3. Fiery Love, Keep It Burning

WEATHER THE STORM

"DAING KA LAGING pagod sa trabaho pero may oras kang makipag-inuman sa mga katrabaho mo?"

"Ayan ka na naman! Kauuwi ko lang, iyan agad ang ibubungad mo!"

"Totoo naman, 'di ba? Sa halip na umuwi ka, doon pa sa inuman ang diretso mo!"

"Paanong hindi, eh, palaging bunganga mo ang bubungad sa'kin!"

"Bakit ba ako nagkakaganito? Sino bang may kasalanan, ha!"

"Mula sa tahimik na pagsasama na tanging tawa at lambingan ang pumupuno sa mga oras na magkasama kayo, napunta iyon sa ingay na tanging sigawan at argumento ang maririnig sa loob ng pamamahay ninyo."

"Pagod ako, Pia."

"Bakit noon yakap ko ang nagpapawala ng pagod mo? Hindi na ba ngayon?!"

"Umpisa ka na naman. Dadramahan mo na naman ba ako kung kailan matutulog?!"

"Hindi mo nakikita ang mga sarili ninyo noon na umaayaw sa isa't isa. Halos hindi na ginugustong makita ngayon, samantalang noon bumabyahe pa ng ilang oras para lang masilayan ka."

"Pagod na ako, Pia."

"Akala mo ba ikaw lang ang napapagod, Leo?"

"Iba kapag 'yung init ng pagmamahal ninyo unti-unti nang napapalitan ng lamig. Iba kapag kayo na ang nagiging dahilan ng sakit na nararamdaman ng isa't isa. Mapapatanong ka na lang, 'saan ba nag-umpisang magbago? Bakit nagkalamat ang noon ay napakatibay at walang makakabasag na relasyon? Sino bang nagkamali? Ikaw? Siya? O pareho kayo?'"

"Bakit ba nagkaroon ng lamat, Ate?" tanong ng kapatid ko sa pagitan ng pagsingot.

Mula sa pagkakatulala dahil sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan, ibinaling ko sa kanya ang atensyon. "Tulad lang din sa inyo. Nawawalan ng oras sa isa't isa, 'yung responsibilidad hindi na nagagawa. Mga simpleng away na lumala."

"Paano mo naibalik sa ayos ang relasyon n'yo?"

Nakangiti akong umiling. "Hindi lang ako, Pam. At hindi lang ikaw ang makakasalba sa relasyon n'yo. It takes two to tango, ika nga. Dahil kung isa lang ang kikilos walang mangyayari. Para kang nagtutulak ng sasakyan, samantalang ang isa nakatayo lang sa tabi mo. Walang magiging usad 'yon."

"Kung gano'n, paano n'yo nasabi kung may pag-asa pang isalba?"

"Hindi naman lahat nagkakaroon ng pag-asang isalba ang pasira ng relasyon, Pam. O hindi nila piniling isalba? Pero inilaban namin hangga't kaya pa. Hangga't hindi pa kami tuluyang nadudurog. Ilang buwan simula noong sinubok kami ng tadhana ng Kuya Leo mo, nagising na lang ako isang araw na naghahangad na ibalik ang dating kami. Gusto ko pang ilaban. Gusto kong ibalik ang dating tamis ng pagsasama namin. Gusto ko pa rin na siya ang maging wakas ko at hindi kami ang magwawakas. Pareho kaming nagkamali. Pareho kaming naging bulag, bingi at manhid sa pangangailangan ng isa't isa. Noong mga panahon na 'yon naisip ko, siguro oras na para buksan ang mga mata ko, para makinig ako, at ibalik ang pakiramdam ko. Hindi pa naman siguro huli na isalba ang apoy na nagpapatibay sa pagsasama namin."

"At bumalik?"

"Hindi agad, Pam." Malungkot akong umiling. "Matagal na proseso. Habang ibinabalik ko ang mga kilos katulad noong bago pa lang kami, naroon pa siya sa panahong hindi kami nagkakaintindihan. Ginawa ko ang mga bagay na madalas naming gawin noon. Hihilutin siya kapag napapagod, yayakapin at hahalikan para maiparamdam na naroon lang ako sa tabi niya. Dumating ako noon sa punto na lahat ng pagkukulang at mali niya pinupuna ko, inalis ko ang ugaling 'yon. Sa halip nagpasalamat ako sa lahat ng ginawa niya para sa amin. Inunawa ko lahat ng kahinaan niya. Hindi ako sumuko, kahit may araw na iiyak na lang ako dahil pakiramdam ko wala ng pag-asa. Hanggang dumating ang araw na bumalik na siya at kumikilos na rin para maayos kami."

Niyakap ko si Pam nang marinig ang hagulgol niya.

"Hindi na mahalaga kung sino ang nagkasala, Pam. Sa pagsasama ng dalawang nagmamahal, hindi talaga mawawala ang away at hindi pagkakaintindihin pero hindi ibig niyon na wala na agad doon ang pagmamahal. Nasa inyo iyon kung paano n'yo pananatilihin ang init ng pagsasama, ang kapit sa isa't isa. Kung paano n'yo lalabanan ang pagsubok. At palagi kong sinasabi, dapat nasa sentro Siya ng relasyon ninyo."

"Siguro oras na para tingnan ko ang mali at itama 'yon."

Nakatulog si Pam matapos ng pag-uusap naming iyon. Awang awa ako sa kanya pero alam kong malalampasan din nila ito. May tiwala ako sa pagmamahalan nila ng asawa niya.

"How is she?" bungad ni Leo pagkalabas ko ng guestroom.

"Nagigising na ang isip." Umupo ako sa kandungan niya. "Naalala ko noong mga panahong ako ang umiiyak kay Mama."

"Sorry, Love, dahil nasaktan kita noon."

"Sorry rin, Love." Malalim akong nagbuga ng hangin. "Mabuti na lang hindi natin hinayaang matupok tayo ng pagsubok, Leo."

Tumango siya at dinampian ng halik ang sentido ko. "Maganda naman ang naidulot sa atin ng pagkapaso natin noon, dahil mas pinagtibay tayo niyon at ang pagsasama natin."

WAKAS

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top