Chapter 18: The Stalker
Pumayag na akong tumira sa condo unit ni Aya kay wala talaga akong tiwala roon sa lalaking napapansin ko kahapon pa. Ayokong mambintang na baka siya ang umaaligid kay Aya kaya wala pa akong magagawa sa ngayon kundi magbantay muna.
"Aya, dito lang ako sa labas, ha. Tawagin mo ako kapag tapos ka nang magbihis."
"Okay!" sigaw niya mula sa banyo.
Saglit akong lumabas sa condo unit para tingnan ang buong pasilyo.
Sa palapag na ito, may tigsampung pinto ang mga tenant kaliwa't kanan. Pangatlo sa kanan mula sa elevator ang unit ni Aya. Katabi ng elevator ang exit door para sa hagdan. Kung tatakbo ang mula rito sa pinto papuntang exit door, kahit mag-door buzzer siya, hindi siya agad maaabutan ng magbubukas ng pinto kay mabilis lang makapagtago sa siwang papuntang hagdanan.
Tumingin ako sa itaas para maghanap ng security camera. Meron naman akong nakita at nakatutok naman sa hagdan. Kung bibisita ako kina Kuya Norman, baka makapagtanong pa ako kung sino ang nag-iwan ng regalo sa pinto ni Aya kahapon.
Bumalik na ako sa unit at naabutan kong nagli-lipstick ng madilim na lila si Aya.
Nawala na naman ang itsura niyang mukhang inosenteng manika at napalitan ng nakakatakot at mukhang masungit na babae.
"Wala ka bang ibang damit?" tanong ko kay nakasuot na naman siya ng maikling tube panakip lang sa dibdib at sobrang ikling puting palda na mukhang sinusuot sa eskuwelahan ang tabas.
"I'm wearing fine, okay?" sagot niya nang huminto sa may kusina para kumuha ng tubig.
"Hindi okay ang suot mo. Kapag hinangin 'yang palda mo, makikita kung ano ang nasa ilalim niyan."
"E di makita. So what?"
"Mababastos ka sa labas."
"Nag-usap na tayo about that, right?"
"Ayokong sumama ka kung ganyan ang suot mo. Kung pumapayag kang binabastos ka; ako, hindi."
Madali siyang lumingon at kunot na kunot ang noong tiningnan ako. Kung hagurin niya ako ng tingin, parang may sinabi akong hindi tama.
"Wow, ha! Boyfriend ba kita?" sabi pa niya.
"Hindi naman kailangang kasintahan mo ang pumuna sa iyo. Halos wala ka nang suot."
"So, ano?" Humarap siya sa akin at sumandal sa babasaging mesa niya. "Just because nakaganito ako, hindi na maganda ang impression mo sa 'kin? Nababastusan ka ba?"
Habang tumatagal siya sa pangangatwiran, lalo lang akong naiinis sa sinasabi niya. "Huwag kang magsalita ng ganyan."
"Pokpok na rin ba ang tingin mo sa 'kin kasi nakaganito ako?"
"Sabi nang huwag—"
"It's okay! Kapatid ko nga, pinamumukha pa 'yan sa 'kin. What more pa ikaw."
Napabuntonghininga agad ako at napayuko habang nakapikit. Bakit ba napakatigas ng ulo niya?
"You know what, dude, if you can't respect me, okay lang. I'm not asking for it, though."
"Nagtatrabaho sa KTV bar ang asawa ko. Iba't ibang lalaki ang kasama niya tuwing gabi. Nagsusuot din siya ng maikli. Pero ni minsan, hindi ko siya tinawag at tiningnan bilang pokpok."
Pag-angat ko ng tingin, naabutan ko lang siyang may hawak-hawak na baso at gulat na gulat na nakatingin sa akin.
"Really?"
• • •
Parang malaking bagay kay Aya ang sinabi ko tungkol kay Kikay. Hindi ko ikinakahiya ang trabaho ng asawa ko. Ayoko lang pag-usapan dahil trabaho rin niya ang pumatay sa kanya.
Matapos ang ilang pakiusap, pumayag nang magpalit ng damit si Aya, pero nagbigay pa ng kondisyon na hindi ko masabi kung dapat ko bang ikatuwa o ikainis lalo.
Ako lang naman daw ang nagrereklamo sa damit niya, ako na lang ang magbihis sa kanya ng gusto kong isuot niya.
"Ito lang ang nakita kong simple," sabi ko habang dala-dala ang pulang varsity jacket na may Red Lions sa kaliwang dibdib at isang berdeng pantalon na may dilaw na linya sa magkabilang gilid. May tatak din ng FEU sa kaliwang harapan.
"So, ano? Mag-u-uniform ako ng magkalabang school?" tanong pa niya habang nakakrus ang mga braso.
"Wala ka namang ibang damit sa tokador mo maliban dito. Puro na makakapal na leather saka maong 'yon. Mainit sa labas, baka pagpawisan ka."
"Kaya nga ganito ang suot ko kasi nga mainit!" reklamo niya habang tinuturo ang damit niyang hindi ko masabing damit talaga. "Consider the weather, okay?"
"Hindi pa sobrang init para ganyan ang isuot mo," kontra ko agad. "Saka may air con naman sa mall. Baka lalo kang lamigin."
"Maliban sa pagiging masungit mo minsan, maarte ka rin, 'no? I see nothing wrong with my clothes. I know you see nothing wrong with my clothes. If bastos ang tingin ng mga tao sa ganitong damit, perspective nila 'yon. I have a different opinion."
Nagbuntonghininga na lang ako habang pasuko na sa kanina pa niyang dinedepensa. Iniabot ko na lang sa kanya ang dala ko.
"Suot mo na lang."
"Ayoko. Kung gusto mo, ikaw ang magsuot sa akin since ikaw naman ang may gusto. Pero ako? No."
Pumikit ako nang mariin at humugot ng sobrang lalim na hininga para pakalmahin ang sarili. Akala ko, makulit na si Gretchen. May mas makulit pa pala sa kanya.
Inilapag ko sa may kama ang pantalon at kinuha ang kanang kamay niya.
"Bakit makukulit kayo?" dismayadong tanong ko habang sinusuot ang jacket sa kanya. "Ayaw ko lang na nababastos kayo ng iba, parang ang sama-sama ko palagi."
Sinunod ko ang kaliwang kamay niya para ipasok sa mahabang manggas.
"Denzell, just so you know, kahit pa maghubad ako sa kalsada, kung walang bastos, walang mababastos."
Inayos ko ang pagkakasuot sa jacket niya at inipon ang lahat ng buhok niyang nakapasok doon saka ko iniladlad palabas.
"Pero iyon nga ang problema. Merong mga bastos, at marami sila sa labas. Sana naiintindihan mo rin iyon."
"So kasalanan ko kaya ako nababastos?"
"Hindi kita sinisisi. Wala akong sinisisi. Pinag-iingat ka lang." Dinampot ko na ang pantalon sa kama at nilukot hanggang magdikit ang magkabilang dulo ng ibaba at itaas. "Magsuot ka ng maikli sa lugar na walang babastos sa 'yo."
Hinawakan ko siya sa balikat at parang manikang iniupo sa kama. Kumuha ako ng unan doon at ipinatong sa may hita niya.
"I can't believe na prosti ang asawa mo, ha. Di ka seloso?"
Lumuhod ako sa harapan niya saka kinuha ang kanang paa niya para isuot ang pantalon.
"Wala namang dahilan para magselos. Saka bakit mo ba tinatanong, hindi naman siya ang dapat pinag-uusapan dito." Isinunod ko ang kabila at inangat hanggang tuhod niya.
"Wala ka namang autism, 'no? Hindi ka naman mukhang autistic. Pero ang lakas talaga ng vibes ng pagiging special child sa 'yo. Gusto mong magpa-check up?"
Tumayo na ako at inalis ang unan sa kandungan niya. Hinawakan ko siya sa magkabilang braso para itayo.
"Kapag nagpa-check up tayo, ikaw ang uunahin kong ipakausap sa doktor kasi ikaw ang mas maraming sugat sa ating dalawa. Ako, kalmot lang sa mukha ang mayroon."
Bahagya akong bumaba habang nakatitig pa rin sa mukha niyang nakangiwi sa akin. Mabilisan kong inangat ang pantalon niya hanggang umangat ang palda niyang maikli.
"Ang weird mo talaga. May selective attention ka ba? Para kang may problema sa cognitive response mo e."
"Cognitive response?" Napatingin ako sa kisame nang maalala ang nabasa kong libro na pinahiram sa akin ni Ishang dati.
"Yeah. Cognitive res—"
"Decoding a message," sagot ko agad pagbalik ko ng tingin sa mukha niya. "Nabasa ko 'yan sa libro. Nagbabasa ka rin ba ng librong may ganoon? May libro ka rin?"
Biglang naningkit ang mga mata niya habang nakatingin sa akin nang maigi. Hindi naman siguro malabo ang mata niya saka maliwanag naman dito sa kuwarto niya.
"So . . . you like reading?"
Tumango naman agad ako. "Si Ishang, may pinapahiram siya palagi sa aking mga libro kada buwan. Pero kapag tapos ko nang basahin, sinasauli ko agad tapos pahihiramin niya ulit ako ng bago. Kaso noong umalis ako sa amin, hindi na ako nakakabasa nang madalas. Pagdating ko rito, lahat na ng nababasa kong libro, pinapahiram naman nina Kagawad sa akin sa baranggay." Itinuro ko ang labas. "Kapag dumadaan yung Eskuwela sa Kariton nina Ma'am Flora, nakikisali ako sa pagtuturo nila. Ako minsan ang tagabura ng blackboard."
"Oh . . . that's . . . that's cute." Tumango-tango pa siya habang naniningkit pa rin ang mga mata sa akin. Siya na ang naghubad ng palda niya at ibinato lang sa sahig.
Matipid akong ngumiti at dinampot agad iyon para dalhin sa laundry basket niya sa banyo.
"May friend si Daddy na doctor. Gusto sana kitang dalhin but you're right, though. Baka ako ang tanungin sa mga scar ko sa braso, so baka tawagan ko na lang si Ate Penny for assistance."
Tingin ko naman, ayos na si Aya sa damit niya. Mukha siyang papasok sa school, pero mabuti nang hindi siya magsusuot ng maikli.
Sa mall daw kami pupunta kahit na sinabi kong sa hardware na lang sana sa bayan. Pagbaba namin sa lobby ng Everlies, bungad na bungad agad sa amin ang lalaking gusto ko nang ipagtanong kay Kuya Norman kung kilala ba niya.
Napahugot ako ng hininga at mabilis na inakbayan si Aya para ilapit sa akin.
Magkausap kasi ang lalaking iyon saka ang guard ngayong umaga.
"Hi, Aya!" bati pa ng lalaking sintaas lang yata ng balikat ko.
"Hey!" masayang bati rin ng kasama ko.
Magkakilala kaya sila?
Inobserbahan ko pang maigi ang lalaking iyon. Titig na titig lang siya kay Aya—na para bang hindi niya ako nakikita o kahit ano sa paligid namin.
Moreno siya, may nunal sa kanang sentido, at sungki-sungki ang mga pang-ibabang ngipin. Mukha naman siyang hindi nananakit pero kahapon at kanina ko pa siya napapansin.
"Saan kayo pupunta?" tanong niya habang papalapit kami sa kanila.
"Magde-date, why?"
Biglang nawala ang ngiti ng lalaki at saka lang nailipat ang tingin sa akin na para bang susuntukin ako anumang oras.
Mula sa kanang gilid, lumipat ako sa kaliwa ni Aya para itago sa lalaking iyon.
Tingin ko nga, pareho lang na masama ang tingin namin sa isa't isa nang magtapat kami ng puwesto.
"Kilala mo ba 'yon, Aya?" tanong ko paglabas namin sa building ng condo.
"He's Janriel. Not really a friend but he always greet me kapag nagkikita kami sa Everlies. Sabi niya, I'm cute daw. So I guess he's a good guy."
"Dito ba siya nakatira sa condo ninyo?"
Hinawakan ko na lang sa balikat si Aya habang patawid kami.
"Sabi niya, malapit lang daw ang bahay nila. Wala naman siyang unit sa Tower. Friend niya yata yung mga guard, I don't know."
"Nakikita mo siyang dumadaan sa unit mo?"
Umiling agad siya sa tanong ko. "Not sure. Di ko napapansin. But one time, naabutan ko siya sa tapat ng unit ko. Pero sabi naman niya, may nakita lang daw siyang ipis na pumasok sa pinto kaya sinilip niya."
Gusto ko sanang makampante sa mga paliwanag ni Aya tungkol sa Janriel na iyon, pero kinakabahan pa rin ako.
Bakit naman niya kami sinundan kagabi sa park kung wala siyang pakay na iba? Kahit naman ako, hindi gagawin iyon maliban kung may kailangan ako.
Malapit lang ang mall, isang kanto lang ang layo at tatawid sa mahabang crossing sa main road, pero damang-dama ko ang init ng tanghaling-araw. Namamawis na nga rin ako kahit cotton na T-shirt lang ang suot ko at simpleng maong na kupas. Tinakpan ko na lang ng buong palad ko ang ulo ni Aya para hindi siya mainitan.
"Sorry, Aya, baka pinagpapawisan ka na," sabi ko na lang. Kinuha ko ang dala kong puting face towel sa bulsa at ipinunas sa noo niyang butil-butil na ang pawis.
"You don't say," mahinang reklamo niya habang pinapaypayan ang mukha. "Grabe the init!" Pinagpag na niya ang suot niyang jacket.
Lalo lang kaming nabilad sa araw nang mahinto kami sa may stoplight. Nasa 45 pa ang bilang bago makatawid. Napapangiwi na lang ako sa tirik na araw habang takip-takip ang ulo ni Aya at ipinapaypay sa kanya ang tinupi kong tuwalya.
Palingon-lingon ako para panoorin ang mga sasakyang tuloy-tuloy lang sa pag-andar. Nasa harapan na namin ang mall pero parang layo pa rin.
Paglingon ko sa kaliwa, lalong kumunot ang noo ko nang makita ulit ang Janriel na iyon sa di-kalayuan. Nakatingala rin sa bilang ng stoplight na nasa 14 na.
"Aya, dito ka." Inilipat ko si Aya sa kabilang gilid ko at nilingon ulit si Janriel.
Napansin kong napaderetso siya ng tayo. Bigla pang sumaludo sa akin habang nakangiti nang magtagpo ang mga tingin namin.
Hindi nawala ang simangot ko pero nag-isang tango lang ako sa kanya.
Ayokong magduda pero bakit nakikita ko ulit ang lalaking iyon?
Pagberde ng ilaw sa stoplight, dumeretso na kami patawid. Maganda sa mall ngayon kay maraming summer decorations. May stage pang nakalatag at mga tarpaulin na may mukha ng artista.
Sabi ko kay Aya, pupunta muna kami sa hardware para bumili ng bagong faucet sa shower niya.
Hindi ko naman siya balak akbayan nang matagal pero kada bumibitiw ako, biglang nahahagip ng paningin ko si Janriel sa di-kalayuan.
Nawala lang siya sa paningin ko nang nasa hardware na kami sa loob ng mall.
"You know what, I can't remember kung kailan ako last na pumasok sa ganito," sabi ni Aya habang nilalakad namin ang hilera ng mga gamit sa banyo. "Noong college days ko pa yata sa Fatima. Nag-take ako before ng HRM kaso nag-stop din ako kasi ang boring."
Huminto kaming dalawa sa harap ng hilera ng mga salamin sa banyo. Nagsuklay siya roon ng buhok niyang itim lang at walang ibang kulay gamit ang mga daliri.
Napatingin ako sa sarili ko. Mahaba na rin nang kaunti ang buhok ko, lumampas na sa tainga at batok. Kaso wala pa akong pambayad pampagupit kaya saka na lang.
"Mukha ka talagang foreigner," sabi niya nang magkasalubong ang mga mata namin sa salamin. "Ilan naging ex mo?"
"May nauna akong naging asawa pero di kami kasal."
"Ba't kayo nag-break?"
Matipid akong ngumiti. "Nagalit siya sa 'kin."
Bigla siyang sumimangot at tiningala na ako. "Ano namang nakakagalit sa 'yo? Maliban sa pagiging masungit mo saka overprotective, ano pa?"
Napayuko na lang ako saka napahigpit ang pagkakahawak sa tuwalyang dala. "Hindi kasi ako mayaman. Marami kasi siyang gustong bilhin kaso wala akong pambili."
"What?" Lalo siyang ngumiwi saka umiling. "Ano yung ex mo, gold-digger? My gosh, ha! Eww."
Lumakad na ulit kami para maghanap ng pakay namin dito.
"You know, Denzell, huwag kang papatol sa mga gan'ong babae. Mga walang contentment sa buhay ang mga 'yon. Kaya tama lang na hiniwalayan ka. That's good riddance."
Ako naman ang huminto nang makarating kami sa hilera ng mga faucet.
"Yung naging asawa mo, pinakasalan mo talaga kahit prosti?"
Tumango lang ako habang namimili ng maganda pero murang ipapalit sa sirang gripo niya sa banyo. Puro mga two-way faucet lang ang nakikita ko.
"Tanggap mo kahit prosti? You're so bait naman." Sinulyapan ko siya at nakita kong nakikisilip siya sa tinitingnan ko. "Mama ko, ayaw magpakasal e. Gusto lang, iba-ibang lalaki para daw iba-ibang flavor every night. May point din naman siya kung minsan."
"Saglit—" Nagulat ako nang bigla niyang kunin ang hawak kong isang set.
"Gusto ko ng ganito! Yung handheld. Ganito shower ko sa bahay nina Daddy. Kaya mong palitan yung shower ko sa condo?"
"Gusto mo nito?" tanong ko habang tinuturo yung isang set na gripo lang naman ang kailangan ko sana.
Nakanguso siyang tumango sa akin na parang kendi lang ang sinasabi niyang bibilhin namin.
"Pero 564 pesos kasi isa niyan. Mahal."
"So? Wala pa palang one thousand, go na!"
"Sigurado ka?"
Tumango ulit siya habang nagpapalobo ng pisngi.
"Sige, ito na lang." Kinuha ko na iyon at pumunta na ulit kami sa may entrance para magbayad sa cashier.
Paghinto namin doon, nakita ko na naman si Janriel na parang may hinihintay doon sa kabilang panig. Nakasandal lang siya sa may salaming dingding ng bilihan ng damit.
Hindi na talaga maganda ang kutob ko sa kanya.
"Sir, this is your receipt."
"Ha?" Naibalik ko ang tingin sa cashier kasi resibo na ang ibinigay sa akin habang nakabalot na sa paper bag ang binili namin.
"Tara na!" sabi ni Aya.
"Nakabayad ka na?" tanong ko pa nang kunin ang binili namin.
"Oo nga. Come on! Punta tayo sa grocery, bili tayong pagkain."
"P-Pero wala akong pera . . ." Nag-alangan agad ako kay wala pa yatang dalawandaan ang laman ng pitaka ko. Parang ayoko nang humakbang kung saan man niya gustong pumunta. Nahihiya ako, wala akong panggastos. "Aya, wala talaga akong pera, sorry."
"Ako, meron. Tara na, ibibili kita'ng gamit mo."
"Ha?" Huminto agad ako. "Bakit?"
"Wala kang gamit e! You asked for a shampoo and a soap earlier, di ba? Magkasing-amoy na kaya tayo. Ginamit mo yata yung shower gel ko."
"Babayaran ko na lang."
Bigla siyang ngumisi nang matipid saka naghawi ng buhok palikod. "No need. It's fine. I'm gonna buy you your essential needs, come on!" Kinuha niya ang braso ko para hatakin pero binigatan ko ang puwersa roon para hindi niya ako mahatak.
"Kahit hindi na. Ayos lang ako," sabi ko.
"Ah! I won't take no for an answer. Saka you will stay in my condo kaya! So I need to buy you your things."
"Di na kailangan."
"Bahala ka diyan. Bibilhan pa rin kita." Nauna na siyang maglakad.
Hindi naman na niya kailangang gawin iyon. Saka sanay akong ako ang gumagastos para sa babae. Nag-iipon naman ako para panggastos ko noon kay Bea. Mukha pa namang magastos si Aya kaya hindi ko alam kung ano ang mga maaari niyang damputin.
Napalingon agad ako sa direksiyon kung sana ko nakita si Janriel at naabutan kong nakalingon siya kay Aya habang tinututukan niya ng phone.
Ano'ng ginagawa niya?
"Aya!" Mabilis akong tumakbo para maabutan si Aya.
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top