Chapter 2: Unexpected Pain
"Hmm . . . Isagad mo pa."
"Paano? Ganito?"
"Oo. Ayan . . . hmm."
"Huhugutin ko na ba?"
"Huwag. Huwag muna—hmm . . ."
Nilingon ko agad si Kikay sa likuran ko at nakita siyang himas-himas ang baba habang nanliliit ang mga mata sa ipinakabit niya sa aking fairy lights. Mukhang sinusukat pa kung tama ba ang inuutos niya sa akin o hindi.
Gusto raw niya ng ganoon sa may dingding niya kapag bago siya matulog kaso wala siyang mautusang magkakabit. Ilang linggo na nga raw iyong nakatambak sa damitan niya pagkabili niya sa Noel Bazaar noong nakaraang Pasko.
"Parang mas okay kung bandang kaliwa? Kaya pa bang isagad 'yang magkabilaang dulo?"
Umiling agad ako at sinukat ang haba ng kordon kung aabot ba sa magkabilang dulo ng dingding niya ang haba. "Hindi kakayanin, kulang ng isang dangkal, 'Kay."
Paglingon ko sa kanya, nakangiwi na lang siya. "Sige, hugutin mo na sa saksakan. Mamaya ko na lang isasaksak ulit. Gagamit pa 'ko ng blower e."
Tumango na lang ako at hinugot sa saksakan sa dulo ng maliliit na ilaw ang plug bago bumaba sa tinuntungan kong monobloc.
"Dapat magkakahiwalay ang extension mo, 'Kay. Delikado 'tong ganito, baka pumutok kapag na-overload," puna ko sa extension niyang anim-anim ang nakasaksak.
"Wala nga akong mautusang bumili. Di naman ako maalam sa mga ganyan."
Nginitian ko na lang siya. "Sa hardware sa Matarik, may tig-200 na extension cord. Kung sakaling madadaan ako, abonohan ko na lang muna tapos dalhin ko rito saka ko ii-install."
"Huwag ka nang mag-abono. Bumili ka na lang agad." Paglingon ko sa kanya, dampot-dampot na niya ang wallet niya galing sa bag at dumudukot na roon ng pera. "Kapag nga may opening sa bar, tangayin nga kita minsan. Kaso baka pag-initan ka ng mga bading d'on e, kinakabahan ako." Iniabot niya agad sa akin ang buong 500. "Ito, bumili ka ng kailangan."
Nakangiti kong kinuha ang pera sa kanya. "Ibabalik ko na lang yung sukli kapag sobra."
"Huwag na," sabi agad niya. "Service fee mo na 'yan. At saka—ano 'yan?" Napatingin ako sa itinuro niya. "Kanina pa ba 'yan? Dumudugo yung damit mo a."
"Ha?" Sinilip ko naman ang loob ng damit ko. Lalo palang dumugo ang dibdib ko gawa ng sugat kanina. Nginitian ko na lang si Kikay kasi hindi naman masakit. Hindi ko nga napansin kung hindi niya sinabi. "Nasugatan lang ako kanina ni Bea. Di naman masakit, huhugasan ko na lang ulit."
Biglang napalitan ang nag-aalalang mukha niya ng pagkabagot. Nagkrus pa siya ng braso at tiningnan ako nang masama. "Ginawa 'yan ni Beng?"
"Hindi naman niya sinasadya—"
"Sinadya niya 'yan! Kahit wala ako, alam kong sinadya niya 'yan, Tisoy! Tigilan mo 'ko sa kasinungalingan mo, ha."
"Kikay naman, ayos lang 'yan. Nadala lang ng damdamin yung asawa ko."
"'Sus! Dala ng damdamin? Ang sabihin mo, nasasanay 'yang babaeng 'yan na sinasaktan ka! Tara nga rito!" Dinakma niya agad ang damit ko at hinatak ako pabalik sa may kainang mesa. Halos itulak na niya ako para makaupo roon.
Nagagalit na naman si Kikay. Sa araw-araw na lang na ginawa ng Panginoon, lahat na lang kinagagalitan. Ang ganda-gandang babae, parating nakasimangot.
Pinanood ko siyang magkalkal ng tokador. May kinuha siya roong maliit na lalagyanan—kamukha ng gamit ng mga nagma-manicure sa kabila.
"Kaunti na lang, irereklamo ko na 'yan si Beng. Linggo-linggo ka na lang binibigyan ng sugat. Hindi pa nga magaling yung paso mo sa binti, o! Sino'ng matinong asawa ang babanlian ang asawa niya ng kumukulong tubig, aber?"
"Nadulas lang ang kamay ng tao, e," depensa ko agad.
"Tangina, Tisoy, isa pang ganyan mo, ako na mananakit sa 'yo. Kahit si Mamay Tess, nakitang binuhusan ka. Minumura ka pa sa harap namin. Tantanan mo 'ko sa pagganyan mo, nakuuu! Ako, nanggigigil na 'ko diyan sa asawa mo e."
Nagbuntonghininga na lang ako at napahimas ng sentido.
Kahit pa sinadya ni Bea na tapunan ako ng kumukulong tubig, e baka lang kasi nadala ng sama ng loob. Hindi ko naman kasi siya nabilhan ng gusto niyang kuwintas na nakita niya sa Facebook. Sabi ko naman, pag-iipunan ko na lang muna. Kasalanan ko rin naman kasi hindi ko nabili agad noong hiniling niya.
"Tisoy, please lang, ha? Please lang, Diyos ko, parang awa mo na. Huwag kang papayag na ginaganito ka ni Beng." Inilapag niya ang transparent na lalagyan sa mesa at tumayo sa harapan ko saka nagpamaywang.
Pilit ko naman siyang nginitian bago ako tumungo habang naghihimas ng palad. "Mabait naman si Bea."
"Punyeta. Kung iyan ang mabait para sa 'yo, sige, magpapakademonyo na lang ako. Hubad!"
"Sorry na, Kikay." Dismayado ako nang alisin ang T-shirt kong kapapalit ko lang. Lalabhan ko na lang ulit mamaya pagbalik ko sa bahay. Mahirap pa namang magtanggal ng mantsa. "Saka baka kasi problemado lang sa trabaho kaya ganoon. Ikaw naman."
"Ulol niya 'ka mo!" sigaw na naman niya. "Ako, problemado rin ako pero hindi ako nananakit ng ibang tao! 'Yang asawa mo, tingin ko talaga, kailangan nang ipadala niyan sa mental e."
"Kikay naman, huwag namang ganiyan."
"Nakuuu! Tisoy, paano ka ba pinalaki ng nanay mo at nagkaganyan ka?"
Naghatak siya ng isa pang upuan at umupo sa harapan ko. Pilit na pilit ang ngiti ko sa kanya kasi baka sabihin niya, masama ang loob kong pinagagalitan niya ako.
Naiintindihan ko naman kung bakit siya nagagalit. Pero inuunawa ko rin naman ang asawa ko dahil baka may problema lang at walang mapaglabasan ng sama ng loob. Hindi naman araw-araw, ganito si Bea.
"Ano? Hinabol ka ba ng kutsilyo? Ang dami mong gasgas, a!"
"Napalo lang ako ng pamatay ng lamok. Hindi naman mabigat na bagay."
"Tangina, nakaka-stress ka talagang kausap, Tisoy."
"Huwag ka nang ma-stress, Kikay. Baka lalo lang dumami ang wrinkles mo niyan, sige ka. Mababawasan ang ganda mo." Nginitian ko na lang siya nang pabiro bago pa siya tuluyang magwala. Hinagod-hagod ko na lang din ang buhok niya para mabawasan ang inis niya sa akin.
"Nakakabuwisit ka kausap, alam mo 'yon?" sabi niya, pero epektibo naman ang ginagawa ko kasi huminahon na siya.
Tinawanan ko na lang siya nang mahina saka pinanonood siyang magsalin ng panlinis ng sugat sa bulak.
Mabilis mapansin ang pilik-mata niya, malalantik kasi. Proud na proud siya kasi hindi na niya kailangan ng artificial na eyelashes gaya ng sinusuot ni Bea. Hindi naman maputi dati si Kikay pero nausuhan din ng pampaputi gaya ng asawa ko kaya pumuti na rin. Pero mas maputi lang siyang tingnan kasi blonde pa ang buhok. Si Bea kasi, itim pa rin naman ang kulay ng kanya.
"Kikay, mas maganda ka kapag wala kang makeup," bati ko habang nakatingin sa mukha niyang malinis sa kahit anong kolorete.
Napansin kong bumagal ang paglinis niya sa sugat ko saka ako sinulyapan. Bigla siyang umirap habang nagpipigil ng ngiti. "Matagal na 'kong maganda, excuse me."
Natawa ako nang mahina saka inipit ang ilang hibla ng buhok niya sa likod ng tainga kasi bumagsak sa pisngi.
Bumagal na naman ang pagdampi niya ng bulak sa sugat ko at sumulyap na naman sa akin. Nginitian ko na lang ulit siya at nakatanggap na naman ako ng irap.
"Alam mo, nagpapasalamat talaga akong di mo pa nabubuntis si Beng," sabi niya nang magpalit ng bulak at kumuha ng iodine.
"Imposible 'yon, Kikay. Nangako ako sa kanya na gagawin namin 'yon kapag kasal na kami."
Bigla siyang kumibot habang nakataas ang kilay at nagsasalin ng iodine sa bulak. "E makakasal nga ba?"
"Nag-iipon naman na 'ko ng pambili ng singsing."
"May tiglimang libong singsing sa sanglaan," sagot niya nang dampian ulit ng bulak ang sugat ko.
"Pero gusto kasi niya, yung mahal."
Bigla siyang huminto at dumeretso ng upo. "Punyeta siya, 'ka mo. Maghahangad ng mahal, e ni hindi ka nga maipaghain ng hapunan? Kaartehan niya, ha!"
"Gusto lang naman niyang maging espesyal yung singsing namin."
"Espesyal naman ang lahat ng bagay, Tisoy. Nasa tumitingin na lang 'yon. Kung talagang mahal ka, kahit pa sinulid ang isuot mo sa daliri niya, tatanggapin niya pa rin 'yon." Bigla niya akong dinuro habang nanliliit ang mga mata. "Pakisabi diyan sa babaeng 'yan, huwag siyang maarte kasi ang kaartehan, binabagay sa estado ng buhay. Mag-inarte siya kung mayaman siya!"
Nagbuntonghininga na lang ako at hinayaan na lang si Kikay. Nag-iipon naman kasi talaga ako para makabili ng mamahaling singsing gaya ng gusto ni Bea. Nakatago lang iyon doon sa cabinet sa itaas ng kalan. Nakakaipon naman ako kahit pa-bente-bente lang araw-araw.
"O, okay na."
Napatingin na lang ako sa dibdib ko nang magsabi siya. May itinapal siya roong gasa.
"Kapag nga nakita ko ulit 'yan si Beng, talagang may sermon sa akin 'yang hindot na 'yan."
Napapakamot na lang ako ng ulo. Alam ko namang kayang gawin iyon ni Kikay. Wala naman akong ibang magagawa kundi pakiusapan siya.
Tumayo na ako at kinuha ang T-shirt ko. "Hayaan mo na si Bea. Ito naman, parang hindi ka na nasanay d'on." Inakbayan ko na lang siya at niyakap mula sa gilid. "Dadaan ako bukas sa hardware, gawan natin ng paraan 'yang mga wiring mo rito sa unit."
"Oo na, oo na. Maligo ka na rin! Amoy-pawis ka na, ang asim mo!"
"Opo, Inay."
"Siraulo."
Tinawanan ko na lang siya nang mahina at tumungo na ako palabas ng unit niya.
"Salamat sa pa-tip, Kikay! Magandang gabi sa 'yo," sabi ko pagbukas ko ng pinto.
"Tse! Umuwi ka na! Hmp!" Inirapan na naman niya ako kaya nginitian ko na lang siya.
Pagsara ko ng pinto, naabutan ko si Aling Chedeng na nakakunot ang noo sa akin. Binati ko na lang siya.
"Magandang gabi ho, Aling Chedeng!" Isinuot ko agad ang T-shirt ko bago pa niya ako pagalitan na nakahubad na naman.
Hinagod lang niya ako ng tingin saka ako inirapan.
Pakiramdam ko, hindi lang talaga maganda ang gabi ngayon para sa mga babae rito sa amin. Hayaan ko na lang, baka ganoon talaga sila ngayon. Hindi naman sila araw-araw na ganito.
****
Tuwing gabi ang duty ni Bea, kaya naiiwan ako sa bahay pagsapit ng alas-siyete. Uuwi siya nang alas-kuwatro at halos buong araw nang matutulog. Payag naman ako sa ganoon kasi kung pagod naman talaga siya e wala na akong magagawa.
Minsan, may buong araw siyang hindi umuuwi. Ang paliwanag naman niya, kasi raw may general meeting sila. Hindi ko na raw iyon maiintindihan kasi wala naman daw akong ibang trabaho maliban sa magkargador, magkarpentero, at magtubero.
Hindi ko na lang din inusisa kay wala rin naman talaga akong ideya sa mga trabaho sa opisina. Kung buong araw ginaganap ang general meeting na sinasabi niya ay hinayaan ko na lang kasi kung trabaho niya iyon e wala naman akong magagawa.
Ang sistema na lang namin ay ako ang mag-aasikaso sa bahay palagi dahil ako naman ang walang ibang trabahong regular. Hindi naman mabigat maglaba. Magwawalis lang din naman ako sa unit naming hindi malaki. Maghuhugas ng iilang plato.
Ang tanging libangan ko na lang ay magbasa ng mga librong hinihiram ko kay Tricia sa kabilang unit. Cost Accounting ang nahiram ko ngayong linggo. Sabi ko, tatapusin ko ang pagbabasa hanggang sa katapusan ng buwan. Pumayag naman si Ishang.
Ang kalat sa loob ng bahay nang magmasid ako. Puro balat ng tsitsirya saka bote ng soft drinks. Hindi ko alam kung saan niya ito binili habang wala ako, pero baka puwede ko pang ibalik sa tindahan para sa deposito. Limang piso rin iyon, pambiling tinapay.
Naiwan pa ni Bea ang mga pinagbihisan niya sa sahig. Naroon ang bra niya saka shorts. Basa pa ang T-shirt na nasa gilid ng higaan namin. Pati yung charger niya, hindi pa nahugot sa saksakan.
Dinampot ko na lang din ang mga damit at nang malabhan na kasama ng T-shirt kong may mantsa ng dugo. Buti na lang talaga at napakain ako ni Kikay ng hapunan, hindi ako matutulog na kumakalam ang tiyan.
Nakaipon na ang mga labahan sa may palanggana sa banyo nang may mapansin ako sa basurahan doon. Wala pang ibang laman kay kapapalit ko lang ng plastic bag bago ako pumunta kina Misis Tina. Nagtataka nga ako, dalawang buwan nang hindi nagpapabili ng napkin si Bea, si Kikay na lang tuloy ang nabibilhan ko.
May mahabang bagay na naroon. Kamukha ng minsang pinabili ni Kikay sa akin noong nadaan ako sa pharmacy—nakisuyo kasi nga raw napag-trip-an siya ng customer at na-motel siya isang gabi.
"Bakit may pregnancy kit dito?" tanong ko pa habang patingin-tingin sa paligid ng banyo. Baka lang makita ko pa ang lalagyanan.
Dalawa kasi ang guhit, e imposible namang kay Bea ito. Ni hindi ko nga hinahayaan ang sarili kong makita siyang naka-bra lang.
Itatanong ko nga pag-uwi niya, baka kasi sa iba ito at itinapon lang niya rito.
Ang suwerte naman ng may-ari nito, magkakaanak na.
♥ ♥ ♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top