CHAPTER SEVENTEEN - AMBER
"Art is a harmony parallel to nature." - Paul Cezanne
---------------------
Kay's POV
Ilang araw din kaming walang imikan ni Jeremy sa bahay magmula ng magkatampuhan kami 'nung gabing uminom ako mag-isa. Alam kong nasaktan siya sa nasabi ko tungkol sa nanay niya pero, sobra na kasi. Napupuno din naman ako. Hindi sa lahat ng pagkakataon kaya kong magpasensiya lalo na nga at siya na ang parang dinudurog ng nanay niya.
Ilang araw din na pabalik-balik dito ang nanay niya at nagbububusa dahil sa nanghihingi ng pambili ng bagong damit daw ni Jerika para sa isang party daw na dadaluhan nito. Alam ko, binigyan ni Jeremy ang nanay niya ng pambili ng damit pero kulang daw iyon. Kailangan pa daw magpa-salon at bumili ng bagong sapatos para makasabay daw sa mayayamang kaibigan ng anak niya.
Hindi ako umiimik. Pinapabayaan ko lang na si Jer ang umayos noon sa nanay niya. Ayokong magsalita at talagang iba na ang masasabi ko. Reklamo ng reklamo ang nanay niya sa liit daw ng ibinibigay ni Jer samantalang halos lahat ng suweldo ng asawa ko sa kanila na napupunta. Kaya lang kami medyo hindi kinakapos ngayon dahil hindi na nababawasan ang suweldo ko para sa pamilya namin. Pero ganoon pa rin. Kapag hindi nakuntento ang biyenan ko, hihingi pa rin sa akin at hindi ako puwedeng tumanggi.
Nagsasawa na ako sa ganitong buhay. Minsan iniisip ko kung hanggang kailan ba namin dapat pasanin ang nanay at kapatid ni Jer. Bente na si Jerika. Graduating na nga ng college. Pero sa nakikita kong pinaggagawa nito dahil na rin sa pagiging kunsintidor ng nanay, mukhang pagkatapos din magkolehiyo, pag-aasawa din ang bagsak nito.
Akala naman ng nanay ni Jeremy hindi ko alam ang mga ginagawa nilang mag-ina. Mahilig mag-mahjong ang biyenan ko. Si Jerika, pinapasama niya sa mga mayayaman daw nitong kaibigan. Pinipilit pasabayin kahit hindi naman kayang sumabay. Pagkakataon na raw iyon ni Jerika para magkaroon ng mayayamang koneksiyon para kapag naka-graduate, makakuha ng magandang trabaho dahil na rin sa mga backer.
Painis kong ini-on ang rice cooker at kinuha sa ref ang manok na lulutuin ko para sa hapunan. Tumingin ako sa relo at pasado ala-siyete pa lang naman. Aabot pa ang afritadang gagawin ko sa pagdating ni Jeremy. Kahit naman may tampuhan kaming dalawa, hindi ko naman pinapabayaan ang mga obligasyon ko sa kanya. Saka ilang araw na din siyang okupado ng trabaho. Darating dito na parang robot. Kakain, kakausapin ako saglit tapos ay tututok na sa mga trabaho niya na dinadala niya dito mula sa opisina.
Nami-miss ko na ang asawa ko. Nami-miss ko na 'yung nag-uusap kami. Nagpapalitan ng mga kuro-kuro. Nami-miss ko na 'yung kahit alam kong nahihirapan ako, alam kong nandiyan lang siya sa tabi ko at magtutulungan kaming dalawa.
"Kay! Kaydence!"
Napa-rolyo ako ng mata at pabagsak na binitiwan ang kutsilyo kong pinanghihiwa ng manok. Maya-maya lang ay naramdaman ko ng pumapasok sa loob ng kusina ang biyenan ko.
"Kulang ang ibinigay ni Jeremy para kay Jerika. Kailangan niya ng sapatos ngayong gabi,"
Napakamot ako ng ulo at napahinga ng malalim bago humarap sa kanila. Naroon ang biyenan ko at sa likod nito ay ang kapatid ni Jeremy na nakangiti ng alanganin sa akin. Katulad din naman ito ng nanay niya. Wala ring palya itong humingi ng pera sa kapatid niya.
"'Nay, wala pa hong suweldo. Naibigay na ho lahat ni Jeremy sa inyo."
Agad na lumukot ang mukha ng biyenan ko. "Ano ngayon ang gagawin ni Jerika? Pupunta siya party na iyon ng naka-paa? Mga bigatin ang bisita sa pupuntahan niyang party. Anak ng isang kilalang businessman ang kaibigan niya at sa isang sikat na hotel gagawin kaya kailangan niyang maging presentable."
"Kung ano na lang ang available na puwede niyang isuot sa gamit niya. Hindi naman ho puwedeng ipilit kung wala talaga," hindi na ako nakatiis na hindi sumagot.
"Ang sabihin mo, madamot ka. Palibhasa, pinagdadamutan mo kami. Gusto mong solohin lang ang kinikita ng anak ko." Nanlilisik ang mata sa akin ng biyenan ko.
Napailing na lang ako at nakita kong tinungo ni Jerika ang likuran ng pinto kung saan nakalagay ang mga sapatos ko. Kinuha niya ang sapatos na bigay ni Jeremy noong anniversary namin at ipinakita sa nanay nito.
"'Nay, mahal ang sapatos na ito. Imported. May ganito 'yung kaklase na alam kong sa Paris pa binili. Hindi biro ang presyo nito. Lubutun 'ata 'to. Hindi ko masabi ng tama pero sigurado ako na mahal ito," nanlalaki ang mata ni Jerika at halatang hindi makapaniwala na mayroon akong ganoong sapatos. Mali nga ang sinabi ni Jerika. Loubutin ang tatak ng sapatos na iyon.
Nagtatanong ang tingin na ipinukol ng biyenan ko sa akin. Hindi ko naman alam kung anong klaseng sapatos iyon. Kahit si Mahra ay nagtataka kung paano daw ako nagkaroon ng ganoon kamahal na sapatos. Wala naman akong makitang espesyal sa sapatos na iyon kundi ang pulang suwelas lang. Bakit big deal ito?
"Regalo lang ho sa akin ni Jeremy 'yan 'nung anniversary namin."
"Tingnan mo na nga? Pagdating sa mga ganitong bagay may pera kayong pambili. Pero kapag kapatid niya ang may kailangan, wala kayong pera. Inuuna ninyong gastusan ang mga walang kuwentang bagay!"
"'Nay, ito na lang ang sapatos na isusuot ko. Bagay ito sa damit ko." Ang ganda-ganda na ng ngiti ni Jerika at halatang ayaw ng bitiwan ang sapatos.
"Kay Jerika na ito. Wala ka naman maibigay na pambili niya ng sapatos kaya siya na ang gagamit nito. Sa kanya na ito." Tumalikod na na ang biyenan ko.
"Sobra na ho kayo. Lahat na lang ng gusto 'nyo gusto 'nyong makuha. Kulang pa ba ang mga ibinibigay namin ni Jeremy? Kulang pa ba ang ibinibigay ko sa inyo?" Hindi na ako nakatiis na hindi magsalita.
Ang sama ng tingin ng biyenan ko ng humarap sa akin.
"Hoy, babaeng makapal ang mukha. Kung hindi ka nagpabuntis sa anak ko, hindi ganito ang buhay namin. Hindi mo ba naiisip kung bakit nagkaganyan ang buhay ng anak ako? Dahil sa iyo. Dahil sa kalandian mo kaya ka nabuntis ng maaga. Pinalaki ko si Jeremy para tumulong sa amin. Para bigyan kami ng maayos na buhay. Pero anong ginawa mo? Nagpabuntis kang malandi ka. Kaya huwag kang magreklamo kung pati ikaw dapat gumastos sa amin. Dahil obligasyon mo rin iyon sa panglalandi mo sa anak ko." Tiningnan pa ako nito mula ulo hanggang paa. "Mas marami pang makikitang mayaman si Jeremy kung hindi ka lumandi sa kanya."
Hinila na nito palabas ng bahay ang anak na bitbit ang sapatos ko. Hindi ko namalayang mabilis ng naglandas ang mga luha sa mata ko kaya mabilis kong pinahid iyon. Pinigil ko na ang mapaiyak at nagsimula na lang akong magluto. Sa isip ko ay paulit-ulit kong sinasabi na ginagawa ko ito para kay Jeremy. Nagtitiis ako dahil mahal ko ang asawa ko. Nangako akong sa hirap o ginhawa ay hindi ko siya iiwan.
Pero hanggang saan ko kayang magtiis?
-----------
Nagsesebo na ang pagkaing niluto at malamig na ang kanin, lipas na rin ang gutom ko pero wala pa rin si Jeremy. Pasado alas-onse na. Kanina ko pa siya tini-text at tinatawagan pero hindi niya sinasagot ang tawag ko. Naiinis na ako sa kanya at nag-aalala. Hindi ugali ni Jer ang hindi mag-text sa akin at tumawag kung anong nangyayari sa kanya pero magmula ng magtrabaho siya uli, unti-unti ng nagbabago ang asawa ko.
Tumayo ako at tinungo ang pinto. Nagkataon naman na may humintong itim na pick-up sa tapat ng apartment namin at bumaba doon si Jeremy. Kumaway pa ito sa nasa loob at nasilip kong si Xavi ang nagmamaneho noon. Pagbaba ni Jer ay umalis na rin ang sasakyan. Inihatid lang talaga ang asawa ko.
Nakatawa pa si Jer habang papasok. Parang hindi pa ako pansin na naroon ako at nakatayo na naghihintay sa kanya. Nagulat pa ng makita akong nakatayo doon.
"K-kay. Gabi na. Anong ginagawa mo dito?" Nagtataka siya kung anong ginagawa ko doon.
"Pasado alas onse na, Jer. Nag-aalala yata ako sa iyo," seryosong sagot ko.
Napahinga siya ng malalim at pumasok na lang sa loob kaya sinundan ko siya. Naupo siya sa sofa at isinandal ang saklay niya gilid at niluwagan ang suot na polo.
"Marami lang akong tinapos sa opisina. Hindi na ako nakatawag kasi tinutukan ko talaga. Pasensiya na," halatang hindi naman sincere si Jer sa sinabi niyang iyon.
"Maraming tinapos? Pero amoy alak ka?" Napailing ako. "Ano ba ang ginagawa mo talaga sa opisina na iyon, Jer? Kung hindi ka subsob sa trabaho, uuwi ka naman ng amoy alak dito. Parang mas mabuti pa yata na katulad na lang tayo ng dati. 'Yung nandito ka lang sa bahay at least alam kong safe ka."
"Safe? O nabubulok dito sa bahay?" Sarcastic na sagot niya sa akin.
Nagulat ako sa sagot ni Jer. Hindi kami kahit kailan na nag-uusap ng ganito.
"Alam mong hindi iyon ang ibig kong sabihin. Alam mong masaya ako na nakapagtrabaho ka uli. Na mayroong kumpanya na nakakilala sa kakayahan mo. Pero hindi ikaw ito, Jer. Nagiging ibang tao ka."
"Ako pa rin ito, Kay. Namumulat lang ako sa katotohanan na kahit ganito ako, puwede pa rin akong mag-enjoy kasama ang ibang tao. Na may buhay sa labas ng bahay na ito. Ilang taon akong nagtiis mag-isa. Magmukmok, magalit dahil sa nangyari sa akin. Ngayon, nararamdaman kong sa kabila ng kapansanan ko, may isang taong naniniwala sa kakayahan ko at itinuturing akong tao. Itinuturing akong kaibigan kahit na ganito ako."
Kumunot ang noo ko. Sino ang sinasbai niya.
"Ano ba ang nangyayari sa iyo? Wala naman tayong problema 'di ba?" Nagtagis ang bagang ko ng maalala ko kung sino ang naghatid sa kanya pauwi. "Si Xavi Costelo ba ang lagi mong kasama?"
"Boss ko iyon. Mabait na tao." Sumandal siya sa kinauupuang sofa.
"Mabait? Mabait na tao? Pero bakit nagkakaganyan ka? Nagiging katulad ka na rin niya? Walang pangarap ang taong iyon. Kaya lang mukhang successful dahil mayaman na sila. Hindi tayo ganoon. Iba ka, Jeremy. Magkaiba kayo ni Xavi kaya huwag mo siyang gayahin." Naiiyak na ako. Alam ko ang pinagdadaanan ng asawa ko. Deep inside, alam kong grabe pa rin ang awa niya sa sarili niya. Pinipilit lang niyang pagtakpan ng ganito.
Yumuko si Jer at napailing. Maya-maya ay umaalog ang balikat nito. Umiiyak.
Naiyak na rin ako at yumakap sa kanya.
"Jer, nakakaya naman natin lahat 'di ba? Kaya kong tiisin lahat para sa iyo. Kahit na ano basta magkasama tayo," hinahawakan ko ang kamay ni Jer.
"Nakokonsensiya na ako, Kay. Ang dami-dami ko ng pagkukulang sa iyo. Sobrang nahihiya na ako." Tumingin siya sa akin na puno ng luha ang mukha.
"Hindi naman ako naghahanap. Kung ano lang ang kaya natin. Jer, nakapagtiis na tayo ng mahabang panahon. Bakit ngayon na nagiging okay tayo, bakit ka pa nagkakaganyan?"
Umiling lang siya at nahiga sa mga hita ko tapos ay mukha ay isinubsob sa tiyan ko.
"Alam kong gusto mong magkaanak." Mahinang sabi niya.
Napahinga ako ng malalim. Ano ba ang sinasabi ng asawa ko? Matagal na namin alam na kahit kailan hindi na kami magkakaroon ng anak. Tanggap ko na iyon.
"Jer, hindi na mahalaga iyon. Tanggap ko na hindi na mangyayari iyon. Basta magkasama tayong dalawa. Pamilya na tayo." Sinasabi ko na nga ba. Sa isip ko ay nagsisimula akong magalit kay Xavi. Sigurado na ako na kakasama ni Jer sa lalaking iyon, kung ano-ano sigurong idea ang ibinibigay sa asawa ko.
Hindi sumagot si Jeremy at kinuha ang kamay ko tapos ay hinalikan iyon.
"Pasensiya ka na." Napahinga siya ng malalim. "Kung ano-ano ang nasasabi ko. Pasensiya ka na kung parang wala ako sa sarili. Masyadong kinakain ng trabaho ang utak ko. Dumadating naman talaga sa tao 'yung minsan kung ano-ano ang naiisip. Alam mo, minsan naiisip ko na mas maganda siguro ang buhay mo kung hindi ako ang napangasawa mo."
"Leche, Jeremy. Ano ba ang pinagsasasabi mo?" Hindi ko na napigil ang hindi mainis. "Kahit minsan ba, ipinaramdam ko sa iyo na nagsisi ako na ikaw ang pinakasalan ko?" Painis kong inalis ang ulo niya sa mga hita ko at tumayo ako at tinungo ang kusina. Iniligpit ko ang mga inihain kong pagkain doon.
"Kahit kailan hindi ako nagreklamo, Jeremy. Kahit pakiramdam ko basura akong tratuhin ng nanay at kapatid mo sa simula pa lang. Wala kang narinig sa akin. Pero ano 'tong mga sinasabi mo?" Hindi ko na napigil ang hindi mapahagulgol kaya humarap ako sa lababo. Iyak ako ng iyak. Ngayon ko nailabas ang lahat ng mga sama ng loob kong ang tagal-tagal kong tiniis. Of all people, bakit kay Jeremy ko pa naririnig na parang gusto na niyang mag-give up sa aming dalawa?
Naramdaman kong yumakap mula sa likuran ko si Jeremy.
"Sorry na." Nakasubsob siya sa balikat ko. "Sorry na. Kalimutan mo na ang mga sinabi ko."
Hindi ako sumagot. Iyak lang ako ng iyak. Naramdaman kong lalong humigpit ang pagkakayap niya sa akin.
"Mahal na mahal kita, Kaydence. Basta mahal kita." Sabi niya habang nanatiling nakasubsob sa balikat ko.
Hindi na ako sumagot. Patuloy lang ako sa paghikbi. Alam kong daan lang ito. Lilipas din ito at bukas magiging maayos kami uli.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top