JomGamerland
Nagagalak ang RomancePH na ibahagi sa inyo ang aming interview kasama ang isa sa mga winners ngBeyond Borders na si JomGamerland! Basahin ang kanyang interview at mas kilalanin pa siya bilang isang manunulat sa interview na ito.
1. Ilang taon ka nang magsimulang magsulat?
- Nagsimula akong magsulat ng sarili kong akda noong ako ay labing-apat na taong gulang. Para iyon sa isang asignatura sa paaralan. Masasabi kong iyon talaga ang unang beses na nagsulat ako nang maayos dahil noon ko lamang nagustuhan ang sinusulat ko. Isa iyong Haiku. Una naman akong nagsulat at nakatabos ng isang novel noong taong 2021. Dahil sa Pandemic, napagpasyahan kong libangin ang sarili habang nakakulong sa bahay.
2. Mayroon ka bang rules sa pagsusulat?
- Marami akong rules. Ang pinakamahalaga ay kailangang hindi masyadong mahaba ang isang pangungusap. Dapat kung babasahin ko nang malakas ang isang pangungusap ay makakahinga ako nang maayos. Puwede-puwede rin sa akin ang head-hopping. Kahit ilang POV pa iyan sa isang kabanata ay mas nanaisin ko kaysa ipagpilitan ang standard na isang POV lamang na hindi ko alam kung saan nila nakuha. Sky is not the limit. Sabi ko nga, good writers don't follow trends, they set them. Maging malikhain at mapangahas sa mga isinusulat. Karamihan sa mga sikat na internasyonal na manunulat ay ang mga taong lumalabas sa kahon na ipinipilit ng karamihan. Ang pagsusulat ay parang isang pares ng pakpak. Huwag mong itago. Huwag mong hayaang gupitin ng ibang tao. Ibulatlat mo. Ipagaspas mo. Ilipad mo.
3. Ano ang unang pumasok sa iyong isip nang mabasa mo ang tungkol sa patimpalak at ang tema nito? Ano ang nag-udyok at naging inspirasyon mo para maisulat ang "Ang Prinsipe ng Ngihib"?
- Una kong naisip ang mga karanasan ko sa tabing dagat. Maraming dayuhan ang kadalasang nagbabakasyon sa atin upang aliwin ang kanilang sarili. Ang iba naman ay ang sarili nila ang hinahanap. Ang nagtulak sa aking magsulat ng ang "Prinsipe ng Ngihib" ay ang guide line sa prompt na bukas ito para sa mga LGBT theme. Hindi ko kasi hilig magbasa ng mga hetero at mga Billionaire story kaya naisipan kong maiba naman. Isinulat ko rin ito upang subukan rin kung malawak ba ang isipan ng mga hurado at mambabasa ng palahok. Higit sa lahat, mas nailalabas ko ang pagiging malikhain ko sa mga kuwentong may pinaghalong BL at fiction.
4. Kung bibigyan ka ng pagkakataon na mabuhay sa isa sa mga kuwentong naisulat mo, alin ito at bakit?
- Kung papalarin, nanaisin kong mabuhay sa kuwento nina "Ark and Apple". Tungkol ito sa isang Time Traveler at ang kanyang nobyo. Napakaraming posibilidad na maaring mangyari kung mayroong ganoong kakayahan. Marahil ay maraming mga bagay na maari ko sigurong magawa para sa mga taong mahal ko.
5. Ano pa ang iyong goal sa pagsusulat?
- Ang goal ko ay ang patunayan sa mundo na walang limitasyon ang pagsusulat. Na maari tayong gumawa ng sarili nating mundo, ng sarili nating kalawakan, ng sarili nating reyalidad.
6. Kung may nais kang marating na lugar, saan ito at bakit?
- Nais kong makarating sa Norway. Mahilig akong tumingin sa langit tuwing gabi. Nakakita na ako ng bulalakaw, ng lunar eclipse at ng magagandang constellation. Isa ang Aurora Borealis sa mga nais kong makita habang nabubuhay pa ako sa mundo.
7. Sino ang iyong current celebrity crush?
- Marami akong hinahangaang artista. Pero ang isa sa mga una kong hinangaan na hanggang ngayon ay nagpapaalala pa rin sa aking kabataan ay si Mario Maurer.
8. Favorite food?
- Paboritong kong pagkain ang macaroni salad. Malaking bahagi ng masasaya alaala ng aking kabataan ay tungkol sa pagkaing iyon.
9. Ano ang iyong greatest pet-peeve?
- Ang pinakakinaiinisan kong bagay ay ang mga taong mahilig mag-cancel ng mga lakad o planong matagal nang pinag-usapan. Mga taong walang pahalaga para sa oras ng iba.
10. May mensahe ka ba para sa iyong mambabasa?
- Sa mga mambabasa ko, salamat po sa suporta. Lalo na sa mga sumubaybay sa akin sa Wattpad mula nang ilathala ko ang una kong akda. Pero ito nga ang lagi kong sinasabi, hindi ako magaling magsulat. Kaya pasensya na kung maraming kapintasan ang mga likha ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top