Chapter 21: Water Therapy
Ilang beses sinabi ni Aya sa akin na huwag akong mahihiya kung ililibre niya ako kasi sa aming dalawa, siya raw ang may pera. Totoo naman, pero kahit pa. Siya nga na may birthday kahapon, hindi ko man lang naregaluhan ng kahit ano. Nahihiya na ako kasi hindi na biro ang gastos niya mula pa kaninang pagtapak namin sa mall.
"This is nice naman! Denzell, look, o!" Ipinakita niya sa akin ang isang libro na puro drawing saka painting. Tiningnan ko ang pamagat ng libro: 1001 Paintings You Must See Before You Die. Nakapatayo ang pamagat kaya kailangan pang itabingi ang libro para mabasa nang maayos. May ilang tupi na ang kanto ng libro at halatang hindi na bago, pero hindi naman sobrang luma.
"Patingin." Kinuha ko at tiningnan ang loob. Mukha ngang may nagmamay-ari na nito dati pa kay may pirma sa loob. May nakasulat pang "I want to see all these paintings with you before I die, love. –Theo" sa unang pahina.
"Nakita kaya nila yung mga painting na 'yan?"
Napatingin ako kay Aya na nakatutok lang sa libro. Sabi niya, gumagawa raw siya ng ganito kaya malamang na magugustuhan niya ito.
"Tingin mo?" tanong ko rin. Para sa akin, siguro. Kasi nakarating na itong libro dito sa kamay namin mula sa kung sino man ang may-ari nito noon.
"Gusto mo nito?" tanong niya nang tingalain ako, at mukhang wala kaming balak sumagot sa kanya-kanyang tanong.
Tiningnan ko ang presyong nakadikit sa likod ng libro. Nasa dalawandaan eksakto. At eksakto rin sa pera kong dala. "Ikaw, gusto mo?" tanong ko rin.
Ngumuso siya at pinag-iisipan pa yata kung ano ang isasagot habang nakatitig sa libro. "I guess I already saw what's inside this book personally. But . . . ikaw? Gusto mo?" pagbabalik niya ng tanong sa akin.
Ang lalim ng pagbuga ko ng hangin nang titigan ang libro. Hindi kasi ganito ang mga binabasa ko, saka hindi ako mahilig sa painting. Pero baka kasi gusto niya, puwede kong iregalo na lang.
"Kung gusto mo nito, ako ang bibili para sa 'yo," sabi ko saka ngumiti.
"'La!" Bigla siyang nagtakip ng bibig gamit ang magkabilang kamay pero hindi naman n'on naitago ang pagpula ng pisngi niya. "Sure?"
Tumango naman ako. May ipon ako sa bag na sapat naman para sa isang linggo. Ibibili ko siya kahit tatlong araw ko nang sahod itong libro.
"Yehey!" Kinuha niya agad ang libro mula sa akin at niyakap iyon na parang nabili ko na. "Akin na 'to, ha?"
"Babayaran ko muna tapos iyo na."
Tumawa siya nang mahina at akala ko ay mang-aasar na naman pero tumango lang siya na parang batang nabilhan ko ng candy.
Nagtagal kami sa maliit na book stall at di-hamak na mas marami siyang biniling libro kaysa sa akin. Dumampot siya at inilagay sa cart. Ako, nagbasa-basa lang nang kaunti at ibinalik lang ang kinuha ko pagkatapos.
"Akin na muna, ako ang magbabayad," sabi ko bago kunin ang librong yakap niya pagdating namin sa kahera. Inilabas ko ang maliit kong pitaka at kinuha roon ang apat na singkuwenta pesos na nakatupi-tupi para magkasya sa loob.
May natira pa akong barya, aabot pa ng treynta pesos saka ilang beynte singko sentimos.
"Ma'am, bayad ho sa libro," sabi ko sa babaeng kahera pagkaabot ko ng regalo ko para kay Aya kasama ang bayad.
"You know what, you're so sweet naman, pero bakit di ka na nagka-girlfriend after ng wife mo?" tanong niya habang iniisa-isang ilagay sa metal counter ang mga librong siya naman ang pumili.
"Bata pa naman ako. Saka mahal ko ang asawa ko kahit nasa langit na siya."
"E di ba di raw tinatanggap sa langit yung mga gaya ng asawa mo saka mama ko? Paano mo naman na-sure na sa heaven sila mapupunta at hindi sa impyerno?"
Kinuha ko ang librong regalo ko kay Aya na ibinalot sa papel ng kahera, kalakip na rin doon ang resibong idinikit gamit ang tape.
Hinawakan ko na lang sa ulo si Aya at marahang hinagod ang buhok niya. "Kasi sabi ni Inay, tinatanggap sa langit ang mga mababait. E mabait naman ang asawa ko."
At kung may mapupunta man sa impyerno, 'yon na malamang ang pumatay kay Kikay.
"Ma'am, here's your receipt."
Pagkakuha ni Aya ng hiwalay na resibo, ako na ang nagbitbit ng malaking paper bag na may hawakan para sa mga librong binili niya.
"May iba ka pa bang bibilhin?" tanong ko agad kasi pakiramdam ko talaga, hindi na kinse mil lang ang ginastos niya.
"Uwi na tayo, nakakapagod gumala!"
Iyon na ang pinakamagandang narinig ko kay Aya sa araw na ito matapos ang lahat ng paggastos niya.
Alam kong hindi niya napapansin pero kanina ko pa talaga nakikita si Janriel sa paligid. Ayokong tawagin kasi baka sabihin niya, nambibintang ako ng kapwa.
Pero hindi ko talaga gusto na kahit sa parking lot ng mall, nakasunod pa rin ang lalaking iyon.
"Siguro naman, di ka na tatanggi kapag sinabi kong mag-taxi na lang tayo."
Humugot ako ng hininga at napatingin sa cart na kanina ko pa tinutulak. Tumango na lang ako bilang sagot. Hindi ko kayang buhatin ang lahat ng pinamili namin nang isang beses lang pabalik sa unit niya.
Malapit lang ang Everlies pero nag-Grab pa rin kami. Pagdating doon, nagpatulong na ako kina Kuya Tony na naka-duty sa night shift paakyat sa floor ni Aya. Pinaiwan ko na lang sa labas ng elevator para hindi na makabaala.
Nagtatlong balik ako sa labas para lang maipasok sa unit ni Aya ang lahat ng pinamili namin. Nagbantay lang siya sa pinto habang pinanonood ako. Nag-alok pa siyang tutulong pero sabi ko, magpahinga na lang siya sa loob. Dalawang kahon iyon, limang malalaking plastic bag, at iba pa ang dalawang paper bag na puno ng libro. Hindi niya kakayanin. Mas mabigat pa nga sa kanya ang isang kahon na inuwi namin.
"Ah! At last, nakauwi rin!" sabi niya na parang noon lang siya nakatapat sa loob. Hinubad agad niya ang jacket at ibinato sa sahig. Naghubad din siya ng pantalon at ibinato rin sa sahig. Saka siya tumalon sa sofa at hinayaang lumupaypay ang isang braso at binti sa dulo ng upuan.
"Aya, doon ka sa kuwarto. Saka magbihis ka muna."
Ni hindi man lang nahihiyang nakikita ko siyang kakapiraso lang ang suot. Kahit paano naman ay parang maikling itim na shorts ang pang-ibaba niya gaya ng sinusuot minsan noon ni Kikay, pero kahit pa.
Inayos ko muna ang mga pinamili namin kay baka may binili siyang madaling masira. May mga malamig din na namamawis sa plastic.
Ang yaman talaga ni Aya. Isang plastic bag pa lang ang nabubuksan ko, papatak na ito ng anim na buwan kong pagtatrabaho. E ang dami pa naman niyang pinamili.
Binilisan ko ang paghihiwalay ng mga ilalagay sa ref niya, sa cabinet na lagi niyang kinukuhanan ng mga pagkain kapag gusto niya ng mangunguya, at ang iba ay rekado naman sa pagluluto.
Pero ang dami pa rin ng tsitsirya, tsokolate, saka matamis na inumin sa bote.
Busog naman kaming pareho kay inabot na kami ng gabi sa mall. At hindi ko lubusang maisip na aabutin ako ng gabi sa mall mula sa tanghaling-tapat na pag-alis. Kung gabihin man ako sa isang lugar, malamang na may malalang problema sa trabaho kaya matagal talagang gawin. Pero para lang mamili, mamasyal, at kumain nang kumain?
Mas malaki pa ang gastos ni Aya sa pangarap kong singsing ni Bea. Halos kalahating dekadang ipon ko katumbas lang ng isang hapon namin sa mall. Hindi talaga ako makapaniwala.
Alas-otso y medya na ako natapos sa pagliligpit ng mga pinamili namin. Napansin kong bagsak talaga si Aya gawa ng pagod kaya matapos kong iligpit ang mga damit niyang nakakalat sa sahig, kumuha ako ng kumot at binuhat na lang siya para ilipat sa kama.
Sabi niya, gusto raw niya ng natatanggal ang shower head kaya kahit gabi, inayos ko ang hiling niyang shower para paggising niya sa umaga, maliligo na lang siya.
Hindi mahirap ang pag-install kay may tubong madaling palitan sa bath tub. Tingin ko nga, may dati nang handheld shower head dito na sinarhan lang para magamit ang overhead shower. Sa klase ng bath tub niya, dapat talagang may handheld shower dito.
May alas-diyes na akong natapos at saka ko lang naalala ang mga pinamili niyang gamit para sa banyo. Napapaisip ako kung saan pa ilalagay ang iba kay wala na halos puwesto sa lababo gawa ng napakaraming bote. Inipon ko na lang ang mga iyon sa ibaba ng cabinet sa dulo ng banyo para kahit walang patungan, nasa banyo pa rin.
Sinamantala ko na rin ang pagkakataon para makaligo. Nahihiya ako kay Aya, amoy-pawis na ako. Tapos ang linis-linis ng unit niya, maaamoy niya akong nag-iisang mabaho. Ang dungis ko pa gawa ng tinanggal kong clay na harang sa pinagdikitan ko ng bagong tubo para sa shower.
Makulit si Aya at matigas ang ulo, pero mabait siya. Sobrang mabait siya. Nililibre din naman ako ng asawa ko dati kahit noong hindi pa kami kasal, pero hindi ganitong klaseng libre. Nalulula ako. Kahit siguro patayin ko ang sarili ko sa pagtatrabaho, mahihirapan akong bayaran si Aya sa gastos niya sa araw na ito.
Ang sarap maging mayaman, ang sarap kasing gumastos nang walang inaalala kung may pera pa ba bukas. Pero kada titingin ako sa presyo, hindi ako natutuwa. Para kasi akong nagnanakaw ng hindi akin.
Ang ginhawa sa pakiramdam ng nakakaligo sa gabi. Sa terminal kasi, tuwing madaling-araw lang puwede, saka dapat mabilis lang. Ni hindi na ako nakakapagkuskos ng katawan. Buti, mabait si Aya. Tapos tulog na rin naman.
Wala pang alas-onse ng gabi pero nakatulog agad ako gawa ng pagod at puyat sa nakaraang gabing ingay.
Ang sarap ng tulog ko sa sofa sa sala ng unit nang parang may bumagsak sa dibdib kong mabigat gawa ng tunog sa kabilang gilid. Napadilat agad ako at bumangon na alertong-alerto sa paligid kahit parang nasa panaginip pa rin ang isipan ko.
"No! Stop! Ayoko, Daddy! Daddy, help!"
"Aya?" Mabilis akong pumasok sa kuwarto at binuksan agad ang nakapatay na ilaw roon. "Aya!" Tinakbo ko agad siya habang nakikita siyang pinapalo nang pinapalo ang kama.
"Leave me alone! Huwag!"
Ipinalibot ko agad ang braso ko sa kanya mula sa likod saka ako tumayo habang yakap-yakap siya.
"Don't touch me! Argh! NO!"
"Aya, tigil na!"
Pumalag siya nang pumalag at sinipa na niya ang hangin, makatakas lang sa akin.
"Daddy! Daddy, tulong!"
"Aya, tama na!"
Nagtatalo ang utak ko sa inaantok pa at sa dapat gising na. Pakiramdam ko, paulit-ulit na kinakalampag ang dibdib ko gawa ng takot kahit na nalilito ang utak ko sa susunod na gagawin.
"Bitiwan mo 'ko! Daddy!"
Sa sobrang kalituhan ko at gusto ko na lang sabuyan siya ng tubig para huminto, kahit hirap na hirap akong dalhin siya, ipinasok ko pa rin siya sa banyo at saka ko binuksan ang shower head doon—balewala na kung pareho man kaming mabasa.
"Aaaah—"
Bigla siyang napahinto sa pagsigaw at nanigas ang katawan nang umagos sa amin ang tubig mula sa itaas.
Kahit ako, nahimasmasan sa lamig ng tubig.
Damang-dama ko ang bigat ng paghinga niya habang yakap-yakap ko pa rin.
Kahit gusto ko siyang bitiwan, hindi ko pa rin ginagawa. Natatakot akong baka magwala na naman siya at makalmot na naman ako o di kaya ay saktan na naman niya ang sarili niya.
Pangalawang gabi na ito, at hindi ko lubos maisip kung ilang gabi pa ang dumaan na ganito ang nararanasan niya habang mag-isa lang.
"Aya, okay ka na?" mahinahon ko pang tanong at pinatay na ang shower. Niluwagan ko na ang pagkakayakap sa kanya bago siya ipinaharap sa akin. "Aya."
Hinawi ko ang buhok niyang dumikit na sa mukha. Inangat ko ang mukha niya nang kaunti at bahagya akong yumuko para makita siyang maigi.
Namumungay ang mata niya at pulang-pula. Gumagapang doon ang itim na tintang pinangguhit niya sa mata niya para tumapang. Pati na rin ang ilong niyang lalo lang pumula gawa ng natutunaw na niyang makeup at nagpapakita ng natural niyang kulay na maputla.
Nagbuntonghininga na lang ako habang nakatingin sa kanya. Naaawa ako. Masaya pa siya sa mall at ang dami niyang sinasabing magandang bagay sa akin, pero kapag ganito ang ayos niya, hindi ko alam kung sana ko ilulugar ang inspirasyon ko sa lahat ng nabanggit niya sa akin.
Binuksan ko nang mahina ang shower at ako na ang naghilamos sa kanya gamit ang palad ko.
"Magiging okay rin ang lahat, huwag kang mag-alala." Nginitian ko na lang siya para ipakitang magiging ayos lang ang hindi ayos para sa kanya.
Nanginginig ang dulo ng labi niya at hikbi siya nang hikbi habang hinihilamusan ko siya.
"Walang gagalaw sa iyo. Hindi kita iiwan dito."
Hinayaan ko siyang paagusan ng tubig sa shower. Pumunta ako sa dulong cabinet ng banyo at humatak doon ng malaking tuwalya.
Hinahatak pa ng antok ang diwa ko at gusto ko pang matulog, pero ang hirap matulog sa ganitong pagkakataon. Nakagat ko na lang ang labi ko nang makita kung gaano kahigpit ang pagkakakuyom ng kamao ni Aya habang nakapikit.
Pinatay ko agad ang shower at isinampay sa balikat ko ang tuwalya bago hinawi ang buhok niyang dumikit na naman sa pisngi at noo.
"Hindi ako titingin. Aalisin ko lang ito." Bahagya akong lumapit sa kanya at sinilip sa likod ang itaas na dulo ng suot niyang tube. Isinilid ko roon ang magkabila kong hinlalaki saka pinasada sa tela hanggang bandang kili-kili niya habang hinahatak pataas.
Tumingin lang ako sa pader sa harapan pagtaas ng mga braso niya habang kasamang nahuhubad ang kakapiraso niyang suot. Inihulog ko na lang iyon sa bath tub na tinatapakan namin saka ko siya binalot ng tuwalya. Noon lang ako lumayo pagtapis ko sa kanya.
"Nilalamig ka ba?" nag-aalalang tanong ko agad. "Sorry na, Aya."
Tingin ko, kahit siya ay hindi niya maaasikaso ang sarili niya sa ganitong estado. Kaya kahit labag sa loob ko, ako na rin ang naghubad ng pang-ibaba niyang suot.
Mahina na ang mga hikbi niya pero natatakot pa rin yata siya. Binuhat ko siya at saglit na iniupo sa toilet bowl.
"Dito ka lang muna. Magpapalit lang ako ng damit sa labas kasi di tayo puwedeng magkalat ng basa sa carpet mo. Babaho rito sa loob.
Naghubad na lang muna ako ng suot na T-shirt saka iyon piniga sa lababo. Bumalik ako sa cabinet para kumuha ng isa pang tuwalya at ipinantakip ko naman iyon sa ulo hanggang balikat niya.
Nakihiram na rin ako ng isa pang tuwalya at ipinangtapis ko sa akin bago ko inalis ang basa kong shorts saka ako tumakbo palabas para makapagbihis agad.
Ayoko ng ganitong klaseng gising. Parang hinahatak ako ng pagod at pahinga nang sabay. Nabibigatan ako sa pakiramdam ko, parang pinipiga ang dibdib ko, hindi ko mawari.
Pagbalik ko sa banyo, binuhat ko agad si Aya paupo sa kama.
"Okay ka na ba?" tanong ko pagtapat ko sa mukha niya.
Kalmado naman na siya pero natulala na. Dilat pero hindi ko na alam kung nakikita pa ba niya ako.
"Aya?" Lumuhod na ako sa harapan niya para makita siya nang maayos. "Basa pa yung buhok mo, hindi pa kita maihiga."
Hindi siya sumagot. Nakatulala lang siya.
"Hindi kita mabibihisan. Kukumutan na lang ulit kita, ha?"
Dinampot ko agad ang kumot niyang ang kahalati ay nasa kama pa, pero nasa sahig na ang kabila. Ibinalot ko agad iyon sa kanya habang takip-takip ng tuwalya ang basa niyang buhok.
"Dito na lang muna ako sa sahig. Babantayan kita," sabi ko habang nakatapat sa kanya at kinukusot ng tuwalya ang buhok niya para matuyo agad.
Natigilan ako nang bigla niya akong yakapin sa may baywang. Parang sinilaban ang paa ko paakyat sa buong katawan.
"Aya . . . huy."
Naramdaman kong humigpit ang pagkakayakap niya sa akin.
"Aya?"
"You will never understand me . . ."
Ang bigat ng buntonghininga ko nang maalala ang paliwanag niya sa akin tungkol sa mga bangungot niya.
Hinawakan ko na lang ang kamay niyang mahigpit ang pagkakakapit sa katawan ko habang pinupuwersa iyong alisin sa akin.
"Makakatulog ka nang maayos ngayon, huwag kang mag-alala," paninigurado ko bago ko pa tanggapin ang katotohanang mas alam niya ang nararamdaman niya laban sa paniniwala ko.
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top