Chapter 38: The Last Mission (Part Three)
Witch Hunt
Chapter 38- The Last Mission (Part Three)
Charm's POV
"Deity Morrel, Deity Roku, Deity Ishmael, at Deity Apollo... Pakiusap, tulungan niyo po kaming magwagi laban sa dragon na ito!"
Hindi ko mapigilang mapadasal ng 'di oras dahil sa kasalukuyang sitwasyon namin. Alam kong malapit na sa kanilang limitasyon sina Aurora, Elena at Lucas. Samantalang ako naman ay unti-unti na ring nakakaramdam ng kaunting panghihina. At sa sitwasyon namin ngayon ay baka anumang oras ay kusa na ring bumigay ang aming mga katawan na siyang ikinatatakot kong mangyari.
Para naman kaming inaasar ng tadhana ng mas lalo pang nilakasan ng kalaban ang pagbuga ng kanyang apoy dahilan para muli kaming mapaatras ng bahagya.
"SUMUKO NA LANG KAYO!" pahayag pa niya gamit ang natutunan nitong kaunting telepathy.
"NEVER!" sigaw naman ni Aurora.
Triniple pa ng dragon ang kanyang kapangyarihan na siyang dahilan upang umabot na kami sa'ming sukdulan. Nang hindi na namin kinayang pigilan ang kanyang pag-atake ay agad kaming tumilapon sa ere at magkakalayong bumagsak sa lupa. Sa oras na bumagsak ang aking likod sa sementadong lupa ay agad kong naramdaman ang pananakit ng buo kong katawan na nawalan na ako ng lakas upang bumangon muli.
Yumanig naman ang buong paligid sa paghakbang ng kalaban naming dragon papunta sa bandang pinagbagsakan ko. Pinili ko pang bumangon pero napadaing lang ako dahil sa sakit.
"MAGPAALAM KA NA SA MUNDO, WITCH!" paasik niyang sabi bago siya nag-ipon muli nang sangkaterbang pwersa upang ipatama sa'kin.
Alam kong sa oras na pakawalan niya 'yun... marahil ay iyon na rin ang aking katapusan.
"CHARM!!!" magkakasabay na tawag sa'kin ng aking mga kaibigan.
Iyon na ang huli kong narinig bago pakawalan ng kaharap kong dragon sa wakas ang inipon nitong pwersa. Matinding pwersa ng mga naglalagablab na apoy ang kumawala mula sa bibig nito na nagraragasang pumunta sa aking direksyon. Kusa namang pumikit ang dalawa kong mata, at tila hinintay na lang na lamunin ako ng kanyang mga apoy.
Ngunit hindi ko naman inaasahan ang mga sumunod na pangyayari...
Makalipas ang ilang oras ay wala pa rin akong madamang epekto ng kanyang pag-atake kaya nagtaka na ako at agad na napamulat ng aking mga mata. Sa sandaling iyon ay may naaninag akong isang matangkad na persona na bigla na lang sumulpot sa aking harapan mula sa kung saan, at sa pagdating niyang ito ay tila nagslow-mo ang buong paligid.
Bago pa man makaabot sa amin ang rumaragasang apoy ay nakita kong iniunat nito ang kanyang dalawang kamay dahilan para may isang bahagi ng lupa ang biglang umangat na nagsilbing pader para maging pananggalang sa atakeng iyon.
Habang abala siya sa pagprotekta sa amin ay may isang malaking bola ng apoy naman akong naaninag na nagmula sa himpapawid at tumama sa kanang bahagi ng kaharap naming dragon na siyang nakapagpatigil sa ginagawa nitong pagbuga ng apoy sa aming kinaroroonan. Saktong paglihis ng kanyang tingin pakanan para sana hanapin kung saan nagmula ang pag-atakeng iyon ay may nagpakawala naman ng isang napakalakas na bugso ng hangin na siyang nakapagpaatras sa dragon. Kasunod no'n ay may isa namang malakas na hampas ng sa tingin ko'y water whip ang tumama sa kaliwang bahagi nito. Nagwala naman ang dragon at pinagtuunan ng pansin ang mga personang umaatake sa kanya ngayon.
'Yung kaninang persona naman na biglang sumulpot sa'king harapan ay nilingon ako at nag-abot ng isang kamay para tulungan akong makatayo.
"Pasensya na kung nahuli kami nang dating, Charm."
Napasinghap ako sa oras na marinig ko ang naturang boses-lalaki ng kaharap ko ngayon, pati na rin ang kanyang pamilyar na mukha.
"Deity Apollo..." hindi makapaniwala kong pagbanggit sa kanyang pangalan. Sa puntong ito ay nakatayo na ako sa tulong niya.
"Gaya nga ng madalas naming sabihin sa iyo, andito lang kami parati at handang umalalay sa iyo sa mga oras na nangangailangan ka ng tulong." malumanay nitong bigkas.
"Salamat po..." pahayag ko, at ang mga luha ko ay nagbabadya nang lumabas sa oras na marinig ko siyang magsalita.
"Saka ka na magpasalamat kapag natapos na ang lahat ng ito. Sa ngayon, ang dapat mong gawin ay magpokus at subukang tawagin ng sabay ang espiritu ng bawat elementong taglay mo. Sa paraang iyon, magkakaroon ka ng pinagsamang lakas ng apat na elemento na siyang makakatulong sa iyo upang talunin ang kinakaharap nating kalaban. "
"P-pero posible po ba iyon?" nagtataka kong tanong. Ang isang kamay ni Deity Apollo ay napahimas sa'king ulo at bahagyang ginulo ang aking buhok.
"Magiging posible ang lahat ng bagay kung ikaw ay may tiwala sa iyong sarili."
Ito na ang huling sinabi sa akin ng nakatataas na deity bago na siya umalis para tulungan ang iba pa niyang mga kasamahan para i-distract ang kalabang dragon habang ginagawa ko ang kanyang ipinag-u-utos.
Lahat ng mga sinabi sa'kin ng mga nakatataas na deities sa bawat pakikipag-usap ko sa kanila sa kani-kanilang mga templo, pati na rin ang sinabi sa akin ng minamahal kong lola, na tungkol sa tiwalang ipinagkaloob nila sa'kin na magagawa kong wakasan ang witch hunt na ito, ay unti-unting nanunumbalik sa akin.
Lahat sila... pati ang mga kaibigan kong naririto kasama ang ibang mga moral na nagsisimula nang manalig ulit sa'ming mga deities, ay naniniwala sa taglay kong kakayanan.
Kaya nararapat lamang na hindi ko sila bibiguin!
Sa kabila ng ingay sa paligid ay sinubukan ko pa ring ipikit ang aking mga mata at i-pokus ang aking isipan sa pagtawag sa espiritu ng bawat elemento. Iba't-ibang magkakasunod na imahe naman ang nagsisimulang sumulpot sa aking isipan habang palalim ng palalim ang aking konsentrasyon.
Unang lumitaw sa aking balintataw ang espiritu ng apoy sa porma ng isang malaking kulay pula na dragon na siyang pinagmulan ng ganitong elemento. Kasunod nito ay agad na lumitaw ang imahe ng malaking balyenang malayang nilalangoy ang karagatan na siya namang espiritu at pinagmulan ng elementong tubig. Pangatlong imaheng lumitaw sa aking isipan ay ang imahe ng isang malaking phoenix na malayang nililipad ang malawak na himpapawid, na siyang espiritu at pinagmulan ng elementong hangin. Panghuli sa kanilang lahat ay ang imahe ng mga sinaunang rhinoceros na siyang espiritu at pinagmulan ng elementong lupa.
Sa paglitaw ng pinagsamang mga imahe na ito kung saan ipinapakita ang pinagmulan ng bawat elementong taglay ko ngayon ay biglaan naman akong nakaramdam ng 'di maipaliwanag na lakas na siyang kasalukuyang bumabalot sa buo kong sistema.
At sa oras na iminulat ko na ang aking mga mata, alam kong handa na akong isakatuparan ang aking misyon.
Kagaya ng nangyari kanina, abala pa rin sa pagdistract ang mga tumutulong sa aming deities hanggang sa temporaryo nila itong mahuli sa tulong ng fire whip ni Deity Morrel na nasa kanang bahagi ng dragon, water whip ni Deity Roku na nasa kaliwa namang bahagi ng dragon, at air spell ni Deity Ishmael na sinusubukang kontrolin ang ulo nito. Nakapako naman ang mga paa ng dragon sa lupa sa tulong ng earth spell ni Deity Apollo.
"Oras na, Charm..." hudyat ni Deity Apollo sa'kin.
'Yun lang ang hinihintay kong hudyat bago ko na pinakawalan ang napakalakas na pwersa na kanina pang nagkukumahog na makawala mula sa akin. Pagkatutok ko ng aking wand sa direksyon kung nasaan ang dragon ay magkahalong kulay pula, asul, puti at berde ang lumabas mula roon. Agad naman nitong tinamaan ang bandang dibdib ng kalaban.
Sa oras na tumama sa kanya ang pinagsamang pwersa ng apat na elemento ay naging dahilan naman ito ng kanyang pagkatumba. Bahagya pang yumanig sa pagbagsak ng dambuhala nitong katawan sa lupa. Ilang segundo pa ang nakalipas ay nasaksihan naming lahat ang biglaang pagbalot ng nakakasilaw na liwanag sa buong katawan nito dahilan para lumayo muna saglit ang aming mga tingin mula rito. Pero sa oras na unti-unti nang humupa ang liwanag na iyon ay pansin kong ang malaking pigura ng dragon ay unti-unting lumiliit hanggang sa bumungad na sa'min ang walang buhay na katawan ng hari na nakahandusay sa lupa.
Eto na 'yun... Sa wakas, naisakatuparan ko na rin ang aking misyong talunin ang hari ng Vavelian Empire.
Matapos ang matinding engkwentrong iyon ay lumapit agad ako sa walang buhay pa ring katawan ng hari at naramdaman ko naman ang pagsunod ng aking mga kaibigan. Agad kong hinanap si Lance na kasalukuyan na palang andidito sa aking tabi ng 'di ko namamalayan. Pansin kong nakapako ang tingin nito sa sinapit ng kanyang ama.
"Patawad Lance kung kailangang humantong sa ganito. H-hindi ko rin sana gustong saktan ang iyong ama..." paghingi ko ng tawad sa kanya.
Subalit isang ngiti lang ang kanyang iginanti sa akin sabay abot ng aking kanang kamay at ibinigkis ang kanyang mga daliri sa aking mga daliri.
"Wala ka dapat ihingi ng tawad. Sinubukan mo namang idaan sa tahimik na paraan ang pagtatapos ng lahat ng ito, ngunit mas napili ni ama na idaan ang lahat sa dahas. At ngayon ay kailangan niyang pagbayaran ang kanyang mga nagawang kasalanan, kahit na ang kapalit man nito ay ang kanyang buhay."
Napatingin din ako sa kanya, at bahagyang nginitian din siya pabalik.
Mabilis niya namang tinanggal ang kanyang kamay na nakahawak sa akin kanina no'ng sabay-sabay na pumunta sa aming direksyon ang mga nakatataas na deities.
"O.My.Gosh! Hindi ako makapaniwalang sabay kong makikita ang mga iniidolo kong deities! Aaaaahhhhh! Pwede na akong mamatay--aray naman!" Bigla namang tumili itong si Aurora pero agad ding tumigil nang binatukan siya ng katabi niyang si Lucas.
"Hoy! Ano'ng pinagsasabi mo diyan ha? Gusto mo talaga akong pahirapan ano?!" wika niya.
Hindi ko na nga sila pinansin at inilipat ang aking tingin sa mga kaharap kong deities. Yumuko ako ng bahagya bilang pagbibigay respeto sa kanila, at nagulat naman ako ng yumuko rin sila sa harap ko.
"Lubos kaming nagagalak sa iyong tagumpay na wakasan ang digmaang ito. " pahayag ni Deity Morrel.
"Hindi kami nagkamali sa pagpili sa iyo bilang aming 'vessel' ng pinagsama ng pinagsama naming kapangyarihan." si Deity Roku naman ang sumunod na nagsalita.
"At sa pagwawakas ng malupit na pamumuno ng kasalukuyang kaharian, nawa'y makalikha kayo ng isang panibagong mundo na kung saan pwedeng mapayapang manirahan ng magkasama ang kapwa mortal at mga deities." wika naman ni Deity Ishmael.
"Kung may maitutulong pa kami ay sabihin mo lang." ani naman ni Deity Apollo.
Matapos ng huli niyang sinabi ay tumingin-tingin naman ako sa buong paligid na kung saan bakas pa ang ebidensya ng naganap ma engkwentro namin kani-kanina lang. Nagkalat ang mga debris sa buong marketplace na galing sa mga natupok na mga establishemento. 'Yung iba ay nakikita ko pang nagliliyab hanggang ngayon.
"Salamat sa lahat ng inyong mga sinabi. Actually... may isang pabor pa sana akong hihingin mula sa inyo, kung ayos lang po sa inyo hehe." tugon ko sabay ngiti ng painosente.
...
At sa araw ding iyon, sinimulan na namin ang pag-aayos at pagtatayong muli ng panibagong Vavelia City at panibagong mundo na kung saan, gaya ng sinabi sa amin ni Deity Ishmael, at nang ipinangako sa akin noon ni Lance, ay malaya at mapayapang manirahan ang mga katulad kong witches-- i mean deities, kasama ang mga kagaya niyang mortal...
Siguro naman ligtas na ngayong sabihin na sa araw ding ito... opisyal na naming idinedeklara ang pagtatapos ng witch hunt sa buong bansa.
Ngayon... At magpakailanman.
-TO BE CONTINUED-
❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️
Hi! Sana nagustuhan niyo ang chapter na ito. 'Wag kalimutan mag vote at magcomment kung gusto niyo.
Salamat.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top