9. Christmas Without Merry
SIYA SA PASKO
MATAMANG PINAGMAMASDAN ni Roel ang kanyang tatlong anak. Kanina pa nakasilip ang mga ito sa bintana at tinatanaw ang kaharap nilang bahay. Sa garahe kasi ng mga iyon ay nagkakaroon ng salusalo at palaro ang buong pamilya. Puno ng sigla at tuwa, tanda ng paghahanda sa darating na noche buena na ilang oras na lamang ang hihintayin.
Malalim siyang napabuga ng hangin. Taon-taon ay palagi niyang isinasambot ang panghanda nila ng noche buena. Ngunit bago pa man sumapit ang buwan ng Disyembre ay marami ng nangyari dahilan para magamit niya ang mga naipon.
Nilingon niya ang asawang nakahiga sa kanilang papag. Nakatingin ito sa kanilang mga anak at mababasa ang labis na lungkot sa namumulang mga mata nito. Nang lingunin siya ay nakita niya ang pagpatak ng luha nito at malungkot siyang nginitian.
Alam niyang tulad niya, nasasaktan din ang asawa para sa mga anak nila. Ilang araw lang ang nakararaan humihiling ang mga ito ng bagong damit at laruan. Noong mag Christmas party sa eskwelahan, hindi kaila ang lungkot sa mga ito dahil wala silang nabiling bagong damit para sa pagdiriwang na iyon.
"Bakit po sila Cristel tuwing Christmas party may bagong damit?" ani Judy, ang kanilang labing isang taong gulang na anak.
"At kapag po magpa-Pasko may bago ulit silang damit at mga laruan," dagdag ni Jena, ang nasa edad siyam.
Para sa isang magulang, napakasakit na hindi nila naibibigay ang mga munting hiling ng kanilang mga anak. Mga bata pa ang mga ito, at ang mga bagay na iyon lang ang nakakapagpasaya sa mga ito para sa araw ng Pasko ngunit kahit iyon ay wala.
Isang welder si Roel. Ilang daan ang kinikita sa isang araw na pilit pinagkakasya dahil sa mahal ng mga bilihin. Minsan nga'y nilalakad na lamang niya ang papunta at pauwi sa trabaho para lamang makatipid. Ang kanyang asawa ay naglalabada. Ngunit nang taon na iyon ay nagkaroon ito ng malaking sugat sa paa. Hindi naagapan kaya lumala. Niyon lang nila nalaman na diabetic ito, kinailangan itong putulan ng isang paa.
Mahirap ang buhay. Ngunit para bang lalo silang pinahihirapan dahil sa mga pagsubok. Kirot sa puso na makita niyang umiiyak ang asawa at dumodoble iyon kapag nakikita niya ang lungkot at paghihirap sa kanyang mga anak.
At lalo ngayong sasapit ang noche buena, wala man lang nakahain sa kanilang lamesa. At tanging pagtanaw na lang ang nagagawa ng kanilang mga anak sa mga nagkakasiyahan.
Naalala niya ang naging tanong ng kanilang pastor noonng magsimba sila kaninang umaga.
Ano ba ang simbolo ng Pasko para sa inyo?
Ibinaba niya ang tingin sa hawak niya na nagsisilbing kaisa-isang ginto sa maliit nilang tahanan. Nang makita iyon para bang nakahinga siya ng maluwag. Iyon ang unang nagbibigay lakas sa kanila ng kanyang asawa, kinakapitan sa araw-araw.
Tumayo siya at nilapitan ang asawa. Nang makita nito ang hawak niya ay sumilay na rin ang ngiti nito sa labi.
Nagkatinginan sila at nag ngitian saka sabay na tinawag ang tatlo nilang anak. Agad namang lumapit ang mga ito sa kanila.
"Ma, dahan-dahan po," ani ng kanilang panganay nang makitang bumangong ang ina. Tinulungan ito hanggang maka-upo.
"Salamat, Judy."
"Maupo kayo mga anak."
Umupo sa papag, sa tabi ng kanilang ina ang mga bata. Tutok ang paningin sa kanya.
"Patawad kung... wala tayong handa para sa noche buena," hinging paumanhin niya.
Sabay-sabay na bumagsak ang balikat at napabuntong-hininga ang mga bata.
Naghawak sila ng kamay ng kanyang asawa, binibigyang lakas ng loob ang isa't isa.
"Pero para sa bible study natin ngayon, gusto kong malaman, ano ba ang Pasko para sa inyo mga anak?"
Nanatili ang titig ng mga bata sa kanya.
"Bakit ba may Pasko?" tanong ng kanilang ina na si Pinang.
"Para magkaroon ng bagong damit at laruan," masiglang ani ni Joseph, ang pitong taong bunso.
Tumango siya sa sagot ng anak. "Pero iyon ba talaga mga anak? Para sa mga bagong damit ba at laruan ang Pasko?"
Natahimik muli ang mga ito. Nakanguso na at mukhang malalim ang iniisip.
Nakangiting ipinakita niya sa mga ito ang hawak niyang bibliya. Matamang tinitigan ng mga ito iyon. Naroon ang kalituhan.
"Bakit ba natin ipinagdiriwang ang Pasko?"
"Birthday po ni Papa Jesus," si Jena.
"Tama. Ang Pasko ay kapanganakan ni Papa Jesus," aniya na itinuro ang taas. "At ano ang ginagawa kapag may nagbi-birthday?"
"Kinakantahan po at binabati ng happy birthday," ani Joseph.
Ngumiti siya.
"Binati ninyo na ba Siya?" tanong ni Pinang.
Nagkatinginan ang kanilang mga anak at sabay-sabay na umiling nang ibalik ang tingin sa kanila.
"Hindi masamang humiling ng mga bagong damit at laruan tuwing sasapit ang Pasko, mga anak. Pero huwag ninyong kalilimutan ang tunay na dahilan kung bakit may Pasko at ang tunay na simbolo nito."
Bumaling ang tingin ng mga bata sa kanilang ina nang magsalita ito.
"Si Papa Jesus ang nagbibigay sa atin ng mga damit, laruan, lakas at kalusugan. Siya ang nagbibigay sa atin ng ngiti at saya. Pangalawa lang ang mga pagkain, bagong damit at laruan, unang una dapat si Papa Jesus sa Pasko."
"Sinasabi namin ito sa inyo para hanggat bata pa lamang kayo ay alam na ninyo ang tunay na kahulugan ng Pasko. Alam na ninyo na ang tunay na simbolo ng Pasko ay pagbibigayan, pagmamahalan at ang ating Papa Jesus," ani Roel.
"Pero paano po natin maipagdiriwang ang birthday ni Papa Jesus kung wala tayong handa, Tatay?" nakangusong tanong ni Joseph. Nagtanguan ang mga kapatid nito.
Niyakap ni Pinang ang mga anak. "Pwede natin Siyang awitan. Mag pray. Pasalamatan Siya dahil hindi Niya tayo pinababayaan."
Humilig siya palapit sa mga anak at isa-isang hinaplos ang pisngi ng mga ito.
"Sa ngayon, wala man tayong handa para sa noche buena, gusto namin na sa ganitong paraan natin salubungin iyon. Magkakasama, magkakayap, at nasa puso natin si Papa Jesus."
Niyakap niya ang mga anak. Napangiti siya nang maramdaman ang paghilig ng mga ito sa kanya, sabay-sabay at masiglang nagsalita ng, "Happy birthday, Papa Jesus!"
wakas
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top