Chapter 25: Festival Highlights (Part 1)

Witch Hunt
Chapter 25- Festival Highlights (Part 1)

Charm's POV

Pagkabalik namin sa bahay ni lola ay nadatnan namin si Elena na nagha-harvest ng mga pananim nilang carrots pero gamit ang kanyang mahika. Nagulat naman ako sa biglaang paglapit ni lola sa kanyang kinaroroonan.

"Apo... Ilang beses ko nang sinabi sa iyo na mag-iingat ka sa paggamit ng iyong kapangyarihan. Baka may makakita sa'yo." babala niya rito.

"Pasensya na po." nakayuko namang sabi ni Elena.

Mahigit limang taon din ang nakalipas, ganitong-ganito rin sa'kin si lola dati kada makikita niya akong gumagamit ng aking mahika nang hindi nag-iisip.

"Apo naman... baka may makakita sa'yo at baka hulihin ka!"

'Yan ang parati niyang sabi sa'kin no'ng mga panahong 'yon. Yuyuko naman ako at magpapaawa sa harap niya pagkatapos.

Kung tama ang pagkaka-alala ko, kaya nalaman ang tungkol sa totoong pagkatao ko no'ng may tinulungan akong isang bata na pinalilibutan ng mga mababangis na aso. Para itaboy ang mga iyon ay napilitan akong gamitin ang aking mahika no'ng mga oras na 'yon.

Nailigtas ko nga 'yong bata, pero kinalaunan ay sinumbong niya rin ako sa kanyang mga magulang na siyang nagsabi naman sa mga opisyal ng Vavelia ng tungkol sa presensya ko sa village. Buti na lang at konti lang ang nakakaalam ng tungkol sa ugnayan namin ni lola kaya hindi siya kasamang tinugis at dinakip ng mga taga-Vavelia.

"Apo...may problema ba?"

Nabalik naman ako sa realidad nang tawagin ako ni lola, dahilan para mabaling ang atensyon ko sa kanya.

"Wala naman po lola." tugon ko.

"So ayun na nga, may sinasabi ako rito tungkol sa mga usap-usapan ng mga babae kanina no'ng namamasyal tayo sa bayan." sabi naman nitong si Aurora na nakatayo sa gilid ko.

"Ano namang mga usap-usapan 'yon?" tanong ko. Tinaasan niya naman ako ng kilay.

"Seryoso Charm? Hindi mo narinig?" tanong niya pabalik.

Tanging kibit-balikat lang ang naging tugon ko. Hindi naman ako ang tipong mahilig makinig sa usap-usapan ng iba eh.

"Mukhang interesado 'yan ha."

Lumapit na rin sa'min sina Lance, Lucas at Johanne para makinig. Mukhang tapos na sila sa kanilang pinagawa kanina ah.

"Mamayang gabi raw gaganapin ang traditional na bonfire dance sa village na ito bilang pagtatapos ng kapistahan. Sabi nila, kung sino raw ang makakasayaw mo sa gabing ito ay siya rin ang iyong makakatuluyan sa huli." paliwanag ng kasama naming mahilig sa mga tsismis.

P-pero ano raw?!

"Ay tama 'yan! Nagkataon man ito or hindi... pero ang namayapa kong asawa ang naging kapares ko sa tradisyong sayawan na 'yan. " ani ni lola na nakikinig pala sa aming usapan.

Namangha naman kaming lahat. Sayang nga lang at hindi ko na naabutan si lolo Alfonso pero madalas siyang ikwento sa'kin ni lola dati.

"Kung ako sa inyo, pumunta kayo mamaya sa plaza kung sa'n gaganapin ang mga pagtatanghal at ang inaabangang bonfire dance." dagdag pa niya.

"Talagang hindi namin 'yan papalampasin. 'Di ba, Charm?" masigasig namang sabi ni Lance.

Agad akong namula pagkabanggit niya sa pangalan ko. Kaya napayuko na lang ako sabay tango.

...

Buong maghapon tinulungan namin sina lola at Elena sa paghahanda para sa kapistahan. Nang matapos na kami ay do'n ko lang naramdaman ang pagod at napiling umidlip muna sa kwarto.

"Sa wakas... nahuli na rin kita, witch!"

Nagising ulit ako dahil sa nakakagimbal na boses na iyon. Pagkamulat ng aking mga mata'y laking gulat ko naman no'ng matagpuan ko na ang aking sarili na wala na sa bahay ni lola, kundi nasa sa isang pamilyar na kwarto ako kasalukuyan na binabalot ng kadiliman. Parehong nakaposas ang magkabila kong kamay at paa.

Katulad nang sa naunang pangitain ko dati, nasa harapan ko na naman si Haring Tiberius... na ngayo'y mariing nakatingin sa'kin sabay ngisi ng nakakatakot.

"Tandaan mo ito witch, kahit saan ka pa magtago..."

"Mahahanap at mahahanap pa rin kita..."

...

"Charm! Huy Charm gising na! Maghahanda na tayo para sa pupuntahan natin."

Ang nakakagimbal na boses ng hari na tila paulit-ulit kong naririnig sa utak ko lalo na do"n sa huli niyang sinabi ay biglang napalitan ng pamilyar na boses ng kaibigan kong si Aurora. Nagmadali naman akong magmulat ng aking mga mata, at nakahinga ng maluwag no'ng makita ko ang aking sarili na nasa bahay ulit ni lola.

"May problema ba?" natanong niya no'ng napansin niya yata ang aking pagkabalisa.

"Wala naman. Medyo binangungot lang saglit." sabi ko.

"Parang napapadalas na 'yan ah. Gusto mong pag-usapan natin ang tungkol diyan?"  malumanay niyang sabi sabay upo sa kama katabi ko.

"Wala 'to, 'wag kang mag-alala. Sige, tara na't maghanda para mamaya." nasabi ko na lang sabay alis mula sa pagkakaupo sa kama kaya sumunod na rin siya.

"Hintayin mo naman ako!" rinig kong reklamo niya sa may likuran ko.

...

Nang nakapag-ayos na kaming lahat matapos naming magsalu-salo sa munting handaan na pinagtrabahuhan naming lahat kanina ay sabay na kaming nagpaalam kina lola para umalis papuntang plaza. Naiwan sa kanya sina Elena, na hindi interesadong pumunta, at sina Baal at Failur para sa kanilang seguridad at nang maitago rin namin ang aming katauhan bilang deities o witches ika nga ng mga mortal. Sabay-sabay na kaming naglakad papunta sa nasabing lugar.

Magkasama naman kami ni Aurora na naglalakad sa may likuran habang hawak-hawak niya ako sa braso samantalang sina Lance, Johanne at Lucas naman ang nasa unahan namin. Nakasimangot naman kaming nilingon ni Lance pero binelatan lang siya ng siraulo kong kaibigan na mas lalong hinigpitan ang hawak sa braso ko.

Matapos ang ilang segundong paglalakad ay nakarating na rin kami sa pakay naming lugar. Kumpara kaninang umaga, mas dumami pa ang mga taong namamasyal dito na kapwa mga dayo kagaya namin at mga residente ng village na ito.

Nakadagdag pa sa kasiglahan dito ang mga nakasabit na mga makukulay na banderitas at mga nagliliwanag na mga lanterns. Rinig ko naman mula rito ang malakas na tunog ng magkahalong tambol at harp na sa tingin ko'y galing mula sa entablado na nasa sentro ng plaza kung saan nagsisimula na ang pagtatanghal ng mga mananayaw.

Mas pinili na lang naming sumubok ng iba't-ibang palaro nila rito ayon na rin sa suhestyon ni Aurora.

"Nakakabagot manuod ng mga tanghalan. Maglaro na lang tayo!" sabi pa niya no'n. Sumang-ayon naman kaming lahat sa kanya.

Una naming sinubukan 'yung sling gun na palaro at ako ang unang sumubok nito. May ibinigay sa'kin na isang sling gun at limang pirasong bato. Sabi no'ng nagbabantay, kailangan ko raw mapatumba ang mga nakahilerang lata na may iba't-ibang kulay. Bawat lata ay may katumbas na premyo, pero kung sino ang makakapagpatumba ng limang nakahilerang lata ay malayang makakapili sa mga premyong nakadisplay.

At siyempre, dahil wala akong alam dito, wala akong napatumbang lata miski isa.

Pangalawang sumubok ay si Lance. Mas pinalad siya kaysa sa'kin dah nakapatumba siya ng dalawang lata at nakakuha ng mga kendi.

"Haha, 'yan lang ba ang kaya mo? Ang lamya naman." pang-aasar na naman nitong si Lucas. Agad naman siyang sinamaan ng tingin nitong si Lance.

Hay naku, 'yan na naman sila. Magsisimula na naman silang magbangayan.

"Ano'ng sabi mo?! Ikaw nga sumubok dito para malaman natin 'yang galing mo!" asar namang sabi niya.

"Sige ba..." kampante namang sabi no'ng isa.

Humalili na siya ro'n sa kinatatayuan ni Lance kanina at kinuha niya 'yong sling gun at ang limang piraso ng bato mula sa nagbabantay. Matapos ang ilang segundo ay walang kahirap-hirap niyang pinatumba ang limang nakahilerang lata.

"Wow ang galing naman!" pagpuri ni Aurora.

"Nasanay kasi ako sa pangangaso gamit ang pana eh, kaya 'yan sinuwerte." sabi ni Lucas tas napakamot sa kanyang batok.

"Tsk! Pasikat.." pabulong namang saad ni Lance sa kanyang sarili pero narinig ko naman mula rito sa'king kinaroroonan.

Sa lahat ng premyong pwede niyang piliin ay 'yong nag-iisang rosas na nakadisplay ang napili ni Lucas na kunin, na siya namang kinuha no'ng tagabantay at binigay sa kanya.

Pagkakuha niya ng rosas ay agad siyang napatingin sa'king direksyon, at iniabot ang hawak-hawak na bulaklak...

"Para sa'yo." nakangiti niyang sabi.

'Di naman agad ako nakaimik at nakapako lang ang tingin ko sa hawak niyang rosas pero kinalaunan ay tinanggap ko ito.

"S-salamat." nahihiya ko pang sabi matapos itong kunin.

"Awww... ang sweet naman. 'Di ba, Lance?" komento naman nitong si Aurora sabay tingin dito kay Lance.
Hindi naman siya umimik habang ang kaibigan nitong si Johanne na nasa gilid ay pabirong hinahagod ang likod nito.

Tila tumigil ang oras saglit ng bigla kong maalala ulit ang sinabi no'ng manghuhula sa'kin kanina...

"Ikaw ay makakatagpo ng iyong tunay na pag-ibig mula sa isang binatang handang gawin ang lahat para sa iyo."

"Kung sino ang unang lalaking magbibigay ng rosa sa iyo, siya na ang aking tinutukoy sa'king pangitain..."

Muli akong napatingin sa hawak-hawak kong rosas... at sa binatang nagbigay nito sa'kin.

-TO BE CONTINUED-

❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️

Hi! Sana nagustuhan niyo ang chapter na ito. 'Wag kalimutan mag vote at magcomment kung gusto niyo.

Salamat.




Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top