Chapter 1: The Breadwinner

6 years ago

"Misis, nagbara ho yung tubo gawa nito."

Kunot na kunot ang noo ko kasi nakakuha ako ng buong luya sa pipe pagbukas ko. Hindi ko rin alam kung paanong napunta roon ang buong luyang sinlaki ng ulo ng kutsara samantalang may drainer naman. Nakabalot pa iyon sa tissue na di pa natutunaw nang maayos gawa ng tubig.

"Aw, paano kaya 'yan napunta diyan?"

Tumayo na agad ako para ipakita ang dahilan ng pagpapapunta niya sa akin sa kanila. "Misis, para maiwasan ho ang pagbabara ng tubo sa lababo ninyo, kapag ho buong bagay gaya nito, itapon na lang ho sa basurahan. Kahit yung mga mantika ho para hindi na magbara kasi mamumuo ho iyon sa malamig na tubo."

Ibinato ko agad sa malapit na basurahan ang luya. Lumuhod ulit ako sa tapat ng ilalim ng lababo para ibalik ang pipe na inalis ko.

Nagtataka lang ako rito kay Misis Tina kay linggo-linggo kung magpaayos ng sirang tubo nila. Parating tuwing Sabado, alas-kuwatro y medya ng hapon, tatawag. Pumunta raw ako nang alas-sais pag-alis ng asawa niyang machine operator sa Grace Park.

Ayos lang naman kay magandang magbayad si Misis. Madalas, may tip pa nga. Kanina, pinagmeryenda muna ako bago ko ayusin ang tubo sa kusina nila. Natapunan pa ang T-shirt ko ng juice kaya pinasampay muna niya sa labas. Pero kataka-taka pa rin talaga na hindi nawawalan ng problema ang lababo nila sa araw-araw na ginawa ng Panginoon.

"Lilinisin ko na lang ho itong tubo tapos okay na ho," sabi ko, at nginitian agad siya pagtingala ko.

"Gusto mo, tubo mo naman ang linisin ko pagtapos mo diyan?"

Naparahan ang pagtayo ko habang inosenteng nakatingin sa kanya.

"Ano ho?"

Kikibot-kibot siya habang panay ang ugoy ng katawan sa puwesto. "Kasi pansin ko, parang malungkot ka nitong mga nakaraang punta mo."

"Ay, ganoon ho ba?" Napakamot ako ng ulo at pilit siyang nginitian. "Ayos lang naman ho ako. Huwag na ho ninyong isipin."

Kahit si Misis, napuna na rin ang pagkabalisa ko nitong mga nakaraang linggo.

Kinuha ko ang basahang nakasabit sa bulsa ng suot kong jeans at pinunasan ang itaas ng lababo kay nabasâ pagbukas ko ng gripo. Nakakahiya naman kay Misis kapag iniwan kong makalat ang kusina niya.

"Tisoy, namamawis ka na a. Naiinitan ka ba?"

"Ho?" Napasapo naman ako sa noo ko. May pawis pero hindi naman tumatagaktak. "Di naman ho masyado. Malamig naman ho rito sa kusina ninyo."

"Ako kasi, naiinitan na."

Natawa ako nang mahina habang tinatapos ang pagpupunas sa palibot ng faucet. "Nadadaan ho iyan sa ligo, Misis. Maalinsangan kasi talaga ngayon kay tag-init na."

"Para ngang gusto ko nang maligo. Nag-iinit na 'ko."

Pagsulyap ko sa kanya, nagbababa na siya ng strap ng suot niyang duster.

Maganda naman kahit paano si Misis, kaso mukhang nakakatakot gawa ng ginuhit na kilay. Hindi ko rin matanong kung bakit makapal ang makeup niya tuwing napupunta ako kahit na wala naman siyang pupuntahan sa gabi.

Napangiwi na lang ako at pilit siyang tinawanan saka ko ibinalik ang atensiyon sa lababo.

"Ang dami mo namang muscle, Tisoy. Nagdyi-gym ka ba?"

Napatingin ako sa bandang tiyan kong hinihimas na niya.

"Hindi ho. Kargador din ho kasi ako sa palengke kapag Linggo o kaya tuwing may bagsakan ng gulay galing Balintawak." Nginitian ko ulit siya at inalis ang natitirang maliliit na kanin sa drainer ng lababo.

"Ay, gan'on ba? Tisoy . . ." Biglang bumagal ang pagkilos ko nang mapatingin ulit sa ibaba. ". . . samahan mo naman ako rito ngayong gabi."

Kinilabutan agad ako at mabilis na napaurong sa kaliwa para umilag paglapit pa niya. "Misis Tina, saglit lang ho." Ginawa ko nang panangga ang basahan para di siya makalapit pa. Kaso wala yatang epekto kasi lalo pa siyang dumikit sa akin.

Hinawakan ko agad ang kamay niyang bumababa sa zipper ng pantalon ko.

"Misis, yung kamay n'yo ho—"

"Sige na. Wala naman ang asawa ko rito."

"Misis, ako ho, may asawa rin. Magagalit ho 'yon."

"Hindi 'yan. Ako'ng bahala."

Halos manigas ang katawan ko pagdakma niya sa pagitan ng mga hita ko. Ayokong mamisikal kasi babae si Misis Tina at nasa singkuwenta mahigit na rin. Baka mapilayan ko kapag pinuwersa ko kaya mahinahon ko pang inaalis ang kamay niya sa pantalon ko.

"Misis, nakikiusap na ho ako, tama na ho."

"Saglit lang 'to. Bibigyan kita ng 500."

"Ha?"

500? Bayad na sa akin iyon nang limang ulit. Pero . . .

Umiling agad ako nang mabilis habang pinipilit na alisin ang kamay niyang pinipisil-pisil ang loob ng pantalon ko. "Misis, magagalit ho talaga ang asawa ko. Pasensiya na ho talaga."

"Mag-e-enjoy ka rin. Mabilis lang 'to."

Umatras na ako at kinuha sa sahig ang eco bag na lalagyan ko ng gamit. "Misis, ayoko ho ng gulo! Aalis na ho ako!"

Dali-dali akong tumakbo palabas ng bahay niya at hindi ko na rin naisara ang gate. Nagtatahulan ang mga aso sa labas pagkaripas ko ng takbo.

Ang lakas ng tibok ng puso ko. Kinikilabutan ako kay Misis Tina. May mga tao sa kalsada at napapalingon sa akin na tumakbo paalis sa pinanggalingan kong bahay.

Paghinto ko sa kanto sa labasan ng kalye nila, kunot-noo kong nilingon ang paligid habang naghahabol ng hininga.

Paano ba 'to? Di ko pa nakuha yung bayad. Sabi ko pa naman kay Bea, mag-uuwi ako ng litson manok sa hapunan.

Paglingon ko sa kanan, saka ko lang napansing pinagtitinginan ako ng mga tao sa kalsada. Pagtingin ko sa sarili, napangiwi na lang ako kasi naiwan ko pala ang T-shirt ko sa bahay nina Misis n'ong natapunan niya ng juice habang nagmemeryenda ako.

Isinampay ko na lang ang kanang kamay ko sa kaliwang balikat at naglakad na pauwi habang namamaluktot nang kaunti. Sa kabilang kalye pa naman ako babalik.

Nahihiya na ako sa mga tumitingin sa akin. Hindi ko naman ginustong umalis nang walang pantaas. Si Misis Tina kasi, kung ano-ano ang inaalok na hindi ko naman trabaho. Sayang yung 150 na kita ko ngayong araw. Nangako pa naman ako kay Bea na masarap ang hapunan namin.

"Tisoy! Tena dine, dali!"

Napalingon ako sa kaliwa dahil sa tumawag. "Ho?"

"Tara ga! 'Tatanong pa e. Pumarine ka na la'ang!"

Yuyuko-yuko akong lumapit kina Mang Domeng na nag-iinuman sa tindahan. Mga wala ring pantaas gaya ko pero hindi naman sila nahihiya kahit nakapambahay na shorts lang. Mga nakapaa pa.

"Bakit ho, Mang Domeng?"

"Tagay ka muna!"

Napatitig ako sa malinaw na basong may lamang gin na kasasalin lang niya. Pilit akong ngumiti sa kanila. "Hindi na ho. Magagalit ho si Bea, baka sabihin, nakipag-inuman ako."

"'Sus! Hayae na si Beng-beng! Isang baso la'ang e!"

Napahimas ako sa balikat kong nilalamig na. "Di pa ho ako kumakain, Mang Domeng e."

"Wala ga 'yan! Kain-kain, mabubusog ka rin maya-maya. Panulak ga muna!"

Tatawa-tawa na lang ako habang himas-himas ang balikat.

"At ano bagang iniim-im? Kanina ka pang katal di'yan?" tanong niya, napansin yata ang ginagawa ko.

Napangiwi na lang ako at lalong napayuko habang himas-himas ang balikat. "Naiwan ko ho sa may Abucay yung T-shirt ko."

"Ay, lintik na ito!" sabi niya kay Mang Abe na kanina pa tungga nang tungga habang nag-uusap kami. Binalikan ulit niya ako habang tinuturo ako ng kamay niyang may hawak sa baso. "Magtatalop ka nang gay-an ta's itatago mo rin? Kagandang lalaki ng batang are ay lalambot-lambot. Kung sadyang ika'y barako, pangatawanan mo!" Siya na ang uminom ng inaalok sa akin at binalikan si Mang Abe na nakaubos na ng isang bote ng gin. "Noong kabataan ko ay gay-an din ang kisig ng aking katawan. Tangina giliw, sinasabi ko na e! Maglalaway kang tunay."

"Sige ho, aalis na ho ako," paalam ko.

Nakakadalawang hakbang pa lang ako nang may umakbay agad sa akin. Napangiwi na naman ako sa amoy ng maasim na alcohol sa kaliwa ko.

"Isang baso la'ang, puge."

Makulit din minsan si Mang Domeng.

Halos iduldol na niya sa mukha ko ang basong kanina pa niya inaalok sa akin. Ayokong pumalag kahit sintaas lang kami. Baka kasi ipabugbog ako bukas, mahirap na.

Napalunok na lang ako at akmang kukunin ang baso nang matapos na. "Isa lang ho, a? Kasi magagalit talaga si Bea e."

"Ay, takot na takot ga sa asawa! Di ka naman puputulan ng titi n'own!"

"Mang Domeng naman, o." Nahihiya na tuloy ako lalo. Ang lakas-lakas pa naman ng boses niya. Kinuha ko na ang baso at buong tapang na ininom ang gin. Napapikit agad ako sabay ngiwi dahil parang may matalim na gumuhit sa lalamunan ko na parang tumawid hanggang batok at loob ng ilong.

Ayoko talaga ng lasa ng purong iniinom nila. Para silang tumutungga ng panlinis ng sugat.

"E katapang naman pala ng binatang are!" Mabilis niyang ginulo ang buhok kong kanina pa naman walang suklay.

"Uuwi na ho ako, Mang Domeng. Baka naghihintay na ho kasi si Bea. Pagagalitan ho ako n'on e."

"Ay, siya! Hayo na!"

"Salamat ho."

Mabilis na akong naglakad habang panay ang dura ng natitirang lasa ng alak sa dila ko. Ang init sa bibig, parang sinilaban ang mga tainga ko. Hindi naman ako bago sa alak pero ayokong umiinom kasi hindi masarap ang lasa. Kahit tubig na lang sana o kaya samalamig.

"Tisoy, gabing-gabi, wala kang damit! Di ka ba mahahamugan niyan?" bati ni Aling Tess pagtapat ko sa harap ng apartment building namin sa Smile City Homes. Naabutan ko pa siyang nagwawalis ng mga kalat para dalhin sa sigaan sa gilid ng damuhan.

"Naiwan ko ho yung T-shirt ko sa Abucay, Aling Tess."

"Ay, bakit naman, hijo? Namamakla ka na rin ba?"

"Aling Tess naman, naiwan ko lang naman ho. Nag-ayos ho kasi ako ng tubo," paliwanag ko sabay pakita ng dala kong gamit. "Aakyat na ho ako. Magandang gabi ho sa inyo."

Napapabuntonghininga na lang ako. Ayos sana kung mabati nilang wala akong damit, basta may dala akong uwi kay Bea, kaso wala e. Sayang yung 150.

Sa third floor ang unit namin, pangalawa sa dulo. Tahimik sa bandang amin kasi kaaalis lang ng katabi naming nangungupahan kahapon. Call center agents naman ang nasa iba kaya paniguradong nasa trabaho na sa malapit na kompanya.

"Mahal, nandito na 'ko," sabi ko pagbukas ko ng pinto.

Hindi malaki ang unit namin. Pagbukas ko ng pinto, makikita ko na lahat. Kama sa kaliwa, mesang kainan sa kanan. Doon ko naabutan sa upuan si Bea na naka-uniform na at nakasimangot sa akin. Pinatungan lang niya ng itim na cardigan ang asul niyang polo na lumampas sa palda na hanggang tuhod naman. Kanina pa yata siya naghihintay. Tuyo na ang buhok.

Maganda si Bea. Sobrang ganda niya para sa akin. Kahit nga huwag na siyang mag-makeup papasok sa trabaho, maganda naman kasi ang kutis niya. Hilaw na morena siya dati kaso naimpluwensiyahan ng mga kaibigan kaya ginustong pumuti. Nagtagumpay naman siya.

Ayoko lang na nakikita siyang nakakunot ang noo kapag umuuwi ako galing sa trabaho.

"Ano na namang ayos 'yan, Tisoy? 'Asan yung damit mo?"

"Naiwan ko sa Abucay, nabasa kasi kanina sa trabaho."

Napayuko ako nang padabog siyang tumayo.

"Galing kang trabaho? Pahinging pamasahe."

"Ha?" Napatingin ako sa mukha niya kasunod sa palad niyang nakalahad sa akin.

"Bingi ka ba? Sabi ko, pamasahe! Dali na at nang makalayas na ako rito! Naaalibadbaran ako sa mukha mo."

"Pero . . ." Napakamot ako ng ulo. Paano ko ba sasabihing wala akong kinita ngayon? "Ano kasi . . ."

"Anong ano kasi? Wala kang pera?" Dali-dali siyang lumapit sa akin at kinapa ang mga bulsa ng pantalon ko. "Akala ko ba, galing kang trabaho?"

"Mahal, wala kasi akong kinita ngayon—"

Dahan-dahan siyang dumeretso ng tayo at tiningnan ako nang masama. "Amoy-gin ka, a! Tangina, wala ka na ngang pera tapos nag-aalak ka pa?"

"Hindi, kasi si Mang Do—"

"Putang ina ka, sinabi ko bang uminom ka, ha?!" Bigla niya akong sinapok sa kanang sentido na ikinapikit ko. "Sinabi ko bang uminom kang hinayupak ka?!"

"Hindi, mahal. Si Mang Domeng kasi—"

"Wala akong pakialam, buwisit ka!" Tumalikod agad siya at hinampas agad sa akin ang una niyang nadampot. "Sabi ko, pag-uwi mo, maghanda ka ng pamasahe ko! 'Laki mong tao, napakainutil mo talaga! Wala kang kuwenta kahit na kailan, putang ina ka!"

Sinangga ko agad ng braso ang pinanghahampas niyang racket na pamatay ng lamok.

"Sorry, mahal. Wala talaga akong kita ngayong araw e."

Hinayaan ko na lang siyang paluin ako nang paluin kung iyon ang ikagagaan ng loob niya. Sanay naman na ako. Ilang taon na rin naman siyang ganito. Hihinto rin naman siya kapag napagod na.

"Letse ka! Kung bakit ba sa dinami-rami ng tao, sa 'yo pa 'ko napunta! Napakainutil mong gago ka!"

Tumigil din siya nang mabali na ang isang gilid ng racket. Ibinato na lang din niya ang buong iyon sa dibdib ko at tumalikod na. Pinanood ko na lang siyang kunin ang pulang bag niyang kanina pa naghihintay sa mesa.

Ang talim ng tingin niya sa akin habang hinihingal.

"Kung wala ka rin namang pakinabang, mas mabuting mamatay ka na lang! Tangina mo!"

Binangga pa niya ako paglampas niya sa akin papuntang pintuan.

"Mahal, ingat ka, ha?" paalam ko sa kanya.

Pagbagsak lang ng pinto ang isinagot niya sa akin. Nagbuntonghininga na lang ako at napayuko ulit. Inilapag ko sa sulok ang bag na dala ko at tiningnan ang katawan ko. May kumikirot sa bandang dibdib at tiyan ko at hindi na ako nagtaka nang makakita roon ng hiwa. Hindi naman malalim pero nagdudugo na. Pati sa braso, may mga gasgas na rin.

Haay. Babanlawan ko na lang ng tubig.

Mabait naman si Bea. Matagal na kaming magkakilala, noong nasa Phase 5 pa lang kami nakatira ng nanay kong namamasukan sa bahay ng intsik. Kinse anyos pa lang kami noon, pareho kaming nag-aaral sa Benigno High School.

Kaso pagkamatay ni Inay noong nakaraang tatlong taon, pinaalis na rin ako sa bahay kasi wala naman daw akong trabaho roon. Dito ako lumipat sa Phase 3 kasi may murang apartment unit—dito sa Smile. May ipon naman ako kay nagtatrabaho na ako noon.

Si Bea, lumayas naman sa bahay nila kasi binubugbog ng tatay niya. Sabi ko, itatanan ko na. Pumayag naman. Nagkokolehiyo na siya noon, nagtatrabaho naman ako. E, ayaw huminto sa pag-aaral, e di ako na ang nagpaaral sa kanya. Nakapagtapos siya ng computer science noong nakaraang taon. Pero call center agent ang trabaho niya sa back office ng call center company sa Nova.

Ayos naman kaming dalawa kahit mahirap ang buhay. Nakakaraos naman kahit paano sa araw-araw.

Pagkatapos kong magsuot ng panibagong T-shirt, lumabas agad ako ng unit. Napalingon ako sa kaliwa nang makitang nagsususi na ng pinto niya si Kikay.

"Kay," pagtawag ko, "kauuwi mo lang?"

Pagsulyap niya sa akin, tumango naman siya. "Kanina pa, bumili lang ako ng ulam. Ikaw? S'an ka 'punta?"

Itinuro ko ang kabilang gilid. "Mangungutang sana ako ng panghapunan kina Aling Tess. Wala akong kinita ngayon e."

"Si Beng, nasalubong ko sa labasan a."

Pilit akong ngumiti sa kanya. "Di nga nakapaghapunan 'yon. Nahihiya nga ako, wala akong uwi."

"Saglit, dito ka na lang maghapunan. Mangungutang ka pa. Tara!"

"Ha?" Napakamot agad ako ng ulo at napatingin sa paligid. Nakakahiya naman kay Kikay. Kadarating lang, mang-aabala na agad ako.

"Tara na, Tisoy! Tutunganga ka pa diyan?" pagtawag pa niya nang makatapak na sa loob.

"Ano na lang, bigyan mo na lang ako ng tirang ulam saka bahaw."

"Tsk! Lalapit ka rito o kakaladkarin pa kita diyan?"

Napakamot na lang ako ng ulo at napapayukong lumapit sa kanya. Masungit si Kikay kung minsan pero mabait naman siya. Para ko na siyang ate kasi mas matanda naman siya nang dalawang taon sa akin. Pero ayaw raw niyang tinatawag siyang ate, lalo na kung ako ang magsasabi, kasi nagmumukha siyang matanda. Madalas, sa kanila ako kumakain kapag naaabutan niyang wala pa akong kain at walang kahit ano sa bahay. Nahihiya na nga ako, baka sabihin niya, nananamantala ako.

Naiilang akong sumulyap sa kanya pagpasok ko sa unit niyang wala namang kaibahan sa amin sa ayos pero malaki ang kaibahan sa mga nasa loob. Mas marami kasing laman ang bahay niya. Halos lahat, puro nakasampay na damit.

Waitress kasi siya sa KTV bar sa Sampaguita. Pero suot niya ngayong gabi ay itim na leather na palda na halos bumakat na ang balakang niya at lumampas ang pang-ilalim sa sobrang ikli. Naka-T-shirt naman siyang puti at malaki naman, pero kitang-kita ang pulang bra kapag nauunat. Sabi ko nga, huwag siyang magsusuot ng ganoon kasi baka bastusin siya sa labasan. Sabi naman niya, wala raw siyang pakialam. Tinatawag siyang pokpok dito sa amin, pero proud naman siya kasi ang mahalaga raw, wala siyang ninanakaw o pinapatay. Sabi nga niya palagi sa kanila, trabaho niyang maging maganda.

"Upo ka! Hindi ka guard diyan sa pinto ko, huy!" Inginuso niya agad ang monobloc na upuan sa kanang mesa kaya ngumiti lang ako nang matipid bago umupo roon.

"Salamat, Kikay."

"Di ka ba pinaglutuan ni Beng?" tanong niya habang nagpupunas ng mukhang puno ng makeup.

"Hindi e," sagot ko habang naghihimas ng palad.
"Pero ayos lang naman kasi wala rin naman akong iniwang pera pambili ng ulam. Sabi ko rin na ako ang bibili ng hapunan pero wala akong nauwi."

Pag-angat ko ng tingin sa kanya para ngumiti nang matipid, nakasimangot na mukha niya ang bumungad sa akin. Napahinto rin siya sa pagpupunas ng mukha habang nakaabang ang maliit na face powder sa harapan niya.

"Tisoy, yung asawa mo, nagtatrabaho sa maayos na opisina, ha?" sabi niya, at nagtataas na siya ng boses. "Ikaw, wala kang maayos na trabaho, paalala ko lang, baka nakakalimot ka. Kung may dapat magbigay ng pera sa inyo, siya 'yon kasi siya ang nakakaluwag-luwag."

"Pero ako ang lalaki sa amin."

"Diyos ko naman, Tisoy! Common sense na lang para sa asawa mong hindi mo pa naman talaga asawa, ha!" Dinuro pa niya ako ng daliri niyang may hawak sa salamin. "Pinag-aral mo na't lahat-lahat, ikaw pa rin? Asa pa rin sa 'yo?"

"Hindi ko naman sinusumbat sa kanya 'yon kasi desisyon kong pag-aralin siya."

"Desisyon mo nga, pero gamitin niya naman 'ka mo ang utak niya kung meron ba siya n'on. Nakikita ko sa FB yung mga post niya, nakakapag-milktea pa siya araw-araw! Tapos ikaw, di ka maipaghanda ng pagkain? Tigil-tigilan n'yo nga ako sa mga katarantaduhan ninyo!" Padabog niyang isinara ang salamin at ibinato iyon sa mattress na nakalatag sa sahig. "Ikaw, bawas-bawasan mo na ang kamartiran mo, ha? Nakakasama sa kalusugan 'yan."

Napabuntonghininga na lang ako at napayuko ulit dahil sa hiya. Pinagagalitan na naman niya ako. Ayoko naman kasing hingan ng pera si Bea. Hindi ko rin tinatanong yung tungkol sa sahod niya o kung saan iyon napupunta kasi pera naman niya iyon. Ayokong mangialam ng hindi naman sa akin.

Pinanood ko na lang siyang kumuha ng dalawang plato sa may platera at inilapag iyon sa mesa.

"Tisoy, beynte-dos anyos ka na. Hindi ka na bata. Ayus-ayusin mo naman ang mga desisyon mo sa buhay. Kung puro ka ganyan, wala kang mararating."

"Sorry na, Kikay."

"Hindi ko kailangan ng sorry mo kasi wala sa akin ang problema. Sa inyo ni Beng." Naglapag na siya ng kutsara at tinidor sa plato ko na kanina pa naka-abang sa metal na baso sa gitna. "Magsandok ka na para makapagpahinga ka na kung galing ka sa trabaho."

"Salamat." Nginitian ko na lang siya nang matipid saka ako sumandok sa maliit na rice cooker na nasa mesa niya kanina pa. "Masuwerte ang mapapangasawa mo sa 'yo. Maalaga ka."

"Ayokong mag-asawa. Mga problema lang kayong mga lalaki. Ikaw nga na di ko asawa, sakit ko na sa ulo e."

"Kikay naman."

"Kumain ka na lang diyan kasi yung asawa mo, walang kuwenta."

"Hayaan mo na si Bea. Huwag kang mag-alala, mababayaran din kita," sagot ko na lang, at nginitian siya nang matamis.

Kahit ganito naman si Kikay sa akin, hindi naman niya ako pinababayaan. At nagpapasalamat talaga ako sa kanya.

"Wala kang gagawin mamaya, di ba?" tanong niya bago pa ako makasubo.

"Oo."

"Para di ka na magbayad, may ipagagawa na lang ako sa 'yo."

♥ ♥ ♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top