Special Chapter #4
Witch Hunt
Special Chapter #4
Lucas' POV
"Teka, nasa'n na si Charm?"
Natigil sa pagkukwento itong si Aurora at nagpalinga-linga sa paligid. Napatingin naman ako sa kanya. Bigla ngang nawala si Charm nang hindi namin napapansin na kanina'y nasa gilid niya lang.
"Speaking of which, nawawala rin si Lance nang hindi ko man lang napansin." sabi naman ng matalik na kaibigan ni Lance na si Johanne.
Ang weird naman... bakit pareho silang nawala sa magkaparehong oras? O baka nagkataon lamang ito?
"Baka nagtanan sila? De biro lang." pabirong sabi ni Aurora sabay peace sign sa'kin. Agad namang natawa 'yong isa pa naming kasama.
"Hahahaha! Nice one!" natatawang tugon ng lalaki.
"Hanapin na lang natin sila." pag-imik ko naman.
Hindi ko na sila inantay na gumalaw at nauna na akong maglakad. Alam kong malapit na ang gaganaping sayawan, at gusto ko sana na bago man lang matapos ang gabing ito ay makasayaw ko ang babaeng gusto ko-- totoo man ang sinasabi nilang pamahiin o hindi.
Naglibut-libot kami sa buong paligid para hanapin silang dalawa. Pero lumipas lang ang ilang minuto ay nabigo pa rin kaming hanapin sila.
"Saan na ba kasi ang dalawang 'yon?" pagmamaktol ni Aurora. Pati ako ay nadidismaya na rin dito pero hindi ko lang pinapahalata sa mga kasama ko.
Napabuntung-hininga na lang ako at napagawi ang tingin ko sa aking kanan.
"Oras na para sa hinihintay ng lahat. Ang bonfire ay nagkaroon na ng apoy mga kaibigan! Maaari na kayong magtungo rito sa sentro ng plaza at magtipun-tipon sa paligid ng apoy kasama ang inyong mga minamahal sa buhay. Pero paalala lang na iwasan ang anumang tulakan at sakitan. Salamat at magandang gabi sa inyong lahat."
Kasabay nang narinig naming anunsyo ay nahagip ng aking mga mata ang kinaroroonan no'ng dalawang kanina pa namin hinahanap 'di kalayuan mula sa kinaroroonan namin.
"Ayun... Nakita ko na sila---"
Sasabihin ko na sana rito sa mga kasama ko na natagpuan ko na sina Charm at Lance, pero agad din akong napatigil sa pagsasalita nang pareho ko silang nakitang nagngingitian sa isa't-isa. Agad na rin akong umiwas ng tingin.
I guess hindi ko na siya makakasayaw ngayong gabi.
"Saan mo sila nakita?"
Hindi ko naman namalayan na narinig pala ako nitong si Aurora. Napailing na lang ako.
"Wala... Nagkamali lang yata ako." nasabi ko na lang. Pinili ko na lang na manahimik at hayaan silang dalawa.
Ang bigat pala sa kalooban na makita 'yung taong gusto mo na may nagugustuhan ding iba.
"Kung gusto niyo, ako na lang ang maghahanap sa kanila doon sa venue ng sayawan para makasali rin kayo roon." suhestyon naman ni Johanne.
"Naku! Salamat talaga Johanne ah. Utang ko sa'yo ang magiging love life ko ngayong gabi, well kung makakakita man ako." saad ni Aurora. Natawa naman itong si Johanne.
"O sige na, paalam muna sa inyo. Doon na lang tayo magkita-kita ulit sa venue." sabi niya bago na tuluyang naglakad paalis.
Naiwan naman kami ni Aurora rito na parehong wala nang gagawin.
"Tutal wala na tayong gagawin, sayaw na lang tayo doon... gusto mo?" sabi ko rito sa kasama ko sabay turo sa direksyon ng venue.
"Eh? Ako? Inaaya mo ba talaga ako?" tila nagulat niya pa yatang sabi sabay turo sa kanyang sarili.
"Oo, ikaw nga! Sino pa ba ang kasama ko rito kundi ikaw lang naman!" natatawa ko pang pahayag.
Magkasabay na kaming naglakad ni Aurora papunta roon sa venue ng sayawan at nakisali na rin sa iba. Inilagay niya naman agad ang kanyang mga kamay sa magkabilang balikat ko samantalang inilagay ko na rin ang aking mga kamay sa kanyang baywang saka kami nagsimulang sumayaw.
"Alam kong gusto mo si Charm." Narinig ko ulit siyang magsalita, dahilan para mamula naman ako pagkabanggit niya ng pangalan ng kanyang matalik na kaibigan.
"Gano'n ba ako kahalata?" tanong ko. Naconscious tuloy ako. Hindi naman kasi ako ganito dati.
"Well, oo sobrang halata. Tsaka... hindi rin naman imposibleng magkagusto ka sa kaibigan ko eh. Sobrang bait kaya no'n, at maganda pa!" pagpuri niya sa kanyang kaibigan.
Natuwa naman ako sa kanya. Isa nga siyang tunay na kaibigan ni Charm.
"Maganda ka rin naman ah... tsaka mabait." pagpuri ko rin sa kanya. Kita ko namang napaangat bigla ang kanyang tingin sa'kin.
"Ehh? Bolero ka rin pala noh? Hahaha!" Wow... Tinawanan niya lang 'yung mga sinabi ko.
Hindi na lang rin ako umimik at sinulit ang sandaling ito.
...
Matapos ang sayawan ay agad naming nahanap si Johanne na ngayo'y kasama na sina Charm at Lance.
"Pasensya na kayo ha. May naaninag lang kasi akong kahina-hinalang nilalang kanina kaya ako lumayo para sana sundan ito." pagpapaliwanag naman ni Charm. And I assume na sinundan din siya nitong si Lance.
Anyway, sabay na rin kaming bumalik sa bahay ng lola ni Charm. Pagkarating namin ay agad na akong nagbihis at naghanda para matulog. Kaso hindi naman ako makatulog agad kaya napili ko na lang lumabas muna ng bahay at balak umupo sa may balkonahe para magpaantok. Mahimbing namang natutulog sina Johanne at Lance sa'ming kwarto.
"L-Lucas? Gising ka pa?"
Kung sinuswerte ka nga naman oh. Ang babaeng kanina pa bumabagabag sa'king isipan ay makikita ko rin ditong nakaupo sa balkonahe.
"Hindi kasi ako makatulog. Ikaw? Ba't gising ka pa?" tanong ko rin pabalik. Umupo na rin ako sa kanyang katabi.
"Hindi rin ako makatulog." sagot niya.
Nanahimik na lang ako imbes na tanungin ang rason. Baka masaktan lang din ako kapag nalaman ko ang dahilan. Hindi pa naman ako gano'n ka-masokista eh.
Hindi na rin siya nagsalita kaya binalot kami ng ilang segundong katahimikan rito...
Kung tutuusin, maaari ko ring kunin ang oportunidad na ito para maisakatuparan ang gusto kong makasayaw siya sa gabing ito. Kaya naman tumayo na ulit ako sa harap niya, dahilan para mapatingin siya sa'kin.
"Maaari ba kitang makasayaw ngayon, binibini?" pagbasag ko sa namuong katahimikan sabay lahad ng aking palad.
"Lucas... a-ano'ng ginagawa mo?" nagtataka niya namang tanong.
"Gusto kitang makasayaw kanina kaso bigla ka namang nawala. Kaya... maaari mo ba akong pagbigyan ngayon?" pakiusap ko.
"Sasayaw tayo ng walang tugtog?" kunot-noong tanong niya. Ang cute lang tingnan.
"Basta. Ako nang bahala." sabi ko naman.
Natuwa naman ako no'ng hinawakan niya ang aking nakaabang na kamay at tumayo na rin. Biglang lumakas ang pintig ng puso ko nang inilagay na niya ang kanyang mga kamay sa magkabilang balikat ko habang inilalagay ko na rin ang aking mga kamay sa kanyang baywang at nagsimula na kaming sumayaw.
"Kung ako ba siya, mapapansin mo?"
Naisipan ko namang kumanta para magkaroon kami ng tugtog habang sumasayaw, dahilan para mapatingin ako sa'kin.
"Kung ako ba siya, mamahalin mo?
Ano ba ang meron siya, na wala ako?
Kung ako ba siya... iibigin mo?"
Kalakip no'ng huling mga salita sa awitin ay napatitig ako sa kulay rosas niyang mga mata na nakatingin din pabalik sa'kin.
"L-Lucas? A-ano'ng ibig sabihin nito?" nagtataka niyang tanong.
Siguro nga oras na para magtapat na rin sa kanya bago pa maging huli ang lahat.
"Alam kong kamakailan lang tayo nagkakilala Charm, at hindi pa ganoon kaganda ang una nating pagkikita..." pambungad ko.
Nanatili lang siyang tahimik kaya ipinagpatuloy ko ang pagsasalita.
"Pero alam ko sa'king sarili na... gusto kita." dagdag ko. Pansin kong nagulat naman siya sa kanyang narinig.
Tila nakahinga naman ako ng maluwag matapos ko masabi iyon. Sa wakas, nasabi ko na rin ang mga gusto kong sabihin sa kanya.
"L-Lucas, a-ano kasi---" Bago pa siya magsalita ay inunahan ko na siya.
"Hindi mo na kailangang sabihin. Alam kong may gusto ka nang iba, at alam kong si Lance 'yun." pagputol ko sa kanyang sasabihin.
Hindi naman siya nakaimik doon at napayuko na lamang bilang tugon.
Sabi na nga ba eh... tama ako.
Naisip ko bigla, kung nauna niya akong nakilala kaysa kay Lance, magugustuhan niya rin kaya ako?
Napabuntung-hininga muna ako bago ulit magsalita.
"Pero ayos lang 'yun. Hindi rin naman kita agad susukuan." dagdag ko pa.
Tama... hindi dapat ako sumuko agad nang hindi pa gumagawa ng kahit anong paraan para magkagusto rin siya sa'kin...
-TO BE CONTINUED-
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top