CHAPTER TWO - SILVER

"Art helps us see connections, and brings a more coherent meaning to our world." - Ernest Boyer

Kay's POV

            Malayo pa lang ay kita ko na ang mga tambay na tsismosa sa tindahan malapit sa bahay namin. Tumingin ako sa paligid at nakita kong nakatingin sa akin ang ilang kapitbahay. Ang mga naka-umpok na mga babae sa tapat ng tindahan ni Aling Yosing. Alam ko na ang mga tingin na iyon. Sigurado akong ako o ang pamilya na namin ang usapan nila.

            "Nagwala na naman si Atang kanina. Paano wala na namang pera. Natalo sa mahjong kahapon."

            Alam kong nagbubulungan lang sila para hindi ko marinig ang kanilang usapan. Pero ang bulungan naman nila, parang nasa kabilang kanto ang kausap kaya rinig na rinig ko pa rin.

            "Napaka-martir niyang si Kaydence 'no? Kahit na anong ginagawa ni Atang sa kanya, nagtitiyaga pa din sa mga 'yan. Kung ako 'yan, lalayasan ko na ang pamilyang 'yan."

            Pinanatili kong nakataas ang noo ko kahit na nga nakakaramdam ako ng paninikip ng lalamunan. Hindi naman nila alam ang nangyayari sa amin sa loob ng bahay. Hindi nila alam na nagsasakripisyo din ang asawa ko para sa pamilya namin.

            "Eh, kasi naman, si Jeremy na lang ang inaasahan ni Atang na maghahango sa kanya sa kahirapan. Akalain mong nambuntis naman agad pagka-graduate. Kahit naman ako, magagalit din ako noon. Ang mga anak, kaya pinag-aaral para kapag nakatapos, makatulong sa magulang. Hindi 'yung ganyan. Parang mga walang utang na loob. Pagkatapos pag-aralin kalandian ang aatupagin."

            "Nandiyan pa naman si Jerika. Iyon ang isa pang inaasahan ni Atang." Hindi ko na nakilala ang nagsabi noon.

            "Ilang taon pa ang hihintayin ni Atang bago makatulong iyon. At kahit nasa kolehiyo na mukhang pag-aasawa din ang bagsak. Nakita mo naman ang kaartehan ng batang iyon. Kaya ayan, si Kaydence ang nagsasakrispisyo ng lahat. Tingnan 'nyo nga ang itsura. Mukha ng hindi naliligo. Aba, maganda ang batang 'yan dati."

            Napahinga ako ng malalim. Binilisan ko na ang paglalakad dahil ayoko nang marinig pa ang mga pinagtsi-tsimisan nila.

            "Ikaw ba naman ang magtrabaho para sa lahat, hindi ba magiging ganyan ang itsura mo?" Narinig pa niyang nagtawanan ang mga ito. "Ang sabi pa ni Atang, gusto na talaga niyang maghiwalay 'yan at si Jeremy. Wala daw kasing kuwentang manugang ang babaeng iyan."

            Mabilis kong pinahid ang mga luha habang pumapasok sa maliit na gate. Pinilit kong inayos ang sarili ko at pinilit na ngumiti bago pumasok sa loob ng bahay. Naabutan kong nakahiga sa sofa si Jeremy. Tulog. Sa tabi nito, naroon ang crutches na gamit para makalakad. Ang mga gamot na iniinom ay nakakalat sa lamesita sa harap nito.

            Iginala ko ang tingin sa buong paligid. Lalo yata akong nadi-depress. Pagod na ako sa trabaho, pagdating ko dito, kailangan ko pang maglinis. Pagkababa ko ng bag ko ay inisa-isa kong damputin ang mga pinagkainan at inilagay sa lababo. Ang mga naiwang hugasin kaninang umaga ay naroon pa. Iniipis na nga. Hinugasan ko ang mga iyon. Tiningnan ko ang rice cooker, walang kanin. Wala ding ulam. Ubos na. Napahinga ako ng malalim at tiningnan si Jeremy tapos ay tinapunan ng tingin ang relo. Pasado alas-nuebe na. Sigurado naman na nakakain na sila dahil dito rin kumakain ang nanay niya at kapatid at ako na pagod sa trabaho, mamumuroblema pa ako sa pang-hapunan ko.

            Binuksan ko ang cupboard at nakakita ako ng isang cup noodles. Nag-iisa. Parang inilaan na lang para sa akin. Mabuti naman at naisipan pa nila akong tirahan. Binuksan ko at itinapat sa thermos. Pagpindot ko ay walang lumabas na tubig. Mahina akong napamura. Pati ba naman mainit na tubig wala din?

            Wala sa loob na napaupo ako at sumubsob sa mga palad. Doon ako nag-iiyak ng nag-iiyak. Pakiramdam ko ang miserable ng buhay ko. Ako na lahat. Ako na ang nagsasakripisyo dahil lang sa nagmahal ako? Bakit? Kasalanan na ba iyon? Kasalanan ba namin ni Jeremy na nagmahal kami?

            Kasalanan ko bang naaksidente siya at naputulan ng isang paa?

            Mabilis kong pinahid ang mga luha ko at huminga ng malalim. Muli kong tiningnan kung saan natutulog ang asawa ko at unti-unti, sumungaw na naman ang mga luha sa mata ko. Napakalinaw pa sa alaala ko kung paano ko nalaman na naaksidente ang sinasakyang kotse ni Jeremy. Galing siya sa overtime noon. Kailangan niyang mag-overtime mula sa pinapasukang kumpanya dahil kailangan niyang makaipon para sa panganganak ko. Kailangan din niyang magdoble kayod dahil maraming request ang nanay niya para naman sa pag-aaral ng kapatid niya.

            Mabait na anak si Jeremy. Masunurin sa nanay niya. Lahat ng kayang ibigay, ibibigay niya. Kaya minsan naiisip ko, hanggang saan ba dapat ang pagtulong ng anak sa magulang? Lahat kasi ay si Jeremy na ang gumastos noon para sa nanay at kapatid niya. Mula sa bayad sa renta, bayad sa bills, bayad sa grocery, bayad sa tuition at baon ng kapatid niya. Si Jeremy na ang bumuhay sa kanila dahil obligasyon daw iyon ni Jeremy bilang anak. Samantalang kaming mag-asawa, nagtitiis na magtipid para sa sarili namin.

            Matalino si Jeremy kaya pagka-graduate namin sa college ay nakakuha agad siya ng trabaho mula sa isang telecommunications company. Ako, hindi na muna niya pinagtrabaho dahil maselan akong magbuntis. Eight months na ang tiyan ko nang isang araw, magising akong hindi na gumagalaw ang baby ko. Without explanation, namatay ang baby sa tiyan ko. Depressed na depressed ako noon. Tingin ko naman, tuwang-tuwa ang biyenan ko. Kasi, masosolo na naman nila ang kita ni Jeremy.

Nag-umpisa si Jeremy mula sa mababang posisyon, pero dahil sa sipag niya ay unti-unting umakyat ang posisyon niya hanggang sa maging manager. Lumaki ang kita, nagkaroon ng magagandang benefits, nagkaroon ng sasakyan. Nag-usap kaming hindi na muna ako magbubuntis at magpo-focus na lang muna kami sa pag-iipon para sa pamilya. Nagsasabi ako sa kanya na magta-trabaho ako pero ayaw niya. Ako na lang daw ang bahala sa bahay. Kaya naman daw niya akong buhayin.

Hanggang sa maging maayos kami, doon naman kami ginimbal ng isang pagsubok.

Jeremy had a car accident.

It was one time that he attended a party in their office. First time niyang uminom pero hindi naman lasing. Ang sabi sa investigation, nakatulog daw habang nagmamaneho si Jeremy dahil sa pagod. Bumangga sa trailer truck ang kotse niya. Head on. Suwerte nga daw at nabuhay pa.

The doctors need to amputate his right leg. Durog na durog kasi. Na-pin din ang dibdib niya ng manibela kaya hanggang ngayon, may mga episodes na nahihirapan siyang huminga.

That was three years ago. And everything that we had, went to nothing.

Naubos ang lahat ng naipon namin dahil sa pagpapagamot ni Jeremy. Lahat ng naipon, lahat ng naipundar, nauwi lang sa pagpapagamot niya at pantustos sa nanay at kapatid niya. Walang patawad noon ang nanay ni Jer. Hindi mapakiusapan. Kahit wala ng pera pambigay ang asawa ko, obligado pa rin kaming magbigay ng panggastos nila buwan-buwan.

"Kaydence! Kaydence!"

Napatingin ako sa pinto dahil naririnig ko na ang boses ng biyenan ko tapos ay malakas na kumakatok sa pinto namin.

Tumayo ako at nakita kong gising na si Jeremy at nakatingin sa akin. Binuksan ko ang pinto at pilit na ngumiti sa babae at kinuha ang kamay niya para magmano pero agad siyang pumiksi. Tuloy-tuloy itong pumasok sa loob.

"Kailangan ng pang-tuition ni Jerika bukas. Nasabi na siguro sa iyo ni Jeremy." Inirapan pa niya ako.

Hindi ako kumibo at kinuha ang bag ko. Kinuha ang limang libo nan ai-advance ko kanina. Pahablot niya iyong kinuha sa akin.

"Limang libo? Paano magkakasya 'to?"

"'Nay, iyan lang ho ang na-advance ko sa opisina. Kailangan ko din ho ng pera para pambili ng gamot ni Jer." Katwiran ko.

Umikot ang mata nito at napailing.

"Aasa-asawa kasi kayo ng maaga, hindi 'nyo naman pala kayang panindigan. Hindi man lang kayo nakatulong sa amin. Kukunin ko sa isang linggo ang balance mong dalawang libo para dito. May utang ka sa akin na two thousand." Bago pa ako makasagot ay tinalikuran na ako na ako ng biyenan ko.

Pinilit kong magpakatatag sa harap ni Jer. Ayokong makita niyang malapit na akong bumigay dahil sa kalagayan namin. Isinara ko ang pinto na dinaanan ng nanay niya at akma siyang tatayo para tulungan ako.

"Magpahinga ka na diyan. Ito nga pala ang gamot mo. Huwag ka ng magdo-double dose, ha? Alam mong masama iyon," saway ko sa kanya at inilapag ang mga gamot sa tabi niya.

"Kay, p-pasensiya ka na talaga. H-hindi ko talaga-" sinenyasan ko siyang tumahimik at marahan kong hinaplos ang humpak na mukha. "Okay lang. Basta maayos ka, okay lang. Ganito naman ang mag-asawa 'di ba? Sa hirap at ginhawa?"

Nakita kong nangilid ang luha ni Jeremy kaya tumalikod na ako sa kanya. Baka kasi bumigay din ako at umiyak na.

"Magliligpit lang ako sa kusina." Paalam ko at dali-daling pumunta doon.

Doon ako impit na umiyak ng umiyak.

-----------------

Xavi's POV

            "Luka-luka si Amber, 'no? Hindi man lang sinabi sa atin na natagpuan niya ang bathalang nasa libro ni Venci." Panay ang pangas ng nuts ni Jet habang manaka-nakang tumutungga sa hawak na beer.

            "Nain-love ang gaga. Sabagay, bagay naman sila ni Hunter Acosta. Parehong weird," sagot ko at nagsenyas na mag-refill ng beer sa table namin sa dumaang waiter.

            "Pero masaya ako para sa kanya. I think Amber deserves that kind of happiness. Biglang naging proud ang daddy niya sa kanya, 'no? Nakatisod ba naman ng diyamante sa bundok ang anak nila. Imagine. Hunter Acosta. 'Tangina, sino mag-aakala na buhay pa ang lalaking iyon? Ang yaman ng pamilya noon." Sabi pa ni Jet.

            Itinaas ko ang hawak na beer bilang pagsangayon sa sinabi niya.

            "How's your upcoming exhibit? Tuloy ba next month? You think you can finish that in a month?" Tanong naman ni Newt. Kasamahan ko din painter ito na abstract painting naman ang forte.

            "Wala ka pa ring nakikitang model?" Sabad ni Jet.

            Napakamot ako ng ulo at tumungga sa hawak na beer.

            "Meron na. Well, I haven't asked her yet, but I know she would agree. Aabot ako sa deadline at kung hindi naman, I'll send my previous paintings." Sagot ko.

            "Bakit nagka-problema ka sa model ngayon? Ikaw pa? Kindatan mo lang ang babae, maghuhubad na sa harap mo. Karangalan ang maging model ng isang Xavi Costelo." Nakipag-appear pa si Newt sa akin.

            Napangiti ako. Totoo naman kasi ang sinasabi niya. Kilala ang pangalan ko sa art world. Kapag naging subject, isang malaking honor iyon tapos maisasama pa sa mga exhibit ko here and abroad.

            "Sigurado ako, natatakot 'yung magiging model ni Xavi dahil baka bago niya ipinta, papakin niya muna," tumatawang sabi ni Jet.

            Nag-dirty finger lang ako sa kanya.

            "Pikon ka? Totoo naman, ah. Ilang models muna ang tinikman mo bago mo ipininta? Umpisahan ko. Si Geneva, si Jen, si Sab. Sino pa 'yung isa?" Saglit na nag-isip-isip si Jet.

            "Si Joy," sabad ni Newt.

            "There. Right. Joy Conseco. Lahat iyon, magbabarkada, tinuhog mo. Gago ka rin." Naiiling pa si Jet sa akin.

            "Sila ang may gusto noon. All I wanted to do was to paint. Marupok lang ako. Kung umupo lang sila sa harap ko, wala akong gagawin. Sila ang naunang lumikot sa akin. Mapagbigay lang ako. Saka alam naman nila na I don't do commitments. Sakit sa ulo iyon." Tumungga ako sa hawak kong beer.

            Tawanan ang dalawang kasama ko.

            "And the ladies man Xavi Costelo, strikes again." Nakipag-cheers pa ng hawak niyang bote ng beer sa akin ang dalawa.

            Inubos ko ang laman ng beer ko at nag-browse sa telepono kong hawak. I was trying to look for the name of my Uncle's assistant on Facebook. I overheard him said Kaydence. Hinahanap ko iyon sa employee profile ng company at nakita ko ang full name niya.

            Kaydence Montecillo.

            Pero kanina pa ako nagba-browse, walang kahit na anong Facebook profile na lumalabas sa pangalan niya. Mukhang wala siyang social media accounts.

            Napangiwi ako. Sabagay, sa itsura naman ng babaeng iyon, mukha talagang wala iyong buhay. She looks so overused with work. Napailing ako at pahagis na binitawan ang telepono ko.

            Babalik na lang ako sa office ni Uncle tomorrow at kakausapin ko ang babae.

--------

            I am not a morning person.

            Madalas, ang gising ko ay tanghali na. Twelve noon, one o'clock. Mas buhay kasi ang dugo ko sa gabi. Mas doon nagpo-flow ang ideas ko at mas kumportable ako kapag tahimik ang kapaligiran ko.

            Pero ngayon, pinilit ko talagang gumising ng maaga kahit na nga parang pinupukpok ang ulo ko dahil sa hangover. Mag-a-alas otso pa lang at nandito na ako sa office ni Uncle. Alam ko mamaya pa naman siya darating at ayokong abutan niya ako dito na sinusulot ko ang empleyado niya.

            Iginala ko ang paningin sa mga empleyadong naroon. Isa-isa na silang nagdadatingan. Hindi ko pa nakikita si Kaydence at hindi ko rin alam kung saan ang table niya. Isang babae ang dumaan sa harap ko at ngumiti sa akin.

            "Mahra, right?" Paniniguro ko. Kilala ko na ang babae. Sa dalas ba naman nitong pumarada at magpapansin sa harap ko kapag nagpupunta ako doon, imposibleng hindi ko siya makilala.

            "Good morning, Xavi. Ang aga mo yata dito?" Inayos-ayos pa niya ang buhok.

            Ngumiti ako at parang lalong kinilig si Mahra sa harap ko.

            "I am trying to look for Kaydence's table. Would you help me finding it?"

            Nawala ang ngiti sa mukha ni Mahra sa narinig na sinabi ko.

            "Si Kaydence? The loser? You're looking for that loser?" Tila hindi ito makapaniwala sa sinasabi ko.

            Tumango ako. "Yes. Kaydence."

            Halatang na-disappoint si Mahra sa sinabi ko. Itinuro nito ang isang mesa na punong-puno ng mga nakakalat na papel malapit sa office ni Uncle Guido.

            "'Yan ang table niya. Goodluck on finding her. Baka natabunan na siya sa kalat ng table niya," umirap na tumalikod na si Mahra at nagpunta sa sarili nitong table.

            Ngumiti lang ako at lumapit sa table ni Kaydence. Naupo ako doon at hinintay na lang ang kanyang pagdating.

            Sigurado akong mapapa-oo ko siya sa offer ko.

            Wala pang tumatanggi kay Xavi Costelo.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top