CHAPTER 001 - Introduction



PINAKIRAMDAMAN NI LEYNA ANG SARILI. Hindi pa siya kumakain at nilalamig siya sanhi ng malakas na ulan at hangin. Walang bagyo pero masama ang panahon. At... hindi niya alam kung saan siya naroon.

Ang tanging alam niya'y iyon na ang lugar kung saan niya muling itatayo ang sarili at kung saan sila maninirahan nang matagal.

Mahigit isang araw din ang ibinyahe niya para marating iyon. Nasa tuktok na yata iyon ng Luzon. Ewan niya. Hindi niya alam. Ang alam niya ay ang katotohanan na hindi na siya pwedeng bumalik sa pinanggalingan. Walang rason para bumalik pa siya sa Maynila.

Inikot niya ang tingin sa paligid. Nasa terminal siya ng bus—at iyon ang pinaka-huling terminal sa parteng iyon ng rehiyon. Matapos ibaba ng bus ang lahat ng mga pasahero ay kaagad din iyong umalis upang igarahe sa sinundang bayan. Tatlong pasahero na lamang ang natira sa bus kanina at kabilang siya roon. Pasado alas dos ng madaling araw sila dumating at may nag-iisang traysikel sa tabi ng terminal na naghihintay ng pasahero. Ang drayber niyon ay tulog sa loob. Maliban sa kaniya at sa drayber ng trayk ay wala nang tao sa paligid. May mga tindahan sa tabi ng terminal pero naka-sara ang mga iyon. Ang dalawang pasaherong kasabay niyang bumaba ay may mga sundo.

Hindi niya maalala kung gaano na siya ka-tagal na naroon at nakaupo sa kinakalawang nang bakal na upuan. Ang yerong bubong ng terminal ay may ilang mga butas.

Napabuntong-hininga siya at sinulyapan ang dalang traveling bag. Bahagya niya iyong hinila nang makitang natatalsikan iyon ng tubig ulan na lumalabas mula sa butas hindi kalayuan sa kaniya. Pinagpagan niya ang nabasang parte ng bag saka binuhat upang ipatong sa nangangalawang na upuan, subalit nang yumuko siya ay bigla siyang nakaramdam ng pananakit ng puson kaya bigla rin niyang ibinaba ang bag saka dahan-dahang inisandal ang likod sa sandalan.

Humugot siya nang malalim na paghinga saka dinala ang isang palad sa tiyan.

"Pasensya ka na, nakalimutan kita."

Banayad niyang hinimas ang puson. Hindi pa iyon bumubukol pero nakararamdam na siya ng pag-pintig. Isang buwan ang tantiya niya bago mahalata ang puson niya. Sigurado siyang pagpasok niyon sa ikatlong buwan ay magsisimula nang lumaki ang tiyan.

Muli siyang nagpakawala nang malalim na paghinga bago yumuko at nagpakawala ng malungkot na ngiti. Ipinagpatuloy niya ang paghimas sa tiyan.

"Napagod ka rin ba? Alam kong nagugutom ka na, pero walang mahanap na makakainan si Nanay. Naubos na natin ang baon nating tinapay." Nag-angat siya ng ulo saka ini-suyod ang tingin sa madilim na paligid. "Simula ngayon ay itong lugar na ito na ang magiging tahanan natin. Hindi ko alam kung ano ang naghihintay na kapalaran natin dito, pero nangangako ako na..." Muli siyang yumuko at dinala sa ilalim ng puson ang dalawang mga palad, "... gagawin ko ang lahat para maging masaya ka. Ibibigay ko sa 'yo ang pagmamahal na walang kapantay, at po-protektahan kita hanggang sa huling hininga ko. Tayong dalawa lang ang magiging magkasangga, anak, kaya sana... sana lumaki kang matapang, mabait, at mapagmahal."

"Ineng, may magsusundo ba sa 'yo?"

Napa-igtad siya sabay angat ng tingin nang marinig ang nagsalita sa tabi niya. Hindi niya namalayan ang paglapit ng may edad na babae sa kaniya. May dala itong bayong na puno ng gulay at payong na sira. Sa tantiya niya ay nasa sisenta ang edad ng ale. Nakasuot ito ng dilaw na jacket at itim na pajama. Sa paa ay lumang bota. Ibinalik niya ang tingin sa matandang babae. Bahaw siyang ngumiti.

"W-Wala po akong sundo. Naghihintay lang po akong mag-umaga para makahanap ako ng... mauupahang bahay."

Nalipat ang tingin nito sa dala niyang traveling bag. Nagsalubong ang mga kilay nito. "May kakilala ka ba rito sa bayan ng Persimon?"

Napakagat-labi siya. "W-Wala po."

Ibinalik nito ang tingin sa kaniya, sandali siyang sinuri ng nagtatakang tingin bago bumaba ang mga mata nito sa puson niya.

"Kadarating ko lang para maghanda ng paninda kong gulay nang marinig kitang kausap ang iyong sarili. Nagdadalangtao ka ba?"

Hindi niya napigilan ang pag-ngiwi. Tumango siya.

"Nasaan ang asawa mo at mag-isa ka lang dito?"

Nang marinig ang tanong ng matanda ay gumuhit ang pamilyar na hapdi sa kaniyang dibdib.

Pamilyar na hapdi.

Tama.

Dahil araw-araw sa loob ng mahigit isang taong kasal siya sa lalaking iyon ay laging may gumuguhit na hapdi sa kaniyang dibdib. Tila sugat na unti-unting lumalaki sa paglipas ng mga araw. At ngayon... kung maaari lamang na silipin ang puso niya, sigurado siyang hindi lang sugat ang makikita roon.

Sigurado siyang malapit na iyong mabiyak.

Kaya nga bago pa tuluyang madurog ang puso niya'y umalis na siya. Ang pagpapakalayo-layo niya ang tanging paraang naisip niya upang isalba ang sarili habang kaya pa niya, at upang protektahan ang buhay na pumipintig sa kaniyang sinapupunan...

Wala sa sariling inihaplos niyang muli ang palad sa puson.

Hindi alam ng kaniyang asawa ang tungkol sa kondisyon niya. At mananatili itong walang alam dahil nang umalis siya sa mansyon ay ipinangako niya sa kaniyang sarili na hindi na siya makikipag-ugnayan pa rito.

Dahil naubos na siya.

Sumagad na ang pasensya niya. Napagod na siyang umasa na darating ang araw na matutunan siya nitong mahalin at pahalagahan.

Sa loob ng mahabang panahon ay wala siyang ibang lalaking minahal. Anim na taon siyang lihim na umibig dito, at nang dumating ang araw na napili siyang ipakasal dito ay walang pagdadalawang-isip siyang pumirma ng kontrata.

Inakala niyang magiging maayos ang pagsasama nila kahit na siya lang ang umiibig. Inakala niyang mahuhulog din ang loob nito sa kaniya kalaunan. Inakala niyang tatanggapin din siya nito sa kabila ng disgusto nito sa nangyari. Inakala niyang katulad pa rin ito ng dati.

Pero hindi.

Hindi na ito ang dating batang lalaking naging sandalan niya. Hindi na ito ang dating binatang naging mabait sa kaniya dahilan kaya nahulog siya. Hindi na niya ito nakikilala.

At hindi rin nangyari ni isa man sa mga inakala niyang mangyari.

Naging masamang panaginip ang lahat. At noong nagising na siya sa katotohanan ay naglakas-loob siyang nag-empake at umalis.

Iniwan niya ang lahat sa mansyon, kabilang na ang natitirang pagmamahal na mayroon siya sa ama ng dinadala niya.

Ngayon ay wala na siyang ibang nais kung hindi ang makapag-simula at maisilang nang ligtas ang anak.

Babangon siya.

At kalilimutan niya ang lahat-lahat.

Mag-uumpisa siyang kalimutan ang nakaraan... at mag-uumpisa siya sa panahong nahulog siya rito.

*

*

*

EIGHT YEARS AGO...

"Manang Maring, tulungan ko na po kayong magligpit ng mga gamit ni Donya Merci."

Ang akmang pag-akyat sa malapad na staircase ng limampung taong gulang na mayordoma ng mansion ay nahinto nang marinig ang sinabi ni Leyna. Lumingon ito at nakita ang dalagang nakatayo ilang dipa sa likuran nito.

Banayad na ngumiti ang may-edad na ginang.

"H'wag na, Leyna. Kasama ko naman sina Aning at Delya na magliligpit ng mga gamit ni Ma'am. Magpahinga ka na at kagabi ka pa nasa chapel para tumulong sa pag-aasikaso ng mga nakikiramay." Muling tumalikod si Manang Maring at itinuloy ang pag-akyat. Subalit nakaka-tatlong baitang pa lang ito'y muling nagsalita si Leyna.

"Hindi po ba darating si Yuruz para sa huling lamay ng mommy niya?"

Muling nahinto si Manang Maring; sandaling natahimik.

Ilang sandali pa ay...

"Nagkausap na sila ni Don Ysmael, pero hindi ko alam kung ano ang balak ng batang iyon." Humarap si Manang Maring saka pilit na nagpakawala ng ngiti. "Alam mo namang sa loob ng maraming taon ay sa ibang bansa nanirahan si Yuruz; hindi siya naging malapit sa kaniyang ina. Pero magkaganoon man ay sana... magawa pa rin niyang umuwi upang makita man lang niya kahit sa huling sandali si Donya Merci."

Hindi na sumagot pa si Leyna. Napayuko na lamang ito at napatitig nang blangko sa sahig.

Si Yuruz ay ang nag-iisang anak ng mag-asawang Valleverde at kasalukuyang nasa ibang bansa upang doon mag-aral. Sa katunayan ay halos buong buhay nito'y sa Estados Unidos naglagi si Yuruz, sa poder ng tiyahin nito na nakababatang kapatid ng ama. Simula elementarya ay doon na ito nag-aral, at simula nang maka-kuha ng permanent residency ay madalang nang umuwi. And the last time he was home was eight years ago.

Si Donya Mercedes, ang ina ni Yuruz, ay sumakabilang buhay matapos ang isang taong pakikipaglaban sa sakit na breast cancer. Ang araw na ito ay ikatlong araw na ng lamay. Tumanggi si Don Ysmael na ilibing ang asawa hanggang sa hindi umuuwi ang unico hijo nito.

Walang nakaaalam kung bakit hindi pa rin dumarating si Yuruz, hindi makausap ang don dahil sa labis na paghihinagpis.

Habang hinihintay na dumating ang anak ay nag-utos ang don na iligpit na ang mga gamit ni Donya Mercedes at ilipat sa isang silid na dati ay ginagawang reading area ng ginang. Lagi itong naroon sa dulong silid na nakatanaw sa malawak na hardin upang tahimik na magbasa ng mga libro nito, at nais ng don na i-preserve ang lugar na iyon para sa mahal na asawa. Sinabi rin nitong hindi nito kayang makita ang mga gamit ng esposa sa silid dahil labis itong naghihinagpis, kaya nakiusap ito sa mga katulong na ilipat na iyon sa espesyal na silid.

"Naalala kong naging malapit kayo ni Yuruz noong minsang umuwi siya rito."

Nag-taas ng tingin si Leyna nang marinig ang sinabi ni Manang Maring. Nasa gitna na ng malaking hagdan ang may-edad na ginang at nakalingong muli sa dalaga. Bumalik sa mga labi ang pinong ngiti.

"Kaya mo ba tinatanong kung uuwi siya ay dahil nais mo siyang makita, Leyna?"

Pinamulahan ng mukha ang labinwalong taong gulang na dalaga. "N-Naku, hindi po, Manang!"

"Kuu... Magkakaila ka pa. Eh dati ay nagpapalitan pa kayo ng mga sulat ni Sir Yuruz, 'di ba? Ang babata pa ninyo noon."

Sa nag-iinit na pisngi ay muling nagbaba ng tingin si Leyna. Bumalik sa isip nito ang araw nang unang makilala si Yuruz.

Walang taon na ang nakararaan ay umuwi si Yuruz upang magbakasyon. Si Leyna ay sampung taong gulang at mag-iisang taon pa lang na naninirahan sa mansion kasama ang ama na naging family driver ng familia. Dahil doon sa malaking servant's quarter sa likod ng mansion nakatira ang lahat ng kasambahay at manggagawa ay doon na rin tumira si Leyna at ang ama. Labintatlong taong gulang si Yuruz noon at hindi sanay mag-Tagalog. Dahil parehong bata ay kaagad na naging malapit ang dalawa, lalo at laging nakasunod si Leyna kung saan man naroon si Yuruz.

Kapag nasa hardin si Yuruz upang magbasa ng komiks ay nakasilip si Leyna sa likod ng mga halaman. Kapag nasa sala naman ang batang lalaki ay nakasilip mula sa kusina ang batang babae. Kapag nasa pool area naman si Yuruz ay nakasunod din si Leyna. Nang mapansin ni Yuruz ang presensya ni Leyna ay tinawag nito ang huli. Si Leyna ay hindi maka-intindi ng Ingles noong mga panahong iyon, habang si Yuruz naman ay nakalimutan nang mag-Tagalog. Tinuruan nila ang isa't isa, at simula noon ay madalas na silang magkasama. Maglaro man, mag-basa ng komiks, manghuli ng tutubi at paruparo sa hardin, o umakyat sa puno ng mangga sa likod ng mansion at manguha ng bunga. They were inseparable.

But after two months, Yuruz left again and flew back to the US. Nangako ito kay Leyna na susulat, and he did.

They became penpals for the next four years until Yuruz stopped sending letters or answering any long-distance calls. Naging abala ito nang pumasok sa senior high; he became a soccer player and a champion swimmer. Girls would swarm around him like bees to a flower. He was overwhelmed by his booming teenage life until Leyna's gradually slipped his mind. At doon ay hindi na ito nakapagparamdam pa. Kahit ang contact sa mga magulang ay naging madalang.

At ngayon... Ngayong may dahilan para umuwi ito ay labis na nanabik ang dalaga. Nais nitong makitang muli si Yuruz; kumustahin ito, makita ito nang personal.

Sa loob ng walong taon ay manaka-naka itong nakikita ng dalaga sa nag-iisa nitong social media account, at doon lang nagkakaroon ng ideya si Leyna kung ano ang naging buhay ni Yuruz sa ibang bansa. He would seldom post his photos, though. Sa tatlong daang posts nito'y wala pang sampu ang mga larawang ini-po-post nito roon. And most of them were pictures of him and his football team. Minsan ay kailangan pang manghula ni Leyna kung alin doon si Yuruz, dahil malibang marami ang nasa picture ay pawang nakasuot ang mga ito ng helmet sa ulo. Minsan naman ay kalahati lang ng mukha nito ang makikita, o sapatos lang nito, o kamay na may hawak na bola.

Yuruz was a private person on social media. Kaya labis na kuryusidad ang namayani sa dibdib ni Leyna habang sinusubaybayan ang buhay ng kababata. She wondered how Yuruz looked like now?

"Siya nga pala, Leyna. Uuwi raw ba si Don Ysmael o dadalhan na lang ulit natin ng pambihis doon sa chapel?"

Napaangat muli ang tingin ni Leyna nang magtanong si Manang Maring.

"H-Hindi po niya nabanggit, Manang. Tatawagan ko na lang po si Itay para itanong."

Tumango ito. "O siya, ako'y aakyat na at hinihintay na ako sigurado ng dalawa sa itaas. Magpahinga ka na rin at ako naman ang tutulong doon sa chapel mamaya. May exam ka pa sa Lunes, hindi ba? H'wag kang magpapagod."

Si Leyna naman ang tumango, at nang tumalikod si Manang Maring ay hindi umalis ang dalaga sa kinatatayuan hanggang sa hindi nawala ang matanda sa paningin nito.

Sinulyapan ni Leyna ang oras sa suot na mumurahing relo, at nang makitang mag-a-alas sinco na ng hapon ay nanlaki ang mga mata. May takdang aralin itong kailangang tapusin at hanggang alas seis lang ang pasahan. Kauuwi lang niya galing sa chapel at kailangan niyang humabol.

Madali siyang tumalikod at humakbang patungo sa kusina. Doon ay may daanan patungo sa servant's quarter sa likuran. Subalit bago pa man niya marating ang kusina ay naulanigan nito ang malakas na busina ng sasakyan sa labas ng gate ng mansion. Napalingon ang dalaga nang makilala ang tunog ng busina; iyon ang van na minamaneho ng kaniyang ama. Kaya imbes na ituloy ang pagtungo sa kusina ay bumalik ito sa malaking sala ng mansion at humakbang patungo sa front door. Alam ng dalagang nasa front gate ang asawa ni Manang Maring na si Tatang Anton na siya ring hardinero ng pamilya. Kanina nang makauwi ang dalaga'y nakita nito ang matandang nagkakape sa tapat ng gate habang inaayos ang mga halamang nasa magkabilang gilid ng drive way.

Saktong paglabas ni Leyna sa front door ay siyang pagpasok naman ng puting kotse sa gate. Si Tatang Anton ang nagbukas. Hindi nagkamali ng hinala ang dalaga; umuwi nga ang ama. Marahil ay nakaramdam na rin ng pagod si Don Ysmael at sandaling nagpauwi upang makatulog nang maigi.

Itinuloy ni Leyna ang paglabas at nahinto sa dulo ng driveway. Sasalubungin nito ang ama at ang don. Pagkahinto ng kotse ay naghanda ng ngiti si Leyna. At tulad ng madalas na mangyari ay inasahan na nitong unang magbubukas ng pinto ang ama upang pagbuksan naman ang amo.

Subalit hindi nangyari iyon.

Dahil ang unang bumukas ay ang passenger's door, at ang lumabas ay hindi si Don Ysmael kung hindi isang matangkad na lalaking nakasuot ng brown leather jacket at may sukbit na backpack sa likod.

Sandaling natigilan si Leyna.

Hanggang sa pinamilugan ito ng mga mata.

It was none other than Yuruz Valleverde.

He had come home at last!


***



Early updates will commence on August 1, 2023. They will be posted on my VIP Group 2 weeks in advance. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top