Chapter 14: Darker than Black


Siguro naman, may karapatan akong magalit kay Aya dahil kung ano-anong pagbabanta ang sinasabi niya sa akin, huwag lang akong umalis sa condo unit niya.

Alam kong may kakulitan siya, at hindi ko naman pinapatulan iyon, pero sobra naman na pagbibintangan niya ako ng mga kasalanang hindi ko naman ginawa at hindi ko kahit kailan babalaking gawin.

"Paalisin mo na 'ko, Aya," mahinahong utos ko kahit na kanina pa masama ang tingin ko sa kanya. "Ano ba'ng kasalanan ko sa 'yo?"

"I just want you to stay here!" nakangiti pa niyang sagot.

Pakiramdam ko nga, para siyang baliw. Hindi ko rin alam kung ano ba ang masaya sa ginagawa at palagi siyang nakangiti. Kaso hindi ngiti ng inosente ang kanya. Para siyang may ginagawang masama at natutuwa siya sa ganoon.

May ginagawa naman talaga siyang masama dahil hindi rin naman mabuting gawain ang takutin ako sa isang bagay na hindi ko gawain.

"You seem afraid. Is there something bothering you?"

Naghimas lang ako ng balikat na kanina pa namamanhid kakahimas ko.

Ayoko siyang sagutin. Hindi ko gusto ang isasagot ko kung sakali man.

"You know what, I can sense that you're a good man. Kaya madali kang takutin. May ginawa ka sigurong masama."

Parang isang masamang bangungot ang bumalik sa akin habang dilat.

Bumalik sa isipan ko ang alaala ni Kikay na nasa damuhan. Ang sunog sa bar. Ang mukha ng mga pulis sa presinto habang nakikiusap ako.

Napapikit ulit ako nang mariin para lang alisin ang mga iyon sa isip ko. Pilit kong ibinabalik sa utak ang ngiti ng asawa ko para mapakalma ako kahit paano.

"Yeah. You did something bad. Your face screams yes."

Kung ano man ang ginawa ko noon, wala na dapat siyang pakialam doon. Ayokong tumawag siya ng pulis. Ayokong makakita ng pulis dahil hindi sila mabubuting tao. Ayokong magpunta sa presinto dahil baka kung ano pa ang mangyari sa akin doon. Natatakot ako sa kanila, at ayokong magkaroon ng problema.

Tahimik at payapang buhay lang . . . iyon lang.

"Gusto ko nang umuwi," sagot ko na lang pagdilat.

"Pero nakatira ka sa streets, right? Basically, gusto mo lang lumabas."

"Wala akong gagawin dito sa bahay mo. Nakikiusap na ako—"

Natigil ang pagsasalita ko nang tumunog ang door buzzer sa kanang gilid ko.

Naibalik ko ang tingin sa kanya.

May tao.

"May bisita ka na yata. Pauwiin mo na ako," pakiusap ko habang nagmamakaawa ang tingin sa kanya.

Matunog ang buntonghininga niya. Wala siyang isinagot, tumayo lang siya at naglakad.

Sinundan ko siya ng tingin at papunta sa pinto ang tungo niya.

"Aya, nakikiusap na ako."

"I'm not doing anything, okay? Chill!"

Sinundan ko siya ng tingin at may dala-dala na siyang maliit na kahon ng regalo. Sinlaki ng kalahati ng lalagyan ng sapatos. Kulay pula at may laso pang puti.

"Okay, this is a good time to show my life tonight."

Ibinaba niya sa harapan ko ang regalo, ipinatong niya sa mababang mesa, katabi ang pinag-inuman ko ng kapeng hindi ko na naubos at lumamig na.

"Buksan mo para sa 'kin."

Napatingin ako sa regalo, sunod sa kanya na kauupo lang sa puwesto niya kanina.

"Hindi ako mangingialam ng hindi sa akin," sagot ko habang nakatitig sa kanya.

"May permission ko naman. It's okay. Kapag nakita mo, pauuwiin na kita."

Kumunot ang noo ko habang sinusukat siya ng tingin. "Totoo?"

Nakangisi lang siyang tumango. "Yeah."

Hindi ko inalis ang masamang tingin sa kanya habang dahan-dahang inaabot ang kahon sa mesa. Nagdududa ako sa timpla ng mukha niya. Hindi ko mapagkatiwalaan agad.

Ibinaba ko ang tingin pagbukas ko ng kahon.

At parang hinatak ang kaluluwa ko pabalik sa apartment namin sa Smile. Bumalik sa isipan ko ang namumutlang mukha ni Kikay habang hawak ang isang kahon ng sapatos na naiwan sa pintuan ng unit niya.

"Mahal, ano 'yan?"

"Ha? W-Wala! Wala, ano lang . . . kalat."

"Patingin."

Nanginginig ang mga kamay ko habang dinadampot ang mga picture ni Aya na pinagtusok-tusok ng kutsilyo at may mga mantsa pa ng dugo. Naalala ko ang mga picture ni Kikay na ganoon din at may mga uod pang kasama sa kahon.

Nagpapalit-palit sa paningin ko ang imahen ng laman ng kahon ng sapatos na nakuha ni Kikay noon at sa laman ng kahon ng regalong hawak ko.

"Akin ka lang, Kalaya-Ann."

Parang may demonyong paulit-ulit na binabasa sa tainga ko ang nakasulat sa pulang tinta.

"Akin ka lang, Aya."

Mariin ang pagpikit ko at sinubukan kong bawiin ang paghinga kong bumabagal habang dahan-dahan kong ibinababa ang kahon sa mesa.

"Wow. You're pale, dude. Are you okay?"

Napahilamos ako ng mukha habang pilit na pinakakalma ang sarili ko.

Huling nakatanggap ng ganoon si Kikay, dalawang araw lang, hindi na siya nakauwi nang buhay.

At pagkakamali kong hindi ko iyon pinansin.

Hindi ko pinansin kaya siya namatay.

Pinagsisisihan kong binalewala ko iyon. Sobrang pinagsisisihan ko.

"Don't worry, this is not the first time na nangyari 'to," sabi niya. "I have no idea kung sino ang nagpapadala niyan. I got used to it, but it gave me too much anxiety kaya gusto kong may ibang kasama rito sa bahay."

Tumayo na ako kahit nanginginig ang mga tuhod ko dahil sa takot. "Kukunin ko na ang mga damit ko."

"Oh, wait! I told you—"

"Samahan mo 'ko sa park. Kukunin ko ang mga gamit ko."



♦ ♦ ♦



"Tisoy, hijo, napakabait mong bata . . . Pero huwag mong bibigyan ang sarili mo ng panibagong sakit ng ulo."

Lalong dumilim ang gabi sa paningin ko habang hawak-hawak ko ang kamay ni Aya.

"Tisoy, alam kong maganda si Kikay, pero siguraduhin mo ang pinapasok mo, ha."

Natural lang naman sa amin dati na husgahan ang asawa ko. Pokpok, prosti, kalapating mababa ang lipad, lahat na ng puwedeng itawag sa kanya.

"Babyloves, di na 'ko mag-jo-joke. Sure ka na sa amasonang 'yon? Baka habulin ka ng may-ari n'on."

Hindi ko sila inintindi. Kung ano man si Kikay, tanggap ko iyon. Wala akong pamantayan ng katayuan sa buhay, at ayokong sabihin niya na pang-isang gabi lang siya. Ayoko n'on.

"Si Kikay talaga ang pakakasalan mo? Akala ko ba, bawal sa bar yung—"

"Sshh! Hayaan mo na! Ikaw, kontrabida ka, ses."

Pero mukhang alam nilang lahat kung anong ikinamatay ni Kikay. Alam nila kung bakit siya pinatay. Alam nila na bawal siyang mag-asawa. Alam nilang bawal umalis sa bar ang mga babae ng manager doon.

Alam nila.

Alas-siyete pa lang ng gabi kaya hindi na ako nagtakang marami pa ring tao sa park. Sa auditorium, may mga naglalaro pa ng volleyball.

"You stay here?"

Sa auditorium lang ang spotlight. Sa tinutulugan ko, ang ilaw roon, galing na sa tindahan sa labas. Kaya kapag nagpatay ng ilaw, madilim na.

Ayoko sanang hawakan sa kamay si Aya, pero ang dami kasi niyang sugat sa pupulsuhan. Kapag sa braso naman, para siyang may ginawang kasalanan at hinuli ko lang. Pinagsuot ko pa siya ng jacket at pantalon dahil hindi ako lalabas nang kasama siya kung hindi siya magdadamit ng hindi bastusin sa paningin ng iba.

Magaspang ang kamay ko pero damang-dama ko ang lambot ng kamay niyang maliit. Hindi naman sa sobrang liit, pero malaki lang talaga ang akin. Wala pa yata sa kalahati ng daliri ko ang haba ng kanya.

Dumeretso kami sa dulo at huminto kami sa harap ng maliit na guard house.

"This park is okay naman to stay in, pero wala kang matutulugan dito."

Nilingon ko siya at patingin-tingin lang siya sa paligid ng auditorium. Baka lang wala siyang ideya na kahit nakaupo, puwedeng makatulog ang tao basta dinapuan ng antok.

Binitbit ko ang malaking bag na lalagyan ng lahat ng gamit ko saka siya nilapitan.

"Alam ba ng mga guard ang tungkol sa mga natatanggap mong regalo?" tanong ko pagkakuha ulit sa kamay niya.

"Well, I told them, pero wala silang nahuhuli. I don't want to call the police kasi malalaman ni Daddy."

"Pero dapat di ba, malaman ng pamilya mo ang nangyayari sa 'yo?"

Naglakad na ulit kami palabas ng park at inobserbahan ko ang paligid. Parang may kanina pa nakasunod sa amin. May isang mukha akong napapansin kanina pa mula sa Everlies.

"Mahigpit kasi si Daddy! Umalis nga ako sa amin para di niya ako napag-iinitan. Tapos palagi pang nasa bahay yung demonyong half-brother ko."

Naibaba ko ang tingin sa kanya. Naalala ko si Bea noong itinanan ko. Ganito rin ang problema.

"Sinasaktan ka rin ba?"

Tumawid muna kami sa kabila ng kalsada bago siya sumagot.

"Si Daddy? No! That's harsh! Hindi naman ganyan si Daddy. But one time, he slapped me. Pero nag-sorry naman siya and I forgave him."

Kapag nagsasalita si Aya, parang hindi naman siya namomroblema. Mas matabil pa rin ang dila nina Bea at Kikay kaysa sa kanya.

"Pero bakit hindi ka pa rin umuuwi sa inyo?"

"I can't, okay? And if yung Shaun na 'yon lang ang makikita ko, dito na lang ako sa condo kahit may stalker ako."

"Shaun . . .?"

"Half-brother ko. I hate him, like so much."

"Inaaway ka ba?"

Bigla niya akong tiningala at bakas na bakas sa mukha niya ang pagtataka. "Why do you always sound like a five-year-old kid? Ang weird mo! Can you speak more maturely than that? Di kasi ako sanay."

Sa kanya ang hindi ako sanay. Kung magsalita siya, parang hindi mali ang mga lumalabas sa bibig niya.

"Inaaway ka nga ng kapatid mo?" tanong ko na lang ulit.

Nagbuntonghininga lang siya at nakangusong ibinalik ang tingin sa daan.

"Inaaway ka. Sige, iyon na ang sagot," sabi ko na lang bilang sagot sa sarili kong tanong.

"Well . . ."

Sinulyapan ko siya bago kami lumiko sa kaliwa papasok sa underground parking lot ng Everlies—pinakamalapit na entrance kaysa umikot pa sa lobby na nasa kabilang panig naman. At doon lang nawala ang pakiramdam na parang may nakasunod sa amin.

Nagtagal sa hangin ang isasagot niya. Nakasakay na kami sa lower ground elevator pero wala pa rin siyang sinasabi. Doon ko lang nabitiwan ang kamay niya at hinayaan siyang sumandal sa kaliwang dingding ng elevator.

Pagsulyap ko sa kanya, tinutuklap niya ang langib sa braso niya kaya tinapik ko agad ang kamay niya para lang tumigil.

"Masakit 'yang ginagawa mo," sabi ko.

Bigla siyang ngumisi sa akin. "Buti ka pa, nararamdaman mo. Ako, hindi." Ibinalik niya ang atensiyon sa pagaling na sanang sugat at kinutkot na naman.

"Tigil na sabi." Marahas ko nang tinapik ang kamay niya para makinig siya sa akin.

Mahapdi ang ginagawa niya. Imbes na gumaling, lalo lang niyang pinalalalâ.

Tinawanan lang niya ako habang umiiling.

Hindi kaya nasisiraan na ito ng ulo?

"Nakakangilo 'yang ginagawa mo." Pagtingin ko sa braso niya, dumudugo na naman. "Tsk!" Napakamot na lang ako ng ulo.

Baka nga may sakit na talaga 'to sa utak.

Pagtapak namin sa floor 23, hindi ko na alam kung paano siya hahawakan. Wala akong maibigan na panyo sa kanya panakip sa sugat.

"Huwag mong saktan ang sarili mo, kung maaari lang, Aya."

"What? Ayos lang ako, duh! Hindi naman masakit!"

Wala naman akong ideya na ganito pala ito kabigat. Naalala kong lagi akong pinaaalalahanan ni Kikay tungkol sa mga sakit ko sa katawan na tinitiis ko lang. Sinasabi kong ayos lang dahil hindi ko naman gaanong nararamdaman. Kaya siguro palagi siyang nagagalit sa akin dahil kagalit-galit pala talaga.

Siya na ang nagbukas ng pintuan ng unit at pagbaba ko ng mga gamit ko, hinatak ko agad siya sa braso para dalhin sa kusina.

"Hey, wait lang!"

Binuksan ko agad ang gripo at hinugasan ang sugat niya. Ang haba-haba pa naman ng mga kuko niya, lalong masakit kutkutin ang sugat niyang hindi pa gumagaling.

"I know you're a good guy, okay? But this is too much na. I can handle myself!"

"Bakit lagi mong sinusugatan ang sarili mo? Masakit 'tong mga hiwa mo sa braso, a."

"It's nothing!"

"Puro ka laslas. Hindi ka ba nasasaktan?"

Binawi niya ang kamay niyang inaagusan ng tubig pero hinawakan ko iyon nang mahigpit at pinanatili sa ilalim ng tubig.

Lalong tumalim ang tingin ko sa kanya para pagsabihan siyang huminto na siya sa katigasan ng ulo niya.

"Hindi mo 'ko maiintindihan."

"Hindi ko talaga maiintindihan kung wala kang matinong paliwanag sa pananakit mo sa sarili mo."

"I'm trying to calm myself!"

"Nakakakalma ba 'to? Naglalaslas ka? Paano ka nakakatulog habang may nararamdaman kang sakit?"

"I don't want to sleep! I don't want to close my eyes! I'm having nightmares, okay? I'm afraid!"

Para akong sinampal ng salita. Lumuwag ang pagkakahawak ko sa kamay niyang kanina pa nakababad sa tubig.

Natulala ako sa isang sulok habang pinakikiramdam ang paligid.

"I don't want to sleep! I don't want to close my eyes! I'm having nightmares, okay? I'm afraid!"

Pakiramdam ko, binabalikan ako ng mga bangungot ko sa loob ng isang buong taon.

Mga bangungot na dahilan kaya ayokong matulog—kaya ayokong pumikit man lang

"Creepy yung stalker ko, pero mas gusto ko na rito kaysa sa bahay nina Daddy. So please, don't force me to go back sa kanila."

Sinundan ko siya ng tingin habang hinuhubad niya ang jacket niya habang papunta sa sala.

"May ginagawa ba silang masama sa 'yo roon?" tanong ko gaya ng tanong ko noon kay Bea kaya ko siya itinakas sa kanila.

Gaya ng tanong na gusto ko sanang itanong kay Kikay kung sakali mang buhay pa siya at nagtatrabaho pa rin doon sa bar na iyon.

Paghubad niya ng pantalon, saka lang niya ako nilingon. At mukhang maglalaban kami sa kawalan ng buhay ng mga mata habang nagtititigan.

"My brother is jerking me off every time, okay?"

"Ano'ng . . . ibig sabihin n'on?"

Ibinagsak niya ang sarili niya sa sofa habang nakatingin pa rin sa akin mula sa kusina.

"He's literally fucking me, dude. Ayokong umuwi sa bahay kasi kapag nakita niya 'ko, ikakama lang niya 'ko ulit."

Para akong binigyan ng bugtong na mahirap sa sagutin at sapat na para pakunutin ang noo ko habang inuunawa iyon.

"Pero kapatid mo siya . . . sabi mo."

"At hindi mo kilala ang kapatid ko. You don't know the feeling na natatakot ka kasi baka kapag nakatulog ka kahit isang segundo lang, baka nandiyan na siya sa pinto ng kuwarto mo. You don't know that feeling na magigising ka na lang, uumuga na ang kama at may kung ano nang gumagalaw sa katawan mo."

Sa isang iglap, parang nagkaroon ng sariling kahulugan sa akin ang bawat hiwa sa braso niya.

"Anyway, bakit ko nga ba ine-expect na maiintindihan mo 'ko e lalaki ka naman. Kayo naman ang palaging nangha-harrass, kami namang mga babae ang palaging biktima. Oh! Before I forgot, anong gusto mong dinner?"

Gusto kong mainsulto pero bakit parang naiintindihan ko ang pakiramdam niya?



♦ ♦ ♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top