Hindi Ako Magiging...

February Entry (Quick to Fall... Quick to Bawl?)

***

"Tara sa cafeteria gutom na 'ko!" daing mo agad pagkatapos ng huli nating klase sa morning class.

Tumango ako habang nagliligpit ng gamit. "Ito na."

"Malapit na 'ko mangagat!" Bigla kang sumulpot sa harap ko. "Bilis!" At huli na nang napagtanto kong hila mo na ako mula sa kamay ko.

Napangiti nalang ako. Maipilit mo talaga eh.

Alam mo ba? Kung minsan napapatanong ako sa sarili ko kung darating kaya 'yung araw na hahawakan mo ang kamay ko... pero sa iba nang dahilan?

"Dahan-dahan naman, Rika. Madapa ka, madamay pa 'ko," paalala ko.

"Ah! May takoyaki!" Bumitiw ka agad sa akin pagkarating natin sa cafeteria.

Pinanood kitang makigulo sa mga estudyanteng naroon. Mabilis na napalitan ng excitement ang iritasyon mo kanina. Nakakatawa pero isa 'yan sa mga bagay na nagustuhan ko sayo. Transparent. Madaling basahin.

Nakangiti ka nang nilingon mo ako. "Ta-ko-ya-ki!"

Oo alam ko. Paborito mo 'yan, 'di ba?

Sumimangot ka nang hindi ako gumalaw mula sa kinatatayuan ko. "Halika rito! Parang tuod." Muli, hinila mo ang kamay ko palapit sa stand. "Dapat Tako ang ipinangalan nila kay Koro-sensei. Mas malapit eh, tingin mo?"

Tingin ko pinarurusahan mo ako. Kasi alam mong hindi ko kayang umamin sayo.

"Octopus ba siya? Akala ko emoticon."

"Octopus 'yon! Dilaw!" Humagikgik ka sa sarili mong biro. "Tako-sensei!"

Napangiti nanaman ako. Hindi dahil sa sinabi mo kundi dahil sa gigil mo nang pinisil mo ang kamay ko. Hawak mo parin pala ako. Napapansin mo kaya na may malisya sa 'kin ang ganito? Bibitaw ka kaya 'pag nalaman mo kung ano talaga ang tingin ko sayo?

"Rika!"

Napawi ang ngiti ko nang mabilis kang bumitiw sa akin.

"Kit!"

Dahil narito na siya.

"O? Takoyaki nanaman?"

Ngumuso ka na parang bata. Agad naman siyang ngumiti at kinurot ang pisngi mo.

"Ilan bang gusto mo?"

At ganoon ka lang niya kadaling napangiti, kasabay ng mahigpit mong paghawak sa kamay niya.

Ako? Narito, nakatayo sa tabi niyo, nanonood at naghihintay ng pagkakataon na sana, ako naman ang tignan mo katulad ng paraan ng pagtitig mo ngayon sa kaniya.

"Ilan ang sayo? Manlilibre daw si Kit!"

Pero 'di bale na. Kuntento naman akong ganito lang tayo. Sapat na sa akin na nakakasama kita kahit hindi mo alam na minsan, nasasaktan mo na ako. Masaya naman ako. Minsan. Palagi, pag wala ang boyfriend mo.

Kung naririnig mo lang siguro ang mga iniisip ko, siguro nilayuan mo na ako. Pero 'wag ka sanang magagalit kung dumating ang panahong subukan kong lumayo nang walang sinasabing dahilan sayo. Alam mo namang hindi ako sanay pag-usapan ang nararamdaman ko. Lalu na ngayong sobra-sobra ang kirot sa puso ko.

Hindi dahil mahal mo siya, alam ko naman 'yon. Kundi dahil ang buong akala ko, mahal ka rin niya.

"May iba siya, Rika. Matagal ka na niyang niloloko."

Lito kang tumulala sa mukha ko na para bang banyagang salita ang narinig mong sinabi ko. Hanggang sa unti-unti, tumawa ka. Iniisip mo sigurong nagbibiro ako. Pero bakit walang halong galak ang tawa mo? Siguro dahil alam ko, na alam mong nagsasabi ako ng totoo.

"Wala 'yon! Baka kabarkada lang niya."

Hindi na ako nakipagtalo dahil alam kong nasasaktan ka na, kahit hindi mo aminin. Nakalimutan mo yatang hindi ka marunong magtago ng totoo mong nararamdaman, kabaligtaran ko. Pero parang hindi ko na yata kayang panindigan ang pagtayo lang sa isang tabi at panonood kung paano ka masaktan. Dahil kahit ilang beses kong ipikit ang mga mata ko at magpanggap, hindi ko kayang ibalewala pag ikaw na ang pinag-uusapan.

"Rika..."

Umiyak ka nang mapatunayan mong totoo ang sinabi ko. Gusto kitang yakapin ng mahigpit pero ayaw kong pagsamantalahan ang pagiging mahina mo.

"Matagal na palang sila... pinagsabay niya kami... niloko niya ako, ang sabi niya mahal niya ako... ang sabi niya ako lang..."

Kulang ang galit para ipaliwanag ang nakapapasong damdaming nararamdaman ko ng mga oras na 'yon. Parang gusto kong manakit. Pero mas nangibabaw sa akin ang pagiging makasarili. Alam mo kung bakit?

"Rika, gusto kita."

Walang paglagyan ang gulat na nakita ko sa ekspresyon mo. Agaran ang pag-urong ng mga luha mo para lang tignan ako.

Mali ba ako ng pagkakataon? Hindi ko ba dapat sinabi 'yon? Kaibigan lang ba talaga ang kaya mong ibigay sa akin? O siguro alam ko naman talaga ang sagot sa simula't sapul kaya takot akong umamin.

Mabagal mong inabot ang kamay ko at pinisil. Muling tumulo ang mga luha mo nang magpalitan tayo ng tingin.

Ngumiti ako dahil alam at tanggap ko na ang kung ano pa mang sasabihin mo. Gayunpaman, pinisil kong pabalik ang kamay mo, paraan ng pagsabi kong ayos lang ito.

Dahil ikaw ang pinakamadaling taong mahalin. At ikaw rin ang pinakamahirap na limutin. At alam kong kahit kailan, hindi ako ang lalaki... magiging lalaki... na hahayaan mong humawak ng mga kamay mo sa ibang paraan.

"Sorry... Ana."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top