mike_brosas
Nagagalak ang RomancePH na ibahagi sa inyo ang aming interview kasama ang isa sa winners ng Begin with the End na si mike_brosas! Mas kilalanin pa siya at malaman ang kanyang proseso sa pagsusulat sa interview na ito.
1. Ano ang iyong maipapayo sa ibang manunulat?
Magpatuloy at magtiwala sa proseso. Hindi ako dalubhasa sa pagsusulat pero ang isa sa pinakaimportanteng natutunan ko sa pagdaan ng mga taon ay ang pagtitiwala sa proseso. Overcritical ako sa aking sarili, kaya madalas simula pa lang ay napapahinto na ako. Hinuhusgahan ko agad ang sarili kong gawa kahit ilang pangungusap pa lang ito. Parte ng pagtitiwala sa proseso ay ang pagtanggap ng mga kamaliang natural sa pagsisimula. Hindi kailangang maging perpekto agad ng iyong gawa.
2. Ano ang pinakapaborito mong naisulat na akda sa ngayon at bakit?
Gan'to siguro ang pakiramdam ng isang magulang na pinagbibintangang may favoritism. Haha! Pero sa kasalukuyan, ang pinakamalapit sa puso ko ay ang I Do (An OffGun Fanfic). Bukod sa ito ang pinakauna kong natapos na akdang nobela, napamahal din ako sa mga karakter nito. Marami rin akong personal na karanasang isinabay doon kaya ang pagsusulat noon ay nakatulong sa akin sa pagpoproseso ng ilang mga emosyong matagal kong kinupkop lamang.
3. What inspires you to write?
Marami. Naandyan ang mga kaibigang natatagpuan sa komunidad ng Wattpad. Nandyan din ang mga makamundong karanasan ng LGBTQIA+ community na nais kong maisulat at maibahagi sa iba. At syempre, naandyan ang mga mambabasang binibigyang lugar sa kanilang mga puso ang aking mga sinusulat. Sila ang mga dahilan kung bakit ako nagpapatuloy.
4. What can you say about the prompt?
Natuwa ako dahil bukas ito sa iba't-ibang interpretasyon. Malaya, pero may direksyon pa ring nais mapuntahan at iyon ay ang paghihilom ng isang pusong sugatan.
5. How did you come up with Una sa Marami Pang Iba?
Karamihan sa mga sinusulat ko ay nagpupunta ang mga pangunahing karakter sa dagat o isla. May taglay kasi itong escapism. Kumbaga, ang pagpunta sa mga isla ay maaari mong maihalintulad sa paglayo sa ingay ng kalungsuran, at by extension sa paglayo sa ilang mga katotohanan ng buhay. Pagpapahinga. Si Enzo at Felix, ang mga pangunahing tauhan ng Una sa Marami Pang Iba, ay iyon ang ginawa -- ang (panandaliang) lumayo at hanapin ang mga sarili. Nabuo ko ang akdang ito na doon umiikot ang pag-iisip.
6. Dating app o pagkilala sa personal? Bakit?
Hindi ko man maamin sa sarili, pero isa akong romantic na tao. Haha! Lumaki ako sa panonood ng mga pelikula ni John Lloyd at Bea. At isa sa pinaka-'di ko malilimutang pelikula ay ang Serendipity na pinagbibidahan nina John Cusack at Kate Beckinsale. At ang tagpuan ng mga kwentong ito ay wala pa sa panahon ng dating app. Subalit, naniniwala rin naman ako na ang pagmamahal ay maaaring manggaling sa iba't-ibang anyo at lugar. Kaya hindi ko rin naman mai-di-discount ang dating app, lalo na sa panahon ng pandemya.
7. Kanino ka mas nakaka-relate? Kay Felix o kay Enzo?
Kay Enzo. Nakikita kasi ni Enzo kung paano naaapektuhan ng kasalukuyang lipunan ang pag-iibigan ng mga bakla. Kinikilala niya na may gampanin ang estado sa paghuhubog ng pananaw natin sa ating mga sarili at sa takbo ng ating mga pagpapasya. May linya sa kwento na "Paano ko maibibigay ang settlement na ninanais niya, e ang kalakhan ng batas natin ay nakasentro sa pangangailangan ng mga straight lamang. Pag-papamilya. Pagkakaroon ng ari-arian. Pagkakaroon ng anak." At sa palagay ko ay dapat natin itong makilala bilang mga lehitimong pananaw at panawagan upang maging inklusibo ang ating lipunan para sa lahat. Lahat naman tayo ay nais lamang mamuhay nang may dignidad at hindi nalilimitahan ang ating mga karapatang pantao.
8. When did you start writing in wattpad?
2013 pa lang ay nagsusulat na ako sa wattpad. Pero, iyon yung mga panahong hindi pa ako gaanong bilib sa aking sarili. Pero nagsimula akong magsulat muli, taong 2021. Oo nga't paminsan-minsan ay nilalamon pa rin ako ng mga pag-aalangan, pero ang kinaibahan lang sa ngayon ay mas tanggap ko na na ang mga dalubhasa'y dumadaan din sa pagiging baguhan, at kailangan kong maging kumportable sa kung asan ako bago ko maabot ang nais kong mapuntahan.
9. How did you come up with your username?
Palayaw ko lang talaga ang Mike. Haha! Ang creative, 'di ba? Pero sa ngayon, hindi na lang siya palayaw. Isa na rin siyang identidad na pinanghahawakan ko. Si Mike kasi mas mabait sa sarili at bukas sa pagwawasto. Mas matapang rin siya sa paghaharap ng mga sariling kakulangan at iba't-ibang kontradiksyon sa buhay.
10. What is your message to Romance writers?
Masarap ang umibig, huwag nating ipagkait sa iba.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top