Chapter 40: The Ultimate Sacrifice
Witch Hunt
Chapter 40- The Ultimate Sacrifice
Lance's POV
"Saglit lang ako, babalik din ako agad..."
Iyon na ang huling narinig ko mula sa kanya, at marahil ay iyon na rin ang huling beses na nagkita kami. Dalawang araw na ang nakalipas pero hanggang ngayon, hindi ko na siya muling nakita. Hindi na siya muling bumisita rito sa palasyo.
Hindi na siya kailanman nagparamdam...
Gusto ko na lang isipin na baka sobrang abala lang siya sa kanyang mga gawain katulad ng pagiging abala ko rin sa aking mga tungkulin bilang isang ganap na hari ng Vavelian Empire.
Pero hindi eh. Kahit anumang gusto kong isipin para hindi ako mag-alala, iba pa rin ang kutob ko rito sa biglang hindi niya pagpaparamdam sa'kin. Parang kinukutuban akong may masamang mangyayari sa kanya.
Matapos kong daluhan ang panghuling meeting ko sa araw na ito at magpaalam sa'king ina ay napagdesisyunan kong magpunta sa templo ni Deity Apollo para kamustahin ang kalagayan ni Charm. Saktong nasa labas na ako ng palasyo at pasakay na sa itim kong kabayo na ipinahanda ko sa'king punong kawal ay saktong natagpuan ko si Aurora na hinihingal pang napatigil sa harap ko. Mukhang tinakbo niya yata mula sa templo papunta rito sa palasyo.
"Aurora? Asa'n si Charm?" pambungad kong tanong nang hindi ko nakita si Charm sa tabi niya.
"Lance, may sasabihin ako sa iyong importanteng bagay." sabi niya, hanggang ngayon ay pinipilit niya pa ing hinahabol ang kanyang paghinga.
For that brief moment, kahit hindi ko pa man naririnig ang gusto niyang sabihin ay agad kong nakumpirma ang masamang kutob ko na may hindi ngang magandang mangyayari sa kanya.
And as soon as narinig ko na ang lahat mula kay Aurora, walang sabi-sabi akong sumakay sa'king kabayo at agad itong pinatakbo patungong templo. Naramdaman ko namang nakasunod sa'kin sa likod si Aurora gamit ang kanyang mahika pero masyadong okupado ang aking isipan ngayon na wala na akong panahon para pansinin ang presensya niya sa'king likuran.
Hindi... Hindi maaari 'to!
"Ang pagiging vessel ni Charm ay nangangahulugang siya ang magiging instrumento sa pagbuti ng ating mundo." natatandaan ko pang sabi sa'kin ni Aurora
"Ha? A-ano'ng pinagsasabi mo?" kunot-noo ko namang tanong
"Ang rason kung bakit ipinagkaloob sa kanya ang apat na elemento ay dahil siya ang nakatakdang magsasalba sa'ting mundo mula sa famine na ating nararanasan sa ngayon."
"Sa madaling salita, kapalit ng kanyang buhay ay ang pagsalba ng ating mundo na unti-unti nang namamatay..." paliwanag niya.
...
Mas lalo kong binilisan ang pagpapatakbo ko sa'king kabayo nang sa gano'n ay agad din akong makarating sa templo. Hindi ko kayang isipin na mawawala si Charm sa tabi ko. Hinding-hindi ko kakayanin 'yun.
Kaya pakiusap... huwag mo akong iwan!
Sa wakas, makalipas ang ilang minutong byahe ay nakarating na rin ako sa temple grounds. Nagmadali na akong bumaba sa'king kabayo at agad na nagtungo sa loob. Simula pala no'ng matapos ang digmaan sa pagitan ng deities at mga mortal ay nawala na rin ang barrier na pumpalibot dito kaya no'ng isang araw, no'ng nagka-oras ako ay nakapasok ako rito.
Papalapit na ako sa may entrance nang marinig ko muling magsalita itong si Aurora na nasa may likuran ko kaya saglit akong napatigil sa paglalakad.
"Nagsimula na ang ritwal sa sagradong silid, Lance. Wala ka nang magagawa para pigilan ito." saad niya.
"Maaaring tama ka, pero wala pa ring masama kung susubukan ko." determinado kong sabi without facing her at nagpatuloy na ako sa pagpasok sa loob ng templo.
Agad ko namang tinungo ang nabanggit na sagradong silid ng templong ito. Si Lucas agad ang una kong nakita na nakatayo sa labas ng silid. Tila nagulat pa siya ng nakita ako.
"Lance? Ano'ng-- Psh... sinabi ba sa'yo ni Aurora? Ang babaeng 'yun talaga..." ani nito.
"At ano? Balak niyong ilihim sa'kin at saka niyo lang sasabihin kapag wala na siya? Ganun ba 'yun?!" paghihimutok ko.
"Pasensya na Lance. Ipinagbawal kasi sa'min na sabihin kahit kanino ang tungkol rito. Lalung-lalo na sa'yo. Hiniling din mismo ni Charm na 'wag sabihin sa'yo." nakayuko niyang sabi.
"Padaanin mo na lang ako. Gusto ko siyang makausap ngayon din." utos ko rito. Pero hindi pa rin siya kumikilos.
"Hindi ka pwede sa loob, pasensya na---"
"Sabing padaanin mo ako."
Sa inis ko ay hindi ko sinasadyang maitulak ang kaharap ko ngayon palayo sa pintong kanyang binabantayan. Hindi na ako nag-atubiling lingunin siya at agad na binuksan ang pinto papasok sa sagradong silid.
Nang mabuksan ko na ito ay nakita ko si Charm na kasalukuyang walang malay na nakalutang sa ere sa ibabaw ng spring na nasa gitna ng silid na'to. Pansin kong may bilog na nakapalibot sa kanya, na parang maihahalintulad sa isang malaking bula. Sa loob nito ay nakaunat sa magkabilang direksyon ang dalawa nitong kamay at ang kanyang ulo ay nakayuko na parang bang mahimbing na natutulog. Bukod sa mala-bulang barrier na nakapalibot sa kanya ay balot din ang kanyang buong katawan sa isang mahinang puting liwanag.
Maliban sa'min ay wala nang ibang taong naririto.
Pagkakita ko sa kanyang kalagayan ay nagmadali naman akong humakbang patungo sa kanyang kinaroroonan. Ngunit hindi pa man ako nakakalapit ng tuluyan sa kanya ay agad din akong napaatras ng mabunggo ako sa isang parang pader. Sinubukan ko muling lumapit ngunit ganun pa rin ang nangyari. Doon ko lang napagtanto na ang buong paligid ng spring ay balot din sa isang invisible barrier.
"Charm! Charm, ako 'to si Lance! Gumising ka!" pagkukumahog ko, subalit nanatili lang siyang nakapikit.
Pinagpapalo ko na ang invisible barrier na siyang nagsisilbing harang sa pagitan namin ngunit lumikha lang ito ng parang ripple effect sa kada pagpalo ko rito.
"Chaaaarrrrmmm! Pakiusap! Kausapin mo ako!" halos nagmamakaawa ko nang sabi, but still nothing happened.
Ilang kalampag pa ang ginawa ko sa barrier bago ko tuluyang naramdaman ang pagpatak ng mga luha ko na kanina ko pa pinipigilang lumabas.
"Charm.... hindi mo ako pwedeng iwan ng ganito." nanghihinang sambit ko. Unti-unti nang bumibigay ang tuhod ko hanggang sa mapaupo na lang ako rito sa malamig na semento.
Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya upang tuparin ang ipinangako ko sa kanya noon. Sabi ko sa kanya, gagawa ako ng isang panibagong mundo kung saan malaya na siyang makakapamuhay, na hindi na niya kailangang magtago kahit na kailan.
At ngayong natupad ko na ang pangako ko sa kanya, mawawalan naman ng saysay ang lahat ng ito kung mawawala lang din siya sa tabi ko at hindi niya mararanasan ang mundong ginawa ko para sa kanya.
Makalipas ang ilang minuto kong pananahimik ay naisipan kong tumingala sa kalangitan, at sinubukang makiusap sa mga nakakataas na deities.
"Mga nakatataas na deities, kung naririnig niyo man ako ngayon... dinggin niyo sana ang munti kong kahilingan."
"Pakiusap po, ibalik niyo sa'kin si Charm..."
A tear suddenly dropped on the floor no'ng yumuko ako ng bahagya at napatingin sa sahig.
"Pakiusap..."
Kinalaunan ay mas lalo pang dumadami ang mga luhang nagsisi-unahang umagos sa'king pisngi kaya dali-dali ko naman itong ipinahid gamit ang isa kong kamay.
"Haring Lance..." tawag ng isang boses-lalaki sa'kin kaya agad akong nag-angat ng tingin.
Pansin ko 'yung paligid ng spring ay kasalukuyang umiilaw ng kulay berde. Marahil ay andito ang presensya ni Deity Apollo ngayon na siyang nagmamay-ari ng templong ito.
"Deity Apollo, salamat at nagparamdam ka." tugon ko.
"Ikinalulungkot kong sabihin na hindi namin maaaring tuparin ang iyong kahilingan." pahayag niya, na siyang ikinainis ko ng bahagya.
"Bakit? Bakit hindi niyo siya maaaring ibalik sa'kin?" mapait kong tanong. Still pinipilit ko pa ring kalmahan ang aking boses at pinapatahan ang aking sarili pero walang humpay pa rin sa pag-agos ang mga luha ko.
"Hindi mo siya pagmamay-ari. Bagkus, ginawa namin siya bilang aming vessel upang buhayin muli ang inyong mundo na paunti-unti nang nawawalan ng kulay at sigla. Pwede mo rin itong maihahalintulad sa isang walang buhay na manika na binigyan namin ng buhay upang isakatuparan ang aming layunin. "
"'Yan ang tunay niyang misyon sa mundong ito, at malugod niya rin itong tinanggap. Para iligtas ang sangkatuhan... para iligtas ka." paliwanag ng kausap kong deity.
Napakuyom ako ng palad. Wala siyang binanggit sa'kin tungkol rito dahil siguro, ayaw niya akong mag-alala. Pero isipin ko man lang na mawawala ang kaisa-isang babaeng minahal ko ng ganito ay para na akong sinasaksak ng paulit-ulit dahil sa sakit na hatid nito sa'kin.
Ilang segundo rin akong natahimik bago ako muling magsalita.
"Maaaring hindi ko nga siya pagmamay-ari at maaari ding ito ang nakatadhana niyang gawin..." panimula ko. Marahan ko munang pinahid ang mga luha kong patuloy pa rin sa pag-agos bago ako muling magsalita.
"Pero alam niyo, marami pa siyang dapat maranasan na ipinagkait sa kanya ng nakaraang witch hunt."
"Hindi niya pa nararanasanang matulog sa isang malambot na higaan na walang pinoproblemang kahit ano."
"Hindi niya pa nararanasang makatikim ng mga masasarap na pagkain, 'di gaya ng naranasan ko."
"Hindi niya pa nararanasan kung paano makihalubilo sa ibang mga kaedaran niya, mapa deity man ito o mortal."
Dito sa parteng ito ako natigilan saglit dahil bigla na naman sumagi sa aking isipan 'yung unang beses na nagkrus ang aming landas doon sa Misty Cave. Naaalala ko pa kung gaano siya ka-awkward na makipag-usap sa'kin no'n, halatang walang experience sa pakikipag-kaibigan.
Ilang segundo rin akong natahimik bago ako muling nagpatuloy.
"At higit sa lahat... gusto kong maranasan man lang niya kung ano 'yung pakiramdam na may taong tunay na nagmamahal sa kanya." I said in between sobs.
"Kaya kung hindi niyo man siya pwedeng ibalik sa'kin, at least... pwede ko ba siyang hiramin, kahit saglit lang? Nang sa gano'n ay maranasan niya ang lahat ng ito." dagdag ko pa.
Matapos ang huling sinabi ko ay wala na akong narinig na kahit anumang response mula sa kausap kong deity kanina. Ilang minuto pang katahimikan ang lumipas bago ko marinig ang isang napaka-pamilyar na boses na iyon.
"Lance... A-ano'ng ginagawa mo rito?"
Agad na nalipat ang aking tingin sa tila kakagising pa lang na si Charm. Nanatili pa rin ito sa kanyang eksaktong posisyon at tanging ulo lang niya ang kanyang naigagalaw. Sa sandaling nag-angat siya ng kanyang tingin ay nagtama agad ang kulay rosas nitong mga mata sa kulay kahel kong mga mata.
"Sira ka talaga, 'yan ang una mong sinasabi sa tuwing nagkikita tayo sa mga gan'tong sitwasyon." saad ko, trying to sound aloof pero hindi ko pa rin maitago ang pagka-crack ng aking boses.
"Patawad Lance, kung inilihim ko ito sa'yo. Hindi ko naman ginustong---"
"Ayos lang sa'kin. Hindi ako galit sa'yo. Masayang-masaya lang ako na muli kitang makita ngayong araw." pagputol ko sa kanyang tangkang pagpapaliwanag. Maaaring saglit lang ang ibinigay sa'ming oras para mag-usap kaya naman wala na akong aaksayahing sandali.
Magsasalita ulit sana ako ngunit agad na natikom ang aking bibig no'ng naunahan niya akong magsalita kaya hinayaan ko na siyang magsalita.
"Gusto ko lang sabihin sa'yo, Lance, kung gaano ako kasayang makilala ka."
"Alam kong nabanggit ko na yata sa'yo ito, pero hindi ako magsasawang sabihing ikaw ang dahilan kung bakit nagkakulay ang dating tahimik at madilim kong mundo."
"Ikaw ang dahilan kung bakit ko naranasan, at naramdaman, ang mga bagay na hindi ko pa naramdaman at naranasan dati."
"Kaya bago pa man mahuli ang lahat... gusto kong magpasalamat sa lahat ng mga bagay na ginawa mo para sa'kin. Sobrang swerte ko na makakilala ng isang gaya mo."
Matapos nang huli niyang sinabi ay napansin kong mas tumindi pa ang liwanag na bumalot sa kanya kaya agad akong nabahala.
"CHARM! Pakiusap, 'wag mo'kong iwan..." pagsusumamo ko. Ngunit kahit ano man yatang sabihin ko ay hindi ko mapipigilan ang pagsakop sa kanya ng liwanag.
Habang patagal ng patagal ay patindi ng patindi 'yung liwanag na bumabalot sa kanya at wala na akong nagawa pa kundi ang ilayo ang aking tingin mula sa nakakasilaw na tagpong ito.
"Mahal na mahal kita Lance... parati mo sana 'yang pakatatandaan."
Ito na 'yung mga huling katagang narinig ko mula sa kanya bago tuluyang sinakop ng nakakasilaw na liwanag na iyon ang buong silid na ito kaya napapikit na lamang ako.
"HINDI!!!! CHAAAARRRRRMMM!"
-TO BE CONTINUED-
❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️
Hi! Sana nagustuhan niyo ang chapter na ito. 'Wag kalimutan mag vote at magcomment kung gusto niyo.
Salamat.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top