Chapter 19: The Artist
"Ano'ng gusto mo, this blue one or this white one?"
Nagbuntonghininga na lang ako at napatingin sa malaking cart na tulak-tulak ko kanina pa. Unang beses kong pumasok sa grocery na may kasamang babae. Si Bea, hindi ko nadadala sa ganito. Si Kikay, ayaw niya sa grocery kasi mahal daw ang bilihin—na totoo din naman. Masasabi kong ang gastos talaga ni Aya. Punong-puno na ang malaking cart namin at kinakabahan ako kung magkano na ang aabutin nito.
"Aya, ang dami na nito. Baka wala ka nang pera."
Bigla siyang tumawa nang mahina at itinutok ulit nang malapit sa mukha ko ang dalawang bote ng shampoo na para sa lalaki.
"Pili naaaa!" pakanta niyang utos sa akin.
"Kahit yung sa sachet lang."
"No! If you don't want to choose, itong dalawa na lang ang bibilhin natin."
"Huwag!" Kinuha ko ang dalawa at tiningnan ang presyo. Mas mura ang isang boteng hawak niya saka mas maraming laman—iyong kulay puti. "Ito na lang." Inilagay ko agad iyon sa cart na halos umapaw na ang laman. "Ang dami na nito. Baka maubos na ang pera mo."
"Kahit limahin mo pa 'yang cart, hindi mauubos ang pera ko." Hinawakan niya ang cart at hinila ulit kaya itinulak ko na lang agad para hindi na siya mabigatan.
Magastos si Bea at palaging may pinabibili, pero hindi ko kahit kailan naranasang pumuno ng isang ganito kalaking cart sa grocery. Kahit yata limang taon akong magtrabaho, hindi ko mababayaran ito.
Nakakahiya kasi yung wala akong pera tapos kuha ako nang kuha. Hindi ko naman mailalabas lahat.
"Aya, di ko mababayaran 'to."
Lumingon siya sa akin, at kung tingnan ako, parang nakakadiri ang sinabi ko. "What? Dude! I'm not even spending too much! Kuha ka lang, ako bahala."
"Pero ang dami na nito."
"Kulang pa 'yan! Isang cart pa nga lang!"
Napapakamot na lang ako ng ulo sa kanya. Ang sabi niya, shampoo saka sabon lang ang bibilhin. Natapos na lang kami sa grocery, yung shampoo at sabon niya, naging buong laman na ng tindahan ni Aling Melba sa kabilang kanto.
"Sana di ka na gumastos nang malaki," sabi ko habang nakatingin sa kanya. Napapahimas na lang ako ng palad kay gusto raw niyang mananghalian sa restaurant. Hanggang lugaw nga lang ang kaya ng pera ko. "Gusto sana kitang ilibre kasi birthday mo kahapon kaso . . ." wala akong pera.
"Nah, it's okay! Saka gift mo na sa 'kin yung shower ko."
"Di naman regalo 'yon," sabi ko habang nakatungo at naghihimas ng palad. "Serbisyo ko 'yon e."
"Pumayag ka namang mag-stay sa condo ko, so puwede na ring gift 'yon."
Sumulyap ako sa kanya habang nanliliit sa sarili ko. Kahit kasi si Bea, hindi ko magawang dalhin sa ganitong klaseng lugar.
"Sorry, Aya. Pag-iipunan ko, next time. Ako naman manlilibre sa 'yo."
Nangalumbaba agad sa mesa habang nginingisihan ako. Mas gusto ko pa rin ang itsura niya kapag walang madilim na makeup. Mukha siyang maamo.
"You know what, I met shy guys din naman, pero sobrang weird mo talaga."
Ito na naman siya sa wirdo-wirdo niyang komento tungkol sa akin na hindi ko talaga naiintindihan.
"Doon sa pinanggalingan mong lugar—wherever that is—mababait lahat ng tao doon?"
Matipid akong ngumiti saka tumango.
"Minsan, maiingay lang sila. Pero mababait naman sila."
"Well . . ." Nagkibit-balikat siya at nginisihan na naman ako. "You looked like you really came from a nice place naman talaga. Ang nice mo nga, para kang angel na masungit minsan."
Sabay pa kaming napatingala nang lapagan na kami ng napakaraming plato sa mesa.
"Aya, ilan tayong kakain?" tanong ko agad kasi sumobra na sa apat ang inilapag sa amin. Nag-aya ba siya ng iba?
"Tayong dalawa!" sagot agad niya habang nakangisi nang malapad.
"Pero . . ." Napatingin agad ako sa mesa. ". . . ang dami nito."
"It's okay! Saka mukha namang malakas kang kumain for a big guy, just eat all you can."
Hindi ko naman itatangging nakakagutom ang lahat ng nasa mesa namin. May alimasag, may isda, may mga gulay, hindi ko lang alam ang tawag sa ibang ulam na may sarsa, may mga prutas na hiniwa-hiwa, may halo-halo pa. Napapalunok na lang ako. Para akong nasa fiesta. Kahit noong kasal namin ni Kikay, hindi ganito kasasarap ang handa sa baranggay.
Nagsimula na siyang sumandok at balak ko sanang hintayin siyang matapos, pero nagulat na lang ako nang sa akin niya inilagay ang unang sandok niya sa gulay. Umurong pa siya at bahagyang tumayo paharap para lang maabot ang puwesto ko.
"Good people eat veggies, and since good guy ka naman, I'm sure you eat these kind of foods. I eat veggies din, don't worry. Di naman ako takot sa gulay."
"Aya . . ." Balak ko sana siyang pigilan sa pagsasandok pero tinapik lang niya ang kamay ko palayo.
"Kanina mo pa 'ko pinipigilan. What's wrong with you? Ayaw mo bang nililibre ka?"
"Di naman sa ganoon." Napapahimas na lang ako ng palad niyang tinapik habang sinusundan ng tingin ang bawat sandok niya sa plato ko. "Ang dami mo nang nagastos ngayong araw."
Ngumiti ulit siya sa akin nang nakakaloko. "Di mo pa 'ko nakikitang gumastos, dude. This is just a token of appreciation kasi you took care of me last night. Jes or even my friends wouldn't do that, actually. And I really appreciate that."
Napatitig ako sa mukha niya nang maalala ang nangyari kagabi. Hindi ko nga alam kung paano siya pakakalmahin kaya pinatulog ko na lang sa kandungan ko habang yakap-yakap. Nakatulong naman kahit paano kay nakatulog naman kaming pareho. Mas maaga lang siyang nagising.
"Eat well!" sabi niya nang umayos ulit ng upo saka sumandok na ng kanya.
Makulit si Aya pero mabait naman siya. Kaso minsan, hindi talaga kami magkakasundo sa mga gusto niya at sa mga sinasabi niya. Pero sigurado na akong mabait siya.
"Ang dami mo namang pera, Aya," sabi ko habang marahang ngumunguya. "Ano'ng trabaho mo?"
"Artist."
Napahinto ako sa pagnguya at nakataas ang magkabilang kilay nang magtanong. "Artista ka?"
Bigla siyang tumawa nang mahina saka napailing—yung iling na parang hindi siya makapaniwala sa tanong ko.
"Painter ako sa Ortigas," sagot niya. "Nagpe-paint ako ng murals or minsan gumagawa ako ng for exhibits and galleries. Recent work ko, nabenta ko ng fifty thousand pesos. Ongoing naman ngayon ang for auctions. Hindi pa kasama ang commissioned arts sa mga friend ni Daddy kasi sila ang malalaking magbayad. So, don't worry about the money kasi wala pa sa fifteen thousand ang gastos natin ngayon."
Fifty thousand. Ang laki naman n'on. Ang ganda pala ng trabaho ni Aya. Gusto ko sana ng ganoon ang kita kaso hindi ako marunong kahit mag-drawing man lang.
"Nakakahiya. Ang yaman mo pala talaga, ikaw pa ang gumagastos sa akin," sabi ko nang mapayuko ako gawa ng hiya.
Hindi ako sanay. Nanliliit ako kapag parang wala akong pakinabang.
"Yung asawa mo, magastos din ba gaya ng ex mo?"
Umiling ako habang marahang ngumunguya.
"Hindi naman magastos si Kikay. Lagi niyang sinasabi na kung ano ang nandiyan, pagtiyagaan na."
"Oh. She was right din naman, but I don't like that mindset. if you want something, go for it. YOLO. Minsan ka na nga lang mabuhay, di mo pa lulubusin maging masaya."
"Magkaiba naman kasi tayo. Ikaw, may pera ka. Ako, wala."
"N'ong umalis ako sa bahay, wala rin akong pera. Dad gave me an allowance for a day kasi ang akala niya, I was gonna visit a friend lang. Di niya alam, maglalayas na pala ako."
Napaangat ako ng tingin sa kanya. Ganoon din kasi ang ginawa ni Bea dati. Umalis sa kanila, kinuha ko lang. Walang-wala siya; ako, may kaunting ipon naman para makakuha ng rerentahang bahay.
"But this is the case, dude . . ." Itinuro niya ako ng tinidor habang nakatingin nang deretso sa akin. ". . . when you go out in this world alone, you need to find the best people to help you. Noong naglayas ako, I worked for Ate Penny as a part-time graphic artist. Sabi ko, gagawan ko ng tarp banner yung travel agency niyang starting pa lang that time. She paid me a good amount. Nahihiya pa ako sa kanya kasi hindi ko talaga siya kinakausap at all. That was the first time I asked for other's help."
"Sino siya?"
Umayos siya ng upo at kinuha ang isang mangko ng halo-halo sa mesa. "Anak siya ng best friend ni Daddy. Sobrang na-inspire ako sa kanya kaya ako nag-stop sa school."
"Bakit ka naman mai-inspire sa ganoong tao kung hindi ka nga nakapag-aral."
Umiling siya at sumubo ng minatamis. Parang gusto ko rin ng kinakain niya kasi mukhang masarap.
"Graduate si Ate Penny ng psychology, yet she pursued her traveling hobby. Now, may land na siya sa island somewhere south. Sinabi niya sa 'kin that time, if you feel like you're going nowhere, always find someone na may definite path na tinatahak para hindi ka maliligaw ng landas mo. And when opportunities came along the way, always catch the wave. And I caught the wave!" Bigla niyang inilahad ang mga pagkain sa mesa namin. "Wala kasi minsan sa school ang totoong opportunity. Although magandang may knowledge and diploma pa rin, saka planning din ako to go back to school, but for now, kaysa mag-shift ako nang mag-shift ng course, mag-enjoy muna ako sa hobbies ko. Para one day, kapag ready na ako bumalik, hindi na ako lost."
Ngumiti ulit siya sa akin, pero iba ang dahilan ng naging kilabot ko sa katawan.
Parehas lang naman kaming hindi naka-graduate ng college ni Aya, pero mas marami siyang pera kaysa sa akin. Ni hindi ko nga siya nakitang mag-alala sa kakainin niya. Nagtatrabaho naman ako buong araw, pero nararamdaman ko talagang kulang pa ang lahat ng ginagawa ko kahit buong araw akong pagod.
"You're a skilled man, Denzell, in case you don't notice. And I think, you're just in the wrong environment. Kasi kung walang initiative to grow ang isang tao, they will just settle sa 'Puwede na' and they won't look for that idea na 'Puwede pa' to go beyond their limits."
Nagbuntonghininga lang ako sa lahat ng sinabi niya. Masuwerte lang siguro siya kasi may mga kakilala siyang matutulungan siya. Ako kasi, wala.
"Oh! Di ba, sabi ko, dadalhin kita sa doctor," sabi niya na tinanguan ko na lang. "Since I don't want to see a doctor, si Ate Penny na lang ang ipakakausap ko sa 'yo. Pero pagbalik ko na lang by next week."
"Bakit? Saan ka pupunta?"
"May Summah Palooza Summer Event sa Makati and part-time tattoo artist ako sa tattoo shop ng friend ko," paliwanag niya. "Isa ako sa artist na na-hire for the event under sa supervision niya. That's for Henna tattoo lineup."
"Nagta-tattoo ka?" tanong ko agad. Ang dami pala niyang kayang gawin. Wala sa itsura ni Aya. Akala ko, makulit lang siya.
"Wala lang akong maraming tattoo sa body kasi ayaw ni Daddy ng nakikita niyang marami akong tats every press con niya. But I have a tattoo sa likod. Angel wings naman."
Naalala ko ang tattoo ng apelyido ni Bea sa tagiliran. Kahit si Kikay, may tattoo rin sa braso ng pangalan niya.
"Masakit ba 'yon?"
"Ang alin?" tanong niya habang ngumunguya.
"Magpa-tattoo."
Umiling naman siya. "Depende sa pain tolerance mo. Pero kung ikaw, I think, di ka masasaktan nang sobra. Depende pa rin naman kung saang part ka lalagyan ng tattoo."
Gusto ko ring magpalagay. Matagal ko nang gusto kaso wala akong alam na maglalagay. Saka wala rin akong pera para doon.
Isa lang naman ang disenyong gusto ko.
"Why? Interested ka?" tanong niya.
Matipid akong ngumiti saka tumango. "Sa dibdib, sa bandang puso sana."
Nagusot ang dulo ng labi niya saka tumango. "Okay? Anong design? Baka puwedeng ako na lang ang gumawa."
"Kalaya-Ann."
"Uh . . ." Napatingin siya sa itaas. "Like freedom?"
Tumango ako.
"Wow, ha. Sa dibdib tapos freedom. Makabayan ka rin ba? Lalagyan ko ba ng flag?" Tumawa naman siya nang mahina habang pinipili ang pagkain.
"Pangalan iyon ng asawa ko."
Biglang nawala ang ngiti niya nang ilipat ang tingin sa akin.
"Really?"
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top