Chapter 23: Ray of Hope
Hindi ko mabilang kung ilang beses akong humingi ng lakas sa Panginoon para huwag gumawa ng panibagong kasalanang pagsisisihan ko ulit sa matagal na panahon.
Ayokong magsalita. Kasi oras na magsalita ako, baka hindi ko na kayanin pang huminahon. Nangingilabot ako sa galit. Ayaw mawala ng paninindig ng balahibo ko. Kahit gustuhin kong pagaanin ang paghinga ko, mas lalo lang akong nahihirapan. May kung ano sa loob ng dibdib ko na namumuo at dinidiin ang hangin doon para hindi makalabas nang maayos.
"Ayos lang ako, don't worry."
Panibagong mabigat na paghinga at pigil na pigil ang sarili kong huwag sumigaw kasi pakiramdam ko, lalo lang lalala ang lahat.
Nanlalamig ang kamay ko habang hawak ang kanang braso ni Aya. Kung maaari ko lang paliguan ng gamot ang braso niya, ginawa ko na. Dumoble ang bilang ng mga hiwa. Mas malalim kaysa noong una.
Sinasabi ko sa sarili kong huwag ko lang makikilala ang Shaun na iyon. Pinagdarasal ko sa Panginoon na huwag na huwag lang pagtatagpuin ang landas naming dalawa.
Napapatanong ako sa Kaniya. May mali bang nagawa si Aya? May kasalanan ba siyang dapat pagbayaran para maranasan niya 'to? Kung sakali mang mayroon, ano? Pumatay ba si Aya? Nagnakaw ba siya? May ginawa ba siyang mali na hindi kayang patawarin?
"Denzell, uy. Okay ka lang?"
Ayokong sumagot. Nahihirapan akong magsalita nang kalmado. Ayokong magalit kay Aya kasi hindi niya naman kasalanan 'to.
Inuunawa ko. Inuunawa ko lahat. Kahit na hindi karapat-dapat unawain, inuunawa ko pa rin.
Buong kanang braso ni Aya bago sa siko ang binalutan ko ng benda.
Nanunuyo ang labi ko at hindi ko mabilang kung ilang beses kong pinasadahan iyon ng dila para lang basain habang bumubuntonghininga.
"It's nothing, trust me. I'm gonna be fine."
Matapos kong i-tape ang benda, nag-angat ako ng tingin at tinitigan ang mukha ni Aya.
Nakagat ko agad ang labi ko nang manginig iyon sa pagbadya ng pag-iyak. Hindi ko matagalang titigan si Aya. Naiiyak ako sa sinapit niya. Napatingin ako sa dingding sa kanan ko habang humihinga nang malalim.
"Denzell . . . it's okay."
Napasinghot agad ako nang magbara ang ilong ko. "Aya, nasasaktan ako."
Nagpunas agad ako ng mata nang mangilid ang luha ko. May kung anong nagbabara sa lalamunan ko na hindi kayang remedyuhan ng paglunok.
"Ayoko ng pakiramdam na wala akong magawa para tulungan ka. Ayoko ng hanggang paggamot lang ang kaya kong gawin. Pero yung mismong dahilan kung bakit ka nagkakaganito, wala akong maisip na remedyo."
Punas-punas ko ang mata gamit ang likod ng palad habang iwas pa rin ang tingin sa kanya.
"Ayos nga lang ako. Ano ka ba?"
"Hindi ka ayos!" Saglit na huminto ang paghinga ko nang mapagtaasan ko siya ng boses. "Hindi ka ayos . . ."
Tumawa na naman siya nang mahina at tinapik-tapik ako sa balikat.
"I'm fine. Promise!"
Iniiwasan kong sa kanya mabunton ang galit ko kaya tinalikuran ko muna siya at tumambay ako sa balkonahe pansamantala.
Naupo ako sa sulok, katabi ng bakal na bakod at sumandig sa dingding sa likuran.
Ang bigat ng bawat paghinga ko habang nakatitig sa asul na langit.
Naalala ko na naman. Ganitong oras, ganito kagandang araw ng hapon, bigla akong ipinatawag sa machine shop.
Abot-abot ang kaba ko nang mga oras na iyon, parang bumabalik ang lahat sa akin ngayon.
Napapikit na naman ako at pinilit kong huwag maisip ang mga bangungot ko habang dilat pa.
Wala akong nagawa noon kasi pinabayaan ko lang. Kasi inisip kong imposible namang mangyari kay ang tagal na namin sa Smile. Na walang gagalaw sa asawa ko kasi ilang taon naman na siyang nakatira doon.
Pero ibang kaso na ngayon. Wala akong ideya kay Aya. Binabanggit lang niya ang Shaun na iyon pero hindi ko kilala. Tapos si Janriel, isa ring hindi katiwa-tiwala. Dadagdag pa yung Jes na mukhang ayaw rin namang tigilan ni Aya.
Gusto ko lang naman ng tahimik na buhay. Bakit parang ang hirap-hirap ipagkaloob?
Binalikan ko si Aya nang pakiramdam ko ay kumalma na ako kahit paano. Naabutan ko siya sa sofa nakahiga at nakaidlip na.
Kung maaari lang kunin ang sakit ng katawan ni Aya, kinuha ko na para ako na lang ang mahihirapan.
Humupa na ang galit ko kahit kaunti pero hindi pa lubusang nawawala. At hindi ko rin alam kung paano babalewalain ang galit kung kada tingin ko sa kanya, makikita ko ang resulta sa katawan niya ng kahayupang ginawa ng kapatid niya.
Iyon ang mas nakakagalit. Kapatid niya.
Kahit sa hapunan, dala-dala ko ang galit sa loob ko. Ni hindi ako nagkaroon ng ganang kumain at pinanood ko lang si Aya.
Sinabi ko na sa kanya ang gagawin. At napapatanong ako kung bakit may mga taong ganoon gaya ng kapatid niya. Bakit nila ginagawa ito?
Masaya bang manakit ng ibang tao? Masaya bang may nakikita silang nahihirapan? Hindi ba sila nakararamdam ng diri sa sarili?
Bumalik ang takot ko sa akin gawa ng nangyari kay Kikay. Kung may taong kayang kumarne ng tao nang hindi man lang nakokonsiyensiya, hindi ko inaasahang merong taong kayang pasakitan ang sarili niyang kadugo.
Buhay pa si Aya pero pinapatay na ng kung sinong Shaun na iyon.
Ang ganda ng araw ko kanina pero sinira ng galit ang gabi ko. Alas-onse, dapat natutulog na ako, pero pumasok ako sa kuwarto ni Aya para magsabi. Naabutan ko pang bukas ang lampshade doon at hindi pa siya nakakatulog kahit nakahiga na.
"Aya, magpapaalam sana ako. Puwedeng matulog dito?"
Nakatingin lang siya sa akin habang nakangiti. Mapapangiti rin sana ako sa inosenteng ngiti niya sa akin pero hindi ko talaga matanggap ang mga pasa sa mukha niya.
"Sure!" Pinagpag niya ang gilid ng kama. "Galit ka pa rin ba? Kanina ka pa tahimik e."
Nag-ayos siya ng kumot at bahagyang inurong para makahiga ako sa tabi niya.
Kung may bagay akong pinagsisihan noon, iyon na ang gabing pumayag akong umalis si Kikay. Hindi ko mabilang kung ilang sana ang binanggit ko habang umiiyak gabi-gabi sa loob ng isang taon.
Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari kay Aya, sana sumama na lang ako. Kahit matulog ako sa kalsada para lang hintayin siyang matapos sa trabaho niya, gagawin ko.
Kung sana lang talaga alam ko.
"You don't have to worry about me." Pumaling siya paharap sa akin. "Mawawala rin 'tong mga sugat ko sooner or later."
"Okay lang bang yakapin kita?"
Tumawa siya nang mahina na para bang nakakatawa ang sinabi ko kahit seryoso naman ako.
"Ba't nagpapaalam ka pa? Yakapin mo na lang ako kung gusto mo."
"Nagpapaalam ako kasi paano kung di mo pala gusto?"
"Sanay naman akong hinihipuan. So, it's okay."
"Hindi naman kita hihipuan. Saka hindi okay 'yon. Dapat di ka pumapayag sa ganoon."
Tumawa na naman siya saka nakapikit na tumango. "You're really good guy, Denzell. Weird but good." Siya na ang lumapit sa akin at humiga sa kanang balikat ko para gawing unan.
Isinilid ko na lang ang kanang braso ko sa ilalim ng ulo niya at lalo siyang inilapit sa akin para mayakap ko.
Magaan lang si Aya pero nararamdaman ko ang bigat sa kanya. Napapikit ako nang mariin at inisip na sana nagawa ko ito kay Kikay bago pa siya mawala sa akin. Isang oras lang—kahit isang oras lang.
Ang bigat ng pakiramdam ko nang gabing iyon, pero kumpara sa dalawang gabing pagwawala ni Aya, saka ko lang naintindihan ang sinabi niya sa akin noong unang araw ko rito sa unit niya.
Hindi siya nagwala. Komportable ang naging tulog niya. Maaga rin akong nagising—mas maaga sa kanya. Kaya nga naabutan ko pa siyang tulog habang nakahawak ang magkabila niyang kamay sa buong kamay ko. Mukhang bumangon o nagising siya kanina at umalis sa yakap ko.
Hinawi ko ang buhok niyang humaharang sa mukha at inilagay iyon sa likod ng tainga niya.
Ang amo ng mukha ni Aya kapag ganito. Nangingilabot ako kapag nakikita ko ang pasa sa maamong mukhang parang hindi karapat-dapat saktan gawa ng walang kuwentang dahilan.
"Magandang umaga, Aya," bulong ko habang nakapikit pa siya at mahimbing na natutulog.
Dahan-dahan kong binawi ang kamay kong hawak niya at bumangon na sa kama. Pagtingin ko sa orasan sa sala, wala pa palang alas-singko. May oras pa ako para mag-asikaso.
Pagkatapos kong maligo, nagluto agad ako ng almusal. Sa wakas, napaglutuan ko rin si Aya ng hindi prito. Sabi niya, kumakain siya ng gulay kaya napaglutuan ko pa siya ng nabili kong halong-halong gulay kahapon sa palengke.
Abala ako sa paghihintay na maluto ang aalmusalin namin nang bumaba na naman ang tingin ko sa baywang. May braso na namang nakapalibot doon.
Gising na pala siya.
"Aya, doon ka muna sa upuan. Mapapaso ka rito."
"Good morning!" masayang bati niya habang nakasilip sa kanang gilid ko.
Napangiti na lang ako kasi ang sigla niya. "Maayos ba ang tulog mo?"
"Yep!" Pinasada niya ang palad niya sa tiyan at dibdib ko kaya biglang kumunot ang noo ko. "Aya," pag-awat ko sa kanya.
"Mas solid talaga yung katawan mo in person."
"At paanong napunta sa katawan ko ang ganda ng umaga?"
"Wala lang. Napanaginipan ko lang."
Napailing na lang ako at hinalo ang niluluto ko. "Hindi magandang panaginip 'yan."
Parang hindi nakakaramdam ng pagkaasiwa si Aya sa puwesto namin. Ayaw bumitiw kahit kilos ako nang kilos sa kusina.
"I sent a message pala kay Ate Penny. Sabi ko, i-meet tayo sa coffee shop. Papatingin tayo sa doktor."
"Dapat lang na magpa-checkup ka. Ang dami mong sugat."
Bigla niyang dinampa ang dibdib ko kaya nagulat ako. "Hindi ako! Ikaw!"
"Bakit ako? Wala akong sakit."
"Basta, papatingin kita mamaya."
Sa aming dalawa, siya dapat ang kailangang magpatingin sa doktor. Hindi ko maintindihan kung bakit ako ang pinipilit niyang magpatingin.
Pagkatapos kong maghain sa mesa, naghatak na ako ng upuan. At kung nagulat pa ako noong una kay wala na namang ibang damit si Aya kundi bra saka panty lang, nababagot lang ang tingin ko nang makita siyang ganoon na naman ang suot kahit na kanina pa siya nakakapit sa kain.
"Aya, naglaba ako habang wala ka," sermon ko agad. "Lahat nakatupi na sa cabinet. Wala kang naiwang gamit sa labahan. Bakit wala ka pa ring damit?"
"Kasi aalis tayo."
"Pero sana nagdamit ka muna."
"Nope! Kasi sasabihin mo, magbihis na naman ako ng iba."
"Gusto mo, ako pa rin ang magbihis sa 'yo?"
Ang lapad ng ngiti niya nang tumango sa akin.
Napabuntonghininga na lang ako habang napapakamot ng ulo.
Nagbalik na nga si Aya sa bahay.
Pinauna ko na siyang kumain habang naghuhugas ako ng mga pinaglutuan. Pero mabagal talaga siya kay nauna pa rin akong matapos kumain kahit nakapaglinis na ako.
Akala ko, mahirap nang alagaan si Bea. Doble pala ang alagang kailangan kong gawin para kay Aya.
Pagkatapos niyang kumain, gaya ng gusto niya, ako pa rin ang nagbihis sa kanya. Pero hindi na siya nagreklamo sa jacket kasi sabi niya naman, ayaw niya ring makita ng Ate Penny niya ang mga sugat niya sa braso.
Hindi ko kilala ang katatagpuin namin, pero base sa kuwento ni Aya, mukha naman siyang mabait.
"You have so many skills, bakit wala kang mahanap na regular work?" tanong niya habang nasa biyahe kami. At gaya nga ng sinabi ko, ako ang magmamaneho para sa kanya. Ang tagal ko na ring hindi nakahawak ng manibela, natutuwa nga akong nakapagmaneho ulit ako.
"Hindi kasi ako naka-graduate."
"Kahit pa! You can work under the sa mga civil engineer, a. Mas kabisado mo pa nga yung blueprint ng Everlies kaysa sa ibang engineer doon."
Saglit ko siyang sinulyapan bago ko ibalik ang tingin sa daan. "Naghahanap kasi sila ng nakapagkolehiyo. Kapag hindi, mga kontraktuwal lang talaga. Tatawagan kapag may kailangang ayusin nang panandalian lang."
"Driver? Ayaw mo?"
"Wala akong kakilala rito sa lugar kaya di ako makapasok bilang driver. Naiintindihan ko naman kay bago lang din ako sa lugar. Mahirap magtiwala sa tao."
"Si Ate Penny, baka may ma-offer siya sa 'yo. Kausapin natin mamaya."
Sabi ni Aya, may kapehan daw sa Quezon City na madalas niyang puntahan. Nataon na alam ko ang direksyon kay malapit lang ang madalas naming pagdalhan ng materyales noong pahinante pa ako sa hardware. At totoo naman kay pagdaan namin, naabutan ko pang may nagbabagsak ng supply ng semento roon sa gilid ng hardware.
Isang kanto lang ang layo roon, pag-park ng kotse sa mismong kapehan, nahihiya ako sa suot kong kupas na T-shirt at maong. Maganda kasi sa labas at pangmayaman ang itsura. Mukhang makakalikasan ang dating kay puro kahoy ang muwebles at may mga halaman pang nakasabit bilang disenyo. Pero mukha talagang mamahalin kahit ganoon.
Hinayaan ko si Aya na kumapit sa kanang braso ko habang inoobserbahan ko ang paligid.
Ang bango ng kape. Naalala ko na naman si Kikay. Ganito kasi ang amoy ng gusto niyang kape tuwing umaga. Yung puro at walang tamis.
"Ate Penny!"
Para akong nagising mula sa pananaginip dahil sa tili ni Aya. Bago pa man ako makapagtanong kung nasaan ang sinisigawan niya ay nahatak na ako sa upuang nasa kanto malapit sa salaming dingding—saktong katapat pa ng puno sa labas kaya hindi kami natatamaan ng sinag ng araw.
"Aya! I told you to call me pagdating mo sa Makati, di ba? Why didn't you call? Tampo ako, ha."
"Eeeeh! Sorry, Ate."
Sa isang iglap lang, parang biglang lumabo ang paligid namin at wala na akong ibang naririnig. Nakatitig lang ako sa mukha ng babaeng yakap-yakap ni Aya. Pakiramdam ko, gusto nang tumalon ng puso ko palabas ng dibdib para ito na ang kusang bumati roon dahil hindi na ako makapagsalita.
Ang tamis ng ngiti niya. Tapos iipitin pa niya sa likod ng tainga ang buhok na bumabagsak sa pisngi. Mas maputi si Aya, pero sapat lang ang kutis niya para kuminang sa paningin ko habang nasisinagan ng tumatakas na sinag ng araw sa salaming dingding. Ang simple pa ng bestida niyang puti. Kahit labas ang balikat, hindi bastusin sa paningin.
"Denzell to Earth, hello?"
Naibaba ko ang tingin nang hatak-hatakin ang braso ko ni Aya.
"Aya, ang ganda niya," seryosong sabi ko.
"Ay, shit!" Biglang humalakhak si Aya at niyakap ako sa gilid habang inuugoy-ugoy ako. "He's cute, di ba? I told you!"
"Hi, I'm Penelope. You can call me Penny," sabi ng magandang babae tapos naglahad pa ng kamay niya sa akin.
Mabilis kong pinunas sa damit ko ang kamay ko kasi nakakahiya, baka marumi.
"Kumusta ho. Ako ho si Denzell," naiilang kong pakilala nang kamayan ko siya.
Napahigpit nang kaunti ang pagkakahawak ko sa kamay niya nang maramdaman kong ang lambot n'on. Mabilis ko tuloy nahatak ang kamay ko kasi nakakahiya, ang gaspang ng akin. Baka magasgasan pa siya.
"Hi, Denzell! Nice to meet you!"
"Upo na kami, Ate, ha?"
"Of course, go ahead!"
Natutulala ako sa kanya kahit bago pa kami makaupo. Ang ganda talaga niya, para siyang anghel.
"Ate, siya pala yung sinasabi ko. Super bait niya, promise!"
"American, right? He's tall, ha? You want coffee?"
Ang lambing pa ng boses. Mahinhin saka tunog mabait.
"Uy, dude, ano'ng gusto mo?"
Nabaling ang tingin ko kay Aya sa kaliwa ko nang mangalabit na. "Ha?"
"Gusto mo ng kape? O shake? Shake na lang tayo pareho."
"S-Sige, sige. Kung ano na lang ang iyo."
"Ako na lang ang pupunta sa counter." Sinundan ko ng tingin si Aya hanggang makaabot siya sa pilang malapit sa pinto.
Naibalik ko lang ang tingin ko sa kaharap namin saka ako napalunok.
Napahimas ako ng palad. Nakakahiya, sana nagsuot ako ng mas pormal pa sana.
"Are you okay?" tanong niya. "Namumula ka. Wala ka namang fever, 'no?"
"Ho?" Napahawak ako sa noo at leeg ko. Hindi naman ako mainit, pero parang ang init lang sa bandang pisngi at noo ko. "Wala naman ho. Kinakabahan ho kasi ako."
"Why?" gulat niyang tanong kahit nakangiti. "This not a job interview, don't worry! But Aya said wala ka raw regular job ngayon. She asked me if may mai-o-offer ako for you. I might consider the idea. You look good."
"Trabaho . . . totoo ho, ma'am?"
"Penny na lang! Don't call me ma'am. Magagalit ako, sige ka."
Napatakip ako ng bibig ako para awatin ang sarili kong tawagin siyang ma'am. Baka magalit nga sa akin, kakakilala pa lang namin.
"You're tall, ha. Ano'ng height mo?"
"6'2" ho, ma'am."
"Wow, puwedeng sentro. You play basketball?"
Umiling agad ako. "Hindi ho ako marunong."
"May experience ka sa modelling?"
"Modelling . . ." Umiling agad ako. "Pangmayaman lang ho 'yon e."
"Don't ho me! Oh my gosh, I feel so old."
Ang hinhin din niyang tumawa. Parang natutunaw ako sa upuan ko. Kahit siguro pakinggan ko siyang tumawa maghapon, hindi ako magsasawa.
"Aya said may ipapa-checkup daw siya sa 'yo. I don't think may problem ka naman. Or do you?"
"Ang alin hong problema?"
"Don't ho me. Warning na 'yan." Naningkit ang mga mata niya habang nagwawagayway ng hintuturo. Bigla akong kinabahan. Hala, nagagalit yata siya sa akin.
"Sorry h—sorry . . . Penny." Nahihiya akong tawagin siya sa pangalan niya. Parang wala akong karapatan.
"Baka shy type ka lang. Or used to be inferior kaya tingin ni Aya, you're special." Bigla siyang nagtaas ng mukha at parang may inabangan sa likod ko.
Paglingon ko, nakita ko si Aya na tinuturo ang isang estante na puno ng cake. Bigla siyang nag-thumbs up kaya naibalik ko ang tingin kay Penny.
"Aya is a nice girl. Sabi niya, you're staying with her sa condo."
Tumango naman ako kahit mukhang seryoso na siya.
"She's still on her recovery period, naaabutan mo ba ang mga attack niya?"
"Attack na alin ho—ibig kong sabihin, ng alin?" pagbawi ko ng ikagagalit niya.
"Nasa grounding therapy kasi si Aya. Meron siyang PTSD and I am not sure if aware ka roon. She broke up with Jes so I guess you're the new . . ." Ipinaikot-ikot niya ang kamay na parang may ipinaliliwanag siyang hindi niya maipaliwanag.
"Ano yung PTSD?" tanong ko na lang kasi hindi ako pamilyar doon. Trabaho ba 'yon?
"Oh! Okay, uhm . . ." Lumapit pa siya sa mesa at hininaan ang boses. "That's post-traumatic stress disorder. So kapag inaatake siya ng sakit or may nagti-trigger sa kanya ng bad memories, nagkakaroon siya ng nightmares or bumabalik sa kanya ang fear niya. Nakita mo ba ang mga sugat niya?"
"Sa braso ho?"
"Yes. So you know."
Tumango agad ako. "Sabi ko nga ho, huwag niyang sasaktan ang sarili niya."
"Yes, we're on it. And she tends to hurt herself to wake her up. Nawawala ang bad memories niya kapag nasasaktan siya. It's her way to ground herself again in reality. And I already know why she's wearing a jacket right now. Ayaw niya ng ganoong damit, in case you don't know. Are you the new boyfriend?"
"New boyfriend ho?" Umiling agad ako habang pinandidilatan siya ng mata dahil sa gulat. "Hindi ho niya ako nobyo."
"Alright. So . . . what are you doing in her condo then?"
"Nagbabantay ho."
Nagtaas ulit siya ng hintuturo. "That's the second warning for the ho."
Napatakip ulit ako ng bibig dahil lalo pa siyang sumeryoso sa banta niya. "Sorry. Hindi kasi ako sanay . . ."
"It's fine. Pero masanay ka na." Bigla siyang ngumiti nang malapad nang sundan ng tingin ang kung ano sa likuran ko. "Aya!"
Napalingon agad ako sa likod at naabutan si Aya na pabalik sa puwesto namin.
"So how's the talk so far?" tanong ni Aya kay Penny. Sa kanya na natuon ang atensiyon ko nang mabanggit ng kausap kong may sakit daw siya.
"He's so polite! I can't even!" sumbong pa ni Penny.
"Yes, he is! Pero super bait ni Denzell, Ate. And his mabait level is terrifying."
"I can sense that." Itinuro niya ako habang nakangiti pa rin siya kay Aya. "He's staying sa condo mo, so I assume the relationship."
"No!" sagot agad ni Aya. "Denzell is a nice guy, pero, no."
"Oh . . ." Tumango-tango lang si Penny at nginitian ako. "Close na kayo ni Aya. That's nice."
"Wala akong nightmare kagabi, Ate Penny," proud na balita ni Aya. "Thanks to Denzell!"
"Did you two had . . ."
"NO!" kontra agad ni Aya kahit hindi pa tapos ang sinasabi ni Penny. "He hugged me lang all night."
Biglang tumahimik si Penny kahit nakangiti. Malikot ang mata niya at parang inoobserbahan si Aya. Palipat-lipat tuloy ang tingin ko sa kanilang dalawa.
"Ate, tingin mo, may sakit kaya si Denzell? Kasi sobrang selective ng mga napapansin niya. Saka ang weird niya talaga."
Naniningkit ang mga mata ni Penny nang sulyapan ako. "We need to observe pa, of course. But I don't think may problem siya. He looks fine." Ibinalik niya ang ngiti kay Aya at sumandal ng upo. "Anyway, Aya, how's your—"
"Aya and Denzell?"
Sabay kaming napalingon ni Aya sa tumawag sa pangalan namin.
"Ready na yung order. Wait lang, ha?"
"Gusto mo, ako na?" tanong ko pero hindi na ako pinansin ni Aya at nag-jogging na lang palapit sa counter.
"Hey, Denzell."
Nailipat ko ulit ang atensiyon kay Penny na sobrang lapit na sa mesa habang nakakunot ang noo.
"Bakit?" tanong ko agad.
"Yung bruise niya sa mukha, if you didn't do that, then who did?"
Napaayos ako ng upo at bumalik na naman ang galit ko mula pa kahapon.
"Sabi niya, nakita niya raw yung Shaun na kapatid niya sa Makati. Kilala mo ba 'yon?"
"Holy Mother of God." Napansin kong bigla siyang namutla. Naglaho ang mapula-pula niyang pisngi habang nakatingin kay Aya. "Can we talk to another place? Ayoko ritong pag-usapan 'to. Please."
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top