Chapter 11: Forsaken Son
Kada hakbang ko, parang lumilindol ang paligid. Ang daming nagsasalita pero hindi ko sila maintindihan. Nanginginig ang mga kamay kong namamawis. Dasal ako nang dasal na sana mali lang ako ng dinig. Na sana mali lang sila ng akala. Naalala ko pa noong isang gabi, nagpaalam ang asawa ko. Nayakap pa niya ako sa likod habang nakikiusap.
"'Soy, magpapaalam lang ako. May swimming kami nina bakla sa Bulacan. One night lang naman 'yon, treat ni Manager."
Isang gabi lang.
Pumayag ako kasi isang gabi lang.
Singhot ako nang singhot habang nagpupunas ng mukha. Parang may parada ng tao sa gilid ng kalsada. Ang daming naka-unipormeng pulis. May mga sasakyang kulay puti saka itim.
"O, nandito na yung asawa! Paraanin n'yo!"
Parang umuuga ang lupa habang nilalakad ko ang bahaging damuhan sa dulo. Sobrang liblib na rito, halos wala ngang dumaraan.
Nayakap ko pa siya. Nahalikan ko pa siya sa noo. Nakita ko pa siyang ngumiti sa akin para payagan ko.
"Ligtas ba r'on, mahal? May pagkain kayo? Saan ka matutulog?"
"May cottage daw. Saka sina bakla na ang bahala, o-order yata sila ng lutong pagkain."
Pumayag ako.
Nagtiwala ako kaya pumayag ako.
Napasinghap ako pagkakita ko ng katawang nakalublob sa putikan.
"Diyos ko, Kikaaaay!"
Dumilaw ang buong paligid sa paningin ko habang nakikita ko ang magkakahiwalay na bahagi ng katawan sa damuhan. Nanlambot ang mga tuhod ko nang makita ko agad ang tattoo sa braso na may pangalang Kalaya-Ann.
Sinubukan ko siyang abutin sa lupa pero hinatak lang nila ako para lumayo. "Yung asawa ko! Ano'ng ginawa n'yo sa asawa ko?!"
Kahit anong pilit kong lumapit para yakapin siya sa kahit anong paraan ko magagawa, wala ni isa sa kanila ang hinayaan akong makalapit kahit sa may damuhan lang.
"Chief, nandito na yung asawa. Confirmed na, si Kalaya-Ann Hermosa nga 'to."
"Yung asawa ko . . .! Ano'ng ginawa n'yo . . .?"
♦ ♦ ♦
Pabalik-balik ako sa police station saka sa morge para magtanong. Kahit gustuhin kong magpahinga, ayokong magpahinga kahit isang segundo lang. Kasi kapag nagpahinga ako, baka marami nang mangyari.
"Boss, wala pa ho bang balita?"
"Tisoy, pang-ilang tanong mo na 'yan. Kapag umisa ka pa, ipahaharang na kita sa entrance. Anong oras na, di ka ba uuwi?"
"Boss, yung asawa ko ho kasi—"
"Oo, naroon na nga tayo. Asawa mo nga. Pero hindi lang siya ang kasong hawak namin ngayon. Di naman agad-agad ang balita, hane? Pakilabas na nga 'yan."
"Boss! Boss, paki-text na lang ho ako kapag may balita na!"
Hindi ko alam kung ilan ang kumaladkad sa akin papalabas ng police station. Nakikiusap naman ako nang mahinahon. Unahin si Kikay, unahin ang paghahanap sa mga walang awang pumatay sa kanya.
Pagod na pagod na ang isip at katawan ko, pero ayokong humintong makiusap.
Tumambay ako sa kanto ng gate ng police station. May hatinggabi na, at ganitong oras, dapat tulog na ako—tulog na kami ni Kikay.
Napapahugot ako ng hininga habang pinipigil manginig ang labi pero kasi . . . ayokong umuwi. Hindi ako uuwi hangga't hindi ko nalalaman kung sino ang hayop na gumawa n'on sa kanya.
Sabi ni Kikay, kasama raw niya yung mga katrabaho niya sa bar. Siguro kung tatanungin ko sila, baka may alam sila.
Walang sinasabi yung mga pulis, naghihintay pa ako ng abogado. Sabi, sila na raw ang bahala. Hindi ko alam, wala silang binabanggit na gagawin, sabi maghintay. Wala akong alam kung gaano katagal akong maghihintay.
Hindi ako makalakad nang maayos dahil bigat na bigat ako sa ulo ko. Parang lumalapit ang lahat sa paningin ko at sinasala ng tainga ko ang gusto lang niyang marinig. Kapa-kapa ko ang wedding ring ni Kikay na isinuot ko sa kalingkingan ko—nakuha nila ito sa bangkay niya pero nakiusap akong hihingin ko na lang kahit parte ng ebidensiya.
Hindi ako titigil hangga't hindi ko nalalaman kung sino ang mga taong 'yon.
Hatinggabi, dumaan ako sa bar. Bukas pa naman pero mukhang pasara na.
"Tisoy, psst!"
Napalunok ako at napatingin sa kaliwa.
"Ba't nandito ka? Nababaliw ka na ba?" pabulong na singhal ng lalaking nakatago sa likod ng puno sa tapat ng bar. Lumapit naman ako sa puwesto niya pero mabilis niya akong hinatak para makapagtago rin.
Pagtitig ko sa kanyang mabuti, lalaking malaki ang katawan pero mukhang nag-aalala. Si Timo pala ito. Barkada ni Kikay na bouncer sa bar dati.
"Bakit nagtatago ka rito?" tanong ko pa.
"Sshh! Huwag kang maingay." Lumapit pa siya sa akin at bahagya akong pinayuko para marinig ko siya. "Nandito ka para sa asawa mo?"
Tumango ako. "Oo."
"Narinig ko sa mga bakla kanina, di raw pinasama sa kanila si Kikay. Pinaiwan sa bar. Akala, may VIP customer kaya hinayaan lang."
"Ano'ng nangyari?"
"Ang dinig ko, si manager ang huling kasama niya bago siya nawala. Magre-resign na raw kasi asawa mo kaya pinag-duty sa last day. Diyan lang daw sila sa bar, di naman daw umalis. Tingin ko nga, baka si manager ang may gawa e. Di lang pinagbibintangan kasi kapatid ni hepe."
Pagkatapos ng sinabi ni Timo, umuwi agad ako sa amin—sa unit ni Kikay. Inisip kong sana mali lang ako ng intindi. Na baka nagsisinungaling lang siya.
Pinatay ko ang ilaw, bumukas ang mga asul na fairy lights. Humilata ako sa higaan naming dalawa, inilapat ko ang magkabila kong palad sa mattress habang nakatitig sa kisame.
"Kikay, kinakabahan ako."
"Tangina, ang duwag mo naman, Tisoy."
"Ang daming nakatingin kasi."
"Kasalang-bayan nga, natural maraming nakatingin."
"Huwag mo 'kong iiwan dito, ha?"
"Tuloy mo lang 'yang kaartehan mo, tatakbo na talaga ako."
Ang bigat ng pakiramdam ko. Parang puno ang dibdib ko pero parang nabablangko ako sa utak. Walang ibang umiikot sa isipan ko kundi mukha ni Kikay. Nami-miss ko na siya. Gusto ko siyang makita.
"Kikay, ano'ng oras ka uuwi?" tanong ko sa kisame. "Sabi mo, isang gabi lang, di ba?"
Nangilid ang luha ko habang inaalala na baka mamaya . . . baka biro lang ang nakita ko sa damuhan. Baka pekeng katawan lang. Baka niloloko lang ako tapos bubulaga ang asawa ko sa pinto.
"Maghihintay ako hanggang bukas. Hindi ako matutulog ngayon, baka dumating ka kasi."
May mainit na gumapang sa pisngi ko mula sa mata.
Kinuha ko ang cell phone ko sa bulsa ng pantalon at tinawagan ang number ng asawa ko.
Nagri-ring pa rin naman.
"Kikay, sagutin mo naman ang tawag. Nag-aalala na 'ko. Sabi mo kasi, isang gabi lang."
"Sorry, the number you have dialled is either unattended or out of coverage area . . ."
"Sabi mo isang gabi lang . . ."
Mahina akong umiyak habang paulit-ulit siyang tinatawagan.
Naghintay naman ako. Nagtiwala akong babalik siya nang ligtas.
Naghintay ako kasi alam kong babalik siya.
Pero bakit hindi na?
Bakit hindi na . . .?
♦ ♦ ♦
Gusto kong mapanatag ang isipan ko. Wala pa akong tulog, ayokong matulog, at hindi ako matutulog hangga't hindi ko nararamdaman na kailangan ko nang magpahinga.
Alas-kuwatro nang madaling-araw, wala pa rin si Kikay. Bumangon na ako at nagsaksak ng initan ng tubig. Kumuha na rin ako ng pera para bumili ng almusal sa bakery.
"Mang Danny, pabili ho ng pandesal, kuwarenta pesos. Isang kapeng 3-in-1 saka isang kapeng tig-dos. Saka ho peanut butter."
Inilapat ko ang palad ko sa may estante para damhin ang init doon. Mabango pa rin ang pandesal pero . . . hindi ako nagugutom.
Paglipat ko ng tingin kay Mang Danny, nakasuot na siya ng salamin pero nakatingin lang siya sa akin, walang sinasabi. Ilang segundo rin iyon, ang bagal niyang pumunit ng kapeng tig-dos sa sabitan.
"Magandang umaga ho," bati ko. Sinubukan ko namang lagyan ng lakas at saya ang pagbati ko pero nahihirapan ako.
"Tisoy, hijo, nauunawaan namin ang pinagdaraanan mo. Kahit kami, nasasaktan din."
Pilit na pilit ang ngiti ko nang abutin ang binibili ko. "Maghihintay pa rin ho ako. Baka ho bumalik na siya mamaya."
"Hijo . . ." Iniabot ko na lang ang eksaktong bayad ko kay Mang Danny saka ako tumalikod para umuwi na.
Isang gabi lang.
Pinanghawakan ko ang pangako niyang isang gabi lang siyang mawawala.
"Kikay mahal, titimplahan na ba kita ng kape?"
Kumuha agad ako ng baso at kutsara.
"Walang asukal, ha! Ikaw, ang tamis-tamis mong magtimpla!"
Tumawa ako nang mahina saka tumango. "Sorry na, Kikay. Di ko na lalagyan ng asukal."
Ipinagtimpla ko na siya ng gusto niyang kape. Puro, mapait, walang asukal.
"Mahal, bangon ka na diyan, almusal ka muna." Nakangiti akong tumingin sa higaan namin at nakita iyong blangko.
Napahugot ako ng hininga nang biglang bumalik ang aalala ng mga pinagputol-putol na katawan sa damuhan.
"Kikaaay!"
Sinubukan kong yakapin siya at isinubsob ang sarili sa higaan namin, pero wala akong ibang nahawakan kundi kumot na lang.
"Bakit . . .? Bakit ikaw pa, bakit . . .?"
Para na 'kong mababaliw. Gusto ko lang makita ulit ang ngiti ng asawa ko. Kahit ano gagawin ko, makita ko lang ulit siya.
Kahit ano.
Kung kinakailangang sundan ko siya kung nasaan siya, gagawin ko.
Kahit ano.
Bumalik ako sa police station, wala pa man ang araw sa langit. Nakiusap ako. Kahit isang balita lang, nakiusap ako.
"Boss, ano hong balita?"
"Wala pa raw nakikitang suspect, pero baka ipa-dismiss na ang kaso."
"Ba't ho idi-dismiss?"
Nagkibit-balikat ang kausap kong pulis kagabi pa. "Aba e malay ko. Tanungin mo si hepe."
Para akong pinukpok nang malakas sa ulo para lang ibaon sa kinatatayuan ko.
"Tingin ko nga, baka si manager ang may gawa e. Di lang pinagbibintangan kasi kapatid ni hepe."
"Maghanap ka na lang ng ibang asawa, Tisoy. Daming babae diyan! Mag-aasawa ka na lang, prosti pa."
Biglang dumilim ang paligid para sa akin. Kung hindi ko pa naitukod ang palad ko sa hamba ng pintuan, baka bumagsak na ako.
Alam nila.
Alam kong alam nila kung sino ang pumatay kay Kikay.
Ayokong mambintang, pero . . . alam nila.
Alam nila.
♦ ♦ ♦
Sinabi ni Inay na palaging magpakabuti kahit na gaano pa kasama ang mundo. Palaging magdasal dahil diringgin ng Panginoon ang bawat panalangin ng mga tao.
Pero bakit ganito? Ano'ng panalangin ba ang dapat kong sabihin? Anong dasal?
Nahihirapan akong kumilos dahil pagod na pagod na ako, pero hindi ako matatahimik hangga't alam kong malaya pa rin ang pumatay sa asawa ko.
Dumeretso ako sa simbahan, pero hindi gaya ng parati kong ginagawa, walang kandila akong itinirik. Pumunta agad ako sa kumpisalan habang mugtong-mugto ang mga mata sa buong magdamag na pag-iyak.
Normal lang na susuriin muna ang budhi pero pumasok na agad ako sa kumpisalan paglabas ng huling pumasok doon at lumuhod. Isang manipis na kahoy na may harang na kurtina ang nakapagitan sa amin ng kakausapin ko. Sa loob ng sobrang liit na silid na iyon, nagdasal ako:
"Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen. Basbasan mo ho ako, Father, sapagkat ako ay magkakasala. Ang aking huling kumpisal ay noong nakaraang dalawang taon pa. Ito ho ang aking magiging kasalanan . . ."
Napayuko ako at napatitig sa hinliliit ko kung nasaan ang singsing ni Kikay.
"Pinatay ho ang asawa ko ng mga demonyong ayaw nilang pangalanan. Hindi ko alam kung saan ko ho hihingin ang hustisyang gusto kong makuha. Wala hong nakikinig sa akin at para sa ikapapanatag ng puso't isip ko, ako na ho ang magbibigay ng hustisyang tingin ko ay dapat para sa akin at sa asawa ko." Nagtaas ako ng mukha at tinitigang mabuti ang kurtinang nakapagitan sa aming dalawa. "Father, wala pa man ay inihihingi ko na ng tawad ang magiging kasalanan ko."
Nakarinig ako ng buntonghininga sa kabila.
"Tisoy, anak. Alam kong napakabuti mong bata," sagot sa kabila—at boses pa lang, alam kong kilala na niya ako dahil sa dalas ko rito sa simbahan. "Hayaan mong ang batas ang magbigay ng hustisyang nararapat para sa gumawa ng kasamaang iyon sa iyong asawa. Mabuti ang Panginoon. Matuto tayong magpatawad gaya ng ginawang pagpapatawad sa atin ni Hesukristo."
Natawa ako nang mapait habang umiiling. "Pero walang asawa si Hesus, Father. Wala siyang asawang pinatay. Kung siya ang nasa katayuan ko, mapapatawad pa ba Niya ang mga taong 'yon? Kung Siya ang may asawang pinagputol-putol ang katawan, matututo pa kaya Siyang magpatawad sa nagkasala sa Kanya?"
"Anak, ipagpasa-Diyos mo na lamang ang lahat."
"Ginagawa ko na, Father. At alam nating dalawa na hindi Niya ibinibigay ang hinihiling natin nang deretso sa palad natin. Awa lang ang Kanya, nasa atin pa rin ang gawa. Ang tungkulin ng Panginoon ay patawarin ang mga nagkakasala sa kanya kaya nanghihingi na ako ng tawad ngayon pa lang."
"Anak, huwag kang gagawa ng kasalanang pagsisisihan mo sa bandang huli . . ."
"Saka na ako mananalangin ng pagsisisi kapag hindi ko na nararamdaman ang nararamdaman ko ngayon, Father. Ipinagdasal ko sa Panginoon ang kaligtasan ng asawa ko, pero hindi Niya ako pinakinggan. Father, araw-araw. Alam mo 'yan. Alam ng mga binilhan ko ng kandila 'yan. Araw-araw akong nagdarasal pero hindi Siya nakinig. Simple lang! Simple lang ang dasal ko: kaligtasan. Pero hindi Niya ibinigay. Hindi ko na alam kung saan pa ako nagkulang."
"Huwag mong hayaang—"
Hindi ko na siya pinatapos pa, umalis na ako sa kumpisalan.
Kung hindi ko gagawin ito, mas mabuti pang sumunod na lang ako kay Kikay kung nasaan man siya naroroon ngayon.
Laging sinasabi ni Kikay na sigurado na siyang mapupunta siya sa impyerno kapag namatay siya at siguradong sa langit naman ako.
Siguro, hindi naman siya magagalit kung susundan ko siya. Pumunta agad ako sa machine shop at nagnakaw ako roon ng isang galon ng gasolina.
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top