August Entry: May Sigaw Ang Iyong Salita
Binago ng Pandemya
by Andeng (TheChaserMe)
Bilang isang mamamayan sa ating bayan, mayroon bang nagbago? Kung mayroon, ano?
Ang daming nagbago.
Bilang isang pangkaraniwang mamamayan, nakita ko kung paano huminto ang mundo dahil sa pandemya. Nagkaroon ng malawakang hawaan ng virus sa buong mundo dahil sa COVID-19. Bigla na lang itong sumulpot sa kung saan.
Sa isang iglap, naglaho lahat ng ingay ng mga sasakyan sa paligid, wala nang naglalarong mga bata sa labas ng kalsada at wala na rin ang mga estudyanteng naglalakad sa paligid.
Nakakapanibago. Parang kahapon lang ay malayang maglakad-lakad sa labas ang mga tao, pero ngayon ay may takot na sa puso ng bawat isa na baka matamaan ng virus, na baka maiuwi iyon sa pamilya nila.
Nakakapanghina ang nangyayari sa mundo ngayon. Naging laman ng balita ang pataas nang pataas na kaso ng mga tinamaan ng virus na nagdala ng takot sa bawat mamamayan. Maraming nagbago sa pagdating ng pandemyang ito.
Binago ng pandemya ang pamumuhay ng karamihan: bata man o matanda at may trabaho man o wala. Hindi makalabas ang mga tao nang walang suot na facemask at faceshield para sa pansariling kaligtasan. Maraming nawalan ng trabaho, maraming nagsarang negosyo. Totoo nga talaga na walang panghabang-buhay sa mundo. Lahat ay magbabago.
Binago ng pandemya ang paraan ng pagluluksa. Maraming mga namatayan ang hindi na nagawang masilayan ang kanilang namayapang mahal sa buhay dahil sa banta ng virus. Inuuwi na lang na abo ang bangkay ng minamahal at hindi na nagawang ipagluksa nang ilang araw.
Binago ng pandemya ang buhay ng mga estudyante at mga guro. Nakaatang na ngayon sa balikat ng mga magulang kung paano matuturuan nang tama ang mga anak nilang wala pa sa wastong gulang. Mas pinili naman ng ibang kabataan na itigil ang pag-aaral sapagkat wala silang gamit para sa online class. May mga sumubok din mag-aral sa pamamagitan ng module subalit hindi lahat ay may natututunan. Hindi lamang mga estudyante ang nahihirapan, dahil sinasalo ng mga guro ang mga hinaing ng mga magulang at kabataan na nahihirapan sa sistema na mayroon ngayon. Kinakaya nila kahit mahirap, ginagawan nila ng paraan para makapagturo nang maayos.
Binago ng pandemya ang pakikisalamuha ng mga tao. Wala nang halik o yakap na maipapadama sa mga kaibigang ngayon lang nakita. Hindi na maaaring magtipon-tipon sa iisang lugar upang maiwasan ang hawaan, wala nang reunion at wala nang magarbong handaan na imbitado ang karamihan. Wala na ang dating gimikan na pumapawi ng pagod at stress sa mga empleyado na ginugol ang buong linggo sa pagtatrabaho. Parang tinanggalan ng karapatan ang mga tao para magsaya kahit panandalian lamang. Nakulong ang lahat sa kanya-kanyang bahay at hindi alam kung kailan babalik muli sa normal ang lahat.
Binago ng pandemya ang buhay ng mga paslit na hindi na makalabas sa kanilang tahanan. Sa murang edad nila ay napapatanong sila kung bakit biglang nagbago ang takbo ng mundo, kung bakit hindi sila pwedeng lumabas. Mararanasan pa kaya nila ang mga naranasan natin noong musmos pa lang tayo kung ganito na ang mundong kinagisnan nila? Wala na silang mall na pupuntahan at wala nang playground na paglalaruan.
Binago ng pandemya ang buhay ng mga healthcare workers. Nawalan sila ng pagkakataong makauwi at makasama ang sariling pamilya para matugunan ang mga pangangailangan ng mga pasyenteng tinamaan ng virus. Nawalan sila ng pahinga ngunit nagpatuloy pa rin kahit kabilaan ang mga namamatay na katulad nila dahil sa banda ng pandemya. Tiniis nila ang kaba para sa kanilang pamilya.
Binago ng pandemya ang buhay ng mga driver. Kaunti na lamang ang naisasakay nilang pasahero dahil sa pag-iingat na magkahawaan. Binago rin ng pandemya ang buhay ng mga tindera. Limitado na lang ang mga taong bumibili sa mga paninda nila. Ang dating mataas na kita ay nabawasan dahil sa pandemya.
Binago ng pandemya ang pananaw natin sa buhay. Ang dating matatag ang loob ay nawalan ng pag-asa, ang dating malakas ay pinahina ng mga pangyayari. Walang mahirap, walang mayaman, lahat pwedeng tamaan, ngunit hindi ito naging hadlang sa karamihan.
Sa sandaling pagtigil ng mundo, nakasama natin ang ating mga mahal sa buhay. Pinatatag tayo ng pandemya at pinagbuklod para magkaisa at magtulungan. Unti-unti, nabigyan ng pansin ang mga bagay na hindi napahalagahan noon. Nagagawa rin ng iba ang mga bagay na hindi nila nagawa noon: Ang pagtulong sa kapwa nang walang hinihintay na kapalit, 'yong kusa at hindi pilit.
Kaya habang nasa panahon pa rin tayo ng pandemya, gawin nating inspirasyon ang isa't isa para ipagpatuloy ang laban. Protektahan natin ang bawat isa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga protocol na binibigay ng gobyerno. Lahat tayo ay nagtiwala, nagtitiwala at magtitiwala na matatapos din ang pandemyang ito.
Hindi man natin alam kung ano ang maaaring mangyari sa hinaharap, nagagawa pa rin natin ang mga bagay na hindi natin nagawa noon: ang makasama ang mga mahal sa buhay habang nakahinto pa rin ang mundo sa labas. Kapag naging malupit ang mundo, doon mo makikita tunay na halaga ng isang pamilya. Marami man ang nagbago dahil sa pandemya, hindi nito kayang buwagin ang pagmamahal natin para sa mga taong ating pinakaiingatan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top