6. When September Ends
SA HULING ARAW NG SETYEMBRE
"MAGDASAL NA KAYO DAHIL KATAPUSAN NA NG MUNDO! MAGDASAL NA KAYO!"
Walang emosyon kong tinitigan ang maruming matanda na panay ang sigaw sa gilid ng kalsada. Makikita ang takot sa ibang nakakakita sa kanya, ang iba'y parang walang pakialam, at may ilang natatawa.
Ako, hati sa tatlo. Gusto kong matawa. Ang mundo magugunaw? Katapusan na? Bata pa ako noong mag-umpisa akong makarinig ng tungkol sa bagay na iyan pero hindi naman nangyayari. Kaya nga ang iba hindi na naniniwala. Mayroon din namang mga naniniwala pa rin. At aaminin kong isa ako sa mga iyon kaya nga binabahiran din ng takot ang puso ko.
Sa tuwing makakarinig ako ng ganoon hindi ko mapigilan ang pagtakbo ng isip ko. Paano nga kung katapusan na? Ang dami ko pang hindi nagagawa. Maliliit pa ang mga anak ko. Gusto ko pa silang makitang lumaki at maabot ang mga pangarap nila. Gusto kong tuparin ang pangako ko sa asawa ko na hanggang pagputi ng aming buhok ay mananatili ako sa tabi niya at siya lang ang mamahalin. Gusto ko pang makasama ng matagal ang pamilya ko at mga mahal sa buhay.
Marahas ang naging pagbuga ko ng hangin sa likod ng suot kong mask. Nag-umpisa akong maglakad sa maalikabok na daan. Nagmistulang hamog ang mga buhangin na dulot ng pagsabog ng bulkan. Wala ng makikita sa balita kung 'di pagsabog ng bulkan, pandemya, pagkamatay, at ang balitang magugunaw na nga ang mundo.
Paano nga kung katapusan na ng mundo? Na bukas, sa huling araw ng Setyembre ay babalik kaming lahat sa kung saan kami nanggaling, sa abo. Isang buong araw na matitira? Ano'ng gagawin ko roon? Susulitin?
Ano pa bang mas importante? Diba't ang mabuhay? At ngayong matatapos na nga ang lahat, bukod sa mabuhay, ano pa bang mas makabuluhan ang pwede kong gawin? Dalawampu't apat na oras? Parang hindi sapat. Kulang pa kahit nabuhay na ako ng tatlong dekada.
Dala ko ang mga isiping iyon hanggang sa sumunod na araw, ang huling araw ng Setyembre.
Nagising akong mabigat ang dibdib. Naabutan ko ang asawa ko sa kusina. Nagluluto ng itlog na tanging nabili ko kahapon. Inagaw ko pa iyon sa isang lalaki. Marami naman siyang nakuha kaya siguro hindi na inagaw pabalik.
Bukod sa pagsabog ng bulkan, kinaharap din namin ang pangungulang sa supply ng mga pagkain, gamot at ilang pangangailangan. Dumadami ang nagkakasakit dahil sa iba't ibang bagong sakit na nabubuo. Buong mundo naghihirap. Walang pinipili. Kaya nga hindi na rin naging mahirap para sa iba na paniwalaan ang pagtatapos ng mundo.
Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko. Lumapit ako sa asawa ko at niyakap siya mula sa likuran. Ramdam ko ang gulat niya ngunit agad rumahan ang hinga at isinandal ang sarili sa akin. Maski puso kong nangangamba sa maaaring mangyari ay nagkaroon ng kapayapaan.
"Mahal na mahal na mahal kita, Janice."
Humarap siya sa akin, nakangiti. Tuluyang nabura ang lahat ng bumabagabag sa isip at puso ko nang makita ang maganda niyang mukha.
"Mahal na mahal din kita, Rommel," malambing na aniya at dinampian ng halik ang labi ko.
Nagising ang mga bata. Yakap at halik ang isinalubong namin ni Janice sa umaga nila at masaya kaming nag-agahan.
"Gusto kong maging doktor, Tay!" masiglang ani ng panganay ko nang tanungin ko sila sa kung ano'ng gusto nila paglaki.
"Ako, gusto ko pong maging teacher tulad ni Nanay," ani ng bunso ko.
Pinanood ko nang hawakan ni Janice ang kamay ng mga bata. Nanatili ang magandang ngiti nila sa labi.
"Susuporta kami ni Tatay sa kahit ano'ng pangarap ninyo mga anak. At sa kahit ano'ng makakapagpasaya sa inyo. Mahal na mahal namin kayo, mga anak."
Habang nakatitig sa masayang mukha nila, na sa kabila ng kahirapang nadarama, naroon pa rin sila't nakikitaan ko ng ngiti sa labi. Sa mga oras na 'yon, may sagot na isip ko. Ano pa nga bang pinakamahalagang maaari kong gawin ngayon kung sakali ngang wala ng bukas na sasalubong sa amin? Hindi ba't yakapin sila at paulit-ulit na sabihin at ipadama kung gaano ko sila kamahal? Hindi ba't sila ang pinakamakabuluhang mayroon ako ngayon?
Ipaparamdam ko sa kanila, sa asawa't mga anak ko, na kahit hanggang sa matapos ang mundo mananatili ang pagmamahal ko sa kanila. Magkaroon man ng katapusan ang mundo pero ang pagmamahal ko ay hindi kailanman magkakakaroon ng wakas.
WAKAS
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top