Chapter 24: Catching the Wave
Noong sinabi ni Penny na mag-uusap kami sa ibang lugar, inisip kong baka sa ibang kapehan lang. Pero hindi pala. May sarili siyang kotse, ang utos niya, sundan lang daw siya. Ginawa ko naman kay ako ang driver ni Aya ngayong araw.
Sa isang building sa 10th Avenue, pumasok kami roon at bumungad sa amin ang isang malaking studio na lamang ang amoy ng pintura. Makalat ang kulay sa loob at ang daming mga blangkong tabla yata na hindi ko masabi ang materyales hangga't hindi ko nalalapitan.
Ang lakas ng tili ni Aya pagtapak namin at para siyang batang nakakita ng playground doon.
Sabi ni Penny, gusto raw niya ng painting sa opisina. Mabilis na kumilos si Aya at hanggang ngayon ay pinanonood pa rin namin siya sa ginagawa niya.
Nakasandal lang kami sa dingding na may malaking salamin at mahabang metal na nakapahalang. Ginawang patungan ng braso iyon ni Penny at ginawa ko namang bahagyang upuan. Hindi kami lumapit doon kasi nga nakaputi si Penny, baka nga naman mapinturahan siya.
"It's a good thing na may bago siyang kasama sa condo. I'll give you my thanks for the effort of taking care of her."
Tumango lang ako habang pasulyap-sulyap sa kanya sa kanang gilid ko.
"Si Shaun, as much as I wanted to lock him inside a cellar, hindi ko puwedeng gawin kasi ina-avoid ng daddy nila sa scandal."
"Pero masama ang ginawa ng Shaun na 'yon kay Aya."
"I know. However, I don't have the right to interfere kasi nga ayoko ng conflict between our families. Kapag nagsumbong ako, ako ang ilalayo nila kay Aya, and I can't afford that to happen. Mahihirapan ako to help her like this. Kaya nga I coordinate with a friend and helped her buy a condo just to hide her from him. She's from south, by the way. Hindi talaga siya resident sa area kung nasaan siya right now."
Napatingin ako kay Aya na naglalaro ng pintura. Parehas pala kami. Hindi rin kasi ako tagaroon sa tinitirhan ko ngayon bago pa ako makilala ni Aya.
"Buti okay lang sa 'yong nakikita siyang ganyan lagi ang suot," sabi ni Penny habang sinusundan ko lang ng tingin si Aya. Pinaghubad ko kasi ng jacket kay baka mapinturahan. Kung alam ko lang na maghuhubad siya ng jacket, pinagsuot ko sana kahit T-shirt man lang. Naiwan na naman ang tube niya at maikling shorts kahit na sabi ko, jacket lang ang hubarin at hindi pantalon.
"Sabi ko nga sa kanya, huwag siyang magsusuot ng maiikli, lalo na kapag lalabas. Iniiwasan ko ngang tingnan 'yan palagi. Ang tigas-tigas kasi ng ulo. Magpapalda, maikli. Magdadamit, maikli rin. Pinaglaba ko naman ng mga damit niyang nakatambak, hindi pa rin nagdamit nang maayos."
"Oh! So . . . parang maid ka niya?"
Naibaling ko ang tingin kay Penny. Nakatingala lang sa akin at nagtataka ang tingin.
"Siguro? Parang." Ibinalik ko ang tingin kay Aya na nagsasaboy na ng pintura sa ginagawa niya. "Sabi niya kasi, gusto niya ng binabastos siya. Ayoko naman n'on. Sino bang tao ang gustong nababastos?"
"You can't blame her naman. Coping mechanism niya kasi 'yon e. Na kapag na-normalize sa system niya na palagi siyang nababastos at nakikipag-sex, sa mind niya, na-ju-justify ang cause ng trauma niya. Na if makikita ng lahat ang body niya, iisipin niyang normal na lang na bosohan siya or hawakan siya kahit walang permission. Na makita ang body niya without consent. She's trying to lessen the fear by accepting the source of fear."
"Pero mali pa rin 'yon," kontra ko sa sinabi ni Penny kasi maling-mali talaga.
"I know!" depensa niya agad sa akin na parang inaaway ko siya. "But nasa recovery period kasi siya and she doesn't want me to see her on her frail times. Nagkaka-anxiety siya dahil sa akin, so I'm trying to reach out kahit sa mga friend niya. Even to Jes kahit aware akong may girlfriend na 'yon. And if you can help her recover, much better. Kung ano man ang sinasabi niyang sakit mo, I don't think you have that. But she has that trauma na until now, hindi pa rin nagagamot."
Napabuntonghininga ako at napatingin kay Aya na mukhang tuwang-tuwa sa paglalaro ng pintura. Sapat na ang layo namin ngayon para isipin kong wala namang problema sa kanya. Pero sapat na rin ang lapit ko sa kanya tuwing gabi para isiping hindi ko alam kung paano aayusin ang malaki niyang problema.
"Matagal ka na ba around sa Everlies?" tanong ni Penny kaya naibalik ko ang tingin sa katabi ko.
Umiling ako. "Isang taon pa lang ako roon."
"Oh! Tagasaan ka ba before? Sabi ni Aya, American ang father mo."
Tumango naman ako roon. "Ipinanganak ako sa Olongapo. Pero sa Maynila na ako lumaki."
"Manila. As in Manila City?"
Nagbuntonghininga akong tumango habang matipid ang ngiti. Ang lugar na gusto ko sanang balikan pero ayoko nang makita pa.
"Actually, taga-Manila rin ang mga Alejandre. Around Santiago lang sila. Although, sa San Juan naman ako ngayon naka-stay."
Santiago. Malapit lang iyon sa dating pinagtatrabahuhan ni Bea. Kabilang baranggay lang. Patawid nga lang ng salon nina Rihanna.
"I can't really accomodate Aya most of the time kasi I need to travel down south. May work kasi ako sa island. For now, nasa planning period pa lang kami. Once maging okay na ang hotel namin doon, I'm planning to take Aya. Within the year ang goal ko sana. So I hope sana makatagal ka kahit within the year just to take care of her."
Ang lalim ng buntonghininga ko saka tumango. "Wala namang problema sa akin."
"Wala ka namang girlfriend, 'no? Kasi si Jes, I hate him talaga, hindi nagpasabi! He just left Aya without a warning!"
Matipid akong ngumiti kay Penny. Naiintindihan ko ang gusto niyang puntuhin. Baka isipin niyang iwan ko rin si Aya habang nakikiusap siya sa aking bantayan ko 'to. Hindi ako kasintahan ni Aya pero ayoko namang maulit ang pagsisisi ko noong pinabayaan ko si Kikay.
"Hindi ko naman iiwan si Aya nang ganyan," pangako ko agad bago pa kami mapunta sa kung saan. "Gabi-gabi pa naman siyang binabangungot."
"You know that as well?" Nagusot labi niya at nagbuntonghininga rin bago sumandal sa mahabang metal sa likod naming dalawa. "I really hate Shaun. I tried to call for help sa women's desk when Aya was fifteen. Nineteen pa lang ako that time, and graduating ng college. I almost left the laude position kasi arguable talaga ang reason ni Ninong na baka raw imagination lang ni Aya ang lahat. You can't just imagine a trauma without a cause. He even said na baka bini-big deal ko lang daw ang galit ko kay Shaun kasi hinipuan ako sa puwet. It's just a joke lang daw, huwag kong seryosohin."
"Ha?" Kusa nang nagsalubong ang kilay ko sa sinabi niya. Napatayo ako nang maayos nang marining iyon. "Pati ikaw?"
Napapailing na lang si Penny. Kung maaari ko lang siyang ipaharap sa akin nang puwersahan, kanina ko pa siya hinawakan.
"Shaun is a sadist. I guess, nakita niya yata iyon sa mga friend niya sa school. He developed that as he grow up. And we're trying to understand that naman."
"Pero pinagsamantalahan niya si Aya," mariin kong paalala sa dahilan ng pag-uusapan amin. "Siya ang rason kaya nagkakaganyan si Aya ngayon. Paano mo uunawain 'yon?"
Napapahimas na lang ng noo si Penny habang napapabuntonghininga. Parang problemadong-problemado siya sa usapan namin.
"If you're mad at it, I am mad at it too. Relax," pagpapakalma lang niya sa akin kahit pa pareho kaming hindi natutuwa sa usapan. "Inilayo ko na si Aya sa kanya. I don't know how small the world is, pero hindi ko ine-expect na magkikita sila sa Makati."
"Hindi ba puwedeng ipakulong na lang siya?"
Umiling agad si Penny na parang mali ang sinabi ko. "We can't do that. Si Ninong na mismo ang haharang ng kaso. Plus, ibi-bring up lang nila na may schizophrenia si Aya that's why. Sasabihin nila, imagination lang lahat ng sexual assault na bintang kay Shaun. Trust me, been there, done that. Imposible ang gusto mo kasi mentally unstable talaga si Aya ngayon."
Parang nanlambot ang tuhod ko at napaupo na lang ako ulit sa mahabang metal sa likuran namin. Ang bigat ng buntonghininga ko habang pinanonood si Aya na may maganda nang nabubuong imahen sa ginagawa niya.
Maraming kulay iyon pero may ibon na lumilipad sa gitna.
"Gusto ko lang siyang maging okay, Penny. Kung kinakailangang bantayan ko siya kahit saan, gagawin ko, huwag lang maulit itong nangyari."
Ayokong maulit ang pagkakamali ko noong pinayagan kong mag-isa si Kikay kasama ang iba.
"You really are a good man, Denzell. Aya's right about you. Anyway, this is my calling card." Napatingin ako sa ibaba nang itapat niya roon ang isang kulay dilaw at berdeng card.
Marina Hope Tours.
Penelope Sevelleno.
Nasa ibaba ang numero niya.
"Mas mabilis akong ma-reach diyan since connected sa office ang personal line ko."
Kinuha ko iyon saka ko siya tiningnang mabuti. "Akala ko talaga, doktor ka."
Nasilayan ko na naman ang ngiti niyang sobrang ganda matapos ang seryoso naming usapan. "Graduate lang ako ng psych, pero daddy ko talaga ang doctor ni Aya. It's just that I'm monitoring din ng case niya so I know how to handle her if ayaw niyang kausap si Daddy."
"Ah." Napatango agad ako at tiningnan ulit ang card. "Puwede na kitang tawagan?"
"Tawagan . . .?" tanong niya na parang nag-aabang ng sasabihin ko pa.
"Tatawagan kapag may kailangan akong itanong tungkol kay Aya."
"Oh! Yes! Any time! Akala ko, kung ano na."
Matipid akong tumango at ipinakita ulit ang card niya. "Salamat."
♦ ♦ ♦
Maraming mga sinabi si Penny sa akin tungkol sa gagawin ko kay Aya. At sobrang pasalamat ko na mas naiintindihan ko na ang gagawin kay Aya ngayon kaysa noong unang wala talaga akong ideya. Umabot pa sa puntong si Penny na ang nagbibigay sa akin ng allowance ko sa araw-araw kung naaabala na raw ako nang sobra ni Aya.
Kapag kailangang pumunta ni Aya sa Ortigas, hinahatid ko siya. Kahit saan, kahit sa tattoo shop kung saan siya nagtatrabaho. Sinasabi kong uuwi ako tapos susunduin na lang siya pero ang totoo, nasa labas lang ako at naghihintay.
Dalawang buwan ding ganoon ang routine namin. Tapos napuwersa pa akong mag-aral ng English kasi mga Inglisera sina Penny. Ang daming pinanood sa akin ni Aya na video para daw matuto ako agad. Totoo naman kasi mas mabilis kong na-adapt ang salita kasi naririnig ko. Pati kung paano iyon sasabihin at kung ano ang spelling. Tuwing Sabado, palagi kaming may exam. Nag-aaral naman akong mabuti kaya bihira akong magkamali.
Sabi nga ni Penny, huwag ko raw siyang kakausapin muna nang nagtatagalog ako kundi babawasan daw niya ang allowance niya sa akin.
Kaya nga minsan, iwas akong tumawag sa kanya kasi baka bawasan nga. Kaso siya naman ang tawag nang tawag, minsan ayoko nang sagutin. Akala ko, si Aya lang ang makulit, pati rin pala siya.
Sa dalawang buwan na iyon, ang dami kong natutunan sa kanilang dalawa. Ang taas ding magpasahod ni Penny kahit na bukal naman sa loob kong alagaan si Aya nang libre.
Nakapagbukas na nga ako ng bangko kasi hindi na puwede sa ipunan ko ng pera ang pinasasahod niya sa akin. Hindi pa kasama roon kapag natatawagan pa rin ako para mag-ayos ng tubo at linya ng koryente sa Everlies.
Natutuwa nga ako kasi nalilibre ko na si Aya. Kapag gusto niya ng mamahaling kape sa coffee shop, nabibilhan ko na siya. At pinakamasaya talaga ay noong nag-alok si Aya na bumili ng damit tapos hindi na ako nahihiyang sumama kasi may pambili na ako.
Sabi niya, maganda raw mamili ng damit sa summer-end bazaar. Naalala ko si Kikay kasi mahilig mag-bazaar 'yon e. Kahit hindi kailangan, binibili.
"Hey, Denzell, look at this! Bagay sa iyo 'to!" Lahad na lahad ang braso ni Aya nang itapat sa akin ang isang casual-formal na long sleeves. Kulay madilim na asul at pansin kong sakto nga sa sukat ko.
Tiningnan ko ang presyo. Umabot ng isanlibo.
Nginitian ko nang matamis si Aya saka kinuha ang damit. "Isusukat ko muna."
Masaya ako para sa sarili ko na nakakapagsuot na ako nang maayos. Komportable na ako sa buhay. Nakakahawak na ako ng perang taon halos kung ipunin ko.
Masaya rin ako na nakakatulog na si Aya nang mahimbing sa bawat gabi na katabi ko siya. Hindi na niya nasasaktan ang sarili niya. Kahit nga wala nang perang ibinabayad si Penny, ayos lang. Makita ko lang na ligtas parati si Aya, wala na akong mahihiling pa.
Kung anong pasalamat ni Penny sa pagdating ko sa buhay ni Aya, higit pa ang pasalamat ko sa Panginoon sa pagdating nila sa buhay ko. Pakiramdam ko, nagkakaroon na ng deretsong landas ang buhay ko dahil sa kanila.
Ang ganda ng ngiti ko sa salamin nang makitang sakto lang ang damit sa akin. Bahagyang masikip lang sa bandang dibdib pero ayos lang naman. Sa wakas, mukha na akong kagalang-galang. Sinuklay ko pa ang buhok ko nang maayos at nakataas ang mukhang hinarap ang sarili.
Napahawak ako sa dibdib ko. Ang lakas ng tibok. Masaya ako sa sarili kong makitang hindi na ako gaya ng kung paano ko nakikita ang sarili ko noon.
Humugot ako ng malalim na hininga saka nakangiting lumabas sa fitting room para ipagmalaki ang suot kong damit na bumagay sa magandang relong regalo sa akin ni Aya nakaraang buwan kasi nalaman niyang birthday ko nga.
"Aya, okay ba?" masayang tanong ko pero dahan-dahang naglaho iyon nang makita kong para siyang nakakita ng multo. "Aya?" Kumunot agad ang noo ko nang biglang tumulo ang luha niya. "Ano'ng nangyari?"
Mabilis kong pinunasan ang mukha niya gamit ang panyo sa bulsa ko. Maingat pa kay naka-makeup siya, ayoko namang magkalat iyon sa pisngi niya.
"Shaun, ang guwapo mo talaga!"
Biglang nanlaki ang mga mata ko at parang may dumamba sa likod at dibdib ko nang magkasabay. Mula likod, gumapang ang kilabot ko sa katawan at parang may halimaw sa likuran ko nang dahan-dahan akong lumingon.
"Si Shaun . . ." Nanginginig ang boses ni Aya kaya napahigpit ang pagkakahawak ko sa braso niya.
Mula sa di-kalayuan, sinabi ko talaga-ipinagdasal ko nang taimtim sa Panginoon na hindi siya makita. Pero bakit parang ang hirap . . . ang hirap tanggapin sa langit ng bawat dasal ko?
Parang masamang bangungot ang biglang bumalik sa harapan ko.
Doon sa salon ni Rihanna, doon sa pinagkakaguluhan nila.
"Babyloves! Hala, nasa-sightsung ng pretty eyes ni watashi ang pusit mong ex, nag-hop sa carlalu ng isang afam!"
Humigpit ang pagkakakuyom ko sa isang kamao ko habang nakikita ko silang dalawa . . . si Bea at ang lalaking iyon.
Parang may kung anong sumiklab sa ulo ko at nag-init agad iyon habang nakatingin sa kanila.
Gusto kong isipin na nagkakamali lang ako.
Na mali lang ang nakikita ko.
Na mali lang ang pangalang binanggit ni Aya.
Na niloloko lang ako ng pagkakataon.
Pero ito na mismo ang kumumpirna ng lahat ng agam-agam ko nang magtagpo ang mga mata namin ng babaeng inisip kong baka nasa magandang kamay na.
"Tisoy?"
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top