"Alpaslang" (Entry 01 - What's In, What's Out 2021)


December 31, 2020. Katapusan na naman ng taon. Oo nga pala, uso na naman ang 'New year's resolution' na parang kamukha lang rin naman ng katagang 'bukas nalang ako magbabago'. Pambihira.

Tulad ng nakagawian, kada katapusan ng taon kailangan maglinis. Ako ang naka-toka sa lumang kwarto. Literal na isang beses lang ito linisin sa isang taon at siguro mga siyam na beses pinapasukan para lang kumuha o magtambak ng mga gamit na hindi na ginagamit. Habang naghahawi ako ng mga sapot-sapot sa kisame ay nasagip ng mga mata ko ang isang kahon na nakapatong sa lumang kabinet. Binuksan ko ito at bumungad sa akin ang mga lumang litrato at mga liham na halatang matagal na panahon nang nakatago. Binasa ko ang ibang sulat sa loob ng kahon.

Nakaraan o katapusan,
Kailangan ba na kalimutan?
Ito na nga ba ang hangganan?
Kailan ba dapat iwanan?

Ramdam ko ang unti-unting paglayo,
Ang bakas ng pagkabigo
Tulad ng luma mong litrato
Ang unti-unting pagkupas ng iyong pagkatao.

Hindi ko maintindihan kung anong ibig sabihin ng mga tulang ito ngunit kilalang kilala ko ang sulat kamay ng nagsulat ng mga sulat na ito. Agad ko itong ibinalik sa kahon. Inakala ko na matagal ng sinunog ang mga sulat na iyon ngunit bakit hanggang ngayon ay nakatago pa rin ang mga ito?

Inilagay ko na sa sako ang mga lumang gamit na hindi na mapakikinabangan at ang ibang kalat. Nagmadali na akong maglinis at nang matapos ay nagpahinga na ako. Naramdaman ko ang unti-unting pagsuko ng aking mga talukap kaya naman hinayaan ko na lamang na ako ay panandaliang lamunin ng dilim.

"Hindi ito panandalian" hinanap ko ang tinig na aking narinig ngunit dahil sa dilim ay nahirapan akong makita ito.

"Kilala mo ako kaya naman hindi mo na kailangang malaman kung sino ako. Kilalang-kilala mo ako, hindi ba? Ang mga sulat, alaala, at ang pagkatao na pilit mong paslangin ay patuloy kang mumultuhin."

"Tigilan mo na ako! Hindi ko kailanman kailangan ng katulad mo! Isa kang traydor!"

"Kailanman ay alam mong hindi kita trinaydor. Ikaw ang mismong pumaslang sa akin, sa atin."

"Hindi! Hindi totoo yan!"

Nagising ako habang binabalot ng malamig na pawis.

'Nakaraan ang hahabol sa atin'

Binalikan ko ang lumang kwarto at hinalungkat muli ang kahon. Litrato ng masayang mukha ang bumungad sa akin. Inisa-isa kong basahin ang bawat sulat na  naglalaman ng mga piyesa na likha ng nasa larawan.

Alam kong darating ang panahon,
lahat ng piyesang ito ay iyong ikakahon.
Ngunit huwag mong kalilimutan,
Lahat ng ito, puso mo ang lumikha.

Mainit na likido ang tangi kong naramdaman na bumubuhos sa aking pisngi. Hindi ko mapigilan ang bawat pagpatak nito.

Pinagpatuloy ko ang paghahalungkat sa kahon at nakapa ko ang isang bagay na matagal ko nang inabandona, isang pluma na nagsilbing tungkod ko noong panahong hindi ko alam kung paano bumangon.

Poot sa nakaraan ang dapat wakasan.
Hindi lunas ang paglayo.
Kundi ay patuloy na paglaban
at muli, pagsulat ang mananatili kong sandata.


•••
Alpaslang - 'Alpas X paslang'

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top