Chapter 4: Off to Vavelia City (Part 3)

Witch Hunt
Chapter 4- Off to Vavelia City (Part 3)

Charm's POV

Pagkapasok namin ng palasyo, agad na bumungad sa'kin ang engrandeng lobby nito at mga mamahaling antiques na nakadisplay sa bawat sulok.

"Welcome sa palasyo. Tara na't hanapin na natin ang nobyo mo." sabi niya na may halo pa ring panunudyo. 'Di ko na lang siya pinansin at sinundan na lang siya sa paglalakad.

Habang tinatahak namin ang malapad at mahabang hallway, napapatingin naman ako sa mga frames na nakasabit sa dingding laman ang mga litrato mula sa pinakaluma na kung saan wala pa itong kakulay-kulay at may mukha ng isang may katandaang lalaki na may suot na korona, hanggang sa kasalukuyang litrato ng isang matipunong lalaki na nakasuot din ng korona. At gaya rin sa mga nakahanay na litrato katabi nito, lahat sila ay nakasuot ng korona sa kanilang mga ulo.

"'Yan ang mga naging hari ng empire."

Napansin naman yata ni Johanne na nakatingin ako sa mga picture frames kaya nagdesisyon na lang itong magpaliwanag bigla. Napa- "aahhh" na lang ako at patuloy pa rin kami sa paglalakad.

Matapos ang ilan pang segundong nakakabagot na paglalakad ay narinig ko ulit magsalita itong kasama ko.

"Nakarating na tayo." sabi niya at natigil na kami sa paglalakad at parehong napaharap sa engrandeng pintuan sa tapat namin.

"Eto ang kwarto ng reyna, at alam kong dito parating namamalagi si Lance para bantayan ang kanyang ina." dagdag pa niya. No'ng hindi ako umimik ay kumatok naman siya sa pinto saka niya ito binuksan.

"Bro? Andyan ka ba? May bisita ka!" pag-iingay nitong kasama ko ng makapasok na kami pareho sa kwarto. Kita ko namang napalingon sa'min si Lance at bahagyang nagulat ng makita niya ako.

"Charm? A-ano'ng ginagawa mo dito?" gulat niyang tanong. Ito talaga ang pansin kong parati niyang pambungad  kada magkikita kami.

"Uhmm... hi. Ano kasi, gusto ko lang makita ang kalagayan ng iyong ina." nasabi ko na lang. 'Di ako makatingin sa kanya ng diretso, para akong naiilang na ewan.

"O sige ha, maiwan ko na muna kayong dalawa rito. Pupunta pa'kong grand council room eh para hintayin ang pagdating ng hari para masimulan na meeting namin." paalam naman ni Johanne at agad naman itong lumabas sabay sarado ng pinto.

Humakbang naman ako agad patungo sa engrandeng kama kung saan nakahiga ng matiwasay ang natutulog na ina ni Lance. Naisip kong ang ganda pala ng kanyang ina habang tulog, pa'no na lang kaya 'pag nagising na ito.

"Nasa sa'kin na 'yong Soul Stone... pero bakit gano'n, hindi pa rin nagigising ang aking ina?" matamlay na saad ni Lance habang ang mga malulungkot nitong mga mata'y nakatingin sa nakahimlay niyang ina.

Parang kung may ano'ng tumurok din sa puso ko habang nakikita siyang gan'to. Nasanay na rin kasi akong parati siyang nakikitang masigla.

Pinag-iisipan ko naman ngayon kung paano ko pagaganahin ang mahika ng Soul Stone nang hindi niya masyadong nahahalata.

"Nasa sa'yo pa ang Soul Stone?" natanong ko dito kay Lance. Napadukot naman siya sa bulsa ng suot niyang itim na slacks at pinakita sa akin ang kulay emerald na bato.

"Mabuti nasa sa'yo pa. Tara, lapitan natin ang iyong ina at ilapit mo 'yong bato sa kanya." malumanay kong pagsabi. Walang pag-aalinlangan niya naman akong sinunod at pareho na naming nilapitan ang kanyang ina at nilagay niya ang Soul Stone sa kanang kamay nito at ikinuom ang kanyang kanang palad.

"Tapos pumikit tayo at magdasal sa mga Diyos sa itaas para tuparin ang kahilingan nating pagalingin ang iyong ina." sabi ko ulit.

No'ng nakita kong pumikit na siya ay hinawakan ko na ang kamay ng kanyang ina kung asa'n niya nilagay ang naturang Soul Stone. Agad itong nagliwanag ng kulay berde ng mahawakan ko ito... at saka ito binalot ng liwanag ang buong katawan ng reyna. Sa sobrang lakas ng liwanag, napamulat ng 'di oras si Lance at nasaksihan ang mga pangyayari.

"Ano'ng nangyayari?" nagtatakang tanong niya.

"'Wag kang mag-alala, tinutupad na ang hiling nating gumaling na ang iyong ina. Kaya mag-antay pa tayo sa mga mangyayari." sagot ko.

Ilang segundo ring binalot ng berdeng liwanag ang katawan ng reyna bago ito unti-unting humuhupa sa harap namin.

Nang tuluyan nang mawala ang liwanag, kasabay din no'n ang pagkawala ng bato, at nasaksihan naming pareho ang unti-unting pagmulat ng mga mata ng reyna. Pansin kong kasingkulay nito ang mga mata ni Lance.

"INA!" punung-puno ng kagalakang pagbanggit ni Lance sa kagigising pa lang na reyna. Hindi na ito nag-atubiling lumapit sa ina at mahigpit itong niyakap.

"Lance, anak..." pagbanggit din ng reyna sa anak niya at yumakap din dito. Lihim naman akong napangiti sa sarili habang nakikita ko silang mahigpit na nagyayakapan.

Well, tapos na ang trabaho ko rito. Oras na siguro para bumalik ako ng templo.

Tumalikod na ako at hahakbang na sana para umalis ng bigla akong tinawag ni Lance.

"Charm, sandali!" tawag nito, kaya napaharap ulit ako sa kanila.

"Sa'n ka pupunta?" nagtataka niyang tanong.

"Uhm, aalis na?" patanong kong sagot. Nagulat naman ako ng bigla niyang hawakan ang pala-pulsuhan ko at iginayak para iharap sa kanyang ina.

"Ina, siya po pala si Charm, mabuting kaibigan ko po at 'yong tumulong sa'kin na mahanap ang Soul Stone at tumulong din na pagalingin ka." pagpapakilala sa'kin ni Lance. Namula tuloy ako ng 'di oras sa sobrang hiya.

"Ikinagagalak kitang makilala, Charm. Salamat sa lahat ng naitulong mo sa'min ng aking anak. " nakangiting sabi ng reyna, na ngayo'y nakaupo na sa kanyang kama.

"W-walang anuman po 'yon." nauutal ko pang sabi. Magkaparehas din sila ng ngiti ni Lance.

...

Maya-maya'y nag-alok si Lance na ihatid ako palabas ng palasyo dahil na rin sa nasabi kong kailangan ko nang umuwi. Pero imbes na dumaan kami sa main entrance kanina, dinala niya ako sa isang malapad na kwarto.

"May nadiskubre akong lihim na lagusan dito sa kwarto ko kung saan malaya akong nakakalabas-pasok ng palasyo ng 'di ako nahuhuli. Kaya dito tayo dadaan para makalabas." paliwanag niya ng mapansin ang pagtataka sa mukha ko. Masaya ako na bumalik na rin ang masigla niyang boses ngayon.

Gaya nga ng sinabi niya, pumunta kami sa kanyang kwarto. Lumapit siya sa malaking bookshelf na makikita sa kaliwang bahagi ng kama niya tapos ay may hinawakang isang makapal na libro at itinulak ito papasok. Laking gulat ko nang may bumukas sa sahig ng kwarto niya. Ito na yata ang lihim na lagusan na nabanggit niya kanina. Pagkapasok namin do'n ay agad din naman itong nagsara ng kusa at bumalik sa dating pwesto ang librong inusog kanina ni Lance.

At nang makalabas na kami mula nga do'n sa lihim na lagusan na iyon, nagulat ako ng makita kong nasa likurang bahagi na kami ng palasyo. Natigil naman ako sa paglalakad  saglit ng napatigil din siya sa paglalakad at humarap sa'kin.

"Charm... Pasensya kana pala at 'di ko nasabi sa'yong isa akong prinsipe, unfortunately. Tsaka... salamat ulit sa tulong mo ha. 'Di ko alam kung pa'no gumana 'yong Soul Stone kanina, pero salamat at tumulong ka sa pagpapagana nito." taos-puso niyang pagpapasalamat sabay labas ng isang sinserong ngiti. 'Di naman ako makaimik dito sa aking kinatatayuan.

Ako din Lance... hindi ko din nasasabi sa iyo ang tunay kong pagkatao...

"Dami ko nang utang sa'yo ha. Pa'no kaya kita mababayaran..." dagdag pa niya.

"Hindi na kailangan." agad ko namang sabi.

"Ah! Gan'to na lang! Pwede ko bang malaman kung sa'n ka nakatira?" sabi niya, habang binalewala 'yong sinabi ko kanina. Natigilan naman ako sa kanyang sinabi.

Sasabihin ko ba kung nasaan ako nakatira... o hindi?

"I mean, don't get me wrong! Plano ko kasing mag-organisa ng isang pagtitipun-tipon bukas ng gabi bilang selebrasyon sa paggising ng aking ina. At gusto kong maging bahagi ka ng selebrasyon na iyon, kaya ako na mismo ang susundo sa'yo. Kaya sana...makadalo ka Charm. " agad niya namang paliwanag.

A part of me ay nagsasabing 'wag akong pumunta sa sinasabi niyang pagtitipun-tipon dahil sa ilang beses na rin akong binalaan ni Baal tungkol sa pakikipagsalamuha sa mga gaya niyang mortal.

Pero...

May isang bahagi din sa'kin na gustong makita siya ulit. 'Yong mga ngiti nya... 'yong kulay kahel niyang mga mata... 'yong kulay itim niyang buhok... at yung tindig nya. Lahat ng iyon gusto ko pang makita ulit kahit sa huling pagkakataon man lang.

"Misty Forest... diyan ako nakatira. Magkita na lang tayo sa entrance." nakayukong sabi ko despite sa warning na ibinibigay ng isang bahagi ng utak ko.

Hay naku... ano ba 'tong ginagawa ko?!

"Okay! Sabi mo 'yan ha, wala nang bawian 'yan ha!" pabirong sabi niya.

Parang gusto ko naman matawa kasi para siyang isang batang paslit na naniniguro na ibibili nga siya ng laruan ng kanyang mga magulang. Pero hindi ko ipinahalatang natatawa ako sa inaasal niya ngayon.

"'Wag kang mag-alala, tumutupad ako sa usapan." sabi ko sa kanya.

Pagkatapos ng usapan naming 'yon ay hinatid niya na ako sa alam niyang lihim na shortcut mula rito sa likurang bahagi ng palasyo patungo sa entrance ng Misty Forest. Kaya pala siya nakakapuslit no'nsa Misty Forest dahil dito...

...

Third Person's POV

"Maligayang pagbabalik Haring Tiberius." bati ng isang matangkad na kawal sa kakapasok pa lang na hari sa malawak na gate ng Vavelia City.

'Yong bumati kani-kanina lang at ang iba pang mga kawal sa kanyang likuran ay nagsiyuko sa pagdating ng hari.

Galing ang hari sa karatig bansa ng Sodor at kakarating lang nito sa syudad mula sa isang mahabang byahe. Pagkapasok niya ng gate ay makikita mong nagpalinga-linga ito sa paligid, tila parang may hinahanap ang seryoso nitong mga mata.

Sa isang kisap-mata ay nagdilim ang ekspresyon sa mukha ng hari habang nanlilisik nitong pinagtitinginan ang mga kawal na nasa kanyang harapan.

"MGA INUTIL!" biglang sigaw nito. Walang imik pa rin ang kanyang mga kawal at patuloy pa rin sa pagyuko.

"Pa'no niyo hinayaang may makapasok na isang witch sa Vavelia City?!" nanggagalaiting sabi nito. Nagtaka naman ang punong kawal sa sinabi ng hari.

"Ano'ng ibig niyo pong sabihin, kamahalan? Wala namang nahagip na kahit anong bakas ng mahika ang aming mga magic detectors sa lahat ng pumapasok sa syudad." paliwanag ng punong kawal.

"Ang kakaibang mahika na ito... Sigurado akong may nararamdaman akong presensya ng isang witch dito! Kaya halughugin niyo ang bawat sulok ng syudad at 'wag kayong titigil hangga't 'di niyo nahuhuli ang nakapuslit na witch, ngayon din!" pasigaw nitong utos. Walang sabi-sabi namang sumunod ang mga kawal ng hari at agad na kumilos para hanapin ang sinasabi nitong nakapuslit na witch.

" Kung sino ka man, mahuhuli rin kita... witch. "

Nanggigigil na pabulong na bigkas ng hari sa kanyang sarili...

-TO BE CONTINUED-

❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️

Hi! Sana nagustuhan niyo ang chapter na ito. 'Wag kalimutan mag vote at magcomment kung gusto niyo.

Salamat.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top