Chapter 16: The Broke and the Broken
"You know what? You're so nice."
Abala ako sa paglalagay ng gamot sa mga sugat ni Aya nang mag-angat ako ng tingin para tagpuin ang mata niya. Nakangiti na naman siya sa akin, pero mukhang sinsero naman siya kahit mukhang hindi pa rin katiwa-tiwala.
Hindi ako sumagot. Ibinalik ko ang atensiyon sa paglalagay ng sinabi niyang ointment sa sugat niya
"Suwerte naman ng asawa mo. Maalaga ka."
Napahinto ako at napatitig sa mga hiwa niya sa balat.
"Masuwerte ang mapapangasawa mo sa 'yo. Maalaga ka."
Napapikit ako nang marinig kong parang nagsasalita lang si Kikay sa gilid ng tainga ko. Inaalala ko na naman ang mga ngiti niya sa akin kapag may nagagawa akong ikasasaya niya.
Ang lalim ng buntonghininga ko nang ipagpatuloy ulit ang paglalagay ng hilera ng gamot sa sugat niyang tumigil na rin naman sa pagdurugo.
"Marunong ka bang magalit? I know I'm annoying, pero di pa kita naririnig magmura kahit galit ka na."
Kinuha ko ang benda sa gilid ng sofa kung saan kami nakaupo para ibalot sa braso niya. "Sabi ni Inay, kapag minura ko raw ang iba, para ko na rin daw siyang minumura. Ayoko namang murahin ang nanay ko."
Bigla na naman siyang tumawa kaya napahinto ulit ako sa ginagawa. Hindi malakas pero nang-aasar na naman.
"Saang langit ka ba nakatira?" nang-iinis na tanong niya. "You really sound like you're a special child, no offense."
"Lahat naman ng tao, espesyal."
Napahinto sa hangin ang kamay ko nang bigla niyang hatakin ang braso niya para lang yakapin ang sarili habang tumatawa nang malakas.
"Hahaha! Oh my fucking gosh! That was hilarious!"
Mababait ang lahat ng tao sa labas at marurunong din namang tumawa, pero hindi ko alam kung anong klaseng tao si Aya. Palaging nakakatawa sa kanya ang hindi naman nakakatawang mga bagay.
Seryoso lang akong pinanonood siyang mamilipit katatawa. Gusto ko rin sanang matuwa na masaya siya dahil gusto kong masaya ang lahat ng tao sa paligid ko, pero hindi ko talaga siya naiintindihan. Hindi ko mahanap kung ano ang nakakatawa sa sinabi ko.
"Okay! Okay, I'm done." Tatawa-tawa pa rin siya habang nagpupunas ng matang naluha na. "You are sooo weird."
Napatingin ako sa kandungan niyang pinatakpan ko ng throw pillow. Nalaglag kasi roon ang hindi ko pa natatapos ibalot na gasa.
"You know what? You're just too pure for this world, dude. Sana ganyan din ako ka-naïve para di ko na kailangang pumunta sa kung saan-saan pa."
"Akin na ulit ang braso mo." Kinuha ko na lang ulit ang kamay niya para mabalutan na ang sugat niya. Hindi naman kailangang balutan pero kinukutkot kasi niya kapag walang takip.
"Sobrang bait siguro ng mommy mo kaya ka ganyan. Mama's boy ka ba?"
"Mabait talaga ang inay ko. Kaso patay na siya."
"Oh. That's sad. Sana yung mama ko, mabait din. Kaso kasi hindi. Saka buhay pa siya."
Napasulyap ako sa kanya. Nakatingin lang siya may bandang kusina sa likuran ko.
"'Tagal ko nang di nakikita mama ko. Iniwan ako n'on kay Daddy."
"Bakit ka naman iiwanan? May ginawa kang masama?"
"Pokpok yung mama ko. Nabuntis lang tapos iniwan din ni Daddy. Di naman kasi siya yung asawa."
Para akong binagsakan ng mabigat na bagay sa balikat nang marinig ko iyon. Natulala ako sa ginagawa ko nang maisip ko si Inay at ang pang-iiwan sa amin ng tatay ko.
"Buti nga, si Daddy, tinanggap ako kahit na iniwan lang ako sa gate nila n'ong ten years old ako. Tinakot kasi 'yon ng nanay ko, e ayaw ng eskandalo ni Daddy. Ginawa pa 'kong display sa business niya. He bragged me sa mga colleague niya, saying he's a very responsible man kasi tanggap niya 'ko kahit anak ako ng pokpok. Hypocrite din si Daddy e."
Ang bagal ng pagbalot ko sa sugat niya habang nakikinig. Kung magkuwento si Aya, parang hindi malungkot ang binabanggit niya. Pero kapag napapasulyap ako sa kanya, blangko lang ang tingin niya sa kung saan. Malayo ang tingin kahit walang tinatanaw.
Gusto ko ring makita ang tatay ko, sa totoo lang. Kaso sa TV ko lang siya una at huling nakita. Nahanap lang namin siya ni Inay noong kinse anyos ako. Nabalita kasi 'yon. Isa siya sa mga piloto ng nag-crash na military aerial craft ng US sa Malaysia. Hinimatay pa nga si Inay noong napanood namin.
Mabuti si Aya, kahit paano, nakasama pa niya ang tatay niya.
"Pero mabait si Daddy kasi totoo namang tanggap niya 'ko," pagpapatuloy niya sa kuwento niya. "He was so proud of me noong school days ko kasi valedictorian ako hanggang high school. Grabe the praises I received that time. He even organized parties every end of the school year for me."
Masaya naman ang kuwento ni Aya, pero ito ang mga pagkakataon na imbes na tumatawa siya, parang lalo pa siyang nalulungkot.
Hindi ko siya naiintindihan. Tinatawanan ang hindi nakakatawa at nalulungkot naman sa mga masayang bagay.
"Iyakin naman si Tita Melody and I barely hear all her complains kahit sampu-sampu na'ng kabit ni Daddy. All she did is to beg for my father not to leave her kahit na harap-harapan na siyang ginagago. I don't know. Parang mamamatay siya kapag iniwan siya ng daddy ko. Pero si Shaun talaga ang reason kaya ayoko sa bahay."
"Yung . . ." Napaisang iling ako. Parang hindi kasi tama ang sasabihin ko sa kanya. "Yung kapatid mo, nasumbong mo na sa Daddy mo?"
Tumawa na naman siya nang mahina, pero kaiba sa ibang tawa niya, walang buhay iyon. Inuugoy-ugoy na niya ang katawan niya habang balisa pa rin.
"You know what, noong unang pumasok si Shaun sa kuwarto ko—I was thirteen that time—he said kapag nagsumbong ako kay Daddy, ibabalik niya 'ko sa nanay kong pokpok."
Tinapos ko na ang paglalagay ng tape sa gasa bago siya binalingan ng tingin.
"Proven naman na ng DNA test na anak ako ni Daddy. Naka-press con pa nga yung test result para siguradong walang daya. But Shaun insisted na anak ako sa ibang lalaki kasi nga marami raw nakikipag-sex sa mama ko."
"Masamang tao ang Shaun na 'yon," sabi ko. Kasi hindi ko kahit kailan inisip na pokpok ang nanay kong nabuntis lang ng tatay ko. O kahit ang unang asawa kong may sex scandal sa ibang lalaki. Higit na ang babaeng pinakasalan kong gabi-gabing may ibang lalaking kasama.
"Buti di ka nandidiri sa sinasabi ko," puna niya nang ibalik ang tingin sa akin.
Umiling lang ako sa kanya. "Wala namang nakakadiri doon."
"Kahit anak ako ng prosti? Kahit anak ako sa labas? Kahit marumi na 'kong babae?"
"Babae ka. Anak ka ng mama at daddy mo. 'Yon lang. Walang nakakadiri doon."
Kinuha ko na ang maliit na medicine kit sa gilid ng sofa at ibinalik sa banyo sa may kuwarto kung saan ko ito kinuha.
Ang sabi ni Father saka ni Inay, huwag daw manghuhusga ng tao sa katayuan nila sa buhay. Sana ganoon din ang gawin ni Aya para sa sarili niya. Hindi naman kami nagkakalayo ng karanasan. Nakilala pa niya ang tatay niya at nakasama hanggang paglaki. Sana hindi niya husgahan ang sarili niya base sa kuwento niya sa akin dahil nararamdaman kong hindi niya gustong parte ng pagkatao niya iyon. Kada natutulala siya, nakikita kong ayaw niya ng kuwentong iyon ng buhay niya.
Paglabas ko ng banyo, napansin kong malinis sa kuwarto niya. Madilim dahil patay ang ilaw. Puro madidilim na asul pa ang kulay sa loob maliban sa itim. Ganitong kulay ang inaasahan ko kay Aya, pero yung linis, hindi.
May alas-diyes na at siguro naman, makakatulog na ako nang maayos kay nakapaghapunan na kami ni Aya ng masarap. O baka para sa akin lang kay hindi ako madalas nakakakain ng pagkain sa Jollibee. Paglabas ko, naabutan ko si Aya na inuuntog ang ulo niya sandalan ng sofa. Mahina lang naman pero sapat na para isipin kong may problema talaga siyang hindi ko alam kung paano sosolusyunan.
"Tigilan mo 'yan, Aya. Magkakabukol ka diyan."
Pakiramdam ko, nagkaroon ako ng makulit na anak nang wala sa oras.
Kinuha ko agad ang walis saka dustpan sa stockroom na katabi ng banyo. Makalat pa rin sa sala niya at nagsabi naman siyang may tagalinis talagang dumaraan sa unit niya tuwing Linggo. Kaso Biyernes pa lang.
"Bukas, dadaan ako sa hardware sa bayan. Bibili ako ng pamalit sa shower faucet mo," sabi ko pagbalik ko sa sala. Hindi pa rin siya tumitigil sa ginagawa niyang pag-untog sa sarili.
"Just go to the mall. Ayan lang sa kabilang street. Use my card na lang."
"Mahal sa mall. Baka nasa 400 isa ng set."
"400 lang? Ang mura naman pala, sa mall ka na lang!"
"400 'yon, Aya."
"I can give you a thousand pesos right now, dude. Kahit mag-taxi ka pa papuntang mall."
"Nasa kabilang kanto lang yung mall. Hindi ko kailangang mag-taxi."
Huminto siya sa pag-untog sa sarili at takang-taka akong tiningnan. "Are you going to answer all of my sarcasm? You serious?"
"Sinasabi ko lang na kailangang palitan ang faucet ng shower mo at mas mura sa bayan."
"Just—" Hinati niya ang hangin at para siyang may sinasabi kahit wala naman. "Just go to mall, alright? Don't worry about the money."
Sobrang yaman siguro nina Aya para masabing huwag akong mamroblema sa pera.
Hindi naman ako nanghihingi agad. May ipon naman ako para mag-abono muna. Nagpapaalam lang naman ako na bibili ako.
Iniligpit ko ang lahat ng kalat sa sahig na sinipa niya lang kanina. Puro balat ng tsitsirya. May mga can ng alak—puro alak.
May mga upos ng sigarilyo. Bawal manigarilyo rito sa loob, a. Napatingin agad ako sa itaas at nakitang tinakpan ng packaging tape ang sprinkler.
"Tsk tsk tsk." Napailing na lang ako. Kumuha ako ng dining chair at itinapat sa sprinkler na nasa gitna ng kisame ng unit saka hinatak ang tape doon.
"Denzell."
Napalingon ako sa kanya pagbaba ko sa upuan. "Bakit?"
"Yung dati mong asawa, mabait 'yon?"
Tinitigan ko siya nang matagal para maghanap ng isasagot. Nakatutok lang siya sa touchscreen na phone niyang kulay itim at lila.
"Mabait. Sobra."
"Ang sad naman, namatay siya agad. May sakit ba? Malala?"
Napabuntonghininga ako at ipinagpatuloy na lang ang pag-iimis ng kalat. May malaking itim na plastik naman siya sa loob ng stockroom, hindi mahirap magtapon ng basura agad.
Ayokong sumagot sa tanong niya. Ayoko nang ibalik ang tungkol doon.
"Hinahanap kita sa Facebook, wala kang account?"
"Hindi ko kailangan n'on."
"Wow. Ang loyal mo siguro."
"Maglalagay ako ng basurahan sa sulok dito sa sala mo para madaling magtapon ng basura."
"Anyway, why are you here sa area? Ba't ka umalis sa inyo?"
"Malinis naman ang kuwarto mo, puwede ka naman nang matulog doon. Hindi ako papasok, magbabantay ako rito sa labas."
"Are you hiding? I can sense na may ginawa ka talagang masama. Yung avoidance mo sa questions ko, sobrang obvious talaga."
Naibagsak ko ang dala kong plastic bag sa may balcony bago siya nilingon. "Nandito ako sa bahay mo kasi ayokong mapahamak ka. Hindi ko kailangang sumagot sa mga tanong na hindi mo naman kailangan ang sagot."
Bumalik ako sa sala para tapusin ang pagwawalis ng natitirang alikabok.
"Mabait ka pero masungit ka rin minsan. And another thing, you avoided gazing at my body. I was provoking you pero walang talab. Takot kang multuhin ng asawa mo?"
Nagbuntonghininga na naman ako dahil kanina pa niya binabanggit ang tungkol kay Kikay. Mangulit na sana siya sa kahit ano, huwag lang iyon.
"Pakiiwasang banggitin ang asawa ko. Nakikiusap na ako, Aya.
Ngumisi na naman siya para mang-asar kaya lalo akong nakararamdam na hindi siya susunod sa gusto ko.
"Answer my question na kasi para tumahimik na ako," sagot niya na parang batang hindi titigil hangga't hindi nabibigyan ng hiling na kendi.
Nagbuntonghininga na naman ako at napayuko. "Pinatay siya noong nakaraang taon. Kaya sana huwag mo nang banggitin para hindi ko na maalala."
• • •
Alas-onse ang kadalang oras ng tulog ko, at nagpapasalamat naman akong may bubong ang tutulugan ko ngayong gabi. Pero hindi ko alam kung dapat pa ba akong magpasalamat dahil may bubong nga ang tutulugan ko, hindi naman ako makatulog nang maayos.
Ala-una nang madaling-araw nang magising ako dahil sa nakakatakot na bangungot.
Pero kaiba sa ibang mga bangungot ko sa gabi, wala akong marinig kundi panaghoy lang ng babaeng umiiyak. Pagdilat ko ng mata, akala ko hindi pa rin ako nagigising nang tuluyan dahil hindi nawala ang hagulhol.
Pagbangon ko, akala ko, nananaginip pa rin ako. Nahimasmasan lang ang utak ko nang makita ko kung sino ang umiiyak.
"Aya!"
Namamaluktot lang siya sa sulok sa dulo ng sofa. Bukas ang pinto sa kuwarto kung saan ko siya pinatulog.
"No! Don't touch me! Leave me alone! Leave me alooone!"
Pinagsisipa niya ako at paulit-ulit na kinalmot.
"Aya, si Denzell 'to! Huwag—aray! Aya!"
Tinakbo ko agad ang switch ng ilaw sa may sala para buksan at lalo lang bumungad sa akin si Aya na pinapalo ang hangin habang sumisigaw.
"Daddy! Tulong, Daddy!"
Binalikan ko siya para aluin. Sinalo ko ang magkabila niyang kamay na pumapalo at kumakalmot sa akin saka siya marahas na niyugyog para magising.
Basang-basa ang mukha niya habang hinihingal nang magtagpo ang mga mata namin.
At sa unang pagkakataon . . . nakita ko siyang walang kahit anong kolorete sa mukha.
Para akong pinanawan ng lakas habang nakikita siyang umiiyak.
"Gusto ko nang mamatay! Gusto ko nang mamataaay . . .!"
Kusa nang kumilos ang mga braso ko para yakapin siya.
"Patayin n'yo na 'ko . . . parang awa n'yo na, patayin n'yo na 'ko . . ."
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top