Chapter 26: Mistaken Identity
Parang isang masamang panaginip na lumabas sa realidad ang nasisilayan ng mga mata ko.
Si Bea. Di-hamak na mas gumanda pa siya kaysa ngayon. Mukha na siyang mayaman. Mukha na siyang asensado sa suot niyang pulang bestida. Mukha na siyang babaeng hindi ko kayang maabot kung ako pa rin si Tisoy na nakatira sa maliit na apartment sa Smile.
"You know him?"
Dumilim ang lahat sa akin nang makita ang lalaking iyon. Bumalik sa utak ko ang mga ngiti ni Bea habang umuungol.
Ang lalaking naroon sa video na pinanood sa akin ni Kikay.
Ang lalaking pinangangalandakan niya sa lahat noong iniwan niya ako.
"Ikaw . . ." Kusang humakbang ang mga paa ko at buong lakas kong kinuyom ang kuwelyo niya saka ko inilapit sa akin.
"Ano'ng karapatan mo . . . ano'ng karapatan mong magpakita sa 'kin!" Nanginginig ang mga kamao ko habang pinanlilisikan ko siya ng mata.
"Tisoy!"
"Denzell!"
Bigla akong itinulak ni Bea habang hatak-hatak ako ni Aya.
Nanginginig ang labi ko habang humihinga nang malalim. Gustong-gusto ko nang manakit at hindi ko na alam kung paano pa pipigilin ang sarili ko.
"Tisoy, ano ba'ng ginagawa mo?!"
"Isa ka pa!" sigaw ko rin kay Bea nang sigawan niya ako. "Sa dinami-rami ng lalaki sa mundo, Bea, bakit sa kanya pa?!" Dinuro ko na ang lalaking nasa likod niya bago duruin ang sarili kong dibdib. "Pera lang ang wala ako, Bea! Pera lang! Kung ipagpapalit mo lang naman ako, sana pumili ka naman ng matinong tao!"
"Ano ba'ng pinagsasasabi mo, ha? Tigilan mo si Shaun! Ano'ng karapatan mong sugurin siya, ha? Saka bakit ka nandito? Ano'ng ginagawa mo rito? Magnanakaw ka na rin ba, ha?!"
"Tama na! Please, tama na! Tama na!"
Pigil na pigil ang mga luha ko nang lingunin si Aya na nakaupo na sa sahig habang umiiyak.
"Aya?" Mabilis ko siyang nilapitan at ang higpit ng pagkakahawak niya sa magkabilang tainga. "Aya, aalis na tayo rito, hmm? Aalis na tayo."
Madali kong binalikan ang damit ko sa fitting room para maialis na si Aya sa lugar na iyon.
Gusto kong unahin ang galit ko. Gusto kong manakit hanggang mapagod ako. Gusto kong sigawan si Bea, sumbatan siya sa lahat, ipamukha sa kanya kung anong klaseng lalaki ang pinili niya. Pero kinokontra ang lahat ng emosyon ko ng nangyayari kay Aya. At imbes na sarili ko ang unahin ko, inuna ko pa rin ang mas mahalaga.
"Aya, tama na 'yan." Pahinto-hinto kami kasi pinapalo ni Aya ang ulo niya. Minsan, sinasabunutan niya ang sarili. Pinagtitinginan na kami ng mga tao. Pakiramdam ko, ako ang masama sa mga mata nila.
"Aya, ako na lang ang saktan mo. Sige na, ako na lang." Niyakap ko na siya pero iyak pa rin siya nang iyak.
"Boss, okay lang kayo?" tanong ng guard na lumapit sa amin. "Si Ma'am, okay lang ho?"
Mabilis akong tumango. "Inaatake lang ho ng panic attack."
"Sigurado kayo?"
Lalong humigpit ang pagkakayakap ko kay Aya nang mapahawak sa baril niya ang guard.
"May sakit ho kasi siya. Sorry ho sa abala. Pasensiya na ho talaga."
"Gusto n'yong doon muna sa opisina?"
Umiling agad ako. "Kailangan lang ho niyang kumalma. Pupunta ho sana kami sa parking lot na lang para di makaabala sa iba."
"Samahan ko na ho kayo."
"Salamat ho."
Ang lakas ng kalabog ng dibdib ko gawa ng kaba. Ayaw alisin ng guard ang pagkakahawak niya sa baril niya. Nag-radyo pa siya sa ibang guard.
"Nasa Aisle 3-G kami, brad. Pa-monitor ng mga CCTV."
Yakap-yakap ko si Aya nang huminto kami sa tapat ng kotse niya.
"Ano hong pangalan n'yo, sir?" tanong ng guard bago ko pa mabuksan ang pinto sa backseat.
"Denzell ho."
"Apelyido, sir?"
"Hanson."
"Si ma'am ho?"
"Aya Alejandre ho, boss."
Pagbukas ko ng pinto, sumulyap pa ako sa guard na kausap ang kasamahan niya sa kabilang linya. "Denzell Hanson saka Aya Alejandre, brad. Plate number IZA 838. Oo, brad. Pa-monitor, baka kasi kung ano 'to."
Para akong nanlalambot. Naghahalo na ang takot, galit, at lungkot sa akin. Kung puwede lang matulala nang matagal na oras, para lang mawala ang mabigat na pakiramdam ko, ginawa ko na.
Sumakay na ako at tumabi kay Aya.
Punas-punas ko ang luhaang pisngi habang sinusunod ang pisngi niya.
Gusto ko ring umiyak kasama ni Aya pero ayokong dumamay kasi kung mahina na siya, ayokong maging mas mahina pa. Wala siyang ibang karamay rito at ako lang ang meron.
"Aya, tama na 'yan. Sige na, tama na 'yan," umiiyak na pakiusap ko habang pilit siyang inaawat sa ginagawa niya.
Kanina pa niya kinakalmot ang sarili niya at ang dalawang buwang pananahimik niya . . . nabalewala ang dalawang buwan na iyon nang iilang minuto lang.
Kinandong ko siya at isinilid ko ang mga daliri ko sa pagitan ng mga daliri niya.
Parang hinihiwa ang pakiramdam ko habang nakatingin sa mga kalmot niya sa braso.
"Ssshh. Ayos na. Wala na siya, hmm? Ayos na. Huwag ka nang umiyak."
Sobrang higpit ng pagkakahawak sa akin ni Aya. Ibinabaon na niya ang darili niya sa kamay ko sa sobrang panggigigil.
"Aya . . . sabayan mo 'ko, ha? Kakanta tayo."
Lalo lang dumiin ang pagkakabaon ng mga kuko niya sa mga kamay ko. Kahit ang mga ngipin niya, naririnig kong nagtatagis gawa ng panginginig.
Kinakabahan na talaga ako. Parang lalong bumigat ang timbang ni Aya gawa ng panghihina ng tuhod ko.
"Th other night, dear. As I lay sleeping . . ." Hinigpitan ko ang pagkakayakap sa kanya nang lumakas pa ang panginginig ng katawan niya. "I dreamed I held you in my arms . . ."
Gusto ko nang tawagan si Penny para manghingi ng tulong pero ayokong saktan ni Aya ang sarili niya. Kailangan ko muna siyang hintaying kumalma hangga't kaya ko pa.
"Aya, kanta tayo. Sabi ni Ate Penny mo, di ba, kapag nalulungkot daw, kakanta tayo?" paliwanag ko kahit na pareho naman kaming umiiyak.
Ayoko ng ganitong pakiramdam. Parang nakakulong ako sa lugar na ayokong puntahan. Katawan ko na mismo ang humaharang sa baga ko para makasagap ng sapat na hangin.
Nanghihina na ako pero kailangan ko pa ring maging malakas para kay Aya. Mas lalo lang akong masasaktan kung pati sarili niya, sasaktan ulit niya.
Nagtatalo ang bagal at bilis ng oras sa loob ng sasakyan. Hindi ko alam kung gaano katagal pero nakatulog din si Aya matapos niyang umiyak.
Saglit ko siyang iniwan sa backseat at inilipat ko rin kalaunan sa harapan. Hirap na hirap akong huminga sa bibig at pulang-pula na ang mukha ko pagkakita ko sa salamin ng sasakyan.
"Aya, uuwi na tayo. Saglit na lang, hmm? Uuwi na tayo," sabi ko habang hawak-hawak ng isa kong kamay ang kamay niya kahit nagmamaneho ako.
Sinamantala ko ang paglalabas ng sama ng loob habang nagmamaneho at tulog si Aya.
Tinatanong ko ang langit kung gaano nga ba kaliit ang mundo.
Na bakit sa dinami-rami ng lugar . . .
Sa dinami-rami ng mga tao . . .
Bakit siya pa?
Bakit sila pa?
Bakit kami?
Bakit ako?
Buhat-buhat ko si Aya palabas ng sasakyan. Nagpapasalamat ako na may kasabay ako sa elevator na kakilala rin.
"O, Denzell, ano'ng nangyari sa inyo?" tanong ni Mrs. Pacheco nang siya na ang pumindot ng elevator button para sa amin.
"Inatake ho ng sakit si Aya e," nahihiyang paliwanag ko.
"Ay, Diyos ko mabahagin."
Pilit na ngiti lang ang naisagot ko kay Mrs. Pacheco nang matitigan ko si Aya na napagod na lang kaiiyak. Napahugot ako ng malalim na hininga at dinampian na lang ng magaang halik si Aya sa noo.
"Uuwi na tayo, hmm? Uuwi na tayo."
Hindi ko alam kung saan ko nakuha ang lakas ko mula sa pinanggalingan namin pauwi.
Paglapag ko kay Aya sa kama, napaupo na lang ako sa sahig sa sobrang pagod. Na wala namang nakakapagod na nangyari pero pagod na pagod ako.
Saglit kong dinamdam ang sakit ng sarili kong problema at tumayo agad ako para kumuha ng panggamot sa braso ni Aya.
Nilalamon ako ng katotohanan na lalo lang pinasasama ang sitwasyon namin. Si Bea, yung Shaun na iyon, si Aya.
Kapag napapapikit ako at naiisip ko iyon, may kung anong matalim na bagay ang tumutusok sa dibdib ko at ibinabaon iyon sa lahat ng sulok na maaari akong masaktan nang sobra.
Ang daming kalmot ni Aya. Hindi ko siya napigilan kasi hindi ko na talaga alam ang gagawin ko.
Akala ko, ayos na si Aya. Na hindi na niya maaalala ang mga bangungot niya. Na hindi na ulit niya sasaktan ang sarili niya. Pero heto ako at kailangan ulit bendahan ang braso niya para lang hindi na madagdagan pa ang sugat na naroon.
Natutulala ako kapag natitigilan ako. Saglit lang magbalot ng benda pero naabutan ako ng higit sa tatlumpung minuto.
Hapon pa lang pero mahimbing na ang tulog ni Aya. Kung ako rin naman ang tatanungin, mas gusto ko na iyon kaysa naman magwala siya nang magwala.
Nakabantay lang ako sa upuan sa tabi ng bintana ng kuwarto. Tinawagan ko si Penny para magbalita sa nangyari.
"Mati-trigger talaga siya, Denzell. I'm sorry about what happened. Mabuti nakaalis kayo agad."
Ang bigat ng buntonghininga ko habang nakatingin sa kamao kong may namumuong guhit ng pula sa bawat marka ng kuko roon.
"Magiging okay lang naman si Aya, di ba?"
"That place is too far from Aya's condo, and still, you saw Shaun and even your ex. I was thinking if dalhin ko na kaya si Aya sa island? I'm sure, hindi na siya mare-reach doon ni Shaun."
Nakagat ko ang ibabang labi ko at napayuko.
Kapag dinala ni Penny si Aya sa isla, maiiwan na akong mag-isa rito sa Maynila. Hindi ako maka-oo agad. Kapag kasi nawala rito si Aya, mawawala na rin ang lahat ng mayroon ako ngayon.
Hindi rin naman sa akin itong condo, nakikitira pa rin ako.
Babalik ako sa labas, maghahanap pa ulit ng bagong matitirhan, magsisimula ulit ng panibagong buhay.
Pero ayokong ipagdamot ang maayos na buhay kay Aya. Ayokong isipin ang sarili ko sa ngayon. Mas mahalaga kasi siya.
Nabuhay naman akong walang kahit sino sa loob ng isang taon kaya bakit ko ba pinag-iisip pa ang sarili ko?
"Kung saan magiging ligtas si Aya. Iyon na lang, Penny. Doon na lang. Nahihirapan ako kapag nakikita ko siyang ganito."
Napatingin ako sa labas ng bukas na bintana. Kung matuloy man ito, kailangan ko nang paghandaan ang pagbabalik ko sa wala.
"What about you pala? Okay lang ba sa 'yo?"
Hindi ko alam.
Maliban sa bahay, hindi ko rin alam kung mapapahinga ko ang utak ko sa pag-iisip sa lagay ni Aya kahit nasaan pa siya. Baka nga kahit nasa isla na sila—kung saan man iyon—iisipin ko pa rin kung napapaano na siya.
"Kahit saan, Penny. Kahit saan, basta ligtas si Aya, ayos na ako. Huwag mo 'kong intindihin."
"You sure, ha? By the way, remember Floyd? Yung background investigator ko sa applicants ko sa Marina?"
Tumango ako sa hangin bago sumagot kay Penny. "Oo. Naalala ko nga. Bakit?"
"Sabi mo, Janriel yung name ng stalker ni Aya, di ba?"
"Oo. Nitong mga nakaraang araw, hindi ko siya nakikita sa Everlies."
"Pina-track ko itong Janriel kay Floyd. I got the same picture na bigay mo, and even the guards ng Everlies, na-confirm nila na same nga."
"May problema ba?"
"This is weird kasi may record siya sa juvenile detention. I got some weird issues about the blotter reports na recorded under the name of Sean Janriel Baldemor. Aya is a Baldemor bago pa siya i-legalized maging Alejandre."
"Saglit." Napaayos ako ng upo at kunot-noong napalingon kay Aya. "Ibig sabihin, kriminal si Janriel?"
"I'm not sure if I will call him a criminal. But that is the weirdest part of my story, Denzell. I got goosebumps here, promise! Kasi fifteen years old ang record sa blotter sa kanya. Rape case ito sa kapatid niyang si Aya Baldemor and frustrated homicide sa mother nilang si Theresa Baldemor. Hindi siya nakulong sa adult prison, pero nalagay siya sa record ng DSWD kasi minor pa lang. After his comunity service, napaalis din siya sa custody nila. And what's strange about the blotter reports, nagma-match ang testaments dito sa lahat ng story ni Aya about her trauma. Everything about the sexual and domestic abuse, similar na similar sa Sean Janriel na 'to. I booked an appointment kay Ninong to confirm kasi ang nag-file ng kaso, ang daddy mismo ni Shaun. Trust me, Denzell, I have a bad feeling about this."
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top