Chapter 30: A Deal Is A Deal

Witch Hunt
Chapter 30- A Deal Is A Deal

Charm's POV

Naloko na! Pinapalibutan kami sa kasalukuyan ng mga tauhan ng hari, na kung tawagin niya kanina ay kanyang "Black Army".

"So... ano'ng masasabi niyo sa'king Black Army hmmm?" tanong ng hari sa'min with a hint of sarcasm. Sinamaan ko siya ng tingin.

"Napaka-PANGIT! Kagaya ng ugali mo! Bleehh!" pasigaw namang sabi ng kasama kong si Aurora, na despite sa sitwasyon na kinasasadlakan namin ngayon ay nagawa pang belatan ang hari.

"HAHAHA! Pangit pala ha! Black Army, ipakita niyo nga sa babaeng ito ang kaya niyong gawin!" utos niya.

"Masusunod, kamahalan." walang kabuhay-buhay naman nilang sinabi, na animo'y parang mga robot ng hari.

Sa simpleng utos niyang ito ay agad na kumilos at pinalibutan sina Elena, Aurora at Lucas. Sinubukang magcast ni Aurora ng kanyang level 5 na ice spell pero sa kasamaang palad ay hindi ito tumalab sa mga kalaban. Parehong nanlaki ang mga mata namin ni Aurora at bahagyang napabuka ang aming mga bibig dahil sa nasaksihan.

Imposible...

Nang tuluyan nang makalapit ang isang kawal ay hinawakan nito si Aurora sa kanyang leeg tsaka ito binuhat paitaas. Sinubukan naman siyang awatin ni Lucas pero tinabig lang siya nito dahilan para tumilapon ang binata sa malayo.

Aurora! Lucas!

Kikilos na sana ako para tulungan sila pero nahagip na naman ng aking mga mata ang pagtaas muli ng hawak-hawak na espada ng katabing kawal ng hari at handa itong itutok anumang oras kay Lance.

"Subukan mong umalis diyan sa iyong kinaroroonan at hindi ako magda-dalawang isip na patayin ang sarili kong anak!" muli niyang pagbabanta. I hissed at tiningnan ang mga kaibigan kong naghihirap.

Kita kong may dinukot si Elena mula sa bulsa ng suot nitong palda at pagkatapos ay may itinapong parang limang binhi sa sementadong lupa. Agad naman akong nakarinig ng isang malakas na tunog ng pagbiyak ng lupa at lumabas mula rito ang mga naglalakihang mga baging. Idinerekta niya ang mga ito sa direksyon ng kawal na may hawak kay Aurora at ipinulupot sa katawan nito at hinila palayo mula sa kanya. Nang matagumpay niyang mailayo ang naturang kawal mula kay Aurora ay bumagsak naman sa sahig ang kaibigan ko at paubo-ubong nakahawak sa may leeg nito.

Magaling Elena! Nakahinga naman ako ng maluwag no'ng nailigtas niya si Aurora mula sa kamay ng kawal na 'yun!

Pero hindi rin nagtagal ang kasiyahan kong iyon sapagkat walang kahirap-hirap ding nakaalis mula sa pagkakapulupot ang nahuli niyang kawal. Walang kahirap-hirap niyang binunot mula sa lupa ang baging na kanina lang ay nakapulupot sa kanya at malakas na ibinato ito sa kanyang gilid. Nakita ko sa mukha ni Elena ang matinding pagkabigla sa kanyang nasaksihan.

Paano'ng--- Paano niya nagawa ang bagay na iyon?!

Hindi pa rin sumuko si Elena at pinagalaw niya pa ang apat na natitirang baging at itinutok ang lahat ng iyon sa kaharap na kalaban. Mabilis namang hinatak ng kalaban ang kanyang espada at pinagpuputol-putol ang mga ito. No'ng makita niyang muli itong tumutubo pagkatapos putulin ay pinagbubunot niya rin ito isa-isa at itinapon sa gilid gaya ng nauna niyang ginawa, hanggang sa wala nang natira sa mga itinanim ni Elena.

Nalipat naman ang tingin ko sa bandang binagsakan ni Lucas. Nakatayo na ito mula sa pagkakabagsak niya kanina ngunit 'di nito batid ang panganib na paparating sa kanya habang nakapokus ang kanyang tingin sa kinaroroonan nila Elena at Aurora.

"LUCAS! SA LIKOD MO!" sigaw ko para balaan siya sa paparating na kawal na may hawak-hawak pang espada at handa siyang patamaan nito anumang oras.

Ngunit huli na ang lahat...

Sobrang bilis ng mga pangyayari, at wala man lang akong magawa para pigilan ito. Bago pa man ako makakilos ay mas naunang nakarating si Aurora sa kinaroroonan ni Lucas kahit na abala rin siyang makipaglaban... at ginawang pananggalang ang kanyang sarili mula sa nagbabadyang atake ng naturang kawal.

Hindi ko maatim tingnan ang espadang kasalukuyang nakatarak sa tagiliran ng matalik kong kaibigan at ang pagsusuka nito ng dugo.

...

"Naku! Wag mo nang problemahin 'yun! Ang importante ay kasama mo na kaming lahat!"

"The best ka talaga Charm!

"Salamat... kaibigan."

...

Biglang bumalik ulit sa'kin ang ilan sa mga masasayang alaala kasama si Aurora kasabay ng pagtulo ng aking mga luha dahil sa nasaksihang sinapit ng matalik kong kaibigan.

"HINDIIIIIIIIII !!!! AURORAAAA!"

Sabay kaming napasigaw ni Lucas habang walang awa namang hinugot ng kalaban ang kanyang espada. Kita mula rito ang dugong tumutulo pa sa dulo ng kanyang espada.

Bago pa siya tuluyang bumagsak sa lupa ay dali-dali naman siyang sinalo ni Lucas na nanginginig at duguan. Nanginginig din ang kamay ng binata habang ginagamit niya ang kanyang mahika para subukang pagalingin ang kaibigan.

"'W-wag kang pumikit... parang awa mo na!" rinig kong pagsusumamo nito. Kita ko namang pilit pang lumalaban si Aurora para mabuhay.

Napakuyom ako ng kamay at marahan kong kinagat ang aking labi hanggang sa magdugo ito. Alam kong magagamot pa ni Lucas si Aurora kung makakalayo sila mula rito.

Kung makakalayo lang sila mula rito...

"HAHAHA! One down, two to go!" tuwang-tuwa namang pahayag ng hari sabay tawa ng mala-demonyo at napapalakpak pa sa kanyang nasaksihan.

Tsk!

Hindi ko na hahayaan pang may masaktan pang muli sa kanila. Alam kong ako ang may kasalanan kung bakit nangyayari ang lahat ng ito... kung bakit nasaktan si Aurora. At masakit isiping andito lang ako pero wala man lang akong magawa para tulungan sila!

"HINDI! BITAWAN MO'KO! PAPAGALINGIN KO PA SIYA! AURORAAAAA!" nanggagalaiting sigaw ni Lucas habang may mga kawal na pilit siyang kinukuha at inilalayo mula kay Aurora.

"ANO BA! BITAWAN NIYO AKO SABI!" Napagawi din ang tingin ko rito kay Elena na pansin kong hawak-hawak na rin pala ng mga kawal na ito.

Hindi...

Hindi ko na kayang tumayo na lang dito at pagmasdan ang kalagayan ng mga kaibigan ko.

"TAMA NA!"

Lahat ng mga naririto'y tila natigilan at napatingin sa direksyon kung saan ako nakatayo.

Wala naman akong inaksayang oras at agad na tumingin sa hari. Kailangan kong magmadaling makaisip ng paraan upang makalayo sila mula rito sapagkat buhay ni Aurora ang nakasalalay. Lahat gagawin ko para sa kanila!

Kahit na ang kapalit no'n ay ang aking buhay...

"Matagal mo na'kong gustong mahuli 'di ba? Pwes handa kong isuko ang sarili ko, ngunit bago iyon ay gusto ko munang pakawalan mo ang mga kaibigan ko, kasama na 'yang si Lance! Habang tumatakas sila.. gusto ko, wala ka dapat gawing anumang bagay na ikakapahamak nila." paasik kong sabi rito sa hari. Kita ko ang agad na pagkurba ng gilid ng kanyang mga labi.

"Bweno... Sige pumapayag ako sa iyong kagustuhan." pagpayag niya naman.

Sa isang utos niya ay pinakawalan ng mga kawal na'to ang mga kaibigan ko. Sa saglit na pagkakawala ay nagtungo agad si Lucas sa kinaroroonan ni Aurora at dali-daling inihiga ang ulo nito sa kanyang mga bisig habang sinusubukan ito muling pagalingin. Inalis na ang tali sa mga kamay ni Lance pati na rin ang takip nito sa bibig tsaka siya dinala sa kinaroroonan ng mga kaibigan ko.

"Elena..." tawag ko kay Elena. Naluluha itong tumingin sa'kin.

"Magteleport na kayo at magpunta sa isang ligtas na lugar malayo mula rito! Bilis!" utos ko sa kanya.

Walang pag-aalinlangan niya naman akong sinunod at tinipon silang lahat para makalayo na sila mula rito.

"Ano'ng ibig sabihin nito! Charm! 'Wag mong gagawin 'to, please! May masama silang balak na gawin sa'yo! Charm, please makinig ka!" Sa kabila ng panghihina niya ay nagulat akong nagawa pa ni Lance na magsalita. Naluluha itong tumingin sa'kin.

"Magmadali na kayong umalis dito! Kaya ko na ang aking sarili." wika ko.

No'ng pansin kong kumpleto na ang teleportation ritual na isinagawa ni Elena ay agad na rin silang unti-unting naglalaho sa'ming harapan. Agad ko namang inilayo ang aking tingin mula sa kanila.

"HINDIIIIII! CHAAAARRMMM!"

Narinig ko pa ang sigaw ni Lance bago na ito tuluyang maglaho kasabay ng pagkawala ng iba ko pang mga kaibigan.

Nang tuluyan na silang nawala ay kita ko namang pinalibutan ako ng mga tauhan ng hari at ang isa'y may hawak pang bakal na posas. Hindi naman ako umangal habang inilalagay niya ang bagay na iyon sa pareho kong kamay.

"Dalhin niyo na 'yan sa loob ng dungeon! Saka ko na poproblemahin ulit ang paghuli sa iba niya pang mga kasamahan." utos ng hari.

Agad naman silang sumunod at kusa naman akong sumama sa kanila habang dinadala nila ako sa loob ng palasyo. Handa kong harapin ang lahat ng mga mangyayari sa'kin dito, basta't alam kong ligtas nang nakalayo ang aking mga kaibigan.

A deal is a deal.

-TO BE CONTINUED-

❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️

Hi! Sana nagustuhan niyo ang chapter na ito. 'Wag kalimutan mag vote at magcomment kung gusto niyo.

Salamat.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top