imJanKenneth
Nagagalak ang RomancePH na ibahagi sa inyo ang aming interview kasama ang isa sa mga winners ng Remembering November Love ver. 3 na si imJanKenneth ! Basahin ang kanyang interview at mas kilalanin pa siya bilang isang manunulat sa interview na ito.
1. Ilang taon ka nang magsimula sa pagsusulat ng mga kwento?
- Nadiskubre kong may talento pala ako sa pagsusulat noong labing-tatlong gulang pa lamang ako. No'ng una ay katuwaan lang at bored lalo na't summer vacation, kaya una talaga akong nagsulat no'n ay sa mga notebooks ko. Tapos sa notepad sa una naming desktop computer. At no'ng naging labing-apat na taong gulang na ay ni-rekomenda sa akin ng kaibigan ko na kapitbahay ko rin ang Wattpad. Kaya simula no'n ay ipinagpatuloy ko na 'yong nasimulan ko, hanggang ngayon.
2. Ano ang naging inspirasyon mo sa pagsusulat ng My November 10?
- Sa totoo lang, itong kuwento na "My November 10" ay hango sa totoong karanasan ko no'ng may na-meet ako last 2020. Nagsimula kaming mag-usap online sa isang dating app, then kung ano yung nakasulat roon sa kuwento ay iyon din ang nangyari sa akin. Kaya iyon din ang naging title ng kuwento ay dahil iyon ang araw kung kailan kami unang nagkita't tumatak talaga sa akin, kung kailan nahulog ang puso ko't na-attach sa kanya sa maikling panahon.
3. Paano ang iyong naging writing process para sa kwento at patimpalak na ito?
- Noong nakita ko ang tungkol sa patimpalak na ito at binasa ang mga guidelines kung paano sumali, ay talagang iyong karanasan ko kaagad ang una kong naisip na isulat. Kaya pagkatapos no'n ay wala na akong inaksayang oras at isinulat na agad sa isang upuan lang. Dahil no'ng araw na iyon ay para bang na-relieve 'yong memories ko about that person, and that experience.
4. Mayroon ka bang kilalang tao na naging insipirasyon para sa isa sa iyong mga karakter? Sino ito at bakit?
- Mostly, 'yong mga bidang tauhan sa kuwentong sinusulat ko ay hango rin sa mga taong nakikilala ko sa totoong buhay. Lalo na rin sa karanasan ko sa kanila, sa kung paano ko sila nagustuhan at natutunang mahalin. Doon din ako humuhugot ng kuwento't inspirasyon, na madalas ay masakit ngunit may aral na babaunin.
5. Kung bibigyan ka ng pagkakataon na mabuhay sa isa sa mga kuwentong naisulat mo, alin ito at bakit?
- Siguro ay iyong kuwento nina Maximillan at Denver, na pinamagatang "Flowers, Love Letters and Regrets". Though lahat naman ng kuwentong naisulat ko ay sobrang espesyal sa akin, pero iyong kuwento na ito ay kahit papaano'y namumukod-tangi. Lalo na rin iyong pagkakaibigan nila't pagmamahal sa isa't isa, na talagang nilo-look forward ko until now. Saka 'yong mga emosyon nila, damdamin, pagmamahal, flaws and imperfections lalo na sa mga bidang tauhan, ay sobrang "raw" at "pure" lang kung tutuusin.
Napaka-nostalgic din ng kuwentong iyon para sa akin dahil bukod sa nabuhay iyon nang may makilala ako't makausap sa isang online chatting site, ay iyon din ang mga panahon na kung saan magko-kolehiyo na ako at hindi ko pa rin talaga alam kung ano ang gusto kong tahakin na landas. Na natatakot akong mapag-iwanan at harapin ang magiging kahihinatnan sa mga desisyong gagawin ko, at piliin kong bitawan kung ano 'yong aking mga nakasanayan.
6. Kung may nais kang lugar na puntahan, saan ito at bakit?
- Sa lugar na kung saan malapit sa dagat at pinapakinggan ko ang bawat paghampas ng mga alon sa dalampasigan, kasabay din ng panunuod ko sa kung paano lumulubog ang araw. I am a really fan of that moment, lalo na't nagbibigay ito sa akin ng payapa. Na nagagawa nitong pakalmahin ang puso't isip ko, at nagiging pahinga rin mula sa magulo kong mundo.
7. Coffee or tea?
- Siyempre, kape! Lalo na 'yong may yelo.
8. Sino ang iyong current celebrity crush?
- Lately e guwapong-guwapo ako kay Donny Pangilinan, lalo na 'yong sa movie nila ni Belle Mariano na "An Inconvenient Love". Bukod sa bagay 'yong look niya with glasses, ay talagang bumilib ako sa acting skills niya roon at kung paano niya i-deliver 'yong lines niya. Lalo na no'ng nasa climax na ng movie't confrontation scenes noong birthday niya together with his half-step brother na si Dobs.
9. Ano ang iyong greatest pet-peeve?
- Iyong greatest pet peeve ko talaga ay 'yong pagiging unorganize. Inis na inis talaga ako kapag may nakikita akong mga gamit na hindi maayos ang pagkalagay. Makalat, o iiwan at hindi man lang aayusin o liligpitin bago umalis. Lalo na kapag kumakain kami sa bahay, para akong maiimbyerna kapag nakikita kong basta na lang tinambak 'yong mga hugasin na may tira-tira pang pagkain, at hindi man lang magawang malinisan at i-arrange kahit iwan na lang nila.
10. Ano pa ang iyong goal sa pagsusulat?
- Sa ngayon ay unti-unti ng natutupad iyong dream ko na maging isang published writer sa Immac at Skyward. Kaya binabalak kong mas pag-igihan pa't husayin ang sarili ko, magsulat pa ng mga kuwentong gusto ko, at marami pang mailimbag na mga libro. Lalo na't ultimate dream ko talaga ay maging bahagi at maging isang Pop Fiction author.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top