CHAPTER TWELVE - TUSCANY

"Art enables us to find ourselves and lose ourselves at the same time." - Thomas Merton

Kay's POV

            "Nakakalula dito."

            Mahinang-mahina ang boses na sabi ko kay Jeremy habang papasok kami sa Makati Shangri-La Hotel. Nakakapasok na naman ako sa mga hotel noon pero ewan ko ba, sa sobrang tagal na namin na hindi iniintindi ang mga ganitong bagay ni Jer, parang nakakaramdam ako ng panliliit kahit pa nga mukha naman kaming presentable ngayon. Ilang mga tao na nga ang tumitingin sa akin at naasiwa ako. Pakiramdam ko ay tinitingnan kami ni Jer dahil may kapansanan ang asawa ko.

            "Bakit? Naasiwa ka ba?" Kahit nakasaklay at paika-ika ang lakad ni Jer ay taas noo siyang lumalakad sa loob ng hotel. Naninibago ako sa asawa ko. Ang dating depressed at walang confidence na lalaki ay napalitan ng matapang na tao. Hindi siya nahihiya kahit tinitingnan siya ng mga tao. Taas noo siyang naglalakad at itsurang proud pa dahil ako ang kasama niya.

            "Medyo. Hindi ako sanay sa ganito," sagot ko sa kanya. Humawak ako sa braso niya at natawa si Jer.

            "Ang lamig ng kamay mo," puna niya.

            "Parang gusto ko ng umuwi." Kinakabahan talaga ako.

            "Kay, nandito na tayo. Sabi ko naman sa iyo, treat natin ito sa sarili natin. Kinakabahan ka ba kasi tingin mo wala akong pambayad dito?" Natatawa siya.

            Ngumiti ako ng maasim at tumango. "Walang laman ang wallet ko. Pang-taxi lang natin pauwi kung saka-sakali. Ayokong makulong, Jer dahil lang sa nagpilit tayong sumabay sa may perang tao."

            Napahinga siya ng malalim at umiling.

            "Settled na nga ito lahat. Na-confirm ko na. Huwag ka ng mag-isip ng kung ano-ano. I-enjoy na lang natin 'to." Naglakad kami at tinanong ni Jer kung saan ang Sage Bespoke Grill at itinuro naman iyon sa amin ng napagtanungan naming attendant ng hotel. Papalapit sa restaurant ay lalong lumalakas ang kaba ko. Karamihan kasi sa mga nakikita kong narito ay mga foreigners at alam kong mayayaman na tao.

            Pagdating namin doon ay sinabi ni Jer ang reservation namin. Agad kaming ini-assist ng staff at dinala sa isang nakahandang mesa sa bandang gitna ng restaurant. Naka-set up ang table ng maganda. May isang slice pa ng cake at may naka-lagay na Happy Anniversary sa ibabaw.

            Ngumiti lang ako sa staff na tumulong para makaupo si Jer. Kinuha nito ang crutches na gamit ng asawa ko at inilagay sa isang gilid.  Inabutan kami ng menu at nagtingin doon. Nakatitig lang ako sa mga nakalagay na pagkain sa menu. Hindi ko alam kung anong oorderin ko. Ang totoo, hindi ko alam kung makakain ako dahil sa kabang nararamdaman ko lalo na ng makita ko ang presyo ng mga pagkain. Napapalunok akong tumingin kay Jer. Abala lang siya sa pagtingin doon.

            Siguro ay napansin niyang hindi naman ako gumagalaw kaya tumingin siya sa akin.

            "May napili ka na?"

            Umiling ako. "Jer, baka kahit maghugas tayo ng plato dito hindi pa rin natin kayang bayaran ang pagkain. Isang piraso ng rib eye four thousand pesos na. Jer, umuwi na lang tayo."

            Natatawang napapailing ang asawa ko sa akin.

            "Ano ka ba? Basta umorder ka lang. Ang ganda-ganda mo ngayong gabi kaya hindi puwedeng sa karinderya lang kita pakainin." Hinawakan ni Jer ang kamay ko. "Orderin mo kung ano ang gusto mo. Huwag kang mag-alala dito. Ako ang bahala."

            Hindi pa rin ako tuminag kaya si Jer na ang pumili ng pagkain namin. Rib eye nga ang inorder niya. Tapos may wine pa. Ang isang bote ay nagkakahalaga ng limang libo. Pakiramdam ko ay pinapawisan na ako ng malapot dahil sa ginagawa ng asawa ko.

            Pero tingin ko ay cool na cool lang si Jeremy. Wala naman sa itsura niya na nag-aalala siya. Siguro nga, bayad na nga ito. Pero hindi ko pa rin maintindihan kung paano niya nakuha ang ganitong incentive.

            "Jer, may itatanong ako pero huwag ka namang magagalit."

            "Ano?" Hinintay nito na matapos masalinan ng wine ang kaharap na baso tapos ay uminom doon.

            "Paano ka nagkaroon ng ganitong incentive? Kakapasok mo pa lang sa opisina 'nyo tapos ganito na agad? Medyo nagtataka lang ako."

            Huminga ng malalim si Jer. Halatang hindi niya nagustuhan ang tanong ko.

            "Kay, sabi ko sa iyo magtiwala ka lang sa akin 'di ba? Hindi ka ba naniniwala sa kakayahan ko? O sige, ganito. May problema ang kumpanyang pinapasukan ko. May nagnanakaw ng mga perang kinikita na hindi nailalagay sa report. Ako ang nakakita noon. Inireport ko sa boss ko."

            "Boss mo? Si Xavi Costelo?" Paniniguro ko.

            Tumango siya. "Napakabait ni Sir Xavi. Saka may nakita akong discrepancy sa report at ipinakita ko sa kanya. Hanggang ngayon, marami akong natutuklasang nawawalang pera. Malulugi ang kumpanya na iyon kung pababayaan nila." Seryosong paliwanag niya.

            "Pero hindi ba delikado ang ginagawa mo?" Nakaramdam ako ng takot para kay Jer.

            "Sikreto naman 'to. Walang ibang nakakaalam na tinutunton ko kung sino ang nagwi-withdraw ng pera. Kay Sir Xavi lang ako nagrereport tungkol sa pag-iimbestiga ko sa discrepancy sa audit. Natuwa siya kaya ito. Lahat ito, regalo niya sa atin. Incentive dahil ako lang daw ang nakakita ng problema na iyon."

            Hindi ako nakasagot. So, si Xavi ang nagbayad ng lahat ng ito?

            "Kay, napakabait ng boss ko kaya pinipilit kong tulungan siya sa trabaho. Tingin ko kasi mukhang hindi sila magkasundo ng tatay niya."

            "Paano naman mukha siyang walang pangarap sa buhay. Nakita mo naman ang itsura."

            "Artist 'yun. Ganoon talaga sila. Misunderstood. Pero sila 'yung mga taong malalalim. Ewan." Nagkibit-balikat pa si Jer. "Ang gaang ng loob ko kay Sir. Naawa nga ako dun' 'nung minsang naabutan ko sa opisina na nag-aaway sila ng daddy niya. Muntik ng suntukin ng daddy niya."

            Nakuha noon ang atensiyon. "Talaga?" Ganoon ka-grabe ang away ng mag-amang iyon? Pero sa tuwing pupunta si Xavi sa office ni Sir Guido, parang wala itong problema. Close na close sila ng uncle niya.

            Napahinto kami sa pag-uusap dahil dumating na ang pagkain na inorder namin. Agad iniayos ang pagkain ni Jer. Hiniwa ng maliliit ang karne. Kita ko ang tuwa sa mukha niya habang kumakain.

            Masarap ang pagkain. Malasa. Ang lambot ng karne. Juicy sa bawat kagat. Kaya naman pala abot hanggang langit ang mga presyo.

            "May isa pa akong regalo sa iyo." Pinunasan ni Jer ang bibig niya ng table napkin tapos ay may dinukot sa bulsa. Maliit na kahon iyon at binuksan niya. Bracelet. Alam ko ang bracelet na iyon dahil laging ipinagmamalaki ni Mahra na may ganoon siya. Pandora bracelet. Ang daming charms at sigurado na ako na mahal din ang presyo nito.

            "Happy anniversary, Kay." Ngiting-ngiti si Jer habang iniaabot sa akin ang bracelet.

            "Bigay din ba iyan ng boss mo?" Sigurado ako na galing din ito kay Xavi.

            Kumunot ang noo ni Jer. "Hindi. Regalo ko sa iyo."

            "Jer, alam kong alam mo kung magkano ang halaga niya. Sa liit ng suweldo mo sa pinapasukan mo, imposibleng mabili mo pa 'yan."

            Napatiim-bagang si Jer at napailing tapos ay inilapag sa mesa ang bracelet. "Hindi ba puwedeng gusto lang kitang pasayahin ngayon? Kay naman. Hindi ba puwedeng tanggapin mo na lang 'to?" Napakamot ito sa ulo. "Dapat nga masaya ka dahil nandito tayo."

            Napailing ako at napahinga ng malalim.

            "Mag-si-cr lang ako," hindi ko na hinintay na sumagot pa si Jer at tumayo na lang ako. Nawalan yata ako ng gana dahil doon. Ayoko namang sirain ang gabing ito dahil lang sa boss ng asawa ko.

            Pagpasok sa banyo ay nagkulong ako ng ilang minuto sa loob ng cubicle. Bakit ba kasi nagtagpo pa si Xavi at Jer? Ngayon tuloy ay parang nagiging magkaibigan pa ang dalawa. Pangit ang first impression ko kay Xavi. Burgis, mayabang at mapagsamantala ang taong iyon. Sa ngayon talaga, iniisip kong may kailangan lang ang lalaking iyon kay Jer kaya kinakaibigan ang asawa ko.

            Lumabas ako at inayos ang sarili sa harap ng salamin. Napasulyap ako sa seksing babae na nasa tabi ko na nagre-retouch. Ang ganda ng babae. Ang hubog ng katawan sa suot na tight fit na pants at black tube top. Ang laki ng boobs pero tingin ko hindi totoo. Agad akong nagbawi ng tingin ng makita kong tumingin siya sa gawi ko.

            "I like your dress. Maganda." Komento nito habang nakatingin sa akin mula sa salamin.

            "Salamat." Iyon na lang ang nasabi ko.

            "Where did you buy it?" Tanong pa nito.

            "R-regalo lang ng asawa ko."

            Ngumiti ng nakakaloko ang babae. "Wow. Lucky wife. Sana kapag nagkaasawa ako, ganyan din ka-generous magbigay sa akin. That dress cost a fortune. That's Vera Wang. More than one thousand dollars ang price. Inggit ako."

            Napaubo ako sa narinig kong presyo ng damit na sinabi niya. Parang gusto ko ng hubarina ng damit dahil pakiramdam ko ay sumikip iyon sa akin.

            Inayos pa ng babae ang lipstick niya tapos ay inimis ang gamit at iniwan na ako.

            Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin. Hindi ako ito. Ibang tao ang nakikita ko sa salamin. Marahan kong hinawakan ang tela ng damit. One thousand dollars ang presyo nito? Saan kukuha si Jer ng ganoong kalaking pera para lang sa ganitong kakarampot na damit?

            Ilang beses akong napabuga ng hangin. Sumasakit yata ang ulo ko. Gusto kong komprontahin si Jer pero ayoko naman na masira ang gabing ito. Pero tingin ko, kagagawan ito lahat ni Xavi Costelo.

            Ano ba ang gusto ng lalaking iyon sa akin? Bakit ayaw pa niya akong tantanan? Na-cha-challenge pa rin ba siya dahil ang isang katulad ko ay tumanggi sa kanya. Naiisip ko kasi napaka-coincidence lahat. Magmula ng magkakilala kaming dalawa, sunod-sunod na ang pagkakataon na naka-kunekta kaming mag-asawa sa kanya.

            Muli akong huminga ng malalim. Pero kahit anong gawin niya, hinding-hindi pa rin ako maghuhubad sa harap niya.

            Inayos ko lang ang buhok ko at lumabas na sa banyo. Pero napahinto ako dahil pagbukas ko ng pinto ay isang pares ng lalaki at babae ang naroon sa harap ko na naghahalikan. Ito ang babaeng kasama ko kanina sa loob. Grabe makalingkis sa lalaking kahalikan niya. Pero saglit. Kilala ko ang lalaking ito.

            Si Xavi Costelo ang lalaking nakikipaghalikan sa harap ko!

            Hindi ko maintindihan kung bakit para akong ipinako sa kinatatayuan ko doon. Ang wild nilang dalawa. Nakita kong bumaba pa ang kamay ni Xavi sa puwet ng babae at dinakma iyon at pinisil habang wala silang pakielam sa paligid nila na nagpapapakan lang ng mga labi. Ako ang nahihiya sa ginagawa nila. Napangiwi ako sa pandidiri at nagmamadaling umalis na doon. Hindi man lang naisip na baka may taong makakita sa kanila. Pero tingin ko, mukhang wala silang pakialam sa paligid nila. Ni hindi nga ako tinapunan ng tingin ng lalaki. Torrid ang pakikipaghalikan nito sa kasamang babae.

            Pakiramdam ko ay wala ako sa sarili ko ng bumalik sa mesa. Hindi ko nakilala sa una si Xavi dahil maayos ang damit niya. Napansin ko nga lang ang buhok ng lalaki kaya ko nakilalang siya iyon. Nakita kong nag-aalalang tumingin sa akin si Jer.

            "Okay ka lang? Namumula ang mukha mo," puna niya.

            Wala sa loob na hinawakan ko ang magkabilang pisngi ko. "Ha?"

            "Namumula ang mukha mo. Galit ka pa ba?" Napahinga ng malalim si Jer. "Kay, gusto lang kitang pasayahin ngayon. Puwede bang huwag mo na lang kuwestiyunin kung sana nanggaling itong mga ibinigay ko sa iyo? Basta ipinapangako ko na hindi ito galing sa masama."

            Hindi ako nakasagot dahil nakita kong naglalakad na magka-akbay palabas ng restaurant si Xavi at ang kasama nitong babae. Nagtatawanan pa ang dalawa at halatang intimate na intimate. Ano kaya niya ang babaeng iyon?

            "Kay, nakikinig ka ba?"

            Napatingin ako kay Jer at nag-aalala ang mukha niyang nakatingin sa akin.

            "Jer, hindi mo naman ako kailangan i-impress ng ganito. Kahit walang ganito okay lang sa akin. Kahit walang regalo, okay lang. Nakakapag-celebrate nga tayo ng nasa bahay 'di ba? Hindi naman dahil nababago na ang mundo mo ngayon, kailangan na din nating sumabay at baguhin ang mundo natin."

            Hinawakan ni Jer ang kamay ko.

            "Sige, sorry na kung hindi mo ito nagustuhan. First and last na ito. Pero tanggapin mo naman ang bracelet. Bigay ko ito sa iyo." Pinalungkot pa ni Jer ang mukha niya habang iniaabot ang bracelet sa akin.           

            Inirapan ko siya pero napapangiti na rin ako. Ayokong sirain ang gabing ito.

            Ibinigay ko ang kamay ko sa kanya at nagliwanag ang mukha ni Jer sa ginawa ko kaya mabilis niyang isinuot sa akin ang bracelet.

            "Bagay na bagay." Pumalatak pa siya tapos ay nagpatuloy lang sa pagkain.

            Unti-unting nawala ang ngiti ko at tiningnan ang dinaanan ni Xavi kasama ang babae. Ano kaya niya ang babaeng iyon? Girlfriend kaya niya? At ganoon sila ka-intimate para hindi ako mapansin.

            Feeling mo naman kasi may gusto sa iyo si Xavi. Ilusyunada ka, Kaydence. Baka talagang gusto ka lang ipinta 'nung tao. 'Di ba nga ang mga artist, kapag pangit iyon ang mas gusto nilang gawing subject.

            Natawa ako sa naisip ko na iyon. Siguro nga kaya ganoon na lang ang pangungulit sa akin noon ni Xavi. Sa pangit ko ng makita niya, tingin niya sa akin ay mapapaganda niya sa painting niya. Pero sorry siya. Never talaga akong maghuhubad sa harap niya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top