CHAPTER EIGHT - BURGUNDY
"I think that the power of the art is the power to wake us up, strike us to our depths, and change us." - Jhumpa Lahiri
Kay's POV
Kahit ayaw ni Jeremy, sinabayan ko siyang pumasok sa opisina kinabukasan. Kahit off way sa pinapasukan ko, sinamahan ko siyang makapasok sa opisina niya. Ang aga-aga niyang gumising. Halatang excited sa pagpasok. Hindi na nga kinain ang inihanda kong almusal para sa kanya.
Pagdating sa pinapasukan niya ay humalik lang siya sa pisngi ko at nagmamadali ng pumasok. Ayaw daw niyang mahuli dahil pangalawang araw pa lang niya. Napangiti ako dahil maayos ang damit na suot ni Jer ngayon. Nahabol ko pang bukas ang ukayan na nasa kanto namin kaya ibinili ko siya ng pantalon at ilang polo. Nilabhan ko rin kagabi at plinantsa kaninang umaga. At least presentable siya. Makakasabay siya sa mga kasamahan niyang mga mukhang bigatin dito.
Napahinga na lang ako ng malalim. Feeling ko naghatid ako ng anak sa school. Kitang-kita ang excitement kay Jer. At least bumalik na ang drive niya sa buhay. Hindi katulad noon lagi na lang kaming problemado sa lahat ng bagay.
Tumunog ang telepono ko dinukot ko iyon sa bag. Napangiwi ako dahil ang biyenan ko ang tumatawag sa akin. Ano na naman kaya ang kailangan nito? Siguradong manghihingi na naman ng pera kasi akinse na bukas.
"'Nay," bungad ko sa knaya.
"Akinse na bukas, Kay. Baka makalimutan mo ang pambayad namin sa renta. Baka makalimutan mo rin ang pang-grocery namin. Puwedeng dagdagan mo na dahil nagta-trabaho na naman si Jeremy. Kulang na kulang ang ibinibigay mong pang-grocery sa amin ni Jerika." Parang kasing bilis ng armalite ang pagsasalita ng biyenan ko.
Napalunok ako at napailing.
"'Nay, wala pa hong maidagdag si Jer sa pambigay sa inyo. Kakaumpisa lang niya kahapon."
"Bakit hindi siya mag-advance? Anong klaseng kumpanya iyan? 'Yung anak ni Azon, 'nung pumasok sa trabaho may signing bonus na twenty thousand kaagad. Bakit diyan? Wala man lang paunang bayad?" Lalong tumaas ang boses ng biyenan ko.
"Hindi ho ganoon sa pinapasukan ni Jer. Sa susunod na suweldo pa siya susuweldo. Pagtiisan na muna natin kung ano ang nakukuha natin ngayon. Ibibigay ko ho bukas ang pang-renta 'nyo," napabuga ako ng hangin dahil kami naman ang mawawalan ng pambayad sa renta ni Jer. Sigurado kasing hindi titigil itong biyenan ko kung hindi makakakuha ng pera agad-agad.
"Wala naman palang kuwenta ang kumpanya na iyan. Bakit nagtiyaga diyan si Jeremy? Minsan talaga may pagkatanga 'yang anak ko. Nahawa na sa iyo. Pumunta pala ako sa bahay 'nyo. Kinuha ko na ang lahat ng bigas. Wala kaming maisaing ni Jerika. Huwag mong kalimutan na isama ang pang-grocery. Walang kuwenta," wala na akong narinig mula sa biyenan ko. Pinatayan na ako ng telepono.
Nanginginig ang kamay kong inilagay sa bag ang telepono ko. Hindi ko alam na tumulo na pala ang luha ko kaya mabilis kong pinahid iyon. Gusto ko ng bumigay. Gustong-gusto ko ng bulyawan ang nanay ni Jeremy pero pinigil ko pa rin ang sarili ko. Nanaig pa rin ang pagmamahal ko kay Jer at ayokong mabastos ang nanay niya. Pero sumusobra na siya. Hindi man lang niya naiisip ang hirap ng anak niya. May kapansanan na pero kailangan pang kumayod para lang may maibigay sa kanila.
Napabuga ako ng hangin at ilang beses na huminga ng malalim. Inayos ko ang sarili ko at naglakad na paalis doon. Nagulat ako ng biglang may humarang na bulto sa harap ko.
Si Xavi Costelo.
Tulad ng dati, naka-bun lang ang mahaba at kulot niyang buhok sa ulo niya. Nagsusulputan ang mga balbas at bigote na ilang araw na sigurong hindi pinagkakaabalahang ahitin. Kaiba sa mga empleyado na nakita ko kanina, tanging t-shirt na butas-butas, faded maong at boots ang suot niya. Nagkikislapan ang mga patong-patong na silver necklace sa leeg. Puno ng mga silver rings ang daliri. May nose piercing din at ilang stud earrings sa tenga.
Napangiwi ako. Ito ba ang boss ng asawa ko? Mukhang tambay lang ito sa kanto. Kung mukha akong basura sabi ni Mahra, ano ang tawag sa itsura ni Xavi?
Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. Minabuti ko na lang na umiwas.
"What are you doing here? May inutos ba sa iyo si Uncle Guido?" Seryosong tanong niya sa akin.
Napalunok ako hindi malaman kung anong sasabihin. Hindi ba niya talaga alam na asawa ako ni Jeremy?
"M-may hinatid lang ako," sagot ko sa kanya at nagtangka na akong umalis pero nagsalita pa rin siya.
"Hinatid? Ano? May pinadala si Uncle?"
Tumingin ako sa kanya. Talaga bang wala siyang idea na asawa ko si Jer? Kung sabihin ko kaya na asawa ko si Jeremy? Kaya lang baka kapag nalaman niya, pag-initan naman niya ang asawa ko o kaya ay tanggalin sa trabaho.
"N-nakalimutan ko sa opisina 'yung ipapadala ni Sir Guido. Babalikan ko na nga. Sige." Nagmamadali na akong umalis doon. Hindi ko na nilingon pa si Xavi. Mabilis akong sumakay sa jeep at nakita kong nakasunod pa ng tingin sa akin si Xavi.
Para lang akong nakahinga ng maluwag nang makalayo na ang jeep at hindi ko na siya nakikita. Grabe ang kabog ng dibdib ko. Hanggang makarating sa opisina ay nag-aalala ako na baka kapag nalaman ni Xavi ang relasyon namin ni Jer, tanggalin niya sa trabaho ang asawa ko.
"Girl, tingnan mo si Xavi, o. Nag-my day."
Tumingin ako sa gawi ni Mahra na nakapuwesto sa kalapit kong mesa. Mukhang maaga na namang rumuronda para makakuha ng mga chika sa paligid. Napailing ako. Hindi ba nagsasawa sa kaka-chismis ang babaeng ito.
"Talaga? Nag-my day siya? Ang tagal niyang naging in-active sa soc med. Naka-follow ako sa IG niyan, eh. Daming chicks," komento naman ni Gie. Pareho silang nakatingin sa hawak na cellphone ni mama at nagba-browse doon.
"Ang taray ng t-shirt ni Xavi. Ang mahal kaya nito. Alam ko sa Europe lang to available at alam ko three or four hundred euros ang price niyan," sabi pa ni Mahra.
Kumunot ang noo ko. My day? Ibig sabihin ngayon. Pasimple kong kinuha ang telepono ko at binuksan sa Facebook kahit hindi ko madalas gamitin ang app na iyon. Hinanap ko ang account ni Xavi at tiningnan ko ang my day na sinasabi ni Mahra. Napangiwi ako. Kanina nga lang ito. Suot niya ang t-shirt na nakita ko kanina. 'Yung t-shirt niyang ang luwag ng neckline na mukhang pinanggigilan ng labandera at butas-butas pa. Four hundred euros ang presyo nito?
Naparolyo ako ng mata at ibinalik sa bag ang cellphone ko. Talaga 'tong mga babaeng ito ang bababaw.
"Himala. Mukha ka yatang tao ngayon."
Hindi ko tiningnan ang nagsalita dahil sigurado akong si Mahra iyon. Hindi ko alam kung magkamag-anak ito saka ang biyenan ko. Sa tuwing bubuwisitin ako ng nanay ni Jer, automatic, bubuwisitin din ako netong si Mahra.
"Tapos ka ng mang-stalk kaya ako naman ang bubuwisitin mo," sagot ko sa kanya habang nakatuon ang pansin ko sa ginagawa ko. Binuksan ko ang laptop at ini-on iyon. Marami akong files na kailangan i-encode.
"Anong mang-stalk. Friend kami ni Xavi 'no. Hindi ka ba niya tinanggal sa trabaho? Sinabi ko kasi sa kanya na naaalibadbaran na kami sa itsura mo dito at hindi kami maka-concentrate sa trabaho. Sabi niya, he will look on that matter daw. Seriously," tumawa pa ng nakakaloko si Mahra.
Tumawa din ako. Hindi ko kailangang mabuwisit ngayon. Maayos na si Jer. May maayos ng trabaho ang asawa ko kaya hindi ko kailangang sirain ang araw ko dahil lang sa mga walang kuwentang tao.
"Hintayin ko na lang na padalhan ako ng termination notice. Mang-stalk ka na lang para makapagtrabaho na ako," ipinakita ko sa kanya na busy ako sa ginagawa ko para maramdaman niyang wala naman siyang ginagawa sa opisinang iyon kundi ang chumismis.
Tinalikuran na ako ni Mahra at muling bumalik sa mesa ni Gie. Sigurado naman ako na ako ang topic nila. Sanay na ako kaya hindi na ako apektado.
------------------
Xavi's POV
Tambak ang mga papel na ipinadala sa akin ni dad. Hindi ko alam kung ano ang uunahin kong basahin sa mga ito. Mga suppliers request, mga ibang resume ng mga applicants. Mga report nung nakaraang meeting nila dad. Gusto ko ng sunugin ang mga ito.
Biglang bumukas ang pinto ng office ko at nakasimangot na mukha ni dad ang bumungad sa akin. Halatang pinipigil niya ang inis at tahimik lang na nakatingin sa itsura ko.
"Do we have a problem?" Tanong ko sa kanya.
"What the hell are you wearing, Xavier? Opisina ito at hindi tambayan." Mataas na agad ang boses ni daddy.
Takang tiningnan ko ang sarili ko. Wala naman sigurong problema sa suot ko. Disente pa rin naman ito. Well, the shirt looks worn out but style ito. I bought this in Europe ng magkaroon ako ng exhibit doon and this cost a fortune.
"Anong mali dito?" Tumayo ako at lumapit sa kanya para makita pa niya ng malapitan ang suot ko.
"God damn it, Xavier! Mukha kang basura! Paano ka haharap sa mga clients at employees natin na ganyan ka? Ang t-shirt mo butas-butas. Bakit hindi mo gawing basahan 'yan?" Lalo lang tumaas ang boses ni daddy.
"What? No, dad. Ngayon ko pa lang ito isinuot. Saka uso 'to. In ka kapag ganito ang suot mo." Kumindat pa ako sa kanya at bumalik as upuan ko.
"Ganyan na ba ang usong damit sa grupo 'nyo? Basahan na ginagawang t-shirt? At ang tenga mo, punong-puno ng hikaw. May hikaw ka pa sa ilong. Hindi ka na nahiya sa mga empleyado natin? Silang lahat nagpapakahirap maging presentable na humarap sa atin tapos ikaw, ganyan ang itsura mo." Kulang na lang ay umusok na ang ilong ni daddy.
"Yadayadayada," mahina kong sabi habang naupo na ako sa tapat ng mesa at binuklat ang mga folders na naroon. Same lines. Same story. Nakakasawa na si daddy.
Nagulat ako ng biglang hablutin ni daddy ang damit ko at sapilitan akong itayo doon. Tingin ko ay susuntukin na niya ako dahil sa galit niya.
Pero hindi ako tuminag. Kung susuntukin ako ni daddy, hindi naman ako papalag. Ganito na rin naman ang ginagawa niya sa akin noon pa kahit elementary ako at highschool. Hanggang college. Sa konting pagkakamali ko, pinagbubuhatan na niya agad ako ng kamay. Huminto lang noong umalis na ako sa amin at nagsarili ako.
"Are you going to hit me, dad? Go ahead. Sanay ka naman diyan," seryosong sabi ko sa kanya at tumingin sa nakaamba niyang kamao sa harap ko.
Kita ko ang pamumula ng mukha ni daddy habang nakatingin sa akin. Taas-baba ang dibdib dahil sa bilis ng paghinga. Halatang pinipigil ang galit.
Nakipagtagisan ako ng tingin kay dad pero hindi ako tumitinag. Pinabayaan kong hawak niya ang damit ko. Ang maluwag kong neckline, malamang mas lalo pang lumawang.
"S-sir Xavi."
Pareho kaming tumingin ni dad at nakita ko si Jeremy na nakatayo sa may pinto at halatang natatakot na nakatingin sa amin ni dad. May bitbit siyang ilang mga papel habang nakaalalay ang katawan sa saklay.
Patulak akong binitiwan ni dad at walang sabi-sabing iniwan na kami doon. Bahagya pa nga nitong nasagi si Jeremy ng lumabas. Doon ako napahinga ng malalim. Nanginginig ang mga kamay ko dahil sa galit.
"S-sir, babalik na lang po ako mamaya." Sabi nito at tumalikod na.
"No. Come in," napabuga ako ng hangin at pabagsak na naupo sa harap ng mesa ko. Sumakit yata ang ulo ko dahil sa nangyari. Dahil lang sa simpleng get up ko, mag-aaway pa talaga kami ni dad. Kahit kailan talaga walang pinapalampas ang tatay kong iyon.
Dahan-dahang lumapit si Xavi at inilapag sa mesa ko ang ilang piraso ng papel.
"Ano 'to?" Kinuha ko ang papel at tiningnan.
"Sir, nakita ko na po 'yung discrepancy. 'Yung nawawalang five hundred thousand last month. Sa Sales po napunta."
Kumunot ang noo ko. "Sa Sales? Paanong nangyari iyon?"
"Sir, hindi isang bagsakan ang ginawa nila. Unti-unti. Maraming events kunwari na 'nung na-check ko ay hindi naman nangyari. May mga request ng client meetings sa mga mamahaling hotel pero hindi naman nailabas ang client. Sir, si Miss Danica Choi po ang nakapirma." Alanganing tumingin sa akin si Jeremy.
"May nakakaalam na nito?" Tanong ko.
Umiling si Jeremy. "Sa inyo ko pa lang po pinakita. Ipapakita ko ba kay Miss Leny?" Ang head ng Accounting ang tinutukoy niya.
"No. Just leave it to us. Wala ka munang pagsasabihan. Tingin ko, marami ka pang mahahalukay diyan. Keep digging. Hindi lang five hundred thousand ang worth ng nawawalang pera." Bilin ko sa kanya.
Tumango si Jeremy at dahan-dahang tumayo. Kinuha niya ang saklay at nagsimulang maglakad palabas ng opisina ko.
"Jer," tawag ko sa kanya.
Nagtatanong siyang tumingin sa akin.
"Good job. You did good on this. Second day and you crack this? You are really good on what you do. Keep it up," sabi ko sa kanya.
Nakita kong nagliwanag ang mukha ni Jeremy at halatang lalong na-inspire magtrabaho.
"Salamat po, Sir." Nakangiti niyang sabi sa akin at tuloy-tuloy ng lumabas.
Napahinga ako ng malalim at napasandal sa kinauupuan ko.
Gusto ko na lang umuwi na at magbabad sa studio ko. Baka sakaling magkaroon na ako ng idea na magpinta.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top