January: Hindi Maglalaho, Hindi Magbabago
✥✥✥
FAITH, HOPE, LOVE
May pinaniniwalaan tayo na "bagong taon, bagong buhay" kaya naman hindi na matatawaran ang ilang beses na paghingi natin ng pagbabago sa tuwing nagpapalit ang taon. Pagbabago sa iba't ibang aspeto ng ating buhay. Maaaring ito ay sa ating pisikal, ugali, o maski sa mga bagay na nakaugalian na nating gawin pero gusto na nating alisin sa ating mga sarili.
May pagkakataon nga na parang ayaw na lang nating humiling pa dahil minsan hindi naman natin nasusunod o hindi natin tuluyang magawang baguhin o alisin sa ating mga sarili kasi nga nakagawian na. Mahirap nga naman kasing alisin sa ating buhay ang nakasanayan na natin. Kaya sa pagdaan ng maraming taon akala natin ay natigil na natin ang kaugalian na iyon, ang paghiling ng pagbabago sa tuwing sasapit ang bagong taon. Pero aminin natin na mayroon sa ating puso ang patuloy pa rin na humihingi ng maski kaunting pagbabago.
Pero sa dami ng nais nating mabago sa ating buhay, alam natin sa ating mga sarili na mayroon din tayong mga bagay na hindi natin gugustuhing maglaho o baguhin maski ng paglipas ng mga taon. Maaari din na ito ay sa ating ugali, o sa pisikal, o sa mga nakagawian natin.
Ako, sa sarili ko, hindi ko nanaising maglaho at magbago ang masasabi kong tatlong pinakamahalagang bagay sa akin. Iyon ay ang aking pananampalataya sa Diyos, pag-asa at pag-ibig.
Pag-ibig sa lahat. Sa Ama, sa mga magulang ko, anak, asawa, kapatid, kamag-anak, mga kaibigan at ang pagmamahal ko sa aking sarili. Mananatili ang pagmamahal sa puso ko kahit ilang taon pa ang lumipas. Hindi magagawang baguhin iyon ng kahit ano pa man. Dahil ang pagmamahal na nasa puso ko para sa aking sarili at para sa mga taong mahahalaga sa akin ang isa sa dahilan kaya patuloy akong nagkakaroon ng pag-asa.
Pag-asa. Pag-asa na sa kabila ng pagod, hirap, sakit, panghihina ng loob sa bawat araw, alam ko na kung mananatili ang pagmamahal ko sa aking sarili at kung nariyan ang mga taong mahal ko ay makakaya kong lagpasan ang lahat ng iyon. Na magagawa kong magpatuloy at harapin ang bawat araw. Kaya naman dadalhin ko sa bawat araw, buwan, o taon na darating ang dalawang bagay na iyon.
At ang huli na hindi ko kailanman nanaising mawala sa akin ay ang pananampalataya ko sa Diyos. Siya na unang unang nagpahatid ng pag-ibig sa akin at Siya na naging dahilan kung bakit mayroon sa tabi ko na mga taong naging pag-ibig at pag-asa ko. Ayaw kong mawalay sa tabi ng Mabuting Pastol. Hindi ko kailanman hahayaang magbago at maglaho ang takot na mayroon ako sa Kanya.
Lilipas at matatapos, at saka muling sasapit ang panibagong taon. May mga bagay na nanaisin kong maalis sa aking sarili pero hinding hindi magbabago at hinding hindi maglalaho ang pag-ibig, pag-asa at pananampalataya ko. Dahil palagay ko sa aking sarili kapag nawala na ang tatlong bagay na iyan ay para na rin akong nawalan ng saysay na mabuhay.
Katulad ng tatlong bagay na ayaw kong maalis sa aking sarili, alam kong mayroon din kayong mahahalagang bagay na gusto ninyong manatili sa inyong buhay at gugustuhing dalhin hanggang matapos ang taon at sa muling pagsapit ng panibagong taon.
Hindi kailanman magiging masama ang humiling ng pagbabago ngunit huwag nating hayaan na maglaho at magbago ang mga bagay na hindi natin kayang mawala sa atin. Kung ano man ang mga iyon para sa iyo, sana ay alagaan mo iyon nang lubusan. Katulad kung paano ko aalagaan ang tatlong mahahalagang bagay sa buhay ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top