko alam kung kilala ba ang mga iyon ni Aya.
Kapag dumadalo ako ng lamay noon sa amin, mga nakahubad ang mga tao at nanghihingi ng meryenda o kaya nagsusugal. Dito, may ibang mukhang magsisimba. Pormal ang iba. Ang hindi ko lang inasahan ay ang mismong pamilya ni Aya.
"That's Ninang Melody," bulong ni Penny nang bahagya niya akong payukuin para marinig siya. Saglit niyang itinuro ang ginang na nakaputing blouse at jeans sa dulo. May mga kausap ding matatanda at matipid na ngumingiti sa kanila. Hindi niya kamukha si Aya, pero may hawig kay Shaun. Sa mata saka sa labi. Mukha pang bata, parang wala pang singkuwenta. "Mommy ni Shaun."
"Pansin ko nga."
"Si Ninong Ben yung naka-white T-shirt sa dulo malapit sa pinto ng garden. Yung naka-shorts saka may katawagan sa phone."
Tumango na lang ako habang sinusundan ng tingin ang lalaking tinukoy ni Penny. Mas hawig kay Shaun sa hugis ng mukha at hawig ang tangos ng ilong at hugis ng mata kay Aya. Mukha silang mayayamang lahat kahit simple lang ang damit. Kahit pagkilos nila, parang ang hinhin saka kontrolado. Parang kilos ni Penny kadalasan.
"Penelope, what are you doing in there? Denzell, come here."
Napatayo ako nang deretso nang tawagin na kami ni Doc Paul. Hanggang ngayon, kinakabahan pa rin ako sa daddy ni Penny kahit mabait naman. Malaking tao pero mababa pa sa akin nang kaunting pulgada.
Kung alam ko lang na puti ang damit ng lahat, sana hindi na ako nag-itim. Angat na angat kami at pinagtitinginan nilang lahat. Pagtapat namin sa harapan, naroon pa sina Bea nakapuwesto. Naabutan ko pa siya na biglang humigop ng inumin bago mag-iwas ng tingin sa akin. Kung ayaw niya akong kausapin, hindi ko rin naman pipilitin.
"Good afternoon, Doc," bati ko at sinubukan ko namang siglahan pero hindi ko talaga kaya pa.
"How are you feeling, son?" tanong niya at inalok agad ang kanang kamay kaya sinalubong ko agad iyon. Sinundan pa niya iyon ng bahagyang yakap at ilang pagtapik sa likod ko—na aaminin kong nakagagaan naman talaga ng loob kasi hindi ko naramdamang masama ang loob niya kasi pinabayaan ko ang pasyente niyang si Aya.
"I'm trying to survive, Doc. Just having a hard time doing it."
"Pfft!"
"Bea, ayos ka lang?"
Napalingon agad kami kay Bea na punas-punas na ang bibig. Si Shaun na ang kumuha ng cup na hawak niya.
Iniwasan kong magbuntonghininga dahil may karga-karga pa naman siyang bata. Buti naman may tatay ang anak niya. Pero hindi ako kumpiyansa sa ama kahit naipaliwanag na sa akin ang totoo tungkol sa kanila.
"Benjamin," pagtawag ni Doc Paul sa tatay ni Aya. Kung puwede lang magpalamon sa lupa, mas gugustuhin ko nang lamunin ng lupa pagharap niya. Nahiya akong umatras, nakaakbay kasi si Doc sa akin. Alam niya yatang aalis ako at magtatago kay Penny kapag nabitiwan ako.
"Yes?"
Parang tambol sa dibdib ko ang bawat tunog ng tsinelas sa sahig. Simpleng Islander lang ang tsinelas ng daddy ni Aya, mukha lang nakapambahay at wala sa burol.
"This is Denzell, the one I told you about Aya's recovery. I was amazed by this kid, pare. Sayang talaga, this is not the best time to introduce him to you."
Sabi ni Aya, mabait daw ang daddy niya. Base sa reaksiyon nito nang ipakilala ako ni Doc Paul, mukhang wala rin siyang sama ng loob sa akin. Ang amo pa ng mukha niya at parang hindi marunong magalit. Nasa 55 na si Doc Paul sabi ni Penny at magkasing-edad lang sila ng daddy ni Aya. Pero hindi halatang nasa singkuwenta na.
Naniniwala na ako kung bakit maraming babaeng dumidikit sa kanya gaya ng sabi ni Aya.
"Benjamin Alejandre, nice to meet you," pakilala nito at nag-alok ng kamay sa akin.
Nakipagkamay agad ako at naramdaman ko ang tamang higpit ng pakikipagkamay niya sa akin.
"Denzell Hanson, sir. It's nice to meet you too."
"Denzell, I see. Likewise. Madalas ka sa trabaho?" tanong agad niya na ikinagulat ko nang bahagya. "'Gaspang ng kamay mo."
Matipid akong ngumiti at bahagyang tumango. "Hindi naman ho masyado."
Itinuro niya si Doc Paul pagkabitiw sa kamay ko. "Paul was talking about you a lot. Ikaw raw ang bantay ni Aya before the incident."
Tumango naman ako.
"Thank you for taking care of my child. Kung maaga lang kitang nakilala, I could have hired you as her personal nurse. Paul is so proud of you, akala ko, may bago na siyang anak."
Biglang natawa roon si Doc Paul kaya lalo akong nailang. Sobra naman kasing magkuwento si Doc Paul, parang malaking bagay ang sinasabi palagi.
"Pare, alam mo naman ang hirap ko sa batang 'yon. Nagulat nga ako, bumilis ang recovery. Sayang talaga, walang puso talaga yung kapatid e."
"Penelope said you were the one who reported about Sean," pagbaling ulit sa akin ng daddy ni Aya.
Ang lalim ng paghugot ko ng hininga nang marinig ko ang pangalang iyon.
At sa ganitong pagkakataon, parang naiintindihan ko na kung bakit mali kami ng pagkakaunawa sa lahat ng nangyayari kay Aya.
"Matagal na roon sa condo si Aya, even Jes didn't notice Sean's stalking. Observant ka rin. Good."
"Kasalanan ko ho kaya nangyari ito kay—"
"We're not blaming anyone aside from Sean, son. We saw the evidences, nakita ko naman na sinubukan mong iligtas siya. I have no right to blame someone who took care of Aya more than I did to her as my own daughter." Tinapik-tapik lang niya ang braso ko saka ako nginitian nang matipid. "It's alright. Have you eaten your lunch already?"
Napayuko at matipid na umiling. "Not yet, sir. The traffic in Manila is not favorable for travelers during rush hours."
"Ugh! Tell me about it." Itinuro niya ang asawang nasa may pintuan ng kapilya at may mga kausap pa. "Shaun, tawagin mo na si Mommy. Magla-lunch na tayo."
"Yes, Dad." Tumayo na agad si Shaun at sinundan ko lang siya ng tingin bago ko ibalik ang tingin kay Bea na pasulyap-sulyap sa akin mula sa inuupuan niya.
"Kayo, pare, sumabay na kayo ni Penny sa amin."
Bigla akong kinabahan kasi mukhang maiiwan ako rito. Manananghalian na pala sila. Hindi ako nakapagbaon ng pagkain.
"Ikaw, Denzell. Sumabay ka na rin. Beatrice, mauna na kayo ni Baby sa labas. Pakisabi kay Hilda, magpa-reserve ng three additional seats sa table natin."
"Yes po, Pa." Kitang-kita ko ang pagkailang kay Bea nang ayusin ang pagkakakarga sa anak niya bago sumunod papunta sa pinto sa kapilya.
Gusto kong isipin muna si Aya sana. Kung bakit naman kasi napasok pa ako rito sa sitwasyon ito samantalang babantayan ko lang naman siya sa huling hantungan niya.
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top