ANG PAG-AASAWA

Ito ay ang pag-iisang dibdib
Ng dalawang taong umiibig
Pinagbuklod ng pagmamahalan
At sa Diyos ay binendisyunan.

Ito'y hindi tulad ng pagkaing isinubo
Na pwedeng iluwa kapag ika'y napaso
Datapwat ito'y samahang panghabambuhay
May hirap man o ginhawa sa paglalakbay.

Ang pag-aasawa ay tulad ng isang lawin-lawinan
Gumagana lang ito 'pag ang dalawa'y nagtutulungan
Ang pagkilos ng pares ay dapat banayad at balanse
Kung isa'y sobrang lakas, ang isa nama'y titilapon sa ere.

Hindi sa lahat ng pagkakataon, pagsasama ay matamis
Minsan ay simpait ng kape— dulot niyon ay sakit na labis
Kailangang maging matatag at magkakahawak-kamay
Unos may hahagupit, mananatiling 'di nabububuway.

Bagamat ang bawat panig ay magkakaiba ng kinalakhan
Sa isa't isa'y dapat na may paggalang at pag-uunawaan
May kahinaan man siyang taglay, 'wag mong piliting mabago
Ipasa-diyos mong lahat, tiyak lalambot ang kaniyang puso.

Kung may 'di pagkakaintindihan, sabihin mo sa kaniya nang diretsahan
Iwasang ikwento sa iba, lalo na't sa salungat na kasarian
Dahil ito'y panimulan ng lamat 'pag 'di naitutuwid
At hahantong sa malalang away at pakikiapid.

Kung sa una pa lamang ay hindi ka sigurado
Pagnilayang mabuti upang ika'y 'di mapasubo
Sapagkat ang kasal ay isang sagrado
Haharap sa altar 'pag buo na ang loob mo.

Walang pag-aasawa na isang perpekto
Lahat ay dadaan sa matinding apoy at bagyo
Ugaliing nasa gitna ng inyong relasyon si Kristo
Nang sa ganoo'y mga pagsubok ay malalampasan ninyo.

*****************************************

"Ang dalawa ay magiging isang laman
kaya hindi na sila dalawa kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao." - Marcos 10:8-9

Itinatampok na awit: Panunumpa
Ni: Carol Banawa

Sa panulat ni: J. Z. ROMEO

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top