Chapter 27: Broken Promises
Ilang araw ko nang hindi nakikita si Janriel at hindi ko masabi kung dapat ko ba iyong ipagpasalamat. Hindi kasi siya lumalapit talaga kay Aya kapag naaabutan ko—mas lalo na kapag kasama ako. Mukha lang siyang simpleng kakilala na tagarito sa Everlies Tower kung kumilos. Ni hindi nga rin mapapansin na masamang tao siya kasi hindi rin siya mukhang masamang tao. Simple nga lang kung pumorma, nakangiti rin palagi. Pero ayoko lang ng panay ang sunod niya kay Aya, lalo na noong unang beses kong mapadalas kasama ito.
Kinikilabutan ako sa binanggit ni Penny tungkol kay Janriel—kung iisa nga lang ba sila. Sasabihin ko na lang si Aya na layuan ang taong iyon. O kahit sina Kuya Norman din, baka lang sakaling pigilan nilang makalapit kay Aya.
Hindi ko kasi puwedeng ipahuli lalo pa't wala akong ebidensiya. At mas lalong ayokong pumunta sa pulisya.
Nakapagluto na ako ng hapunan at nag-iimis na lang ng mga hugasing kawali nang magising si Aya.
"Denzell, ayos ka na?" malungkot na tanong niya agad pagyakap sa akin mula sa likod.
Matipid ang ngiti ko nang lingunin siya. "Ikaw, kumusta ang pakiramdam mo?"
Wala siyang isinagot. Inugoy-ugoy lang niya ang sarili habang yakap ako kaya nagpadala na lang din ako sa pag-ugoy niya. Ginagawa niya ito kapag nalulungkot siya kaya alam ko na agad kung mabigat ang loob niya sa mga ganitong pagkakataon.
Naaawa ako kay Aya. Sinusubukan niyang pagalingin ang sarili niya sa kahit anong paraang maiisip niya—may tulong man ng iba o wala. Kung hindi ko alam ang dahilan ng mga sugat niya sa braso, magagalit pa rin ako sa kanya. Pero mahirap kasi na kapag naroon na ako sa mismong eksena na ang kalaban niya, sarili na niya, kahit gusto kong tumulong, hindi ko siya matulungan. Na kapag hindi niya nasaktan ang sarili niya, mananatili siya sa bangungot niya habang gising pa. At iyon ang mahirap doon. Kasi hindi ko siya kayang gisingin nang hindi siya nahihirapan—nang hindi siya nasasaktan. Kasi hangga't hindi siya nasasaktan, hindi niya masasabi kung alin pa ba ang totoo sa hindi.
Kung maaari lang . . . kung kaya ko lang . . . kung puwede lang ilipat ang sakit niya sa akin, aakuin ko, ako na lang ang maghihirap, huwag na siya.
Kasi . . . kasi hindi ko alam e. Hindi ko alam kung paano ipaglalaban na kaloob ito sa kanya ng Diyos. Kung pagsubok ito ng Panginoon sa kanya, bakit ang hirap naman?
Ano'ng mali?
Saan siya nagkamali para maranasan ito?
Hindi ko maintindihan.
Kahit anong isip ko, hindi ko naiintindihan.
Para sa isang taong araw-araw nagpepenitensya nang ganito, mahirap intindihin . . . kasi parang hindi patas.
Noong nakita ko sina Bea at Shaun na iyon, mukha silang masaya. Mukha silang maayos, hindi nahihirapan, komportable sa buhay . . .
Pero bakit si Aya, ganito?
Inuunawa ko. Nababagabag ako kapag naiisip kong bakit parang ang hirap ibigay ng kapayapaan sa isip. Ano bang dapat namin gawin? Maglakad nang nakaluhod patungong altar? Umiyak ng dugo sa lahat ng santong kilala ko? Anong panalangin ang dapat usalin para lang matapos na ito?
Kasi ang hirap tanggapin . . . na mabubuhay si Aya nang ganito araw-araw. Mahirap tanggapin na kapag naghihirap siya sa sarili niyang multo, manonood lang ako kasi wala akong magagawa.
"Denzell, okay ka na talaga, ha?"
Nagpunas na ako ng basang kamay at pumaling na patalikod. Niyakap ko agad siya at inugoy-ugoy.
"Siyempre naman, okay lang ako." Lumayo na ako at hinawakan siya sa pisngi. "Kaya dapat, okay ka na rin para pareho tayo, hmm?"
Nagpakita na naman ang matamis niyang ngiti sa akin na imbes gantihan ko rin ng ngiti, mas lalo lang akong nasaktan.
Humugot ako ng hininga at hinawakan siya sa likod ng ulo para idantay sa dibdib ko—para lang hindi niya makita ang pagkadismaya ko sa nangyayari.
Kasi hindi ko kayang ngumiti sa isang bagay na pansamantala lang. Kasi anumang oras, anumang minuto, anumang segundo, babalik ang traydor na mga alaalang iyon sa isip ni Aya at sasaktan ulit niya ang sarili niya.
At ang pinakamasakit sa lahat, naroon ako . . . nanood lang na mahirapan siya.
"Magiging okay ka lang, Aya. Huwag kang mag-alala."
Mabilis naman niyang maramdaman kapag may problema ako kasi wala akong ganang kumain. Kaya kahit parang walang lasa ang pagkain, pinilit ko pa rin.
"Dapat kumain ka nang marami, Aya. Ang sarap-sarap ng niluto ko tapos di mo uubusin? Huwag gan'on, ha?"
Sinubuan ko siya saka ako ngumiti.
May mga pagkakataong hindi ako nagrereklamo na kumakandong siya sa akin, lalo na habang sa mesa kami kumakain. Ako rin minsan ang nagsusubo sa kanya para lang makakain siya nang maayos. Kailangang sasabay pa ako kasi magtataka siya kung bakit hindi ako kumakain.
Hindi niya pinapansin ang benda sa braso niya. Hindi ko rin tinanong kung masakit ba ang mga kalmot niya, o kung kumusta ang pakiramdam niya matapos ang nangyari kanina nang makita namin ang Shaun na iyon.
Sabi ni Penny, kung hindi nababanggit ni Aya ang isang bagay tungkol sa sarili niya, huwag nang babanggitin pa. Kasi hangga't may nagpapaalala sa kanya ng takot noon, magwawala at magwawala talaga siya.
Kaya nagbubulag-bulagan na lang ako para lang maging tahimik kaming dalawa.
"Denzell, ang guwapo mo ngayon."
Nginitian ko siya at itinapat ang kutsara sa bibig niya. Mabilis niya iyong isinubo saka ako bumaling sa plato para maghanda ng susunod na pagsandok.
"Bukas, papagawa tayo ng salamin. Malabo na ang mata mo e."
"Hey! That's true! Kahit kaya si Ate Penny, sinasabi na good-looking ka."
"Kasi good-looking naman halos lahat ng tao kay Ate Penny mo." Marahan kong kinurot ang tungki ng ilong niya saka ko binalikan ang pagkain naming dalawa. "Huwag kang naniniwala roon. Bolera na 'yon dati pa."
"Yung babae kanina sa mall, kilala mo ba 'yon?"
Natigilan ako sa paghahalo ng pagkain sa plato at naalala na naman si Bea. Sandali akong sumeryoso pero pilit akong ngumiti para hindi mapansin ni Aya ang sama ng loob ko na biglang bumalik sa isang tanong lang niya.
"Dati kong asawa 'yon."
"Eh? You said, patay na yung asawa mo, a!"
"Siya yung una kong asawa pero hindi kami kasal."
"Pretty naman yung girl, a. Bakit kayo naghiwalay?"
Napahugot ako ng hininga at iniwasan ko pa sa isip kong mabanggit ang tungkol sa lalaking iyon—sa Shaun na iyon—para lang hindi mapunta sa trauma ni Aya ang usapan.
"Kasi may mahal na akong iba," katwiran ko na lang. "Iyon ang pinakasalan ko. Mahal na mahal ko ang asawa ko. Mas mahal ko kaysa roon sa babae kanina."
"Hala, nangabit ka rin pala. Bad 'yan, Denzell."
Tinawanan ko na lang ang sinabi niya.
Kung sana lang talaga ganoon ang nangyari, baka matanggap ko pa ang lahat ng paghihirap na naranasan ko sa buhay.
"E di kapag nakakita ka rin pala ng iba, iiwan mo na rin ako."
Sumandok na lang ulit ako at itinapat sa bibig niya. Mas madaldal talaga si Aya kapag ganito. Hindi rin naman ako makapagreklamo kasi magtatalo kami. Kapag may sama siya ng loob bago matulog, binabangungot talaga siya.
"Siyempre, di kita iiwan. Kapag iniwan kita, e di wala na akong uuwian."
"Hmp!" Bigla siyang sumimangot. "Nandito ka lang pala kasi wala kang bahay." Umirap pa siya saka nagkrus ng mga braso.
Inalalayan ko lang ang bigat niya kasi baka bumagsak sa sahig nang di-oras. Hinawakan ko na siya sa may braso at bandang hita para hindi siya malaglag kay hindi na nakakapit sa akin.
"O, bakit madrama? Di ka pa tapos kumain."
"Hmp! Kung wala siguro 'tong condo, di ka siguro magtatagal dito."
"Kung wala ka rito, hindi ako magtatagal dito. Alam mo namang narito lang ako kasi narito ka. O, dalawang subo na lang 'to, ubusin mo na."
Hindi bago ito kay Aya. May mga pagkakataong nanghihingi talaga siya ng validation sa akin at kay Penny na hindi kami aalis sa tabi niya. Sabi nga ni Penny, nadagdag na takot kay Aya noong nag-break sila ni Jes at iniwan siyang mag-isa.
Kung hindi ko kilala si Aya, hindi ko siya pangangakuan ng kahit ano. Pero lahat—lahat na ng klaseng pangako na maaari kong maisip para lang hindi niya maramdamang aalis ako, ibinigay ko na. At kung manghihingi pa ulit siya ng kompirmasyon na hindi ko siya iiwan hangga't nabubuhay kaming dalawa, ibibigay ko pa rin iyon hangga't may naiisip akong pangako para sa kanya.
Hindi ko rin naman alam ang gagawin ko kapag nagkahiwalay kaming dalawa. Baka mabaliw na lang ako kaiisip kung ano na ang nangyayari sa kanya sa kung nasaan man siya.
Pagkatapos kumain, ginagawa naming grounding therapy ang paghuhugas ng plato, tapos kakanta kami ng masayang kanta. Tinuruan ako ni Penny ng mga puwedeng gawin para maiwasan ni Aya na saktan ang sarili. Noong nakaraang dalawang buwan, epektibo lahat ng iyon. At masuwerte nga raw na ako ang kasama sa bahay kasi hindi toxic ang treatment kaysa noong si Jes pa raw ang kasama nito na kailangan talagang nasasaktan ni Aya. Kahit nga ang pagtuturo sa akin ng English, ginawa na ring therapy ni Penny kasi mas nakakapag-focus si Aya sa akin at hindi na sa ibang bagay.
Naiintindihan kong mas madaling magising sa realidad kapag nasasaktan. Pero ayoko ng sakit na umaabot sa puntong nagkakasugat-sugat na si Aya.
Ayoko n'on.
May ilang beses na naabutan ko si Aya na nilulunod ang sarili niya sa bath tub kapag inaatake siya noong unang buwan ko rito kaya nasanay na rin akong sumasabay sa kanya sa paliligo o kaya mauuna ako tapos susunod siya habang binabantayan ko sa bukas na pinto at nagbabasa naman ako.
At dahil marami na naman siyang sugat, pagkatapos magpababa ng kinain, naligo muna ako tapos pinaliguan ko na siya. Kapag kasi may sugat siya, umiyak talaga siya sa hapdi ng sabon. At kapag umiyak siya, para akong masisiraan ng ulo kung paano siya patatahanin.
Nakaupo lang siya sa bath tub at naglalaro pa rin ng bula kahit sinabi kong huwag kasi kikirot ang sugat niya. Kinukusot ko naman ang itim niyang buhok na lampas na sa dibdib ang haba. May bangkito talaga akong inuupuan sa banyo kapag ako ang nag-aasikaso sa kanya. Binili ko para lang dito sa paliguan.
"Sayang, di natin nabili yung shirt kanina," kuwento niya habang hinihihipan ang bulang inipon sa kamay. "Bagay pa naman sa iyo 'yon."
Nababanggit niya ang mga nangyari kanina pero may mga detalye talaga siyang iniiwasan. Alam ko kung ano ang mga iyon at gusto ko ring iwasan para hindi na niya maalala pa.
"Di maganda, mahal e," sagot ko na lang at tunog nanghihinayang pa. "Bibili tayo next time. Tapos bibilhan din kita ng dress na bagay sa damit ko para pareho tayo."
Bigla siyang tumingala habang nakangisi sa akin. "Bibilhan mo 'ko talaga?"
"Siyempre naman. Ikaw pa ba?"
Kinagat niya agad ang labi at lalo pang ngumisi saka ibinalik ang paglalaro sa bula.
Napapabuntonghininga na lang ako.
Ang hirap din minsan sa akin na alam ko ang totoo pero kailangan kong piliin ang sasabihin at magsinungaling kung minsan. Kasi sa sobrang sakit ng katotohanan, mas gusto ko na lang na itago ang lahat para lang hindi siya masaktan.
Kinuha ko ang handheld shower head na kinatutuwaan talaga ni Aya kapag naliligo siya. Kahit din naman ako kasi mas napadali sa aking paliguan siya kahit hindi na siya tumayo buong oras ng paliligo niya. Pinaurong ko siya para mabanlawan ko ang buhok niya nang maayos.
"Denzell, may nakita akong masarap na bilihan ng pizza malapit sa shop. Daan tayo sa Saturday after my shift."
"Oo ba."
Pinanood kong umagos ang tubig sa likod niya. Nagagandahan talaga ako sa tattoo ng anghel sa likod ni Aya. Pinasadahan ko iyon ng hintuturo na para bang mararamdaman ko nga ang mga pakpak na nakaguhit doon.
Si Aya ang pinakakakaibang anghel sa mundo na nakilala ko.
Kakaiba rin nga ang pakiramdam kasi kapag hinahawakan ko ang pakpak niya, para naman akong inaapuyan sa puwesto ko.
"I saw new released ng paints din pala kanina sa Art Bar. Parang gusto kong bumili ng acrylic set. What do you think?"
Ipinagpatuloy ko ang pagbabanlaw sa buhok niya at pinatayo na rin siya para matapos na kami.
"Kung gusto mo, e di bibili tayo. Nagagamit mo naman lahat ng pintura mo rito saka sa studio, di ba?"
Pagkabanlaw sa kanya, sinuotan ko na agad siya ng bath robe at nilagyan ng tuwalya sa ulo. Siya na ang nagkusot sa buhok niya habang inaayos ko ang lahat ng ginamit naming bote roon.
Sana madali lang talagang makalimot ng problema. Sana ganoon lang kadaling magtago ng bigat ng pinagdaraanan. Kasi kapag tumatahimik si Aya, kinakabahan ako.
Sabi kasi ni Penny, out of the blue kung umatake ang masasamang memorya kay Aya. Minsan, kahit kalagitnaan ng ginagawa, may pagkakataong inaatake siya. Kukurutin ang sarili, hihiwain ng makitang matalas na bagay, iuuntog ang ulo sa dingding. Gagawin ang kahit ano para lang mawala ang mga iyon kasi may nakikita siyang ayaw niya sanang makita pero hindi maiwasan.
Alam ko iyon. Naiintindihan ko ang pakiramdam na ganoon. Pinagdaanan ko rin. Nalugmok ako roon at kahit mulat na mulat ako, binabangungot ako.
Nakakatakot. Kapag naiisip ko iyon, kahit ako ang nasa kalagayan ni Aya, sasaktan ko rin ang sarili ko, magising lang sa realidad. Ayoko ng ganoon. Mahirap. Sobrang hirap makulong sa sariling utak.
Sinasanay ko si Aya na magsuot ng mahahabang damit kapag matutulog kasi tumatabi ako sa kanya. Ayokong nagsusuot siya ng maikli kasi naiilang ako. Kapag ayaw niya, ako na ang nagsusuot sa kanya. Pero nitong mga nakaraan, siya na ang nagsusuot sa sarili niya kasi sinasabi kong kapag hindi niya ginawa, sa sahig ako matutulog at hahawakan ko lang ang kamay niya.
Mas sinipag lang siya sa pagsusuot sa sarili noong nakakasanayan na niyang manguha ng damit na sinusuot ko at iyon ang sinusuot niya. Hahatak siya ng kahit anong damit sa sampayan basta gamit ko at iyon na. Hindi na ako nakakapagreklamo. Ako naman ang labandero sa bahay niya.
"Denzell, gusto ko talaga yung damit kaninaaaa," nanghihinayang na reklamo niya habang kagat-kagat ang dulo ng manggas ng long sleeves na naka-hanger pa kanina sa rack doon sa balcony. Ang laki ng damit ko sa kanya. Isang T-shirt ko lang, umaabot na sa tuhod niya. Ang haba pa ng sobrang tela kung susuotin niya ang mga damit kong mahahaba ang manggas.
"Huwag na 'yon. Bili na lang tayo ng iba."
Naka-jogging pants siya at suot pa ang damit ko, kaya pagsampa niya sa kama, hirap na hirap siya bago pa makalapit sa akin.
"I was planning to buy more books for you. May gusto ka bang basahin?" Umupo siya sa tabi ko at nakisilip sa binabasa kong libro. Ipinahiram naman ito ni Penny. Cut ang title. Maganda ang kuwento pero hindi nabigyan ng mabigat na dahilan ang problema ng tauhan. Tungkol sa kinse anyos na dalagang nasa treatment facility at ayaw magkuwento tungkol sa mga hiwa nito sa braso na hindi pa sapat para ikamatay pero sapat na para makaramdam ng sakit. Umasa akong makikita ko si Aya sa nabasa ko pero kulang pa siguro ang nabasa ko para sabihing pareho nga sila. Pero ayoko pa ring ipabasa ito kay Aya kahit pa ganoon.
Inilapag ko iyon sa mesa sa tabi ko at matipid na nginitian si Aya.
"What's that about?"
"Hmm. Hindi maganda ang pagkakasulat, boring," sabi ko na lang.
"I must say yes. Hindi ka nagtanong sa 'kin ng kahit ano e."
Nakikita ko ang braso niyang may mga kalmot pero hindi niya binabanggit. Kung ako ang Denzell na nakilala niya noon, malamang na pagagalitan ko siya sa mga sugat niya. Pero ngayon kasi, ibang usapan na. Puwede kasing kapag nabanggit ko ang tungkol sa dahilan ng sugat o mabanggit ko lang kahit ang mismong sugat, babalik na naman kami sa usapan sa nangyari kanina sa bazaar. Mag-iisip na naman si Aya, hindi na naman siya makakatulog nang maayos.
Madalas akong nakasandal sa headboard ng kama at hinihintay si Aya para makatulog bago patayin ang lampshade. Minsan, sinasamantala niya naman ang puwesto ko para maglambing o magpalambing.
Kumandong na naman siya sa akin at isinampay ang mga braso sa may batok ko.
Gusto kong itanong kung natatakot ba siya. Kasi kung oo, magdamag ulit na ganito ang magiging ayos naming dalawa.
Inayos ko siya ng upo sa akin bago niya maisandal nang maayos ang ulo niya sa kanang balikat ko. Marahan kong tinatapik-tapik ang hita niya na parang batang kailangan nang patulugin agad.
"Bakit di mo pa 'ko iniiwan?" mahinang tanong niya na dahilan kaya napahinto ako sa ginagawa.
Pinigil kong magbuntonghininga kaya dahan-dahan akong bumuga ng hangin saka hinagod ang buhok niyang hindi pa tuluyang natutuyo at may malamig pang bahagi.
"Ba't naman kita iiwan?"
"Kasi nahihirapan ka na. Jes left me kasi nahihirapan na raw siya sa 'kin. I'm not easy to handle daw and he felt like I'm just an excess baggage, not a girlfriend. Feeling ko naman, tama siya."
"Hindi totoo 'yan. Hindi lang siya marunong mag-alaga."
"Di ka ba napapagod sa 'kin?"
Natawa ako nang mahina roon. Walang nakakatawa pero natawa ako.
"Kapag napapagod, ang ginagawa, nagpapahinga hindi nang-iiwan. Kung talagang mahal ka ng Jes na 'yon, dapat noong napagod siya, nagpahinga na lang siya, hindi 'yong iniwan ka lang basta."
"Ikaw . . . love mo ba 'ko?"
Naibaba ko ang tingin para sulyapan ang mukha niya. Napapangiti na lang ako kapag nagkakaganito siya kung minsan. Dinadaan ko na lang sa words of affirmation ang lahat para hindi niya isiping hindi siya karapat-dapat sa lahat ng atensiyong ibinibigay ko sa kanya.
"Siyempre naman, love kita. Saka dapat natutulog ka na, di ba?"
Bahagya siyang lumayo sa akin at namumungay ang mata niya nang tingnan ako habang nakangiti.
"Matutulog ka na?" tanong ko agad habang nakatitig sa kanya.
Imbes na sumagot, dinampian niya ako ng saglit na halik sa pisngi saka siya ngumiti ulit sa akin.
"Uhm-hm?" Pigil naman ang pagtawa ko sa ginawa niya.
Nagdagdag pa siya ng isa sa may panga ko kaya napataas na ang magkabilang kilay ko.
"Di ba, matutulog na dapat?" sabi ko na lang.
Sa halip na sumunod, nagdampi na naman siya ng magaang halik sa dulo ng labi ko saka ako nginitian.
"Aya. Huwag kang ganyan."
"Kiss mo 'ko." Pumikit pa siya saka ngumuso para mag-abang ng gagawin ko.
Tinawanan ko na lang siya nang mahina saka pinisil nang mahina ang ilong niya. "Ang cute-cute mo talaga."
"Eh?" Dumilat na siya saka sumimangot. Mabilis siyang umalis sa kandungan ko saka masama ang loob nang sumulyap-sulyap sa akin. Kumuha pa ng unan at pinalo-palo iyon nang mahina para kunwaring pinapagpag saka ibinalik sa dati nitong puwesto. Nakatanggap na naman ako ng masamang tingin sa kanya bago pa siya humiga at pumuwesto nang nakatalikod sa akin.
Magtatampo na naman siya kasi hindi nabibigay ang gusto. Natawa na lang ako nang mahina saka napailing.
Humiga na ako sa tabi niya at itinukod ang kanang braso sa mga unan para bahagyang iangat ang sarili.
"Aya?"
"Hmm?" Hinigpitan pa niya ang pagkakayakap sa kumot.
Ako na ang nagpaling sa kanya palapat ang likod sa kama para maharap ako. Hindi ko maiwasang mapangiti kasi nakasimangot pa rin siya at masama ang tingin sa akin.
"What?" naiinis niyang tanong sa akin.
Hinawakan ko siya sa kanang pisngi saka ko marahang idinampi ang labi ko sa labi niya. Sa bahagyang paglayo ko, naabutan ko siyang nakadilat at nakatingin lang sa akin pero pansin ko ang saya sa mga mata niya.
Kahit kinang lang sa mga mata niya ang matanggap ko buong gabi, ayos na. Masaya na ako basta masaya siya.
"Good night, Aya."
Sinabi ko sa sarili kong gagawin ko ang lahat, maprotektahan lang siya. Kung kinakailangang isakripisyo ko ang sarili kong kasiyahan, bakit hindi? Kung ano ang meron ako ngayon, utang ko kay Aya ang lahat ng iyon. At nagpapasalamat ako sa kanya at sa lahat ng naibigay sa aking pagkakataon.
Ang ganda ng gising ko kasi maganda ang gising ni Aya. May plano pa kaming pumunta sa mall kasi nga bibili raw siya ng bagong pintura.
Katatapos lang naming kumain at nagbibihis na ako. Tumunog ang door buzzer at inaasahan ko naman ang dadaan ngayong tao. Sinabi ko kasi kina Kuya Norman na bantayan ang unit kay aalis nga kami ni Aya.
"Saglit lang!" sigaw ko sa pinto kasi nga abala pa.
"Denzell, ako na!"
Nakatapos na ako sa paggayak at tiningnan ko agad ang pinto kung sino ang tao. Pero naiwan lang iyong bukas kaya nagtaka na ako.
"Aya?"
Pagtapat ko sa pinto, nakakita na naman ako ng kahon ng regalo.
May kung anong bumangga sa likod at dibdib ko nang sabay at kinabahan agad ako.
"Denzell! Tuloooong!"
Napatakbo agad ako sa labas at naabutang kinakaladkad mula sa buhok si Aya papuntang elevator. At nangilabot agad ako nang mamukhaan ko kung sino iyon.
"Tulong!"
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top