September Entry: Being A Parent/Guardian Has No Gender

Mapa (Mama at Papa)
by Andeng (TheChaserMe)

Grade six ako no'n nang bigla akong sunduin ng pinsan ko sa eskwelahan. Kahit hindi ko alam ang dahilan, sumama ako pauwi sa bahay namin. Nadatnan ko si Mama na nakayakap sa walang buhay na katawan ni Papa. Sa isang iglap, gumuho ang mundo ko. Nakita ko kung paano umiyak at masaktan si Mama.

Dahil wala na si Papa, nagdoble-kayod si Mama. Naging katulong siya at naging tindera ng mga sigarilyo sa isang araw. Pag-uwi, inaasikaso niya pa ako at ang bahay kahit alam kong pagod na pagod siya.

"Anak, naalis ko na ang mantsa sa uniform mo."

Napatingin ako kay Mama na ngayon ay nagpupunas na ng mga kamay gamit ang isang towel. Kakagaling niya lang sa trabaho pero inasikaso niya kaagad ang isusuot ko para bukas.

"Ma, magpahinga muna kayo," sambit ko pero nginitian niya lang ako.

"Okay lang ako, anak."

Sa isang iglap, naging lalake ang Mama ko. Naging kayod-kalabaw siya pero hindi siya nagreklamo.

Habang lumalaki ako, nakita ko ang pagpursige niya para lang mabuhay ako. Nakita ko rin ang pagputi ng buhok niya at ang pagkulubot ng kaniyang balat. Doon ko napagtanto na tumatanda na ang Mama ko nang hindi man lang nakararanas ng kaginhawaan sa buhay. Buong buhay niya, puro sa trabaho niya ginugol.

Isang gabi, habang kumakain kami ng hapunan, kinausap niya ako.

"Gusto ko, bago ako mawala ay makita kitang maging independent. May sakit ka sa puso, paano ka na lang kapag wala na ako? Kaya dapat, makapagtapos ka ng pag-aaral dahil 'yon ang magiging sandata mo para harapin mag-isa ang mundo."

Nang sabihin niya 'yon, natakot ako.

Paano kapag nawala na siya? Kakayanin ko ba? Hindi pa pwede. Gusto ko pang iparanas sa kaniya ang buhay na hindi niya naranasan noon.

Nakatatak na sa isip ko ang mga bagay na gusto kong gawin kasama siya. Kasi hindi ko alam kung hanggang kailan ko siya makakasama, kung hanggang kailan siya sa tabi ko. Hindi habangbuhay ay nariyan siya para alagaan ako.

Maraming nakalista sa bucket list ko kasama siya pero nanguna roon ang makasama ko siya sa pagluluto ng Bicol Express. Alam kong simple lamang iyon pero gusto kong ipakita kay Mama na kaya ko nang magluto-na 'yong anak niyang babae na kahit pagprito ng isda ay hindi marunong, ngayon ay kaya nang humarap sa kalan at ipagluto siya ng masarap na ulam.

"Tapos lagyan mo ng kulay pula at berdeng sili. Marami dapat, ah," sambit ni Mama habang pinapanood akong magluto sa harap ng kalan.

Natawa tuloy ako. "Ma, alam ko na kung paano magluto nito. Nanuod ako ng tutorials."

"Naniniguro lang ako."

"Magpahinga na lang po kayo. Alam ko pagod kayo. Hayaan n'yong ako naman ang mag-alaga sa inyo. Mamaya hihilutin ko ang likod n'yo."

Hindi siya nakasagot kaagad kaya nang tingnan ko siya ay nakangiti na siya sa'kin.

"Sweet mo ngayon, ah." Kinurot niya ang tagiliran ko.

"Masanay ka na, Ma." Nginitian ko siya. "Kaya ko na ang sarili ko, huwag kayong mag-alala."

Pinigilan niya akong kumilos noong araw na 'yon pero nagpumilit ako. Ayaw niya kasi na napapagod ako dahil sa kondisyon ng puso ko.

Gusto kong ipakita sa kaniya na nasa mabuting kalagayan ang puso ko. Oo, mahina ang puso ko pero lumalakas ito dahil nasa tabi ko siya at inaalagaan niya ako. Ayoko nang makita siya ulit na nagmamakaawa sa mga doctor sa ospital para ipa-confine ako dahil hirap na hirap na akong huminga. Noong mga oras na 'yon, ni piso ay wala siyang dala. Pinanood ko lang siyang umiyak sa emergency room.

Bilang anak na inalagaan at tinaguyod mag-isa ng isang ina, gusto kong maranasan niya ang katiwasayan ng buhay. Sa bawat gagawin ko, siya ang inspirasyon ko para magpatuloy. Hindi pa ako handa na mawala siya pero hindi ko rin hahayaan na hindi matupad ang ibang nakalista sa bucket list ko kasama siya.

Bago matulog, tinabihan ko si Mama sa higaan para hilutin siya sa likod. Kanina pa kasi siya nagrereklamo na masakit ang likod niya.

"Anak, kapag nawala ako-"

"Ma...ayokong pag-usapan 'yan." Pinutol ko na kaagad ang sasabihin niya. Ayokong pag-usapan ang bagay na 'yon.

"Hinahanda ko lang ang puso mo, anak. Baka hindi mo kayanin," sambit niya sa inaantok na tinig. Nasasarapan siguro siya sa paghilot ko sa likod niya. "Tumatanda na ako, anak."

Hindi ko napigilan ang pamumuo ng mga luha sa mga mata ko.

"Ma, huwag kayong mag-alala sa'kin. Kaya ko na ang sarili ko." Tumulo ang mga luha ko kaya hindi ko na napigilang yakapin siya mula sa likod.

"Ma...hindi man ako perpektong anak, sana huwag n'yong kalimutan na mahal na mahal kita. Marami akong pinagdaanan pero ikaw lang ang nanatili sa buhay ko at hindi ako iniwan. Sa'yo ko natagpuan ang totoong ibig sabihin ng 'unconditional love'. Minahal mo ako nang walang kapalit. Proud ako sa'yo dahil kinaya mo ang lahat nang mawala si Papa. Hintay ka lang, ha? Kapag nakapagtapos na ako ng pag-aaral, bibigyan kita ng bahay na gusto mo, 'yong hindi mabilis bahain." Pareho kaming natawa sa sinabi ko. "Kapit lang, Ma. Sana makasama pa rin kita sa dulo ng pag-abot ng mga pangarap ko. I love you, Mama ko."

Ginulo niya ang buhok ko. "I love you, too, anak. Alam mo naman na lahat ay gagawin ko para sa'yo. Mahal na mahal kita, alam mo 'yan. Hangga't nabubuhay ako, hindi kita pababayaan."

Napapikit ako at tuluyang bumuhos ang aking mga luha. Hinalikan ko ang noo ni Mama at mas hinigpitan ang pagkakayakap sa kaniya.

Hindi ko makakalimutan ang mga bagay na ginawa niya para sa'kin. Siya ang nagsilbing mapa ko-upang hindi ako maligaw ng landas na tatahakin. Habangbuhay ko siyang pasasalamatan sa lahat ng sakripisyong ginawa niya para buhayin ako nang mag-isa. Nakaranas ako ng heartbreaks mula sa mga kaibigan at naging nobyo ko-at siya lamang ang nanatili sa tabi ko.

Siya ang true love ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top