2. Quick To Fall... Quick To Bawl?
KISAPMATA
HINDI AKO KAILANMAN naniwala sa “Love at first sight” pero mabilis akong mahulog sa isang tao. At kung gaano ako kabilis mahulog, ganoon ding kabilis lumalagapak at nasusugatan ang puso ko.
Second year high school noong magkaroon ako ng first boyfriend—si Erol. Apat na taon ang tanda niya sa akin. Napakitaan lang ng kabaitan at ka-sweet-an nahulog na ako sa kanya. Akala ko dahil matured na siya magtatagal kami, pero makalipas ang apat na buwang relasyon namin nakipaghiwalay na lang siya bigla sa akin. At sa text pa!
Ilang buwan lang, nanligaw sa akin si Chris. Fourth year na siya no’n. Malambing siya, hatid-sundo ako sa bahay, at magalang din kina Mama. Pero makalipas ang ilang buwan nalaman ko na lang na may pinopormahan siyang bagong estudyante.
"Nako, Maru! Bata ka pa ginagawa mo nang laro ang pakikipagrelasyon," mariing ani mama nang makita niya akong umiiyak noong gabing natapos ang tatlong buwang relasyon namin ni Chris. Ramdam ko ang galit niya sa tahimik na pakikitungo pagkatapos niyon. Sumama ang loob ko. Bakit parang kasalanan ko pa na nasasaktan ako?
Ilang relasyon pa ang pinasok ko. Hindi nadalá sa dalawang magkasunod na pagkabigo. Pero lahat hindi nagtatagal. Inisip ko kung ano bang mali. Bakit liligawan ako pero iiwan at ako lang ang iiyak sa huli. Sabi ng mga kaibigan ko marupok daw kasi ako. Mabilis bumigay. Sabi ko, nagmamahal lang naman ako.
First year college, nakilala ko si Kuya Leo. Ahead ng tatlong taon sa akin. Mabait siya. Sobrang talino pa. Nagustuhan ko si Kuya Leo. ‘Yun nga lang may girlfriend na siya. Naiinggit ako kapag nakikita ko silang magkasama. Nakangiti ako pero ‘yung kasuluksulukan ng nararamdaman ko naghihimutok na.
"Ang tagal n’yo na ni Kuya," sabi ko kay Ate Pat— ang girlfriend ni Kuya Leo noong minsan naming nakasama ang batch nila sa isang seminar. Saktong nagkatabi kami sa upuan. "High school pa kayo na po, ‘di ba?"
"Oo. High school lovers lasts forever ika nga," natatawang aniya.
"Kailan mo po nalaman na mahal mo si Kuya?"
Napalabi siya habang nakatingin sa unahan. "Crush ko na siya noong high school pa lang kami pero hindi ko na sigurado kung kailan napunta sa pagmamahal. Siguro no’ng sinagot ko siya?" aniya na sumulyap pa sa akin. "Ngayon masasabi kong mahal na mahal ko siya kasi maisip pa lang na aalis siya sa buhay ko nasasaktan na ako," nakangiting aniya pero makikita ang pait sa kanyang mukha.
"Ano’ng secret n’yo ni Kuya Leo para magtagal?" tanong ni Ludy—classmate ko. Nasa tabi ko ito.
"Secret? Siguro ‘yong tiwala sa isa’t isa. Kailangang dala n’yo ‘yon kahit saan kayo magpunta."
Nalaman ko pa kung gaano ka-sweet ang mga ginawa ni Kuya Leo para lang makamit ang matamis na oo ni Ate Pat. At makalipas ang dalawang taon tuluyan na siya nitong sinagot.
Naisip ko ang mga nakaraang relasyon ko, sa lahat ng iyon matagal na ang isa o dalawang buwang panliligaw. Sinasagot ko agad basta naroon ang kilig. Akala ko pagmamahal na iyon. Hindi pa nga yata umaabot sa pagmamahal ang nararamdaman ko, baka infatuation lang. Maski nararamdaman nila hindi ako sigurado kung totoo ba ang sinasabi nilang mahal nila ako. Siguro ay hindi, dahil kung totoo bakit hindi nagtagal? Bakit hindi nanatili?
Tama nga ang minsang sinabi ni Mama. Masyado akong nagmamadali na makahanap ng pagmamahal at makapasok sa isang relasyon. Ni hindi ko na nagagawang kilalanin nang mabuti ang taong pinapapasok ko sa buhay ko. Masyado nga akong naging marupok tulad ng sinasabi ng mga kaibigan ko, kaunting pambobola nahuhulog na ako.
Napangiti ako kay Ate Pat. ‘Yung ingggit ko kapag nakikita silang magkasama, hindi dahil gusto ko si Kuya Leo. Iyon ay dahil sa tagal ng relasyon nila. Six years. Gusto ko rin no’ng gano’n. ‘Yung relasyon na hindi nagsasawa. ‘Yung relasyon na nagtatagal. ‘Yung hindi ka iiwan na umiiyak mag-isa matapos iparamdam sa’yo kung gaano ka kahalaga. ‘Yung relasyon na puno ng pagmamahal. Pagmamahal na hindi mo maipaliwanag kung paano mo minahal ang tao na ‘yon kasi ang mahalaga lang ‘yung nararamdaman mo at kasama mo siya.
Itinatak ko sa isip ang mga natutunan. Hindi muna ako pumasok sa relasyon. May mga nanliligaw na talaga namang nahuhulog ang loob ko pero naging matalino na ako. Inisip ko na hindi na ako marupok. Hindi na ako mabilis mahuhulog.
Napatunayan kong totoo pala na kapag mabilis dumating sa’yo ang isang tao, mabilis ding mawawala. Iyon ay dahil hindi mo pa naman nalalaman ang tunay na intensyon niya sa’yo. Hindi mo pa napapatunayan na mahal ka niya talaga.
Sa ilang relasyong pinasok ko, isang kisapmata lang nahulog na ako at sa isang kisapmata umiiyak na ako. At iyon ang bagay na ayaw ko nang mangyari pa.
WAKAS
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top