Chapter 13: Gaslight

Isang linggo akong nakatanggap ng tawag mula kay Aya. Tatlong araw naman na sumunod ang wala kahit ano.

Wala naman akong dapat ipagtaka roon dahil baka huminto na siya sa pangungulit sa akin, pero isang hapon ng Biyernes, nagkaroon na ako ng kaunting ideya kung bakit nga ba hindi na siya tumawag.

Nasa 23rd floor ng Everlies Tower ang unit ni Aya, at maraming unit pang katabi iyon. Sa kabilang dulo ng pasilyo, kagagaling ko lang sa condo unit nina Mrs. Pacheco nang may maingay akong narinig ingay sa kabilang dulo naman.

"Tama na. Oo, mamaya. Mamaya nga. Jes—oo, promise! Promise, please, tama na, ayoko na."

Hindi naalis ang pagkakahawak ko sa metal door panel ng pinto nina Mrs. Pacheco habang pinanonood ko ang lalaking sinasabunutan ang babaeng kasama nito—si Aya. Ang layo ko na pero kitang-kita ang pasa sa gilid ng labi niya.

Wala naman akong ibang nararamdaman kundi kaunting awa. Masyado nang naging mapait ang buhay sa akin para gumatong pa sa isang problemang hindi ko naman dapat pinapansin.

"Jes—!"

Kusang humakbang ang kanang paa ko nang isubsob ng lalaking iyon si Aya sa gilid ng pinto ng unit nito.

"Susi! Bilis!"

"Jes, mamaya nga! Please, stop this. Ayoko na."

"Shut up, puwede ba?! Ingay mo, gusto mong basagin ko 'yang bunganga mo?"

Mahinang umiyak si Aya. Hindi ko alam kung lalapit ba ako o mananatili na lang sa puwesto ko.

Nakapaling ang mukha niya sa direksiyon ko at kahit hindi siya magsalita, alam kong nakatingin siya sa akin habang umiiyak.

"Hoy! Tinitingin-tingin mo, ha?"

Nalipat ang atensiyon ko sa lalaking kasama niya, nakatingin din nang masama sa akin.

"Wala." Umiling na lang ako at inayos ang mga gamit ko sa pag-aayos ng tubo.

Naglakad na ako papuntang elevator—palapit sa direksiyon nila.

Lalong lumakas ang hikbi ni Aya, pilit kong pinanatili ang tingin ko sa daan—kunwaring walang ibang nakikita.

Naaawa ako sa kanya, pero ayoko ng gulo. Kung ano man ang problema nila, siguro kanila na lang iyon.



♦ ♦ ♦



Mahigit isang taon na mula nang mamatay ang asawa ko. Umalis ako sa Smile, nagpagala-gala ako sa Quezon City, nakaabot ako hanggang Caloocan.

Nabalita noon ang sunog na gawa ko, napanood ko pa sa TV kung paano apulahin ang apoy. Siguro nga, binabantayan pa rin ng asawa ko ang lahat. Nang matupok, nalaman nilang upos ng sigarilyo ang puno't dulo ng nangyaring sunog. Walang ibang suspect maliban sa mga tauhan din ng bar na nagyoyosi sa likod.

Pero hindi lang iyon. Media ang nakadiskubre na may laboratory pala ng shabu sa loob ng bar nang magkalkal ng debris. Napanood ko pa sa TV sina Rihanna, binanggit sa media na may m-in-assacre na waitress sa bar—si Kalaya-Ann Hermosa. Nagdikit-dikit ang kaugnay na krimen sa lugar—hinanap ako bilang witness, kahit pa alam ko namang arson ang kaso ko.

Pero hindi ko ibabalik ang sarili ko roon.

Ang mahalaga lang naman sa akin, nakaganti ako sa ginawa nila sa asawa ko. Kung ano man ang iba pa nilang problema, kanila na iyon. Umaandar pa rin ang kaso, kahit sina hepe, nakakulong na.

Wala akong permanenteng bahay. Wala rin akong balak kumuha ng bahay o apartment dahil mahal.

May malapit na park, bukas iyon beynte-kuwatro oras. Doon sa ilalim ng puno ng makopa, may sementadong bench doon. Kapag alas-onse na ng gabi, sasandal lang ako sa puno, makakatulog na ako. Gigising ako nang alas-kuwatro ng madaling-araw at magtatanong sa caretaker ng park na bilang bayad sa pansamantalang pagtira, magwawalis ako ng mga nakakalat na dahon.

Pumayag naman sila kay nagpaalam naman ako sa baranggay hall kung puwedeng mag-part-time bilang street sweeper. Minsan, pinagmemeryenda ako kapag tinatanghali na ako sa pagwawalis.

Palagi nga akong pinapansin ng mga tao, akala nila, foreigner na na-trap sa Pilipinas.

Mababait ang mga tao rito, madalas akong makalibre ng pagkain kasi sinasabi nila, kawawa nga raw ako. Wala akong tirahan.

Nag-i-English sila sa akin kung minsan samantalang kahit nga ako, hindi deretsong magsalita ng ganoon. Nakakaintindi pero ayokong magsalita kasi nahihiya ako. Hindi kasi ako naka-graduate.

Kung may isang bagay man akong iniingatan maliban sa mga gamit ni Kikay, yung cell phone ko na malamang iyon. Halos lahat ng trabaho ko, narito. Hindi man kamahalan o gaya ng sa iba na malalapad at malalaki, ang importante naman sa akin ay nabibigyan ako nito ng oportunidad para buhayin ang sarili ko.

"Hello?"

"Hello ho? Sino ho sila?" pagsagot ko sa tawag habang nagmemeryenda ng hot cake. Alas-tres na at nakalatag na ang mga meryendang tinda sa hilera ng hepa lane.

"Sa Everlies Tower ito. Tumawag yung isang unit owner, paayos daw ng linya sa shower, tumutulo raw."

"Sige ho, pupunta na ho ba ngayon?" Kumagat ulit ako nang malaki sa meryenda ko habang tinatanaw ang building sa kabilang kalsada lang.

"Nasa labas pa yung may-ari, yung guard na lang ang magbubukas ng unit. Sabihin mo, pinatawag ka ni Sir Mike."

"Sige ho. Papunta na ho ako." Mabilis kong inubos ang meryenda ko saka pumunta sa barracks ng mga caretaker sa park.

Sa dulo ng ng auditorium, may maliit na guard house doon. Naroon nakatago ang bag ko kasama ng bag ng ibang bantay sa auditorium. Nagpapasalamat ako na wala pa namang nagtatangkang nakawan ako. Siguro kasi sira-sira na rin naman ang bag ko para nakawin pa.

Dumeretso ako sa Everlies dala ang mga gamit ko sa pag-aayos ng tubo.

Magandang building ang Everlies tower. Malawak sa ibaba, may malaking arko ng puno at halaman sa pinaka-itaas ng entrance—doon nakalagay ang "Everlies Tower" na kumukutitap tuwing gabi. Mabango sa loob, amoy-mansanas lagi, halatang mayayaman ang may-ari.

"Kuya Norman, magandang hapon ho," nakangiting bati ko sa guard na nakabantay sa glass door.

"O, Denzell, tumawag si Sir Mike kanina. Ikaw yata yung pinaaabangan sa akin."

"Ako nga ho."

"Tara sa taas."

Mababait ang tao rito sa Everlies. Ako ang madalas mag-ayos ng mga tubo rito pag-uwi ni Kuya Popoy noong nakaraang apat na buwan pa. May numero na rin akong pinaiwan sa guard, yung kasama ni Kuya Norman sa shift, kaya ako ang laging natatawagan kapag kailangan ng tubero sa condo.

"Hindi pa rin ho ba pinaaayos yung linya ng tubig sa tangke, boss?" tanong ko kay Kuya Norman pagsakay namin sa elevator.

"Pinatawag na ni Sir Mike yung aayos. Nasa taas nga kahapon, pero babalikan pa raw iyon kasi may papalitang tubo sa tangke."

"Matagal ho talaga 'yon. Ang dami hong nakakonektang pipe pababa sa ibang unit. Dapat, matagal nang ipinaayos 'yon."

"Sabi ko nga rin e. Kung di pa magsusunod-sunod ang reklamo ng mga unit owner, hindi pa aaksiyon."

Lumapag kami sa floor 23. Bumagal lang ang paglalakad ko nang takbuhin ni Kuya Norman ang unit ni Aya.

Noong isang araw ko siya huling nakita—hindi pa maganda ang pagkikitang iyon.

"Wala pa yata si ma'am. Baka mag-release na lang si Sir Mike ng voucher," paalala ni Kuya Norman habang sinususian ang pinto ng unit.

Hindi naman sa ayokong makita si Aya, pero kasi noong isang araw, kinukulit ako n'on na patulan ko ang alok niyang tumira sa condo unit niya.

Buong araw akong nagtatrabaho bilang street sweeper kaya sapat na sa akin ang apat na oras sa park. Kaso hindi ko masabi. Mukha kasing hindi caretaker ng condo ang kailangan ni Aya.

"Kapag wala pa si ma'am, 'baba ka na lang para sa voucher."

"Sige ho, Kuya. Salamat ho."

Siya na ang nagsara ng pinto at bumungad na naman sa akin ang magulong unit.

Makalat si Bea, at sanay naman akong umimis ng kalat niya. Pero ewan ko ba rito kay Aya. Parang parating inaaway ang mga gamit sa bahay.

Pinuntahan ko muna ang shower sa loob ng kuwarto. Sa mismong kuwarto pa lang, naririnig ko na ang maingay sa loob ng banyo.

Banyo lang ang pinakamaliwanag na parte ng unit sa bahay ni Aya. Baka hindi na nagkainteres ayusin ang loob. Simple lang na puti ang kulay ng dingding, may malaking bilog na salamin sa kanan malapit sa switch ng ilaw at pinto. Sa ibaba n'on ang lababo katabi ang inidoro kasunod ang bath tub.

Doon sa bath tub ang malakas ang tulo ng tubig. Pinihit ko ang shower faucet. Sira talaga kahit nakasara. Mataas naman ang shower, pero mas matangkad pa rin ako kaya hindi mahirap ayusin.

Hindi tubo ang problema nito, yung mismong shower na. Mukhang lumuwag na ang sa pihitan kaya kailangan nang palitan. Wala pa naman akong dalang pamalit dito.

Nasa kusina ng koneksyon ng tubig sa main pipe. May valve doon na pinipihit lang kaya hindi na mahirap isara para maayos ko pansamantala ang sira sa shower.

Kinuha ko na lang ang screwdriver sa dala kong maliit na eco bag at tinuklap ang cover ng faucet. Pinihit ko ang screw sa gitna at tinanggal ang buong pihitan. Nilinis ko na lang muna ang loob ng valve dahil kumakapal na ang lumot bago ko ibinalik ang faucet.

Ini-screw ko pa lang pabalik ang pihitan pero natigilan ako nang biglang bumukas ang shower at napapikit na lang ako nang maligo ako nang wala sa oras ng malamig na tubig.

Mabilis kong in-screw pabalit ang faucet habang patuloy na naliligo. Hindi ko alam kung paanong bumukas ang tubig samantalang isinara ko naman ang valve sa main pipe kanina.

"Diyos ko, napakamalas ko naman ngayong araw."

Ang lalim ng buntonghininga ko habang naghihilamos ng basang mukha.

Haay. Ano ba namang nangyayari sa akin?

Naghubad ako ng T-shirt at piniga iyon nang mahigpit para lang mabawasan ang tubig kahit paano.

Mabigat na ang suot kong pantalon, hindi ko na alam kung ano pa ang gagawin ko. Hinubad ko na lang din at piniga nang mabuti. Hindi ako puwedeng magkalat ng basa sa labas. Carpeted pa naman ang sahig sa unit ni Aya.

Kahit paano, patak-patak na lang ang problema sa shower. Sasabihin ko na lang na palitan na ang faucet niya dahil kokonsumo pa rin ng tubig kahit patak lang.

Wala pa naman akong dalang pamunas maliban sa basahan. Hindi ko naman inaasahang maliligo ako nang di-oras dito.

"Oh . . . my God."

Nanlaki ang mga mata ko at napatingin agad sa direksyon ng pintuan.

Parang nadagdagan ang bumuhos na malamig na tubig sa akin habang nakaawang ang bibig.

Nagtaas siya ng hintuturo para sana magsalita pero wala naman siyang sinabi.

Napayuko na lang ako dahil sa hiya. "Magpapaliwanag ho ako, ma'am."



♦ ♦ ♦



Nanliliit ako habang himas-himas ang balikat. Nakaupo kasi ako sa malambot na sofa sa salas ng unit ni Aya. Wala na akong ibang damit maliban sa ipinahiram niyang tuwalya. Ibaba ko lang ang natatakpan kaya lalo kong nararamdaman ang lamig ng air-con sa loob.

"I hope matuyo agad sa dryer yung clothes mo."

"Pasensiya na ho sa abala." Pasulyap-sulyap ako sa kanya habang sinisipa niya ang mga nakakalat sa sahig.

"Sorry for the clutter. Ganito talaga rito minsan."

"Ayos lang ho."

"Nasa sampayan pa yung iba kong towel. Bukas pa dapat ako uuwi kaso tinawagan ako ng security manager dito."

"Ayos lang naman ho."

"You're a big guy, ha. Working ka ba sa gym? Nagwo-work out ka palagi?"

Umiling ako. "Marami lang ho akong trabahong mabibigat."

"Oooh. That's cool. I love your cuts, you look sexy."

Naiilang ako. Hindi ko na alam kung paano ko tatakpan ang sarili ko.

"Nilalamig ka ba? Do you want me to turn the air-con off?"

Mabilis akong umiling habang nakayuko. "Ayos lang ho ako, huwag na kayong mag-abala."

"Why are you like that?"

Parang huminto nang isang segundo ang paghinga ko nang umupo siya sa mababang mesa sa harapan ko. Mabilis akong pumikit bago ko pa man makita ang hita niya. Ipinilig ko agad ang ulo ko sa kanan at doon na ako sa kusina tumingin.

"Shy type ka ba? You don't look like you're gay. May girlfriend ka bang magseselos?"

"May asawa ho ako."

"Oh! Wow. I'm shocked ha-ha!"

Saglit siyang tumahimik kaya inasahan ko nang wala na siyang sasabihin pa pero parang hindi siya nauubusan ng salita.

"But you said nakatira ka sa streets. Ano 'yon? Magkasama kayo sa kalye?"

"Wala na ho siya."

"Iniwan ka?"

"Patay na ho."

"Oh . . . I'm sorry. But you're young, ha."

Mula sa dulo ng mata, nakita ko ang pagtayo niya at paglakad na naman papuntang kusina.

Palaging maigsi ang palda niya—kamukha ng uniporme sa eskuwelahan. Kaunting hawi lang, kita na ang pang-ilalim. Mahilig din sa tipid na telang pantaas. Gusto ko na ngang punahin dahil malaki ang tsansang mabastos siya sa suot niya. Marami pa namang bastos sa labas.

"Sorry pala about sa valve. I don't know na may plumber na palang dumating. Binuksan ko kasi walang tubig sa kitchen."

Pagbalik niya, may dala na siyang dalawang tasang umuusok pa. Nagsisimula nang kumalat ang amoy ng kape sa hangin.

"You're drinking coffee? Black lang 'to."

Sinundan ko siya ng tingin habang papalapit sa akin.

"May creamer ako diyan saka sugar, in case you're not drinking black."

"Pahingi na lang ho ng asukal."

"Alright."

Napatitig ako sa mukha niyang may bakas pa rin ng pasa sa dulo ng labi. Pinilit lampasan ng mata ko ang bandang dibdib niyang kanina pa niya hinahatak ang telang nakabalot doon dahil bumababa. Langib na lang ang naiwan sa braso niya kasama ng iba pang peklat gawa ng hiwa.

Ayoko siyang husgahan dahil may kanya-kanya rin naman kaming problema. Pero hindi magandang tingnan na sinasaktan niya ang sarili niya.

"Dapat hindi ka nagsusuot ng maikli," malakas na sinabi ko habang nakatitig sa tasa ng kape sa mababang mesa.

"What?" tanong niya, mukhang hindi ako narinig.

Hinintay ko pa siyang bumalik bago ko ulitin ang sinabi ko.

"Dapat hindi ka nagsusuot ng maikli kasi baka mabastos ka," pag-uulit ko nang makaupo siya sa kabilang upuan.

Hindi ko inalis ang tingin ko sa mukha niya dahil paniguradong kapag gumala ang mata ko, sa iba mapupunta ang paningin ko.

Bigla siyang ngumisi at tinawanan ako nang mahina pero nakakaasar.

"Mas gusto ko nga 'yon e."

Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. "Ang alin?"

"Ng binabastos ako."

Napuno ako ng pagtataka habang pinanonood siyang humigop ng kape.

Hindi ko naiintindihan. Bakit naman niya gustong mabastos?

"You know what, the world is cruel. People commit sins. Plus! Isa sa seven deadly sins ang lust and it's inevitable. Part ng human nature ang libido, so it's normal."

"Ang alin? Ang bastusin ka? Hindi normal 'yon."

"Alam mo, ang guwapo mo, pero ang weird mo rin."

"Weird . . . ako?"

Ang gulo niyang kausap. Hindi ko siya naiintindihan. Sinasabi ko lang na huwag siyang magsusuot ng maigsi dahil baka mabastos siya, pero gusto raw niyang mabastos.

Ako na ang naiilang para sa kanya.

"By the way, baka gusto mo nang tanggapin ang offer ko?"

Idadampi ko na sana sa labi ko ang bibig ng tasa pero natigilan ako at napasulyap ulit sa kanya.

"Okay, let me get this straight," sabi niya bago ibaba ang tasa sa mababang mesa. "Uhm, someone is stalking me, actually. And if may guy rito sa condo ko, he might stop bugging me."

"Siya ba ang may gawa ng pasa mo sa mukha?"

Biglang umawang ang bibig niya at akmang may sasabihin pero hindi niya naituloy. Ibinagsak na lang niya ang likuran niya sa sandalan at nagkrus ng mga braso saka nagpalobo ng pisngi.

Hinintay ko siyang sumagot pero nakahigop na ako ng kape, wala pa rin siyang sinasabi.

"Alam kong masakit 'yan. Galing na ako diyan," paliwanag ko sa kanya.

"Jes is my ex, alright? Although, sometimes, nagkikita kami. But it's for some other reason na hindi ko puwedeng sabihin."

"Hindi ko rin naman ho balak itanong dahil personal na dahilan 'yon."

Bigla siyang natawa nang mahina at napalingon na naman ako sa kusina nang bigla siyang bumukaka sa inuupuan niya.

"You will never understand me, mister. Ang offer ko, you'll stay here. Kilala ka ng guards, even the other tenants here knew you. You look someone to be trusted naman. I'll pay for your stay here if may job ka sa labas. I'm not even here every day, so you can do whatever you want."

"Ibabalik ko ho ang paliwanag ko noong nakaraan. Dapat hindi ho kayo nagtitiwala agad sa tao. Lalo na ho sa mga taong may gawa ng pasa ninyo."

"Oh! Hold it right there! You're getting too personal. I asked for this. Don't blame anyone."

Gawa ng pagkalito kaya napalingon agad ako sa kanya nang nakasimangot at salubong ang kilay. "Sino naman hong gugustuhing masaktan nang ganyan? Narinig ko kayo, nagmamakaawa noon sa lalaking kasama ninyo na tumigil na siya. Gusto n'yo rin ba 'yon?"

Para siyang namimikon ng kausap. Tatawa-tawa pa siya habang kagat-kagat ang dilang bahagyang nakalabas. Umurong siya paharap sa akin at kinagat na ang labi habang pinupungayan ako ng mata.

"You're interesting."

Inilipat ko ulit ang tingin ko sa kusina. "Kukunin ko na ho ang damit ko. Kailangan ko nang umuwi." Tatayo na sana ako pero bigla siyang nagtaas ng kamay.

"Ah! One moment!"

Kunot na kunot ang noo ko nang ibaba ang tingin sa kanya.

"Dito ka muna."

"May gagawin pa ho ako." Pahakbang pa lang ako nang magsalita ulit siya.

"Kapag lumabas ka sa unit ko, tatawag ako ng pulis, sasabihin ko, ni-rape mo 'ko."

Pinandilatan ko agad siya ng mata nang lingunin ko ulit.

Nababaliw na siya!

"You'll stay here inside my place or you'll stay behind the bars. Your call."



____

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top